"O, sa'n ka pupunta? Bihis na bihis ka yata?"
Kunot noo na tanong ni Mama sa akin habang nakapameywang pa ito na tumingin sa ulo ko hanggang sa paa. Takang-taka sya kung bakit nakasuot ako ng dress na tinernuhan ko ng flat red shoes at may nakasuklib na black shoulder bag sa balikat ko.
"Sasama ako, Ma." Nakangiting tugon ko. Humarap ako sa salamin dito sa sala at naglagay ng pabango sa katawan ko. Narinig yata ni Ate Yuna ang pagbubunganga ni Mama kaya pumarito na rin sya sa sala at pati sya ay takang-taka sa postura ko.
"Saang bigyanan ka naimbitahan, ha?" Patutsada ng magaling kong ate, nakataas pa ang kilay nito. Imbes na makarinig ako ng magandang komento sa kanila ay mukhang pangbabash mismo.
Napabuga ako ng hangin at inirapan sila. "Pwede bang purihin nyo muna ako bago nyo 'ko ibash?"
Linapitan ako ni Mama at sinuri ako ulit mula ulo hanggang paa. "Anak, san ba ang punta mo? May date ka ba?" Tanong nito.
Ipinasok ko 'yong pabango sa dadalhin kong shoulder bag saka ko kinuha 'yong liptint ko. Bago ako naglagay non sa labi ko ay hinarap ko muna si Mama. Natawa ako saglit bago ko sya sinagot. "Ma, wala akong date, okay? 'Di ba nga sabi mo pupunta tayo ng simbahan ngayon? Edi, eto na nakaraready na ako."
Nagulat silang dalawa ni Ate Yuna sa isinagot ko. Para silang nabuhusan ng malamig na tubig. Alam ko naman na nakakagulat 'tong biglaang pagsama ko sa lakad nila. Syempre, makikita ko doon si Oliver kaya sasama ako sa kanila. Grab the opportunity ika nga ng marami.
"Anak, nilalagnat ka ba?" Idinampi ni Mama 'yong likod ng palad niya sa noo saka sa leeg ko. Napairap ulit ako dahil pinagkamalan niya akong may sakit ngayong sasama ako sa lakad nila.
Sumagot ako. "Ma, wala, grabe naman kayo."
"E, anak, nakakagulat ka naman kasi. Akala ko ba tinatamad ka't ayaw mong sumama?" Depensa ni Mama sa akin.
Abala ako sa paglalagay ng liptint at pangiti-ngiti pa dahil naeexcite ako once makita ko doon si Oli. Magandang pagkakataon ang pagpunta ko sa simbahan para makipagkilala sa kanya. Kahapon kasi ay pahirapan akong magpakilala dahil pinagkakaguluhan sya ng mga kaklase ko't mga taga ibang section. Kung pwede nga lang syang ipagdamot ay ginawa ko na pero naalala ko wala pala akong karapatan para gawin 'yon.
"Naku, nabagok ata 'yang ulo ng anak mo, Ma, tignan mo nga ngumingiti-ngiti pa dyan sa salamin na parang tanga." Tugon ni Ate, napapailing pa ito at inabala rin ang sarili na ayusin ang kanyang buhok.
Sa sinabi ni Ate Yuna ay nakatanggap ako ng medyo may kalakasang batok kay Mama. Napaaray ako sa sakit noon. " Ma naman e." Reklamo ko habang inaayos 'yong buhok ko na bahagyang nagulo.
"Yuzhen Mie, umayos-ayos ka ha? Naku, malilintikan ka sa'kin pagnalaman kong may ginagawa ka na namang kalokohan." Pagbabanta ni Mama, nakaturo ang isang daliri niya sa akin.
Napakamot ako sa ulo ko dahil nasermonan ako ng wala sa oras. "Ma, good girl 'to. Hindi ba pwedeng nagagandahan lang ako sa sarili ko kaya napapangiti ako ng ganito?" Pang-uuto ko sa kanya at natawa ng malakas.
"Ewan ko sa'yong bata ka, ang dami mong alam." Pagsuko ni Mama at tuluyan na nya akong iniwan.
Nagsibihis na silang dalawa ni Ate at habang naghihintay ay nagselfie muna ako. Nagagandahan ako sa sarili ko ngayon kaya dinaig ko pa nagphotoshoot sa dami ng shot ko. At hindi pwedeng 'di ko ito ipost sa f*******:. Kaya naman pumili na ako ng mga picture na ipopost ko at sinigurado kong magaganda mga 'yon. Nag-isip rin ako ng magandang caption, 'yong nakakaattract talaga.
