“Pinunong Walter, iyon na ang tarangkahan ng kabisera ng Augustus,” sigaw ng isang sundalo at nakita na nila ang malaking tarangkahan at apder ng kabisera. Matapos ang ilang oras na paglalakbay ay sa wakas ay narating na nila ang kabisera. Huminto sila sa paglalakad dahil pakiramdam niya ay may kakaiba sa paligid. Mukhang alam na ng mga sundalo ng Augustus ang pagdating nila. Sarado ang tarangkahan ay kahit anong ingay mula sa loob nito ay wala silang marinig.
“Maging handa kayo. Maaaring may binabalak ang mga taga-Augustus,” paalala niya at sumang-ayon ang mga tauhan niya. Kinuha niya ang teleskopyo mula sa kanyang bag at sinilip ang tarangkahan at maging pader. Wala siyang nakitang kahit isang sundalo.
Hindi ba’t dapat may bantay ang mga tarangkahan? Hindi na din nakakagulat kaya mabilis lang naming nakubkob ang ilang teritoryo nila.
“Pinuno!” sigaw ng mga sundalo. Nagulat sila nang biglang may mga lumilipad ng palaso patungo sa kanila.
“Ilabas ang mga kalasag!” sigaw niya at mabilis na kumilos ang buong hukbo. Gamit ang kanilang mga makakapal na kalasag ay nagkubli sila dito upang hindi mapuruhan ng mga palaso. Ngunit may ilang hindi pinalad at natamaan nito. May ibang natamaan sa ulo, sa mata, sa dibdib, at sa balikat.
Kasunod ng mga palaso ay umulan naman ng mga palasong may apoy. Mariin silang nagkubli sa kanilang mga kalasag ngunit ang iba ay hindi pinalad.
Maya-maya ay nakarinig na sila ng sigawan. Nang silipin niya ito ay nakita niya ang pagbukas ng malaking tarangkahan. Nang tuluyang bumukas ang tarangkahan ay nakita niya sa unahan ang isa sa mga mortal niyang kaaway—si Lt. Fabian Leofric.
“Sugod!!” sigaw nito at sumugod na ang mga sundalo ng Augustus.
“Mukhang pinaghandaan nila tayo, pinuno,” sabi sa kanya ng isa sa mga sundalo. Napangiti na lamang niya. Ibinaba niya ang kalasag na hawak at binunot ang kanyang espada.
“Para sa Emperyo ng Chanel! Sugod!” sigaw niya at sumugod na din sila. Sinalubong nila ang hukbo ng Augustus. Ipapakita nila sa mga sundalong ito kung gaano kapangyarihan ang Chanel. Hinding-hinid sila puwedeng umuwi kay Reyna Cateline Amice ng bigo. Kailangan nilang mapagtagumpayang masakop ang buong Augustus.
Palitan ng mga espada, suntok, at sipa ang kanilang ginawa. Nagkagulo na ng tuluyan ang dalawang panig.
“Hinding-hindi niyo makukuha ang Augustus!” sigaw ni Lt. Fabian at nagkagirian ang kanilang mga espada.
“Kakainin mo din ‘yang sinasabi mo, Fabian,” sabi niya. Ipinadulas niya ang kanyang espada at dahil dito ay nagkislapan ang mga ito. Sinipa niya si Lt. Fabian dahilan upang mapaatras ito. Napapailing si Lt. Fabian pero hindi ito sumuko. Muling sumugod si Lt. Fabian pero mabilis niya itong pinigilan. Nagkaroon ng malaking mahiwagang bilog sa paanan nila at nilukob sila ng itim na liwanag.
“Infinitus Inanis,” sabi niya.
Nagulat si Lt. Fabian na bigla na lamang dumilim ang paligid. Biglang kumabog ng malakas ang kanyang dibdib dahil sa biglang pangyayari.
Hindi kaya, mahikero din si Walter?
“Maligayang pagdating sa aking mundo.” Napatingin siya kay Walter na nakalutang sa hangin. Sa totoo lang, hindi na niya alam kung nakapatong pa ba siya sa lupa o hindi. Sa madilim na paligid ay tanging si Walter lang ang maliwanag. Kitang-kita niya ang mga mata nitong kulay abo at nakangiti ito sa kanya.
“Madaya ka! Alam mong hindi ako mahikero!” sigaw niya.
“Pasensya na pero sa giyera, walang patas sa laban,” sabi nito. Itinaas nito ang hawak na espada at parang dinasalan.
“Quicumque est, occidere.” Umusok ang espada nito at bigla na lamang hiniwa ang hangin. Nanlaki ang mga mata niya nang bigla na lamang pumulupot sa leeg niya ang usok na mula dito dahilan upang mahirapan siyang makahinga. Parang sinasakal ng usok ang kanyang leeg. Pahigpit ito ng pahigpit hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.
“Haring Julian, natatalo na tayo. Marami na ang namamatay,” sabi ng isang opsiyal sa kanya. Bumuntong hininga siya. Totoong nauubos na ang bilang ng kanyang mga sundalo. Halos hindi man lang nangalahati ang nababawas sa hukbo ng Chanel.
“Mahal na hari? Ano na ang gagawin natin?”
Inilahad niya ang kanyang palad at may lumabas na mahiwagang bilog.
“Dimissi,” sambit niya at lumabas ang isang bilog na bagay. Lumipad ito patungo sa labas ng balkonahe ng palasyo at unti-unti nitong inilalabas ang halimaw na kinuha niya sa Augustus Dungeon. Samu’t sari ang mga reaksyon ng mga nakakita sa Dragon Beast. Ang iba ay natakot at ang iba naman ay namangha. Nang tuluyan ng makalabas mulas a bilog ang halimaw ay isinuot na niya ang kuwintas na may palawit na pulang kristal at ang tela na naglalaman ng dasal.
“Bestiam solve et stragem et chaos crea. Nemo vivat et omnes comedat.” Yumanig ang paligid at nakita nila na ang mga kadena at tanikalang nakapalibot sa Dragon Beast ay napuputol. Kasunod nitong maputol ay ang lubid na nasa nguso ng dragon. Napaatras sila ng makitang bumukas na ang mga mata nito. Kitang-kita nila ang kulay gintong mga mata nito. Ito ang Dragon Beast. Ang halimaw na minsang umatake sa buong kontinente ng Adamos ilang libong taon na ang nakalilipas.
Hindi mapatid ang pagtawa ni Reyna Cateline nang makitang pinakawalan na ni Haring Julian ang Dragon Beast. Ang wizard na nasa tabi niya ay hindi na din mabura ang ngiti sa mga labi. Mariin nilang pinanunuod ang mga nangyayari sa isang kawa na may lamang tubig. Dito ay kitang-kita nila na pinakawalan na ni Haring Julian ang dragon.
Dito na siya tumayo at lumapit sa kawa. Inilagay niya sa ibabaw ng tubig ang kanyang mga kamay at umusal ng panalangin.
“Hic stultus medicinam suam gustet. Abeat hoc regnum!” sigaw niya. Umilaw ng husto ang tubig at alam niya na ito na ang katapusan ng buong Augustus. Mapapasakamay na niya ang emperyong iyon.
Nagulat ang lahat nang biglang magbuga ng apoy ang Dragon Beast. Ang mga sundalo ng Augustus ang pinupuntirya ng dragon.
“Mahal na Hari! Anong gagawin natin?!” sigaw ng isa at hindi na nakasagot pa si Haring Julian. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya makontrol ang halimaw at patuloy lamang ito sa pagwawala.
Patuloy sa pagbuga ng apoy ang halimaw. Inihahampas nito ang mga tao, bagay, at gusaling madadaanan gamit ang malaking buntot nito.
“Tulong! Tulong!” sigaw ng lalaki na itinali sa isa sa mga estatwa sa plaza. Kitang-kita niya ang pagwawala ng halimaw. Sigaw siya ng sigaw ngunit walang nakakarinig sa kanya. Kung tinulungan lang niya kanina ang lalaking may karitela ay hindi siya aalisin sa pila ng sundalo. Wala na siyang nagawa pa ng maramdaman niya ang init ng apoy na mula sa halimaw na dragon.
Dahil sa pagpapakawala ni Haring Julian sa Dragon Beast ay tuluyang bumagsak ang Emperyo ng Augustus.