Chapter 8
Angela
Saan ka ba galing na bata ka?’’ tanong ni Manang Biday nang makauwi ako sa bahay.
“Namasyal po ako, Manang. Huwag ka mag-alala dumaan ako kina Daddy, saka ligtas naman akong nakauwi rito.” Tumuloy ako sa loob ng bahay at naupo sa sofa. Subalit sermon ang inabot ko kay Manang Biday.
“Alam mo bang pinag-alala mo ako? Sa susunod na umalis ka sabihin mo sa akin kung uuwi ka o hindi para makatulog ako ng maayos. Dilikado ang panahon ngayon, maraming sira ulo na pakalat-kalat sa daan. Paano na lang kung mapaano ka? Ako ang sisisihin ng Kuya at Daddy mo kapag may nangyaring masama sa’yo!’’
Kung makasermon ito sa akin parang nanay ko siya. Inakbayan ko na lamang siya at hinalik-halikan sa kaniyang pisngi.
“Sorry na, Manang. Sa susunod isasama na kita para hindi ka masyado nag-aalala sa akin. Sige, aakyat na muna ako sa kuwarto ko.”
“Hashhh! Itong batang ‘to, oo! Sige na umakyat ka na at magpalit ng damit,’’ buntonghininga niyang utos sa akin.
Umakyat na ako sa itaas at nag-shower. Pagkatapos nagbihis na ako at nagtungo sa malawak na balcony sa tabi ng swimming pool na naroon sa third floor ng bahay.
Umupo ako sa pool bed habang nakatanaw sa malawak na lupain. Tanaw ko rito ang mga taong nagta-trabaho sa lupain na ibinigay ni Daddy. Naglalagay sila ng pataba sa lupa. Hindi kalaunan natanaw ko mula sa itaas ang paglabas ni Manang sa gate. May dala siyang mga prutas at paper bag. Madalas ko siyang nakikita simula nang dumating ako na palaging may dalang pagkain sa labas.
Bumaba ako upang sundan siya upang malaman ko kung saan niya dinadala ang pagkain na iyon. Dali-dali akong bumaba at lumabas sa gate naabutan ko si Manang na lumiko sa malaking puno na medyo pababa ang daan. Pagdating ko sa may puno ng nara nakita ko si Manang na pumasok sa bahay na parang tinagpi-tagpi lang.
Dahan-dahan akong nagtungo roon. Pagdating ko roon sumilip ako sa maliit na butas. Nakita ko na pinapakain ni Manang ang isang babae na nakaupo sa higaan nito na ang sapin ay karton lang.
Pumasok ako sa pintuan at tinanong si Manang. “Manang, sino ang ang babaeng iyan?’’
Nagulat si Manang sa bigla kong pagsulpot. “A-Angela, anong ginagawa mo rito?’’ balik niyang tanong sa akin.
“Manang, hindi na mahalaga kung ano ang ginagawa ko rito. Ang tanong ko ang sagutin mo.” Napasandal ako sa may pintuan at pinaikis ang aking mga braso sa aking dibdib.
“Iha, natagpuan ko lang siya sa daan na palakad-lakad. Naawa naman ako kaya kinupkop ko na lang siya. Palagi siyang tulala at palagi na lang siya pinagti-tripan ng mga adik sa kalye,’’ sagot ni Manang sa akin.
Nakaramdam ako ng awa sa ali. Siguro kasing edad rin ito ni Manang. Nakatulala lang siya habang tumitingin sa pagkain at sumisinyas kay Manang na subuan siya. Parang wala ito sa kaniyang katinuan.
“Ano ang pangalan niya, Manang?” tanong ko kay Manang Biday.
“Ang pangalan niya raw Reta, minsan nakakausap ko naman siya ng matino. Pero may time na umiiyak siya at parang wala sa sarili,” sagot ni Manang sa tanong ko.
“Eh, bakit dito mo siya dinala? Dapat sa bahay mo na lang siya dinala o sa DSWD, nang sa ganoon magamot siya,’’ ang wika ko kay Manang.
