“Marami pala tayo rito,” puna ni Kevin na palaging nakadikit sa ‘kin, malapit ko na itong makapalitan ng mukha.
“Oo nga, ang mahirap pa nito parang hindi nila tayo gusto,” natatawa namang puna ni Paulo na nasa harapan namin.
Narito na kami sa mismong camp training.
Kahit naman hindi ko nasunod si Ninang Julie ay tinutulungan niya pa rin ako sa ‘king magulang. Nakakuha na rin kami ng nurse na mag-aalaga sa magulang ko at madalas naman niya akong i-update. Kung hindi lang malaki ang gastusin siguro’y tig-isa na sila ng nurse dahil naaawa rin naman ako sa personal nurse nila dahil magkaibang kuwarto si nanay at tatay. Naoperahan na rin si nanay, at si tatay ay ngayong araw kaya hindi ganoon kataas ang enerhiya ko.
“Kailangan makapasok tayo sa Top Ten atleast, kahit paano puwede na tayong makakuha ng roles doon. Iyon lang, parang malaking disappointment naman ‘yon kung Top three tayo, tapos wala tayo sa best five,”ani Kevin.
Iyong manguna talaga ang gusto ko, kailangan na kailangan ko ito.
Marami pa ring dumarating dito sa gym kung saan kami nakaupo at nakahanda ang mga gamit namin. Naghihintay kami na dumating ang iba pang kasama rito sa camp training bago kami bigyan ng mga susi sa magiging kuwarto namin. Sa ngayon, ang huling nakita kong pumasok na may numero sa damit ay thirty-four.
Naramdaman kong umusog sa tabi ko si Kevin.
Hindi naman ako naiilang sa kanya dahil hindi lang naman siya ang ganitong kakilala ko.
“Nag-chat sa ‘kin si Manager, sabi niya’y nasa iisang kuwarto raw tayong tatlo dahil tayo iyong napili sa scholarship, galingan daw natin dahil baka ang maging final judge ay ang President.”
Hindi ko alam bakit kapag naririnig ko ang salitang President ngayon ay hindi ako makalma.
“Bakit naman siya pa? Mukhang hindi nasisiyahan ‘yon,” ani Paulo na pabulong lang sa ‘min.
“Para nga na hindi iyon marunong matuwa, kapag nakakasalubong ko ‘yon hindi man lamang tumango kapag binabati,” ani Kevin rin.
Pero nakita ko naman siyang ngumiti nang ilang beses na rin.
“Masyado ring seryoso, mukhang perfectionist,” dugtong pa ni Paulo.
“Mga lalaking Marites kayo?” Natatawang tanong ko.
Mukhang napahiya sila pareho at napatawa na lamang din.
“Madalas naman din sa mga boss ay ganoon dahil mahirap makipag-close.” Hindi ko naman siguro mukhang ipinagtatanggol siya? What I mean is, hindi talaga madaling maging boss at friendly at the same time. The more na strict ang boss ay mas nag-effort ang mga nasa ilalim nito.
Siguro rin ay nakita ko rin kasi ang kanyang kaibahan sa labas? Kahit hindi rin naman ako sigurado. After camp training ay doon na ‘ko titira sa vacation house kasama si Manang Sol at Mang Ime, at iyong sinasabi niyang si Mang Juan na magiging driver ko ay doon na rin titira kasama ang asawa nito at tatlong taong gulang na anak. Mayroong mga bahay na parang kubo sa farm, pero magandang bersyon ng bahay kubo at kahit ako’y gusto ko ring tumira doon.
Lumipas pa ang thirty minutes bago makumpleto ang mga narito para sa camp training. Nakaupo kami sa lapag ng gym habang mayroong naka-all black na babaeng may salamin ang pumunta sa unahan at magsalita. Mayroon siyang hawak na papel at mukhang iyon ang attendance na pinirmahan namin.
“Good morning, dahil kumpleto na kayo at alam kong gusto rin ninyo munang magpahinga ay ibibigay na namin sa inyo ang inyong room number. Pero ang tatlong may scholarship ay magkakasama dahil sila ay nakitaan na ng talent na angat sa lahat.”
Dahil sa sinabi ng babae sa harapan na hindi nagpakilala muna ay nagtinginan at nagbulungan ang iba. Mukhang kami ang mainit sa mga mata nila kaya kinakailangan na hindi ko mapabayaan ang sarili ko.
“Ang layunin naman natin dito sa camp training ay mahasa kayo as a whole, kaya wala kayong talo rito dahil ibibigay namin lahat ng magagawa namin para sa inyong camp training. Pero mas malaki lang ang kasiguraduhan ng mga mapipili dahil mayroon na kaagad silang magiging project. Pero huwag kayong mag-alala, marami tayong judges na kilala sa iba’t ibang larangan at ang iba sa kanila kapag nagustuhan kayo ay paniguradong magiging maganda rin ang pagtatapos ng inyong camp training. Gusto lang namin na maging fair tayong lahat lalo pa at voting ninyo sa isa’t isa ang basehan natin, maging ang mga magiging boto sa labas ng ating mga viewers.”
May ibinulong sa ‘min si Paulo.
“Iyong iba rito sikat na vlogger at maraming followers, lalamang na kaagad sila sa ‘tin na wala pang fan base, kayo ba?”
Umiling ako. “Hindi ako active sa social media.”
“Active ako, marami rin akong followers pero hindi ko naman alam kung magugustuhan pa rin nila ako rito dahil sa pictures ko lang naman sila madalas nagkakagulo,” sagot ni Kevin.
Natawa naman ako. Pero totoo ang sinabi niya dahil friend na nga kami sa dalawang social media account niya at totoong umaabot na sa fifty-thousand ang like niya sa kanyang picture. Ako naman noon pa ay private na, at hindi ko nga ini-accept kahit sino, iyon lamang na kilala ko talaga at mayroon akong naging conversation ng personal. Hindi rin ako active, ibig sabihin ay kaya kong hindi mag post kahit isang buong buwan pa.
“Naging Student Council ka siguro, Aryan?”curious na patanong na sabi ni Kevin.
“Oo, paano mo nalaman?”
“Masyado kang seryoso rin, pero iba ka rin kapag nasa stage, ang galing no’n!” sabi ni Paulo. “Iyong parang tahimik na wala kang pakialam sa gilid, pero kapag umakyat ka sa stage kaya mong maging sobrang friendly at kaya mong dalhin ang conversation sa stage,” dagdag pa nito.
Nangunot ang noo ko at napangiti. “Siguro ay hindi lang talaga ako mausap na tao, pero magiging mausap din ako kapag tumagal-tagal tayong tatlo kaya kailangan nating galingan para madagdagan lang tayo at hindi magkulang.”
Nagsimula na magtawag per room, lima-lima ang mga magkakasama kami lang ang bukod tanging tatlo. Sa palagay ko magbibigay ulit iyon ng mas mainit na kompetisyon sa ‘min laban sa kanilang lahat. Pero sabi ni Manager, marami raw na narito na nakailang camp training na at talagang magagaling na, mayroon naman na pumasok lang sa camp training pero mga paakyat na kaya malaki talaga ang kompetisyon.
Pagkapasok namin sa kuwarto ay nagkanya-kanya na kaming ayos ng mga gamit namin.
Nang matapos ako’y nahiga muna ako dahil may four hours pa bago kami kumain at magkaroon ng first activity. Tinawagan ko ang private nurse ng magulang ko at kinamusta ang kalagayan nila. Natuwa naman ako na maayos ang kalagayan nila pareho. Hindi ko na pinatagal masyado dahil baka gusto niya ring magpahinga.
Napabangon ako at nagtungo sa balkonahe dahil tumatawag si Alejandro.
Kapag lumabas ang iba sa kanilang kuwarto ay magkakasama kami sa balkonahe dahil isang haba lamang ito.
“Nalaman ko lang na nasa kuwarto na kayo kaya tumawag ako.”
“Oo, akala ko ay may out of town ka?”
Hindi ko alam bakit nauwi kami sa pagiging informative sa isa’t isa. Sa pag-aakala ko’y sa kama, at pagsasama lamang sa isang lugar ang magiging komunikasyon namin.
“Paalis pa lang ako, inalam ko lang kung komportable ka ngayon.”
Hindi agad ako nakasagot. “Ah, oo, komportable, maganda ang kuwarto namin at mababait din ang mga una naming nakilala.”
Hindi kaagad siya nakasagot, marahil katulad ko’y nahihirapan din siyang magbukas ng topic.
Nang magsasalita ako’y magsasalita rin siya kaya muli ay natahimik kaming dalawa.
“After camp training, sa ‘kin ka na uuwi.”
Napaawang nang maliit ang bibig ko pero kaagad akong umikom. Nag-iinit ang mukha ko.
“Oo, sige, ito ring mga dala ko sa camp training ang mga dadalhin ko kaya puwede na ‘kong dumiretso.” Pinilit kong huwag manginig ang boses ko.
“Are you sure?”
“Oo, naman, hindi mo rin naman kailangan tanungin pa ‘ko tungkol dito.”
“As much as possible I want you to be comfortable.”
Nararamdaman ko naman iyon, at nagpapasalamat nga ako na hindi niya ‘ko pinupuwersa.
“Salamat, sa mga naging pag-uusap naman natin ay napapalagay na ‘ko. Siguro after camp training ay ready naman na ‘ko, salamat sa pagiging understanding.”
“Siguro naman matatawag mo na ‘ko sa pangalan ko no’n.”
Tumawa ba siya? Guni-guni ko lamang siguro ‘yon.
“Oo, gusto mo ay sabihin ko na ngayon? Ah, after camp training na pala.” Iyong lakas ng loob ko biglang urong naman ng dila ko.
Narinig ko uling tumawa siya at sigurado akong totoo na ‘yong tawa.
Mabuti at wala ako sa harapan niya dahil baka pulang-pula ako sa sobrang kahihiyan.
“Sige na, baka aalis ka na, mag-iingat ka.”
“Parang hindi kita mabitiwan.”
Ano raw? Ano ba itong lalaking ito.
“Importante ‘yon ‘di ba?”
“Oo, pero parang mas importante ka.”
Hindi ako makapagsalita. Ano ba talagang estado ng pagiging Lover ang mamamagitan sa ‘ming dalawa? Hindi ko siya masabayan, nahihiya ako, naguguluhan pero hindi naman ako nagagalit o naiinis, siguro’y magulo lamang ang dating.
Isang taon kaming magsasama, iyon ang pagkakarinig ko sa kanya. Kung tutuusin ay wala naman kaming naging kontrata na pinirmahan kaya puwedeng hindi iyon mangyari. Iyon ay kung mababayaran ko siya, at magagawa ko iyong kung mapagtatagumpayan ko ito dahil ang unang project namin ay malaking halaga ang ibibigay sa ‘min. Sa palagay ko naman, narito iyong sinasabi ni ninang Julie, sa umpisa lang nakakailang, nakakatakot, pero eventually ay masasanay rin ako katulad ng iba.