Nagpalit rin ako ng profile picture, nakaonly me lang 'yon, hindi rin naman ganon karami 'yong reactors ko. Naisipan ko ring magdelete ng mga kajejehan sa account ko dahil magsesend ako ng friend request kay Oli. Oo, magsesend ako para naman updated ako lagi sa ganap sa buhay niya. Nong nakapagclearing operation na'ko sa account ko ay kaagad ko ng hinanap 'yung official f*******: account ni Oli saka nagsend ng friend request.
Kinilig ako ng malala pagkakita sa profile picture niya. Nakaitim ito na shirt at ripped jeans. May suot rin syang sumbrero at relo na parehas na itim. Nakakaastig 'yong postura niya. Para syang badboy na nakakaadik titigan. Photogenic rin pala sya at napakafamous niya dahil umabot ng limang libo ang react ng profile niya.
At dahil in-stalk ko na rin siya, tinignan ko na lahat ng meron sa account niya. Pero, hindi sya 'yung tipo ng tao na makalat sa f*******:. Puro mga tagged post lang ang nakadisplay sa account niya. At mukhang hearttrob sya sa dati niyang pinapasukan. Walang kabuhay-buhay 'yong account niya pero bumawi naman siya sa kagwapuhan kaya okay na 'yon.
Ngunit, napapatanong ko kung may girlfriend ba sya o wala. Mas mainam ng malaman ko ito ng maaga para 'di magkaaberya sa huli. Chineck ko lahat sa photos nya pero ni isa wala akong nakita. Hanggang sa nahalungkat ko na ang buong account niya. Single kaya sya o may girlfriend sya pero lowkey lang sila?
"Ano na namang pangalan nyang susunod na mang-uuto sa'yo?" Nabalik ako sa reyalidad dahil sa epal na boses ni Ate. Napaangat ako ng tingin sa kanya't pinagtaasan ito ng kilay.
"Masyado ka kasing pakialamera kaya palaging nauusog e. Isara mo nga 'yang bibig mo, 'te." Singhal ko sa kanya. Tumayo ako para icheck 'yung dadalhin kong bag. Hindi pwedeng mawala 'yong pulbo, liptint, at pabango ko dahil 'yon ang weapon ko para akitin si Oli.
Nakatanggap kami ng malalang sermon kay Mama bago kami gumayak papunta ng simbahan. Isang kanto lang naman 'yong lalakarin bago makarating don. Sakto lang ang dating namin sa simbahan ngunit bago naupo ay nagpaalam muna ako para magbanyo. Hindi naman talaga ako naiihino natatae, gusto ko lang magretouch dahil feel ko nawala 'yung ganda ko sa pagbyahe namin.
Bago lumabas ng banyo ay chineck ko ng maigi ang sarili ko sa salamin. Halos mapunit na ang labi ko kakangiti sa harap nito. Pinanligo ko na rin sa katawan ko 'yong pabango ko para 'di mangamoy. Inayos-ayos ko ng mabuti 'yong bagsak kong buhok. Napansin kong may lagpas 'yong liptint ko sa labi kaya inayos ko ito. Pagkatapos, lumabas na ako nang makuntentong maganda na ako.
At saktong palabas ako ay nakita ko ang taong sinadya ko talaga rito. 'Yung banyo ng simbahan ay nasa gilid ng pintuan ng kumbento. Pakiramdam ko worth it 'yong pangbabash na natanggap ko kina Mama kanina ngayong nakita ko na si Oli.
Kinabahan ako ng malala ng lumingon ito sa gawi ko. Nagtama ang tingin namin pero hindi manlang ito ngumiti. Laking gulat ko ng bigla kong itaas ang kanang kamay ko't ikinaway ito nang mapansing kinakawayan niya ako. Sumenyas pa ito na lapitan ko siya kaya abot hanggang langit ang tuwa ko.
Omg! Nalove at first sight ba sya sa'kin?
At habang palapit sa kanya at unti-unting lumitaw ang nakakabaliw niyang ngiti. Kabado nga ako dahil baka biglang lumuwag ang garter ng panty ko't malaglag 'yon ng wala sa oras. Init na init ang pisngi ko't gusto kong tumalon sa sobrang saya. Parang nagslowmotion ang paligid ko at tanging sya lang 'yong nakikita ko.
Ilang dangkal na lang ang layo ko sa kanya at akma akong makikipagkamay sa nang lagpasan nya ako. Nawala tuloy 'yong malaking ngiti sa labi ko.
"Pre, dalian mo, magsisimula na 'yong misa." Rinig kong tugon niya sa lalaking kalalabas lang din pala ng banyo. Hindi ko napansin na may ibang tao pala sa likod ko at 'yon ang kinakawayan ni Oli kanina.
