Chapter 9
ANGELA
Lumipas ang dalawang linggo na pamamalagi ni Aunte Reta sa bahay. Naghanap ako ng psychiatrist para matingnan siya. Ayon sa doktor matindi ang hirap at trauma ang pinagdaanan niya. May mga gamot na pinapainom sa kaniya ang doktor.
"Aunte Reta, kapag nabo-boring ka rito sa silid mo puwede ka pumunta sa hardin at magpahangin," sabi ko nang dinalhan ko siya ng pagkain sa kaniyang silid.
Simula nang dinala ko siya rito hindi siya lumalabas ng kaniyang silid. Umiling-iling lang siya ng sabihin koi yon sa kaniy. "Dito lang ako dahil baka makita ako ng mga tao. Tapos baka kukunin nila ang anak ko. Nasaan na pala ang anak ko? Ibalik mo siya sa akin," saad niya habang hinahanap ang maliit na robot na sundalo.
Sobrang naawa ako sa kaniya, napapaisip ako kung may pamilya pa ba siya na naghahanap sa kaniya o sadyang pinabayaan siya sa daan at hinayaan na lang.
"Ito po ang anak ninyo, Aunte. Kumain na kayo gusto mo mamasyal tayo sa labas?" alok ko sa kaniya saka inabot ang robot sa kaniya.
"Huwag, huwag kang lumabas, baka kukunin nila tayo? Dito lang kami ng anak ko. Baka papatayin nila kami?" natatakot na naman niyang sagot sa akin at sumiksik sa pader sa gilid ng kaniyang kama.
"Sige, sige, huwag ka na matakot. Kumain ka na pagkatapos maligo tayo. Pagkatapos suklayin natin ang buhok mo. May binili akong mga ipit at bagong shampoo para sa'yo," nakangiti kong sabi sa kaniya.
Binilhan ko siya ng mga ipit saka headband at mga damit sa mall kahapon nang pumunta ako sa bayan, agad naging malapit ang loob ko kay Aunte Reta. Siguro dahil sabik ako sa isang ina o kapatid na babae na aayusan at maging kasama ko sa buhay.
"Wow! Ganda, ganda. Dami njyan, bilhan mo rin ako lotion para hindi mag-dry balat ko. Dati kinis-kinis ng balat ko, pero ngayon ang gaspang na saka maraming kati." Tumingin siya sa mga braso niya at naging malungkot ang mga mata niya sa huli niyang sinabi.
"Huwag ka mag-alala, Aunte. Marami akong dalang lotion galing sa ibang bansa. Basta pagkatapos mo kumain inumin mo ang gamot mo, ha? Para sa ganoon gumaling ka na at mag-shopping tayong dalawa. Ibibili kita ng maraming damit," nakangiti kong sabi kay Aunte Reta.
Tumango-tango siya at nagsimula nang kumain. Pati ang laruan na robot na hawak niya sinusubuan niya. Iniisip niya na anak niya iyon. Hinayaan ko lang siyang kumain nang kumain. May mga prutas din ako na binili para sa kaniya. Isang beses tinanong ko siya kung saan ang anak niya, subalit umiyak lang siya nang umiyak at sinasabi niyang pinatay ang anak niya.
Naiiyak din ako kapag nagsasabi siya na ginahasa raw siya ng maraming tao at pinatay ang kaniyang anak. Paulit-ulit niya rin sinasabi na galit siya sa asawa niya. Marahil minaltrato siya ng asawa niya at siguro naglayas na lang siya.
Iniisip ko rin na baka nakunan siya noon, kaya namatay ang anak niya. Pagkatapos kumain ni Aunte Reta, pinaliguan ko siya. Wala naman kasi akong ginagawa, kaya tinutulungan ko na lang si Manang Biday ng mga gawain dito sa loob ng bahay.
Nang mapaliguan ko si Aunte binihisan ko siya ng bagong damit saka pinatuyo ang mahaba niyang buhok at sinuklay. Namangha ako nang maitali ko ang kaniyang buhok. Para siyang mayaman kung tingnan at kung hindi lang siya magsasalita hindi halata na may deperensya siya sa pag-iisip.
"Ayan ang ganda mo na, Aunte. Kung buhay siguro si Mommy kasing edad mo na rin siguro siya. Tingnan mo ang sarili mo sa salamin, oh!"
Natutuwa kong kinuha ang salamin na nakatayo sa pader saka itinapat sa kaniya. Pinagmasdan niyang mabuti ang kaniyang sarili. May bahid na lungkot sa kaniyang mga mata habang maigi niyang sinisipat ang kaniyang sarili.
Maya-maya pa bigla na lang tumulo ang mga luha niya . "Aunte, huwag ka na umiyak. Sige, ka! Papangit ka na naman niyan," pang-aalo ko sa kaniya.
"Angel, salamat," umiiyak niyang pasasalamat sa akin saka niyakap niya ako.
"Walang ano man, Aunte. Ang mahalaga gumaling ka at magsimula ng bagong buhay kasama ko," wika ko sa kaniya saka kumalas ako ng yakap.