“Dinala ko na siya noon sa pagamutan. Subalit tumakas lang siya, kaya dinala ko na lang siya rito noong namasukan ako sa ama mo bilang kasama mo sa bahay.’’ sagot ni Manang sa akin.
“Eh, sana sa bahay mo na lang siya dinala. Marami naman ang silid doon sa bahay. Saka puwede natin siya ipatingin kay Kuya,’’ suhestiyon ko kay Manang.
“Ayaw niya makakita ng mga lalake, Iha. Minsan nang makita niya ang Daddy mo sa malayo noong ipakilala ko sana siya sa Daddy mo, subalit natakot siya at nagwala. Kaya, simula noon hindi ko na lang siya pinapalabas dito.”
Sobrang nahabag ako sa babae sa sinabi ni Manang. Marahil ganoon talaga ang kahinaan ko ang madali maawa sa kapwa ko. Lalo na sa ganitong ayos ng babae Siguro matinding hirap ang naranasan niya, kaya ganito ang sitwasyon niya.
“Kung ganoon may trauma siya sa mga lalake? Kawawa naman siya, Manang puwede bang iuwi na lang natin siya sa bahay para sa ganoon mabantayan mo siya roon ng maayos,” sabi ko saka lumapit sa babae.
“Paano kung malaman ng Daddy mo na may ibang tao na pinatira ka sa bahay mo?” nag-aalalang tanong ni Manang sa akin.
“Hindi naman natin ipaalam sa kaniya na may ibang tao na nakatira sa bahay,” pangungumbinsi ko kay Manang. Nakangiti akong tumingin sa Ali.
“Hi, ako nga pala si Angela. Gusto mo roon ka na lang sa bahay tumira?’’ tanong ko sa kaniya.
Tumingin siya sa akin at pinagmamasdan ang mukha ko. Nanginginig niyang hinawakan ang aking mukha at parang kinikilatis niya ako.
“A-Angel? Ganda, ganda, mo,’’ nakangiti niyang sabi sa akin, subalit itinapat niya ang kaniyang hintututro sa kaniyang labi. “Shhh… Huwag ka ingay baka kunin ka nila. Magtago ka bilis! Magtago tayo baka pagsamantalahan ka nila,’’ natatakot niyang wika sa akin.
Kinuha niya ang kaniyang kumot at doon nagtago. Parang may kinakatakutan siya marahil napagsamantalahan siya at nagkaroon ng trauma.
Hinaplos ko ang kaniyang ulo at likod. “Huwag ka mag-alala, Aunte. Walang mananakit sa’yo rito. Doon ka na sa bahay tumira at safe ka roon,’’ pangungumbinsi ko sa kaniya.
Tinanggal niya ang kumot na itinalukbong niya sa kaniyang ulo at katawan.
“A-a-ayaw ko ng lalake, masasama sila. H-huwag ka lumapit sa kanila baka pagsamantalahan ka nila,’’ nakakaawa niyang sabi sa akin.
Hinaplos ko ang kaniyang pisngi. Maganda siya, maputi at malinis naman siya. “Huwag ka mag-alala, walang puwedeng manakit sa atin doon sa bahay ko. Saka walang lalake roon.”
Tumang-tango lang siya at tumahimik. Lumingon ako kay Manang Biday, na nakatayo lang habang tinitingnan kami.
“Manang, iuwi na natin siya. Huwag na lang natin muna sabihin kay Kuya at Daddy, na mayroon akong bisita sa bahay na pinatira,’’ saad ko kay Manang Biday.
“Sigurado ka ba, Iha? Mabait naman siya, kaya lang kapag nakakita siya ng lalake natatakot siya at nagwawala,’’ paniniguradong tanong ni Manang sa akin.
“Kung ganoon, kukuha na lang ako ng doktor na babae na puwedeng tumingin sa kaniya sa bahay. Baka may masamang nangyari sa kaniya noon, kaya siya natatakot sa mga lalake,’’ ang saad ko kay Manang.
