“Ay lintek! Sino ba itong tawag nang tawag na ito?!” sigaw ni Misis Cesar—ina ni Angelo. Padabog niyang binitawan ang itinutuping damit niya at lumapit kung nasaan ang telepono. Mabigat na kamay ang kumuha sa bagay na iyon at halos pasigaw na niyang sinagot ang tawag. “Sino ba ito?!”
“ito po ba si Mrs. Cesar? Ikaw po ba ang nakalagay sa emergency contact ni Angelo Cesar?” tanong ng isang babae mula sa kabilang linya. Nagtaka ang ginang dahil sa tanong nito. Nagtataka siya bakit may babaeng tumatawag at hinahanap siya.
“Opo. Ako nga po. Bakit po ba?” tanong niya. hindi niya malaman kung bakit bigla na lamang siya kinakabahan. Bigla na lamang nanlamig ang mga kamay niya at kalaunan ay pinagpapawisan na siya kahit hindi naman mainit ang panahon ngayon.
“Naaksidente po ang anak niyo. Naisugod po namin siya dito sa Angelus Memorioal Hospital,” sagot ng babae at saka pinutol ang tawag.
“P-po? H-hello? Kumusta ang anak ko? Hello?” tanong niya pero wala na siyang narinig ng kahit na ano maliban sa dial tone. Hindi na siya nag-aksaya pa ng oras at dali-dali siyang lumabas ng bahay at nagtungo sa ospital na sinabi sa kanya. Ang tanging bitbit niya ay ang kanyang maliit na pitaka at munting dasal na sana ay nasa maayos ang lagay ng kanyang anak.
Pagdating niya sa ospital ay maraming tao. Maraming nurse at doktor ang nasa paligid. Hindi niya alam kung sino ang kakausapin o hahanapin ang anak niya. Sa pagdaan ng isang nurse na may tulak-tulak na isang machine ay sinundan niya ng tingin ito at pumasok sa emergency room. Tila may nagsasabi sa kanya na sundan niya ang nurse na iyon. Pumasok siya sa loob ng emergency room at nakita niyang huminto ang nurse na iyon sa isa sa mga kama.
“Charging 200 joules!” sigaw ng isang doktor. Laking gulat niya ng makilala ang pasyenteng pinapalibutan ngayon ng mga doktor at nurse. Kilalang-kilala niya ang polong suot nito—polong nababalot ngayon ng dugo. Nakita niya ang kamay at binti nito na wala na sa tamang puwesto. May oxygen ng nakakabit sa kanyang anak.
“Angelo!” sigaw niya at nilapitan ang anak pero mabilis siyang hinarangan ng isa sa mga nurse. Hindi siya makapaniwala, duguan at puno ng sugat ang mukha ng kanyang anak. Wala na ang mga sapatos nito at maraming aparato ang nakakabit sa anak niya.
“Angelo! Gumising ka! Angelo!” sigaw niya at tuluyang bumuhos ang kanyang mga luha. Bilang isang ina ay napakasakit na makitang ganito ang dinadanas ng kanyang anak. Kaninang umaga lang ay sinesermonan niya ito dahil sa bagsak nitong exam pero ngayon ay nakikita niyang lumalaban na sa buhay ang anak niya.
“Clear!” Nakita niya ang pag-angat ng dibdib ni Angelo pero nanatiling tuwid ang linya sa monitor na nasa tabi nito. “Again, charging 3oo joules. Clear!” Muling umangat ang dibdib ni Angelo pero nanatiling tuwid ang linya ng heart monitor nito. Nakita niya na tumigil ang doktor at nurse sa kanilang ginagawa. Kaya nagpumiglas siya at nilapitan ang doktor.
“Doc, please iligtas mo ang buhay ng anak ko. Please, doc,” sabi niya at halos lumuhod na siya. Puno ng luha ang kanyangmukha pero wala na siyang pakialam dito. ang gusto niya ay mabuhay pa ang kanyang anak.
“Misis,” tawag sa kanya ng doktor at nakita niya ang pag-iling nito. “Hindi na namin siya kayang i-revive. Nagkaroon siya ng brain injury. Kung makakaligtas man siya ay lantang gulay na lamang siya or worst comatose.”
“Ang mahalaga sa akin ay mabuhay siya, doc. Pakiusap, buhayin mo ang anak ko,” pagmamakaawa niya pero umiling lang ulit ito.
“Time of death, 6:45 PM.”
“Hindi!! Angelo!” sigaw niya. Ang mga taong nasa paligid niya ay binibigyan siya ng mga nakakaawang tingin.
***
“Kung alam ko lang, pinahiram ko na sana siya ng Nintendo,” sabi ng isa niyang anak na si Aries. Hindi mababakasan ng kahit anong luha ang mukha ng bunso niyang anak pero bakas ang lungkot nito sa mga mata. Nagulat ang buong pamilya nila na malamang pumanaw na ang kanilang panganay na anak. Ngayon ay ikatlong gabi na ng burol ni Angelo. Tinitigan niya ang nahihimbing na mukha ni Angelo. Tinakpan na lamang ng makapal na makeup ang mga tahi at sugat nito sa mukha.
“Hindi ko alam na iyon na pala ang huling umagang makikita ko ang kuya mo,” sabi niya at naramdaman niyang niyakap siya ni Aries.
“Mahal.” Lumingon siya at nakita ang kanyang asawa na may hawak na isang itim na journal notebook. Binibigay ito sa kanya at nagtataka siyang tinanggap ito. Binuksan niya at sa unang pahina ay ang pangalan ng kanyang panganay. Binuklat niya ito at halos gumuho ang mundo niya nang basahin niya ang journal ni Angelo.
Dito niya naisip kung gaano sila ka-unfair kay Angelo. Kaya ganoon na lang pala ang tila pagrerebelde nito.
“Nakikiramay po kami,” sabi ng isang babae. Lumingon silang pamilya at nakita ang isang babae na may maikling buhok. Nakasuot ito ng itim at napansin nilang may hawak itong bata na sa edad tatlong taong gulang.
“A-ako po ang nanay ng batang ito. I-iniligtas niya ang anak ko s kapahamakan. Pero hindi ko po inaasahan na kapalit ng buhay ng anak ko ay ang buhay niya. Sorry po dahil sa nagawa ng anak ko.”
Tumayo siya at nilapitan ang ginang at niyakap ito.
“Wala kang kasalanan. Masakit pero desisyon ng anak ko na iligtas ang anak mo. M-mabait ang anak ko pero hindi namin iyon nakita. We took him for granted,” sabi niya sa pagitan ng kanyang paghikbi.
“Sorry po talaga,” sabi ng ginang. Tumingin siya sa bata at lumuhod at niyakap ito.
“Gabayan ka sana ng aking anak. Hindi namin nakita kung gaano siya kabait.”
Tama ang sabi ng lahat, nasa huli ang pagsisisi. Huli na ang lahat nang makita nila kung gaano kalaking kawalan sa kanila si Angelo. Hindi nila akalain na hindi na nila makikitang muli ang kanilang panganay.
“Lord, kung makulit diyan ang naka ko baka puwedeng ibalik mo na lang siya sa akin. Kung matigas ang ulo niya, pakibalik na lang siya sa akin,” sabi niya habang nakatingala sa asul na kalangitan.