Gusto ko sana siya ipakilala kay Kuya at Daddy, subalit hindi pa siya puwede makakita ng lalake dahil sa trauma na dulot sa kaniya ng mga lalaking gumahasa sa kaniya noon.
"Huwag mo akong iwan, Angel. Natatakot ako mag-isa," malungkot na sabi niya sa akin. Hinaplos ko ang kaniyang pisngi habang nakaupo kami sa kaniyang kama.
"Hindi kita iiwan, Aunte. Nandito lang ako, handang makinig sa ano mang iku-kuwento mo. Alam mo bang wala na rin akong Mommy. Kaya, ikaw na lang ang ituturi kong, Mommy," ang nakangiti kong sabi kay Aunte Reta. Ngumiti siya sa akin at hinaplos ang aking mukha.
Muli humarap siya sa salamin at maiging pinagmasdan ang kaniyang sarili. Ilang sandali pa ang lumipas kumakatok si Manang sa pintuan. Tumayo ako upang buksan si Mang.
"Pinakain ko na si Aunte Reta, Manang. Saka pinaliguan ko na rin siya,” matamis na ngiti kong sabi kay Manang.
"Aba ang ganda naman ng babaeng ito, ah!" papuri ni Manang kay Aunte na malawak na ang kaniyang ngiti sa kaniyang labi.
"Pinaganda ako ni Angel, Bidabida," tawag ni Aunte Reta kay Manang.
Bidabida, ang tawag niya kay Manang at hindi Biday.
"Siya nga pala, Iha. Nariyan pala ang Daddy mo sa gilid ng swimming pool sa labas. Gusto ka raw niya makausap, kaya pinapatawag ka niya sa akin," wika ni Manang Biday sa akin.
"Ha? A-anong ginagawa ni Daddy rito?" nagtataka kong tanong kay Manang.
"Marahil na miss ka rin ng ama mo. Puntahan mo na roon at ako na ang bahala kay Reta," utos ni Manang sa akin.
Tumayo ako at pinuntahan si Daddy sa labas. Nakita ko si Daddy, nakatayo sa gilid ng swimming pool habang nagtatabako.
"Dad, mabuti naman nakapasyal kayo rito," batik o sa kaniya. Yumakap ako sa kaniya at humalik sa kaniyang pisngi.
"Gusto ko lang naman kumustahin ang unica, iha ko. Kumusta na ang farm mo?"
“Ayos naman, Dad. Gusto ko nga sana simulant na ang resort, kaso wala pa rin binibigay na skitch si Kuya sa akin," humahaba ang nguso ko na sumbong kay Daddy.
"Huwag ka mag-alala, Anak. Bigyan mo lang ng kaunting panahon ang Kuya mo. Alam mo naman na ayaw niyang minamadali ang isang bagay na mahalaga sa'yo. Kumusta ka rito? Wala ka bang napapansin na umaaligid dito?"
Nakunot ang noo ko sa tanong ni Daddy sa akin. "Wala naman, Dad. Iilan lang naman ang mga tauhan ko rito. Hali ka ipapasyal kita sa farm ko," yaya ko sa kaniya.
Sumang-ayon naman siya sa sinabi ko. Nagtungo kami ni Daddy sa magiging farm ko na may mga pananim na strawbery saka mga pinya.
"Mabuti nagustuhan mo ang lugar na ito, Anak. Saan mo banda ilalagay ang resort mo?" tanong ni Daddy habang naglalakad kami sa taniman ng mga strawberry.
"Doon banda sa malapit sa tuburan, Dad. At least malapit lang ang source ng tubig. Kaya, gusto ko nga tingnan ni Kuya ang lugar para makita niya ang location. At least may idea siya kung anong skitch ang gagawin niya," sagot ko kay Daddy sabay turo sa lugar na pagpapatayuan ko ng resort.
"Hayaan mo at magkaroon din ng oras ang Kuya mo na bisitahin ka niya rito. Anak, kung puwede huwag ka munang umalis mag-isa sa lugar na ito. Hayaan mo na lang na si Biday ang bumili ng pangangailangan mo rito," bilin ni Daddy sa akin.
Nagtataka ako kung bakit iyon ang sinasabi nila ni Kuya. Parang takot sila na gumala ako.
"Dad, sa bayan lang naman ako nag-iikot minsan. Umuwi nga ako rito sa Pilipinas para mag-injoy at maglibot. Balak ko nga na mamasyal sa Boracay."
Nagbuntonghininga ng malalim si Daddy sa sinabi kong iyon. "Anak, kung gusto mo mamasyal pasamahan kita sa mga tauhan ko. At least hindi ako mag-aalala sa kaligtasan mo. Marami pa naman ngayon ang naiinggit sa akin, lalo na sa negosyo. Kahit ‘di man nila nakilala na ikaw ang anak ko, maigi na 'yong nag-iingat tayo. Ayaw ko gamitin ka nila para pabagsakin ang kabuhayan natin," turan ni Daddy sa akin. "Daddy, ikaw na nga ang may sabi na hindi nila ako kilala na anak mo. Kaya, wala kang dapat na alalahanin. Saka ayaw ko na may bumubuntot sa akin, Dad. Gusto ko mamuhay ng simple lang. Ayaw ko na may mga bodyguard akong kasama," malambing na pakiusap ko sa aking ama.
