Nang marinig ko palang na nasa hospital sila’y abot-abot na ang takot na nararamdaman ko. Nakasakay na kami ni Ninang Julie sa kanyang tricycle na pinapatakbo ni Badong, ang isa sa kanyang boy.
“Kanina pa kita hinihintay! Sabi nga ni Marcela’y baka nasa training ka,” ani Ninang Julie, si Aling Marcela ay ang mabait na matanda naming kapitbahay na mayroong tindahan.
“Ano po bang nangyari?”
“Iyon na nga, nabunggo raw nitong rumaragasang sasakyan na ang nagmamaneho’y binatang lasing! Ang problema’y walang nakapansin ng plaka niya’t nakaharurot ng takbo!”
Parang ang pandinig ko’y nagsisimula na ring mabingi, nahihirapan akong i-absorb lahat nang naririnig ko. Si Ninang Julie ang kasama ko sa private hospital kung saan nadala ang magulang ko. Ipinagpapasalamat kong tinanggap sila rito kahit hindi ko alam kung paano ako magbabayad.
Parehong nasa kritikal na kondisyon ang magulang ko, kailangan nilang maoperahan pareho. Ang tatay ko ay may butong kailangan na ayusin sa bahagi ng balakang at kinakailangan ding maoperahan sa madaling panahon dahil kung hindi’y maaari iyong magdulot nang malaking pinsala sa katawan nito.
Ang nanay ko naman ay mayroong kailangan na operahan sa bahagi ng ulo.
Nanghihina ako habang kausap ng doctor si Ninang Julie at ako.
Nakaupo lamang ako at hindi halos makapagsalita.
Hindi ko alam saan ako huhugot ng milyong halaga kahit pa yata lumapit ako kung saan-saan ay hindi ko magagawang makagawa ng ganoon kalaking pera.
Hindi ko rin magawang umiyak man lamang para akong lumulutang.
Hindi ko nabantayan ang mga magulang ko dahil hindi pa puwede kaya sumama ako pabalik kay Ninang Julie para makapag-isip kung paano ako hahanap ng pera.
“Kung sana’y nakilala lang natin iyong nakaperwisyo sa magulang mo, baka nabawasan pa itong alalahanin mo sa bayarin. Matutulungan kita, pero hindi rin naman ganoon kalaki, alam mo naman na pumoporsiyento lang ako sa mga alaga ko.”
Pilit akong ngumiti. “Naiintindihan ko, ninang. Wala ka bang trabahong puwede kong pasukin muna? Tutol sila nanay na magtrabaho ako pero wala talaga akong pagpipilian sa ngayon.” Naroon na kami sa labas ng bahay namin.
Tiningnan niya akong maigi, parang may gustong sabihin pero nagpipigil.
“Aryan, walang trabaho ang kayang magbayad sa ‘yo nang malaki sa loob lang ng tatlong araw.”
Nag-iinit na ang mga mata ko, siguro’y ngayon ko nararamdaman ang seryosong pinagdaraanan ko.
“Kung uutang ka naman ay sinong magpapahiram sa ‘yo nang malaki kung wala ka naman na trabaho pa? Saan sila makakakuha ng kasiguraduhan sa ‘yo na makapagbabayad ka?”
“Ninang, baka naman may paraan pa, magbabayad ako. Kailangan ko talaga ng tulong mo, kahit ano talaga ay gagawin ko basta mailigtas ko lang sila nanay.” Hinawakan ko ang palad niya. “Please, ninang, kahit magdalawa o tatlong trabaho ako, basta makahanap lang ako ng pera kaagad. Narinig mo naman po ang sinabi ng doctor na kailangan na kailangan nilang maoperahan lalo si nanay.” Mabibilis ang mga luha kong nagbagsakan.
Hindi ko matatawag na trabaho ang mayroon ako ngayon sa ACE, isa lamang akong scholar at kung mayroon man akong natatanggap ay maliit lang na halaga iyon na ginagamit ko rin sa araw-araw pamasahe at pambili ng pangangailangan ko.
Bumuntong-hininga siya. “Aryan, alam mo naman ang trabaho ko, hindi ba?” Pinagkatitigan niya ako. “Wala akong maibibigay sa ‘yong trabaho maliban sa kaya kitang tulungan sa gusto mo. Pero katulad ng magulang mo ay iyon lang ang trabahong kaya kong ibigay sa ‘yo.”
