Chapter 8

2304 Words
Limang milyon, iyon ang ibinigay niya sa ‘kin. Ibinayad ko na rin ang halagang tatlong milyon sa hospital ang dalawa’y para sa magiging gamot nila nanay pagkatapos, at pambayad sa mga naging abono ni ninang Julie. Pinuntahan ako ni Ninang sa bahay nang mag-message ako sa kanya na hindi ako tutuloy sa lakad namin kay Mr. Lopez, at pagpapakilala niya sa ‘kin kay Mr. Martinez. “Anong sinasabi mo? Sinabi ko naman sa ‘yo na hindi tayo puwedeng basta-basta umayaw rito, mga bigating parokyano ko ang mga iyon, Dios Mio naman, Aryan!” “Ninang, babayaran naman na kita may nagpahiram na sa ‘kin.” Pinapanood ko lang siyang magpaikot-ikot habang narito ako sa kahoy na mahabang upuan namin. “Hindi nga iyon ganoon lang, Aryan, nangako ako at nagustuhan ka ni Mr. Lopez, parokyano koi yon at malaki ang magiging pagkasira ko kapag hindi ko siya napagbigyan!” Tumataas ang kanyang boses, halatang problemado siya. “Ito pang si Mr. Martinez, panay ang kulit sa ‘kin kaya naman ipinangako na rin kita, iyong iba madaling gawan ng paraan pero itong dalawa baka mapahamak pa ‘ko dahil sa naging pagtanggi mo.” “Ninang, babayaran ko na lamang iyong perwisyo ko sa ‘yo, tubuan mo na lamang din ako.” “Sabihin mo nga sa ‘kin, sino ang magpapautang sa ‘yo nang milyong halaga? Wala ka pang trabaho, hindi ka pa naman kasikatan, sino ang magtitiwala sa ‘yo nang ganoon kalaking halaga?” Hindi ko magawang sumagot, para akong nakulong sa naging tanong niya. “Sumagot ka sa ‘kin, saan mo nakuha ang pera? Imposibleng may magbigay sa ‘yo niyan o magpautang.” Naupo siya at hinarap ako. “Huwag mong sabihing may ibang katulad ko na nilapitan ka at mas mataas ang offer niya sa ‘yo?” Disgusto ang dating ng kanyang hitsura. “Ninang, wala akong alam sa ganyan kayo lamang ang kakilala ko.” “Saan? Sabihin mo sa ‘kin dahil ninang mo pa rin ako, anong malay ko kung may pinasukan kang sindikato, hindi kaya pinasok moa ng pagbebenta ng masama?” Nang-uusig ang kanyang dating. Siguro kailangan ko ring sabihin. “Ninang, bago may mangyari kay tatay at nanay ay may taong nag-offer sa ‘kin ng malaking pera kapalit ng pakikisama ko sa kanya. Magsasama na kaming dalawa nang tanggapin ko ang pera kaya hindi na ‘ko puwedeng makisama sa kahit na sino. Kaya magbabayad na lang ako sa ‘yo sa mga ginastos mo at ganoon na rin sa perang naibigay nila sa ‘yo in advance.” Nakita ko ang pagkabigla sa kanya. “Paano naman ako maniniwala sa ‘yo? Ako ang guardian mo ngayon na may sakit ang magulang mo, tapos sasabihin mong makikisama ka? Anong malay namin saan ka pupunta? Bakit kailangan mo ring makisama? Paano kung pamilyadong tao iyan, mga ganyang galaw madalas ay pamilyado.” “Pero ganoon rin naman ang ibang parokyano mo, ninang, hindi ba’t mga pamilyado rin sila?” “Pero may kaibahan iyon, panandalian lang iyon, hindi iyon pakikisama! Kung ganoon nga ay pamilyado pa ang napili mo, makikisama ibig sabihin makipag-live in ka? Malaking pera ang ibinigay sa ‘yo kaagad? Ano iyan? Matandang politiko? Mayamang negosyante? Foreigner? Ano?” Nahihirapan akong sagutin siya, hindi ko alam kung dapat ko pa ba talaga iyong sabihin sa kanya. “Hindi ako papayag kung hindi ko malalaman kung sino ang