“Iyon na nga ang iniisip ko noon. Naawa ako sa kaniya noong nadaanan ko siya palagi sa daan, kaya dinala ko na lang siya at kinupkop. Saka siguro pinagsasamantalahan din siya ng mga lasing sa kalye, kaya ganiyan siya,’’ pahayag ni Manang sa akin.
Nakumbinsi namin si Aunte Reta na tumira sa bahay. Sa isang silid roon namin siya dinala at iyon na ang magiging silid niya bandang kusina para madali lang siya mabantayan ni Manang.
“Aunte, ano po baa ng nangyari sa inyo? Saka saan ang pamilya mo?” mahinahon kong tanong sa kaniya nang maiwan kaming dalawa sa kaniyang magiging silid. Si Manang lumabas para ipagpatuloy ang mga naudlot niyang gawain.
“A-Angela, ganda, ganda mo. Huwag ka aalis mag-isa dahil marami masamang tao. H-huwag ka lumabas dito baka makita ka nila at pagsamantalahan,’’ sabi pa nito sa akin na parang may kinakatakutan. “H-hindi ako lalabas dito, ha? D-dito lang ako baka kasi kukunin nila ako at pansamantalahan,’’ natatakot niyang sabi sa akin.
“Huwag ka mag-alala, Aute. Ako ang Angel ng buhay mo, kaya walang puwedeng manakit sa’yo rito. Kumain ka lang diyan, ha? Pagkatapos maligo ka riyan sa banyo mo. Tingnan mo, oh! Mayroon kang sariling banyo rito,’’ nakangiti kong sabi sa kaniya. Ang silid kasi na iyon ay mayroon sariling banyo.
“K-kinuha nila ang baby boy ko. Dala nila siya baka papatayin nila siya,’’ malungkot niyang sabi sa akin na parang iiyak.
“Shhh… Huwag ka mag-alala dahil hahanapin natin ang baby boy mo at kukunin natin sa kanila,’’ pag-aalo ko na lamang sa kaniya. Paulit-ulit ang kaniyang sinasabi na kinuha ang kaniyang baby boy at paulit-ulit niyang sinasabi na baka pinatay ang kaniyang anak.
Niyakap ko na lamang siya at pinaklama. Para siyang bata kung magsalita. Hindi ko alam subalit sobrang naawa ako sa kalagayan niya.
“Huwag ka mag-alala dahil safe ka rito,” pag-aalo ko sa kaniya habang hinihimas ang kaniyang likuran.
Mga ilang minuto pa nagsabi siya na gusto niya matulog, kaya hinayaan ko siya humiga sa kama. Saglit ko pa siyang tiningnan sa mukha bago ako lumabas sa kaniyang silid. Ganito na lang siguro ang nararamdaman ko at gustong tulungan siya dahil lumaki ako na walang ina. Si Tita Myrna lang ang kasama ko sa Amerika noong bata pa ako. Subalit simula noong college na si Kuya nagsarili na kami ng bahay sa Amerika. Kaya, mas lalo akong nanabik na magkaroon ng ina.
Maliit pa lang kasi ako noong namatay si Mommy. Hindi ko na nga halos matandaan ang mukha niya. Nagtungo na lamang ako sa farm. Abala ang mga tao sa paglalagay ng pataba sa lupa, malapit na rin sila magtanim. Tinuruan ko na rin sila ng dapat nilang gagawin. Habang nakaupo ako sa ugat ng punong acacia tumunog ang cellphone ko.
Nang tiningnan ko kung sino ang tumatawag napataas ako ng aking kilay. Nagbuntonghininga ako ng malalim bago ko sinagot ang tawag ni Kuya.
“Bakit napatawag ka, Kuya?” mataray kong tanong sa kaniya sa kabilang linya.
“Saan ka ngayon?’’ seryoso niyang tanong sa akin.
“Huwag na huwag kang umalis sa bahay mo at kung puwede huwag ka munang pumunta rito sa Maynila. Padadalhan kita ng body guard diyan sa bahay mo,” seryosong boses na sabi ni Kuya sa akin.
