“Nasaan ako?” iyon ang unang tanong ni Angelo. Hindi niya alam kung nasaan siya. Hindi nga niya alam kung nakalutang ba siya o may tinatapakang lupa. Masyadong madilim. Hindi din niya alam kung nakadilat ba siya o nakapikit. Kahit katiting na liwanag ay wala siyang makita. Ang huli niyang natatandaan ay lumabas siya ng arcade para umuwi at pagkatapos ay…
“May batang tumawid,” biglang sabi niya sa kanyang sarili. Napahawak siya sa kanyang ulo at nasabunutan ang sarili. Ang natatandaan niya ay lumabas siya ng arcade at naglakad pauwi nang makita niya ang isang batang pinupulot ang laruang bola nito sa gitna ng kalsada. Nakita niya ang humaharurot na sasakyan at walang pagdadalawang isip na tinulak niya ang bata. Naalala niya ang pagtama ng katawan niya sa sasakyan. Napayakap siya sa sarili niya. dinama ang parte ng katawan niya at tiniyak kung kumpleto ito. binilang din niya ang kanyang mga daliri sa kamay kung kumpleto ito.
“Ibig bang sabihin ay namatay ako?” tanong niya sa sarili. “Kung ganoon, ito ang impyerno? Pero hindi ba’t ang impyerno ay may demonyo at may malaking kawali kung saan niluluto ang mga kaluluwa? Sabi sa amin noong religion teacher namin ay mainit sa impyerno pero parang hindi naman. Sh*t! namatay ako! Nailigtas ko ba ang bata? Okay lang kaya ang bata?”
“Nasa maayos na kalagayan ang batang iniligtas mo.”
“Mabuti naman kung—teka! Sino ‘yan?!” sigaw niya nang mapagtantong may boses na sumagot sa kanya. “Sino ‘yan? May tao ba dito?” Sinubukan niyang ihakbang ang kanyang mga paa pero nandoon ang takot niya na baka mahulog siya kawalan.
“Huwag kang matakot,” sabi ng isang boses. Maya-maya ay nakakita siya ng munting liwanag sa hindi kalayuan. Dito niya naisipang sundan ang maliit na liwanag na iyon. Sa una ay kulay puti ito pero habang papalapit siya at nagiging kulay dilaw ito. Maliit lang ito na parang liwanag ng isang alitaptap. Nang makalapit siya ay hinawakan niya ang liwanag na ito. Kasabay ng paghawak niya ay ang tila pagsabog ng iba’t ibang kulay. Bigla na lamang nagkaroon ng usok na pula, kahel, dilaw, luntian, buhaw, indigo, at lila. Pumaikot-ikot sa kanya ang mga usok na ito at biglang lumiwanag ng malakas. Dahil sa silaw ay minabuti niyang yumuko at ipikit ang mga mata. Naramdaman na lang niya na may mainit na hanging yumayakap sa kanya. Mainit pero hindi nakakapaso.
“Huwag kang matakot. Nasa templo kita,” sabi ng isang boses. Idinilat niya ang kanyang mga mata at namangha siya sa kanyang nakita. Para siyang nasa isang malaking hardin. Ngunit imbes na lupa ang tinatapakan niya ay ulap ito. nasa ibabaw siya ng isang ulap.
“I-ito na ba ang langit? Sa langit ako napunta?” tanong niya at pinagmasdan ang paligid.
“Ito ang templo ko,” sabi nito at dito na siya napalingon sa kausap niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang isang anghel. Isang babaeng anghel. Kulay ginto ang mahaba nitong buhok na sumasayaw sa hangin. Pero hindi katulad ng mga sinasabi sa libro, hindi nakasuot ng puting roba ang anghel na ito bagkus isang armor ang suot nito. Kita niya ang malaking pakpak nito at may nakasuot na tiara sa noo nito na kasing kulay ng balutin nito. Imbes na sandalyas ang suot nito sa paa ay isang pares ng boots na umaabot hanggang tuhod nito. Kapansinpansin din ang espada na nasa tagiliran nito.
“Wala ka sa langit. Hindi ka pa maaaring umakyat ng langit dahil may misyon ka pa,” sabi ng anghel sa kanya.
“M-misyon? Ano ‘yun? Ibig sabihin ba na-comatose lang ako tapos pwede pa ulit ako mabuhay? Ska waitlang, sinong anghel ka ba?” sunod-sunod na tanong niya. Ngumiti ang anghel sa kanya. Dito niya nakita ang pag-iba ng kulay ng mga mata nito. Kanina ay kulay asul ang mga mata nito pero nang ngumiti ay naging kulay dilaw. “Para kang Siamese cat, nagbabago ng kulay ang mga mata,” dagdag pa niya at tinaasan lang siya ng kilay ng anghel. Dahil dito ay mula sa pagiging dilaw ay naging kulay berde naman ang mga mata nito.
“Ako ang anghel ng digmaan. Ako si Angelus,” pakilala sa kanya ng anghel.
“Angelus? Wow ang galing! Ako si Angelo!” sabi niya at tumango ang anghel sa kanya.
“Nandito ka dahil sa may misyong ibinigay sa’yo ang mahal na Panginoong Sol.”
“Anong misyon? Totoo pala si God?” sabi niya.
“May isang mundo kung saan nagkakagulo ang lahat. Ilang taon na ang lumipas pero patuloy pa din ang digmaan sa pagitan ng dalawang kaharian. Dahil sa tapang na naipalas mo sa pagsagip sa bata ay ikaw ang napili ng Panginoong Sol na ipadala sa mundong iyon,” paliwanag sa kanya ni Angelus.
Ano? Ako? Student lang ako. Hindi naman ako sundalo. Madalas pa nga akong nagka-cutting. Wala akong alam sa digmaan. Alam klo lang maglaro ng Mobile Legends at Wild Rift. Puwede bang iba na lang ang kunin niyo?” sabi niya at umiling ang anghel. Nagbago ang kulay ng mg anito at mula sa luntian ay naging lila naman ito.
“Ikaw ang napili ng dakilang lumikha. Walang sinuman ang pwedeng bumali sa desisyon niya. At kung pipili man ng iba, paniguradong hindi ka na makakabalik sa mundo mo dahil patay ka na.” May lumapit na isang salamin sa kanila at may ipinapakitang eksena dito. Nanlaki ang mga mata niya ng makita ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina na umiiyak sa tabi ng isang kabaong. Mas lalo siyang nagulat nang makitaang sarili niya sa loob ngbagay na iyon.
“U-umiiyak si Mama. Iniiyakan nila ako,” sabi niya.
“Hindi ka na maaaring makabalik sa mundo mo pero mabibigyan ka ng pagkakataong mabuhay sa ibang mundo. Pero sa mundong iyon ay tutulungan mo angAugustus na mabawi ang kaharian nila at tapusin ang kasakiman ng emperyo ng Channel. Tulungan mo ang mga tao doon.”
“Pero anong magagawa ko? Student lang ako,” sabi niya.
“Huwag kangmag-alala. Hindi kita pa babayaan at mas lalong gagabayan ka ng Panginoong Sol.” Nagbago ang ipinapakita ng salamin at dito niya nakita ang kaguluhan sa isang bayan.
Nakita niya na hinuhuli ng mga sundalo ang mga babaeng nagdadalang-tao at walang awang pinapaslang.
“Ang mga taong iyan ay mamayan ng Augustus at ang mga sundalong mapang-api ay mula sa Emperyo ng Channel. Tulungan mo sila. Tulungan mo silang makalaya sa mananakop na iyan,” sabi ni Angelus at dito na siya tumango.
“Tutulungan ko sila.”