Napakurap ako dahil sa kanyang sinabi.
Ang trabaho ng magulang ko sa kanya ay magbenta ng katawan.
Tinapik niya ako sa balikat. “Iyon lang talaga ang kaya kong maitulong sa ‘yo na may malaking pera kang kikitain. Madali sa ‘kin ihanap ka ng lalaki o babaeng magkakaroon nang matinding interes sa ‘yo, nitong mga nakaraan ay may politikong humahanap ng lalaking katulad mo na may feminine frame ang hitsura para bayaran. Mabilis kitang maihahanap ng mga kliyente, ang kailangan mo lamang ay lunukin ang pride mo at tiisin sa umpisa pero masasanay ka rin.”
Kahit kailan hindi ko iniisip na gawin ang alok niya.
Hindi ko alam kung bakit niya inaalok sa ‘kin ang pagbebenta ng sarili kong katawan.
Bumabagsak pa ang mga luha ko na tumango dahil sa tingin ko higit sa sarili ko’y mas mahalaga ang mga magulang ko. Ano naman kung kinakailangan ko itong pagbayaran sa loob ng isa o higit pang taon. Kailangan ko silang mailigtas dahil sila ang pinakamahalaga sa ‘kin at pinagsisimulan ng mga pangarap ko.
Napansin kong natuwa si Ninang Julie.
“Huwag kang mag-alala at ihahanap kita ng may malalaking offer, mabilis na lang iyon kahit ngayong gabi ay kung kakayanin mo, bakit hindi?”
Nag-aatubili ako, hindi ko pa magawang i-proseso lahat-lahat.
“Hindi mo naman kailangan magmadali, ilihim mo na lang sa magulang mo. Sa ngayon, sige, pahihiramin muna kita, pero kailangan mo ring ibalik kaagad kaya huwag mong kakalimutan ang usapan natin.”
Tumango ako. “Salamat, ninang.”
“Walang problema, huwag kang mag-alala masasanay ka rin.”
Gusto kong magalit sa narinig ko. Masasanay? Para bang sinasabi niyang hindi lang ito magiging panandaliang trabaho.
“Aalis na ‘ko, kumain ka at kailangan mong hindi magkasakit para sa magulang mo.”
Tumango ako at nagpasalamat sa kanya.
“Iaalok na kita, pagkatapos ng operasyon ng magulang mo ay bibigyan na kita ng schedule.”
Wala akong nagawa kung hindi tumango na lamang kahit labag sa loob ko.
“Wala ka namang girlfriend?”
Umiling ako.
“Mas mabuti, magiging madali na lamang ito sa ‘yo.”
Madali? Sigurado ba siya na sinasabi niya ‘yon? Pero wala na ‘kong pagpipilian. Kahit talaga sa ganoong paraan ay tatanggapin ko mailigtas lang si nanay at tatay.
Pagkapasok ko sa loob ng bahay ay umiyak na ‘ko nang umiyak sa sobrang pag-aalala na baka mawala ang magulang ko. Wala na sa ‘kin ang katawan ko, maging ang magiging pagtingin sa ‘kin ng ibang tao, kapag magulang ko ang nasa ganitong kalagayan ay magagawa ko lahat, huwag lang silang mawala sa ‘kin.
Kinabukasan, pumasok pa rin ako sa training at photoshoot.
Nagsabi ako sa manager namin tungkol sa kailangan ko munang asikasuhin ang magulang ko kaya pinayagan naman niya ako.
Araw-araw ding may balita si ninang Julie sa ‘kin tungkol sa plano niya.
Marami na siyang nailalabas na pera, parang sa bawat araw ay mahina na ang twenty thousand na mailalabas niya.
“Iyon ay mayaman talaga, baka mabigyan ka kaagad ng magandang halaga iyon lang gusto kang makita. Bihira lang ang schedule niya na free kaya gusto niya ngayong gabi ka makita. Pero wala pa naman siyang plano sa ‘yo dadalhin ka lang niya sa bakasyon niya.”
Napalunok ako, nagsimulang gapangan ng takot.
“Sige, ninang, sabihan mo na lamang po ako kung anong oras.”