“Hay, nako! Huwag na kuya at ayaw ko na may mga security dito sa bahay. Hindi ko naman kailangan ng security dito. Kaya ko na ang sarili ko at ayaw ko na may nagbubuntot sa akin. Kaya nga hindi ako nagbo-boyfriend dahil ayaw ko na may sunod nang sunod sa akin kapag namamasyal ako. Ayaw kong bawat kilos ko may nagbabantay na lang sa akin. Nasa tamang edad na ako, Kuya!’’ maktol at tanggi ko kay Kuya Lander.
“Maigi na ‘yong nag-iingat tayo. Tulad niyan kung saan-saan ka pumupunta na hindi namin alam,” sermon nito sa akin. Napatirikn na lamang ang mata ko at umismid.
“Kuya hindi na ako bata. Uso pa ba ang kidnap for ransom dito sa Pilipinas? Kung ipagpipilitan niyo na dalhan ako rito ng security, mapipilitan din akong lumayas. Daig mo pa si Daddy kung makaprotekta sa akin. Wala naman sigurong mangahas na kumidnap sa akin,’’ mataray na sabi ko sa kaniya.
“Hindi mo kasi naiintindihan ang sitwasyon! Wala ka kasing alam kundi ang kumuha ng larawan sa paligid mo, pero hindi ka marunong mamatyag! Iniingatan ka lang namin dahil alam mo naman na may mga kalaban si Daddy na hindi natin alam na baka naghihintay lang ng pagkakataon.” Napakamot na lamang ako ng aking ulo sa sinabing iyon ni Kuya. Alam ko na maraming naiinggit kay Daddy dahil magaling siya sa negosyo.
“Hindi naman siguro nila alam na anak ako ni Lucio Diez. Saka wala naman tayong ginagawang masama,’’ naiiinis kong wika kay Kuya.
Ang sabi ni Kuya noon pinatay ng kalaban si Mommy. Kalaban ni Daddy sa mga negosyo niya. Eh, lalo pang lumalago ang negosyo ni Daddy ngayon lalo na ang White Voltuces Racing Club niya na pinapatakbo mula pa noon.
“Huwag na matigas ang ulo mo, Angela. Magpapadala ako ng ilang security riyan sa bahay mo!” madiin na wika ni Kuya.
“Sige, subukan mo lang talaga, Kuya! Lalayasan ko talaga kayo at hindi na ako magpapakita sa inyo ni Daddy,’’ hamon kong sabi kay Kuya.
Narinig ko ang malalim niyang buntong hininga sa kabilang linya.
“Ang tigas talaga ng ulo mo! Palibhasa kasi nasasanay ka na nakukuha lahat ng gusto mo! Mali yata na pinalaki kita na ibinibigay lahat ng gusto mo! Sige, hindi na kita padadalhan ng security riyan. Basta siguraduhin mo na huwag ka muna pumunta sa kahit saan. Manatili ka muna riyan sa bahay mo, maliwanag?’’ madiin pa nitong sabi sa akin.
“Oo, na! Hindi naman talaga ako makakaalis dahil nagpapatanim ako ng prutas dito sa farm ko,’’ masungit kong sagot kay Kuya.
Naiinis kasi ako dahil ginagawa niya pa rin akong bata. Sabi ko naman na kaya ko na ang sarili ko at pareho lang din naman kami na may sariling career.
“Bahala ka nga sa buhay mo! Ang maldita mo talaga, hintayin mo makatagpo ka ng katapat mong maldita ka!’’ masungit na sabi ni Kuya at pinatayan na niya ako ng cellphone.
Kibit-balikat na lamang ako na tumayo sa kinauupuan ko at nag-ikot sa lupain na ibinigay ni Daddy sa akin. Bahala rin siya sa buhay niya. Bakit kasi ayaw niya pa mag-asawa para mabawasan ang kasungitan niya at pagka-strikto sa akin.