sasamahan mo. Ano na lamang ang mangyayari kung sakaling mawala ka at hindi na matagpuan?” “Ninang, itatanong ko sa kanya pero parang malabong pumayag siya lalo at hindi naman siya pangkaraniwang tao lang.” “Kailangan kong makilala o itutuloy mo na lamang iyong kay Mr. Lopez. Malaking problema na nga iyon, dagdag pang hindi ko alam kung sino iyang lalaking iyan na handang magbigay sa ‘yo nang milyones. Pero kung tutuusin ay mas mabuti pa iyong bawat galaw mo ay bayad kaysa makisama ka.” “Ninang, hindi ko talaga gusto kaya pumayag na ‘ko dito sa iisa dahil hindi ko kayang sikmurain kaya tama na siya, bukod doon alam ninyong pangarap kong maging artista, mas magiging kampante ako na iisa lang ang may alam ng tungkol sa ‘kin.” Hindi siya nakapagsalita. “Kahit pa marami akong makuhang customer sa ‘yo ay hindi iyon magiging milyon kaagad, hindi katulad nito ay binayaran na ‘ko at mababayaran na rin kita. Kahit paano malaking dalahin ang nabawas sa ‘kin dahil dito.” Ipinagpilitan pa rin niya na makilala ang lalaking nagbigay sa ‘kin ng pera. Nananakit ang ulo ko dahil doon parang pabigat na nang pabigat kaya sana’y matapos na itong problema ko. Hindi ko na iniisip kung pamilyado ang President, ang mahalaga ay mailigtas ko muna ang magulang ko. Hindi naman kami magmamahalan, hindi ko naman aagawin sa kanila siya, trabaho lang din ang pakikisama ko sa kanya. Malapit na rin ang camp training pero mas inuuna ko ‘tong final demonstration ko at magiging final examination. Nasa harapan ako ng laptop ko nang maisip kong walang mag-aalaga sa magulang ko kapag nakalabas na sila, kailangan kong magbayad ng mag-aalaga sa kanila. Dahil hindi ako nakahawak noon pa man nang malaking pera’y nanghihinayang ako sa laki ng mga binibitiwang pera ko maliban sa pangangailangan ng magulang ko. Napakabilis ng pera kaya kapag nagkaroon ako ng pagkakataong kumita nang malaki, pag-iipon ang dapat kong unahin. Hindi naman kami nag-uusap ng President sa company na madalas ay message and call lang pero hindi rin naman iyon araw-araw. Mayroon lamang siyang itatanong at saglit na usapan lang. “Hindi ko pa rin alam kung anong nagustuhan niya sa ‘kin.” Itinuloy ko ang paggawa ng presentation. Nag-vibrate ang cellphone ko kaya dinampot ko ‘yon. Message iyon ng President. “Meet me tonight, I’ll show you the place.” Ang sumunod na message ay parking lot sa isang Chinese Restaurant na malapit sa ‘kin. Para sa ‘kin highest priority ko siya dahil bayad niya ‘ko. Hindi ko sinabing may minamadali akong presentation at kailangan kong mag-review, masyado na iyong patience niya na hintayin akong makapag-settle bago sumingil. Sumakay ako ng jeep at nagpababa sa malapit na bookstore at nilakad ko na lamang ang Chinese Restaurant. Kilala ko naman ang sasakyan niya dahil hinatid niya ‘ko no’ng huli dito rin malapit sa bookstore. Kumatok ako at bumukas naman ang sasakyan niya kaya pumasok ako sa loob katabi niya. Nagkatinginan pa kaming dalawa. “Naistorbo ba kita?” Nagsimula na siyang mag-drive. “Hindi, sir, maaga pa rin naman para matulog.” “Kaya nga ngayon na kita pinapunta dahil naalala kong mayroon na kayong seminar para magiging camp training.” Kailangan namin ng seminar dahil