"Okay, kung iyon ang gusto mo hindi kita pipilitin. Pero, hayaan mo na maglagay ako ng security sa intrance ng lupain na ito. Nang sa ganoon makasigurado ako sa kaligtasan mo," pagpupumilit ni Daddy.
Inilibot ko naman siya sa mga taniman ng pinya. Gusto ko kasi ipakita sa kaniya na hindi masasayang ang lupain na ito na iniregalo niya sa akin.
"Siya nga pala, Dad. Mayroon sana akong sasabihin sa'yo," paninimula kong sabi kay Daddy. Gusto kong ipagtapat sa kaniya ang tungkol kay Aunte Reta.
"Ano 'yon, Anak?" nagtatakang tanong ni Daddy.
"Mayroon po kaming kinupkop ni Manang Biday na babae. Siguro nasa 50 mahigit na ang kaniyang edad. May tra-" hindi na natapos ang sasabihin ko nang magsalita si Daddy.
"Nagpapatuloy ka sa bahay mo ng hindi mo kilala, Angela? Paano kung masamang tao pala iyon? O hindi kaya magnanakaw at nakawan ka? Hindi ka dapat basta-basta kumukupkop ng tao na hindi mo kilala. Alam mong maraming manloloko ngayon!" galit na sabi ni Daddy subalit nag-aalala rin lang naman siya para sa akin.
"Daddy, mabait siya. Kaso may trauma siya sa mga lalake, ayaw niya makakita ng mga lalake. Marahil minaltrato siya ng asawa niya. Hayaan mo na kasi ako makatulong sa iba, Dad. Lalo na sa mga ganiyan na minaltrato ng asawa," wika ko kay Daddy.
"Okay, okay, wala naman akong magagawa sa gusto mo. Manang-mana ka talaga sa Mommy mo na matulungin. Alam mo ba noong nabubuhay ang Mommy mo habang binubuntis ka niya?
Kapag dumadaan kami sa kalye at makakita siya ng homeless na tao hinihintuan namin ng sasakyan iyan, saka bigyan niya ng pagkain o pera. Kaya, pangarap niya noon na magpatayo ng bahay ampunan para sa mga homeless na walang inaasahan kundi ang mangalimos at may mga kapansanan na hindi na nila kaya maghanap buhay."
Sa tuwing kinu-kuwento ni Daddy sa akin ang tungkol kay Mommy, hindi maiiwasan na mapangiti ako. Marahil nakuha ko nga sa Mommy ko ang malambot na puso sa mga mahihirap. Hindi ko na nagawang ipakilala si Daddy kay Ante Reta dahil may tumawag sa kaniya at kailangan niya ng bumalik sa Maynila.
Lumipas pa ang ilang araw abala ako sa pagpupunas ng mga bags ko sa aking silid nang tumawag si Alvira. "Hoy, Friend! Nandito na ako sa Pilipinas. Tara mag-night out tayo!” agad na bungad ng kaibigan ko nang sagutin ko ang tawag niya.
"Sure, na miss ko mag-nigh out. Saan ka ba nakatira ngayon?" tanong ko sa kaniya habang pinagpatuloy ko ang pagpupunas ng mga bags ko na puro may signature.
"Nandito ako sa Maynila. Saan ka ba nang sa ganoon masundo kita," tanong pa nito sa akin.
"Nasa Tagaytay ako, sa bahay na binili ni Daddy para sa akin. Ako na lang ang pupunta riyan. Gusto ko mag-disco tayo," saad ko sa kaniya at tinapos ang ginagawa ko.
"Sige, sige, gusto ko 'yan," natutuwa niyang tugon sa akin.
Pagkatapos namin mag-usap ni Alvira, nag-ayos na ako ng aking sarili saka nagpaalam kay Manang Biday na magkikita kami ng kaibigan ko. Sinabi ko naman sa kaniya na doon ako matutulog sa bahay ng kaibigan ko.
Pumayag naman si Manang Biday dahil wala naman siyang magagawa sa gusto ko. Nagpaalam din ako kay Aunte Reta, na aalis at sila muna ni Manang Biday ang maiwan dito sa bahay. Medyo may improvement na rin ang pag-inom niya ng gamot dahil nakakausap ko na siya ng matino kung minsan.
Alas-dos ng hapon nang nagbyahe ako patungo sa Maynila. Nagkita kami ni Alvira sa Pasay sa paborito niyang restaurant na madalas niyang puntahan kapag pumupunta siya dito sa Pilipinas. Marami pa kaming kuwentuhan bago kami nagtungo sa sikat na bar. Ang Diamond Bar na pagmamay-ari raw ng kanilang pamilya.