Hindi ko na nagawang tapusin ang tanghalian na inilibre niya sa ‘kin dito sa kilalang fastfood.
Mukhang excited siya habang nagkukuwento.
“Kung gusto mo’y ipakilala na rin kita sa iba, marami talagang nagkaroon ng interes sa ‘yo simula nang ipakita kita sa kanila. Inalok lang kita sa malalaki magbigay, siyempre’y inaanak kita at nasisiguro ko naman ang halaga ng katulad mo.”
Hindi ko gusto ang usapan, gusto ko na siyang patigilin pero alam kong hindi ako dapat makipagtalo o inisin man lamang siya dahil kung wala siya’y hindi ko magagawang dugtungan ang buhay ng magulang ko.
“Ninang, may plano akong mag-artista kaya hindi ba iyan magiging kasiraan ko pagtagal?”
“Hindi iyan! Mga private person din iyon, ang iba’y pamilyado na kaya hinding-hindi rin nila gugustuhing ilabas iyon. Maikuwento ko lang sa ‘yo na marami ring artista na ganoon ang gawain, kahit hanggang ngayon ay ganoon pa rin, hindi ko na papangalanan pero iyong isa nga sikat na sikat ngayon! Huwag kang mag-alala, iingatan kita.”
Gusto kong matawa doon sa iingatan ako, habang ang kapalit niyon talaga’y sisirain ako.
“Sige na, magkita na lamang tayo ng mga seven, ipasusundo kita kay Gino. Alam mo naman si Badong ay hindi ko maaasahan na itatago ang sikreto natin.”
Tumango naman ako.
“Sige, ninang, salamat.”
“Bumili ka ng magandang susuotin mo para maging presentable ka.” Nag-usog siya sa ‘kin ng pera. Sa hitsura niya’y nagpipigil siya ng excitement.
Kailangan ko itong sikmurain, lalong higit na tanggapin na wala akong hindi gagawin para sa mga magulang ko.
Bago pa ang seven ay sinundo na ‘ko ni Gino.
Sa fire exit niya ako pinadaan dahil nga baka may makakilala sa ‘kin.
Sa isang private room ako hinatid ni Ninang Julie.
“Mr. Lopez, narito na ang inaanak ko.”
Ang may katandaang lalaking maraming makakapal na ginto sa katawan ang napatayo sa pagkakaupo sa couch.
Pilit akong ngumiti. “Good evening, sir.”
Tinapik ako sa likuran ni ninang Julie.
“Ipinakilala ko lang sa iyo, alam mo naman na isa ka sa V.I.P. ko. Pero hindi pa ito puwedeng ilabas at may final examination pang kinakaharap, mahirap na at wala pa itong karanasan.”
“Ako na ang unahin mo sa kanya, maaga pa naman baka puwedeng makakuwentuhan ko siya.”
Naramdaman kong marahan akong itinulak ni Ninang Julie.
“Hindi naman kita matatanggihan, Mr. Lopez, magkakilalanan muna kayo medyo shy type pa ito.”
Pinaupo ako ni Ninang Julie sa tabi ni Mr. Lopez.
Parang may ganito rin akong kalamig na nagbigay sa ‘kin nang ganito katinding kaba.
Tama, iyon iyong akala ko’y aalisin ako sa trabaho ni Mr. Vasquez, iyon pala’y pakakainin lamang ako at aalukin ng malaking halaga. Tumanggi ako at siguradong hinding-hindi ako babagsak sa ganitong klase ng kalakaran pero narito ako ngayon at mukhang hindi na ito matatakasan pa.
“Padadalhan ko kayo ng alak, Mr. Lopez, ikaw na muna ang bahala rito sa ‘king inaanak.”
Naramdaman kong inakbayan na ‘ko ni Mr. Lopez.
Iyong pagtingin sa ‘kin ni Ninang Julie ay tila siya nagsasabing huwag akong gagawa ng hindi maganda.
“Bigyan mo ‘ko nang pinakamahal, lalo pa at mukhang masarap itong kausap.”
Iba ang dating no’n sa ‘kin.
Nang umalis si Ninang Julie ay bumaba ang hawak niya sa ‘king balakang.
Gusto kong alisin iyon at hindi ako komportable pero baka maging rason lang ito para magalit sa ‘kin si Ninang.