mayroong mga live videos na lalabas kaya kinakailangan naming mapanatili ang aming admirable na katangian kung ayaw naming maging usap-usapan lalo pa at masyadong mainit ang social media. “Sinabi ko na sa ‘yo na kung tayo na lamang ay aalisin mo na ang sir.” “Pero nakakailang tawagin ka sa pangalan mo, Mr. President.” Hindi naman siya nagpumilit dahil naging abala siya sa pag-drive. “Iyong nai-message ko sa ‘yo tungkol sa ninang ko, iyong nasabi ko rin sa ‘yo na tumulong sa ‘king bayaran ang bill ni nanay. Pero okay lang naman, alam ko na hindi naman tamang i-expose mo ang sarili mo para lamang sa kanya, siguro’y aarkila na lamang ako nang magpapanggap na ikaw.” “Kung matagal na siya sa ganoong kalakaran, siguro ay marunong na rin siyang kumilatis.” “Hindi bale na, pamilyado ka at malaki rin iyong magiging epekto sa ‘yo nito, lalo pa at lalaki rin ako?” Narinig kong natawa siya at napailing. Guwapo naman siya at talagang atraktibo, marami namang papatol sa kanya bakit kailangan pa niya na magbayad? “Bakit kailangan mong gumastos ng malaki kung madali lang naman sa ‘yong makahanap?” Nilingon niya ako saglit. “Magkaiba iyon, hindi ba? Kung magbabayad ako magiging madali lang sa ‘kin na kumalas, hindi katulad ng may emotional or romantic involvement.” Hindi naman ako offended. Tama naman siya, kung may romantic involvement maaaring magkaroon pa ng ibang demands, or problema. Kompara sa ganitong nagbayad lang siya. Napansin kong tumatagal na kami sa biyahe kaya lumingon ako sa labas. Nasa daanan kami na kapag ibinaba ang tingin ay mayroong dagat at mga bahay na simple sa tabing dagat, may mga Bangka rin at kapansin-pansin ang mga bundok. “Magiging malayo sa ‘yo ang lugar natin, pero ito lang ang magandang lugar na nakuha ko.” “Wala namang problema, basta may biyahe ay mabilis ko naman makakabisado.” “May sasakyan akong ibibigay sa ‘yo.” “Hindi na, tama na iyon, baka hindi ko magawa ang mga inaasahan mo. Kaya ko naman magbiyahe, sanay akong maglakad, at magbiyahe sa tricycle, jeep, bus o train.” “Kailangan kong masiguro ang safety mo, may driver na maghahatid at susundo sa ‘yo.” Hindi ako makatanggi nang tingnan niya ako. “Mas madali iyon, lalo at hindi mo alam kung anong oras ka uuwi madalas.” “Hindi kaya makuwestiyon iyon? Ibig kong sabihin ay alam ni manager at ng ibang staff na hindi ako mayaman, tapos ay may sasakyang maghahatid-sundo sa ‘kin. Baka isipin nilang may sponsor akong tinanggap na sinabi nga nilang huwag naming subukan.” “Kailangan mo iyon, ikaw na ang bahala kung paano mo itatago pero hindi ako papayag na hindi ka ihatid at sundo.” Zigzag pa ang dating ng dinaanan namin. Ilang oras din iyon bago kami nakarating sa isang malaking farm. Pumasok kami sa loob ng malaking gate ng farm nang ibukas iyon ng matandang lalaki. Pataas ang daanan at sa palagay ko ang tatlong palapag na mayroong pang-apat na open area ang magiging tirahan ko. Nakailang lunok ako dahil masyado iyong malaki. Hindi ko lang masyadong makita ang paligid dahil madilim pero mukhang farm siya dahil may nakita akong mga manok na naglalakad. Lumabas siya at lumabas na rin ako. Sinalubong kami ng isang matandang babae na nakangiti. “Mabuti at dumating na