“Aperi portam!” iyan ang sabay-sabay na sigaw ng limang mahikero na mamamayan ng Augustus. Lumiwanang ang kanilang mga palad at may lumabas na maliliit na mga mahiwagang bilog. May mga nakasula na sinaunang letra ang mga gilid nito at may mga mahikang animo’y mga bulaklak. Ilang sandali lang ang maliliit na bilog na ito ay lumapad at lumaki at bumukas. Kitang-kita ng mga tao ang lugar na nasa kabilang panig ng mahiwagang bilog.
“Huwag kayong matulakan! Pumila kayo ng maayos at lumikas ng mahinahon!” sigaw ni Hugh habang nagsimula nang lumabas ng kabisera ang mga sibilyan patungo sa mahiwagang bilog na magdadala sa mga ito sa nayon ng Honora—limang kilometro ang layo sa kabisera ng Augustus na kung tawagin ay Severin.
Ang mga mamamayan naman ay isa-isang lumikas. Bata, matanda, babae, o lalaki, at maging mga hayop ay inililikas din. May mga pamilyang mas minabuting magdala ng kanilang pagkain, ang iba naman ay mga kagamitan at salapi ang bitbit.
“Kakasya kaya ang imbak na pagkain para sa mga inililikas natin?” tanong ng isang sundalo kay Hugh. Sa totoo lang, hindi niya din alam. Dahil sa mga nakalipas na pananakop ng Emperyo ng Chanel, nasira ang mga pananim ng mga magsasaka at maging ang ilang pabrika sa paggawa ng pagkain. Ang mga naaning pananim ay noon pang nakaraang buwan at itong buwan ay hindi pa nakakapag-ani.
“Magtiwala na lang tayo na sapat ang suplay ng pagkain,” sabi niya.
“Ano ba?! Bilisan mo ang paglalakad!” Napalingon sila nang makitang medyo nagkakagulo ang isang bahagi ng pila. Nakita nila na hindi maitulak ng isang lalaki ang karitela nito. Maraming bitbit ang lalaki at dahil hindi niya maitulak ay hindi makausad ang pila. Dito na siya lumapit at tinulungan ang lalaki. Ilang beses nilang tinulak at sa wakas ay gumalaw na din ito at nakalusot sa mahiwagang bilog.
“Ang dami-dami kasing dala! Nagkakaroon tuloy ng aberya!” sigaw ng isang lalaki. Tinitigan ito ni Hugh at base sa pananamit nito ay isa itong tindero.
“Kung inirereklamo mo diyan, tinulungan mo siya, hindi sana kanina pa umusad ang pila,” sabi niya.
“Aba, hindi ko trabaho ang tumulong!” sigaw nito at sa inis niya ay hinila niya ito palayo sa pila.
“Hoy! Sandali lang!” sigaw nito pero hindi niya ito pinakinggan. Dinala niya ito sa gitna ng plaza, limang metro ang layo mula sa pilang pinanggalingan nito.
“Walang malasakit sa kapwa mo! Puwes, wala kang karapatang tumawid ng kabisera!” sabi niya at itinali ang lalaki sa isa sa mga estatwang nandoon.
“Pakawalan mo ako! Hoy!” sigaw nito pero tinalikuran na niya ito.
Tahimik na naglalakad si haring Julian at si Lt. Fabian pababa sa isang madilim na dungeon—ito ang tinatawag nilang Augustus Dungeon. Dito sa lugar na ito ay nakapiit ang mapanganib na halimaw na Dragon Beast. Nasa ika-labing apat na palapag pababa ang kinalalagyan ng halimaw.
Pagdating nila doon ay nanlaki ang mga mata ni Lt. Fabian nang makita sa malapitan ang halimaw. Balot ito ng makakapal at kulay gintong kadena. Ang mga paa nito ay may mga nakakabit na tanikala. Maging ang nguso nito ay may nakabalot na kulay gintong lubid.
“Ito ang Dragon Beast,” sabi ni Haring Julian. May taas itong anim na pu’t limang talampakan at may bigat na isang libong libra (pounds). Kahit madilim ay kita ni Lt. Fabian ang makaliskis at makintab nitong pulang balat. Sarado ang mga mata nito at mukhang ilang taon nang nahihimbing.
“Papaano mo kokontrolin ang napakadelikadong halimaw na iyon, mahal na hari?” tanong ni Lt. Fabian. May kinuha mula sa bulsa sa likod ng baluti ang hari at inilabas ang isang kuwintas. May kulay pulang kristal na palawit ang kwintas na ito. Hindi niya alam kung pinaglalaruan ba siya ng kanyang paningin pero sa tingin niya ay parang buhay ang kristal na iyon. Lumiliwanag ang kristal.
“Ang sabi sa akin ng wizard na nagbigay sa akin nito ay banggitin ko lang ang mga katagang ito—” may kunuha muli ang hari at nakita niyang inilabas nito ang isang telang kulay kayumanggi. May mga sinaunang letra na nakasulat dito. Hindi niya gaanong maintindihan ang mga nakasulat. Hindi ganoon kalawak ang kaalaman niya tungkol sa mga mahika. Isa lamang siyang simpleng sundalo ng Augustus.
Pinanuod lamang niya si Haring Julian. Inilahad ni Haring Julian ang kanang palad nito at umusal ng salita.
“Súscipe me secúndum hanc rem.” Lumiwanag ang palad ni Haring Julian at nagkaroon ng isang kulay itim na bilog. Ang bilog na iyon ay lumipad at lumapit sa halimaw at bigla na lamang itong sumabog. Parang isang kumot na binalutan ang Dragon Beast at muling naipon sa kamay ni Haring Julian. Hindi nagtagal ay napaloob sa maliit na bilog ang halimaw na Dragon Beast.
“Tara na. Kailangan nating paghandaan ang pagdating ng mga kalaban,” sabi ng hari at tumango siya.
Nasa pasilyo sila ng kastilyo at papasok na sa silid ng pagpupulong nang marinig nila ang boses ng mahal na prinsesa.
“Ama!” sigaw nito. Tumigil sila sa paglalakad at nilingon ni Haring Julian ang bata. Si Prinsesa Minerva—ang nag-iisang anak ni Haring Julian at ang susunod na tagapagmana ng trono. Labing-tatlong taong gulang palang ang prinsesa at mukhang hindi pa nito lubusang naiintindihan ang problema at kaguluhang kinahaharap ng buong Augustus.
“Minerva.”
“Ama, anong nangyayari? Bakit kailangan naming umalis ni Yaya Mirabel ng palasyo?” tanong nito.
“Anak, kailangan niyp munang lumayo dito dahil delikado. Ayokong mapahamak kayo, lalo na ikaw. Naiintindihan mo ba?” sabi ni Haring Julian. Tumango naman si Prinsesa Minerva at pinakiusapan ni Haring Julian si Yaya Maribel na umalis na ng palasyo. Nang makaalis ang dalawa ay dumeretso na sila sa silid kung saan sila magpupulong sa huling pagkakataon.
“Mahal na reyna, tama ang inyong naisip. Gagamitin ng ani Haring Julian ang Dragon Beast laban sa atin,” sabi ng mahikerong si Crispin. Siya ang nagbigay kay Haring Julian sa Dragon Beast dalawang taon na ang nakalilipas. Iyon ay dahil ipinag-utos ng reyna ngv Emperyo ng Chanel na si Reyna Cateline Amice na ibigay ang halimaw sa Emperyo ng Augustus.
“Tingnan lang natin kung papaano niya makokontrol ang halimaw na iyon,” sagot ng reyna at kasunod nito ang malakas nitong pagtawa.