"Sige pre, susuotin ko lang 'yong sutana ko." Sagot nong kausap niyang lalaki.
Naiwan tuloy akong nganga dahil sa pagiging assumera ko. At doon pumasok sa isip ko na bakit pala ako kakawayan ni Oli kanina kung 'di pa naman niya ako kilala.
Kung makalagpas nga sya sa akin parang hangin lang ako sa paningin niya. Ngumiti nga sya pero hindi naman sa'kin. Ngunit, pinakalma ko ang sarili ko sa nangyari. Normal pa lang muna 'yon dahil 'di pa naman niya ako kilala. Okay lang naging assumera ako kanina, ang importante nalapitan ko sya ng ilang dangkal.
"Ba't ang tagal mo? Magsisimula na ang misa." Pabulong na panenermon ni Mama sa akin. Salubong ang mga kilay nito na tumingin sa akin. Si Ate Yuna naman titig na titig sa harap na animo'y banal na 'di demonyo pagdating sa'kin.
"Nagjebs ako e." Palusot ko na lang.
Nagsimula ang misa na pinangunahan ng bagong pari ng parokya namin na si Father Deo Sarmiento. Kagaya ng pamangkin nito ay may itsura rin siya. May konti silang pagkakahawig kay Oli kung ilalarawan ko pero para sa akin, mas gwapo si Oli.
Bagay na bagay sa kanya 'yong suot nyang puting sutana. Napakafresh nya kung ilalarawan ko kaya hindi sya nakakasawang titigan. Sa kanilang tatlo na sakristan, mas gwapo talaga sya. Buhok pa lang ay talo na ang mga kasama niya.
Hindi maalis ang tingin ko kay Oli habang nagseserve sya sa altar. May dalawa pa syang kasama pero sa kanya lang ako nakatitig. Manghang-mangha ako sa husay niya sa altar, mukhang sanay na sanay na siya sa mga gawain don. Palihim ko nga syang kinukunan ng litrato pero matalas ang paningin ni Mama kaya kaagad niya akong sinisita. Doon ko napansin na nasa harapan pala kami nakapwesto.
Sa sobrang pagkabaliw ko kay Oli, hindi ko na halos narinig ang sermon ni Father mula umpisa hanggang matapos ang misa. Nabalik na lang ako sa reyalidad ng tapikin ako ni Mama para makinig sa mensahe ni Father Deo sa suprise welcome party ng mga kawani ng simbahan.
Nakakaindak na tugtugin rin ang inihandog ng choir para kay Padre. Napasayaw ako habang nakatitig pa rin kay Oli na nakaupo sa kaliwang side ni Father Deo. Talagang hindi sya nakakasawang titigan at ngayon malaya na ako para kunan sya ng litrato.
Akmang pipindutin ko ang screen ng selpon ko nang sakto itong tumingin sa gawi ko kaya nagkunwari akong nagseselfie kahit hindi naman ito nakafront camera. Pinigilan ko ang matawa para hindi nya ako mahalata. Hindi ko nga alam kung malinaw o blurd 'yong mga kuha ko sa kanya.
"At sa puntong ito, nais ko sanang ipakilala sa inyo ang mga masisipag kong mga kasama." Pagtutukoy niya sa tatlong lalaki na kasama nya na kasali na roon si Oli.
Narinig ko ang malakas na hiyawan ng tao sa paligid at doon ko napansin na maraming dalagita na kagaya ko ang dumalo sa welcome party dito sa simbahan. Nakilala ko rin ang mga kaklase ko, minabuti kong magtago para makaiwas sa anumang kantyaw na pwede nilang ibato sa akin.
Sinenyasan ni Padre Deo ang mga kalalakihan na kasama niya upang makipagkilala. Wala na silang suot na sutana kaya lumalabas ang pagiging magandang lalaki nila.
"Hello, ako po si Roddie." Pagpapakilala nong matangkad na medyo payat, kumaway pa ito ng bahagya.
Sumunod na humawak sa mikropono ang medyo pandak nilang kasama, hindi sya gwapo pero kyut naman. "Ako naman po si C-jay." Nagbow ito pagkatapos.
Lumakas ang hiyawan sa paligid ng kunin ni Oli 'yong mikropono upang magpakilala. Napalingon tuloy ang ilang matatanda sa gawing likod kung saan naroon ang ilang kabataan na sinadya talaga si Oli at hindi ang misa. Syempre, nakihiyaw na rin ako dahil si Oli lang naman 'yong ipinunta ko dito. Sinita ako ni Mama dahil nakakahiya raw pero hindi ako nagpatinag.
Napansin ko na nahiya bigla si Oli samantalang natawa si Father Deo at sina Roddie at C-jay. Pati na rin 'yong ilang madre na nasa left side natawa rin.
At sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko kung gaano kagwapo si Oliver kapag tumatawa. Pakiramdan ko malulusaw ako sa kakaibang tawa nya. Rinig na rinig namin dahil nakatapat 'yong mikropono sa bunganga niya nong tumatawa sya. Nakakamatay. Nakakalaglag rin ng panty. Para akong kinuryente sa napakakyut nyang pagtawa.
"Magandang gabi po sa'ting lahat, ako po si Brian Oliver. Nagagalak po 'kong makilala kayo." Magalang na pagpapakilala ni Oli sa aming lahat. Para syang kandidato kung pagkaguluhan sya ng mga tao. Malaartistahin nga daw sabi ni Mama.
Pagkatapos ng konting program ay nagsimula na kaming kumain dahil gumagabi na rin. Nagpacatter pala 'yong mga opisyal ng simbahan para hindi na sila mapagod pa. Gutom naman ako sa pagkakaalam ko pero hindi ko nagawang ubusin 'yong pagkain na nasa plato ko dahil kay Oli.
Titig na titig pa rin ako sa kanya. Saktong nakaharap ako sa table nila, kasalo niya si Father Deo at ilang mga Madre. Nagtatawanan pa nga sila at inaabangan ko bawat segundo 'yong pagtawa ni Oli. Hindi ko tuloy maiwasan na kunan sya ng litrato.
"Hala sige, picture pa." Tugon ni Mama saka ako nakaramdam ng mahinang batok mula sa kanya. Napansin pala niya 'yong ginagawa kong pagkuha ng litrato kay Oli.
"Ma naman e."
"Sus! Kaya pala atat na atat kang sumama at bihis na bihis ka ay dahil pala sa gwapong sakristan na 'yon." Usisa ni Mama at akma nya akong kukurutin sa tagiliran ng mabilis akong umiwas.
Nagpeacesign ako kay Mama at natawa ako ng mahina. "Hindi ko pa nakwekwento sa'yo, Ma, pero alam mo bang classmate ko 'yan." Pagmamayabang ko.
Akala mo naman close kami ni Oliver kung ipagmayabang ko sya kay Mama.
"O, ano naman kung classmate mo na?" Taas-kilay niyang sambit.
"Syempre, need nya ng moral support, Ma." Pang-uuto ko.
Nakatanggap ako ng kurot mula kay Mama kaya napaaray ako. Todo sermon na naman sya. Pinaalala nga niya sa'kin 'yong nangyari 2 weeks ago which is 'yong pag-amin ni Harvey sa akin. Nandiri pa ako sa sinabi niya na dati ay nakikipagtalo pa 'ko. Iba talaga epekto ni Oli sa akin. Kung dati baliw ako kay Harvey, ngayon halos 'di ko na sya maalala.
Mabilis akong nakamoveon dahil kay Oli.
Salubong ang kilay ko ng mapansin na pinagkakaguluhan si Oli sa isang sulok. Mukhang maraming nagpapapicture sa kanya, mapadalaga man o matanda. Dinaig nya pa si Daniel Padilla kung pagkaguluhan nila. At hindi rin nagpahuli ang ate Yuna ko.
Nakapameywang ko syang tinitigan matapos niyang makapagpapicture kay Oli.
"O, ba't ganyan ka makatingin sa'kin?" Taas kilay na tanong ni Ate.
"Ilugar mo 'yang sarili mo, Ate." Singhal ko sa kanya. Gusto ko syang sabunutan pero pinigilan ko ang sarili ko dahil nakakahiya kung gumawa ako ng eskandalo dito.
"Pinagsasasabi mo?"
"Ate, nauna ako kay Oli." Nagpapadyak pa ako sa sahig dahil sa inis.
Naningkit ang mga mata ni Ate na tumingin sa akin. "Ang epal mo. Umupo ka na nga lang dyan at kumain, gutom ka lang." Usal nito. Muli na naman syang humagikgik na animo'y kinikilig habang nakatitig sa selpon niya, for sure yong picture nila ni Oli.
Nainggit naman ako kaya tumakbo ako paroon sa pwesto kung saan nila pinagkakaguluhan si Oli. At sa dami ng taong gustong magpapicture sa kanya, hindi ako napagbigyan dahil nagmamadali na si Mama para umuwi. Galing trabaho si Papa at kailangang may maluto ng pagkain para makapagpahinga sya ng maaga.
Kinakailangan ko pang magmakaawa para pagbigyan ako pero huli na ng pumasok na si Oli sa loob ng kombento. Hindi na ako makakapagpapicture sa kanya. Nakasimangot tuloy akong umuwi at halos isumpa ko sila dahil 'di nila ako pinagbigyan.
Ipinagmamayabang tuloy sa'kin ni Ate Yuna 'yong picture nila ni Oli. Sasabunutan ko sana sya pero wala ako sa mood kaya tumahimik na lang ako. Nahiga na lang ako sa kama at nagscroll sa f*******:. Nadagdagan 'yong inis ko dahil ilan sa mga schoolmates ko ay pare-parehas sila ng day kasama si Oli. Gusto ko silang iblock lahat at ipakulam na rin. Hindi rin nagpatalo si Ate na kilig na kilig hanggang ngayon.
Nagmamayabang rin sana ako ng ganyan kung nakapagpapicture ako kay Oli kanina.
"Yuna, 'yong susi ng motor san mo nilagay?" Pambubulabog ni Kuya Yohan kay Ate na abalang nagprapraktis ng dance craze sa t****k. Adik rin kasi ang isang 'to sa t****k, akala mo naman ikinaganda niya 'yong pagkakaldag nya kung sumasayaw.
"Andyan." Tipid na sagot nito na hindi manlang nag-aksayang titigan si Kuya na nakasilip sa may pintuan.
"Saan?" Tanong ulit ni Kuya dahil 'di nya makita kung saan inilagay ni Ate Yuna 'yong susi ng motor.
"Dyan nga." Naiinis nang sagot ni Ate Yuna.
Narinig ko na lang ang pagmura ni Kuya Yohan dahil sa inis. "Puro ka dyan 'di mo naman sinasabi kung san eksakto mo nilagay 'yong susi. Kaldag ka ng kaldag, batuhin kita dyan e."
Napakamot si Ate Yuna at padabog na lumabas ng kwarto upang sya na mismo ang kumuna nong susi. Narinig ko pa ang pagbabangayan nila na animo'y aso't pusa. Sanay naman na 'ko sa kanilang dalawa.
"Ma, balik lang ako sa simbahan. Kailangan nila 'ko don para magligpit e." Pagpapaalam ni Kuya na narinig ko. Isa sa mga empleyado ng cattering services si Kuya na hinire nina Mama.
Napabalikwas ako ng bangon pagkarinig sa sinabi ni Kuya. Muntik pa nga akong madapa pababa ng hagdanan. Todo madali kasi ako para mahabol si Kuya dahil gusto kong sumama.
"San ka pupunta?" Tanong ni Ate pero hindi ko sya pinansin.
"Kuya, sama ako." Habol na hiningang tugon ko pagkarating sa sala. Natigilan sya sa pagsusuot niya ng jacket sa katawan. Nagkatinginan silang tatlo nina Papa.
"Anak, gabi na. Dumito ka nalang." Sita ni Papa, tinutulungan nya si Mama na ihanda 'yong mga gulay na isasahog sa ulam namin na chopsuey.
Mukhang alam na ni Mama ang dahilan kung bakit nah-aantubili akong sumama kay Kuya Yohan.
"Ay, 'di ba may gagawin kayong project ni Mayyang sa bahay nila?" Nagulat ako sa sinabing 'yon ni Mama at mukhang nakuha ko ang ibig sabihin noon. 'Yong bahay kasi nina Mayyang ay tapat mismo ng simbahan.
Napangiti ako't patakbong napayakap kay Mama. "Thank you, Ma." Bulong ko. Alam niyang 'di ako nakapagpapicture kay Oli kanina at nakabusangot akong umuwi. Pagbibigyan naman dapat nya 'ko kanina kung 'di nya lang inisip 'yong kakainin ni Papa.
"Mag-ingat kayo." Paalala ni Mama at gumayak na kami ni Kuya.
Hindi na 'ko nagsuot ng helmet dahil nasa barangay lang naman kami at hindi na 'yon mandatory. Sumakay na 'ko sa motor namin at hindi na ako makapaghintay na makapagpapicture kay Oli.
"Project ba talaga o kay poging sakristan?" Asar ni Kuya sa akin at natawa pa.
"Paano mo nalaman?" Nahihiyang wika ko. Itatanggi ko sana pero mukhang nabisto na 'ko ni Kuya.
"Sinenyas sa'kin ni Mama saka nakita kita kanina sa simbahan. Ikaw, pumapag-ibig na rin ah."
"Magpapapicture lang ako sa kanya, Kuya." Tugon ko.
"Akong bahala sa'yo."