kayo, naghanda na ‘ko ng hapunan.” Kumain na pa naman ako kanina. “Manang, si Aryan ang titira rito kasama ko, Aryan si Manang Sol at Manong Ime ang caretaker dito, sila ang makakasama mo. Ang driver mo ay si Mang Juan na wala pa rito dahil driver ko siya sa Manila.” “Magandang gabi po.” Ano kayang iniisip nila? Nakangiti naman siya sa ‘kin at magiliw akong tinanggap hindi ko lang alam kapag kami na lamang dalawa. Nasa hapagkainan na kami nang magtanong ang President. “Kailan ang operasyon ng magulang mo?” “Bukas na sila pareho.” “Seminar mo ‘yon, hindi ba?” “Oo, mahalaga rin iyon, siguro ay maghihintay na lamang ako ng balita.” “Makakapag-concentrate ka ba?” “Siguro, maghihintay lang din naman ako sa labas.” “Bagong artista ba siya, sir?” Nakangiting tanong ni Manang Sol. “Opo, bago po akong trainee, pero hindi ko pa masasabing artista.” Ako na ang sumagot. “Napakaguwapo mo rin, parang ikaw iyong mga napapanood kong koreano sa telebisyon!” Nangiti ako dahil madalas akong mapagkamalang Chinese o Korean. “Wala ka bang ibang lahi?” Umiling ako. “Wala po, siguro iyong mga lolo, lola’y medyo may naligaw.” Natawa siya at sa palagay ko naman hindi naman masama ang kanyang ugali pagtagal. “Dito na kayo magpalipas ng gabi, nakahanda naman na iyong kuwarto.” Tiningnan ako ng President. “Are you okay with that?” May gawain pa ‘ko pero sabi ko nga’y hindi iyon magiging dahilan para tanggihan siya. “Kung makakauwi naman ako ng maaga ay okay lang.” “Mabuti naman, kailan mo dadalhin ang mga gamit mo rito? Kumpleto na lahat dito, kaya mga importante na lamang ang dalhin mo.” Hindi ko alam o tunog excited si Manang Sol. Kapag nalaman kaya niyang lover ako ni Mr. Vasquez ay mangiti pa siya? “Dapat kukuha ako ng unit around Manila, pero naisip kong magiging risky ‘yon sa ‘yo at sa ‘kin. Pero sabihin mo sa ‘kin kung komportable ka rito o hindi.” “Magiging komportable ka rito, marami kang pagkakaabalahan, hindi ka maiinip!” si Manang Sol iyon. Ngumiti na lamang ako sa kanya. “Wala namang problema sa ‘kin, siguro’y mas mabuti ring sa hospital at private nurse muna ang mag-alaga kay mama’t papa para hindi sila maiwanan.” “I’ll send them a good private nurse.” “Hindi na!” Mabilis kong sagot. “Okay na, kaya ko na iyon, huwag mo na silang isipin.” “Maganda rin iyong makakasama nila pag-uwi,” aniya. “Ako na ang bahala, hindi mo na kailangan alalahanin iyon, kaya ko na.” Tiningnan niya ako at nagkibit-balikat. Ayoko nang madagdagan pa ang mga ibinibigay niya lalo at baka hindi rin siya masiyahan sa performance ko, lalo at wala akong karanasan. Bukod din sa pagiging asexual ko, hindi ko rin nararamdaman iyong sinasabi nilang pagnanasa. “You can always rely on me, lalo pa at magsasama tayo.” Nagulat ako at napatingin kay Manang Sol, baka nakuha niya ang ibig nitong sabihin. Pero nakangiti pa rin siya at pinagsasalin kami ng tubig. Binalingan ko si Mr. Vasquez. Sabi nila’y hindi mo naman lubos na makikilala kaagad ang isang tao. Pero nagiging mabait siya sa paningin ko, pero sa palagay ko rin hindi pa ito ang tunay niya, lalo at takot sa kanya ang halos lahat. Ibig sabihin, kailangan kong iwasang magalit siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD