Chapter 6 -Higanteng Tutubi-

1540 Words
────⊱⁜⊰──── Pagkatapos nilang maghapunan ay nagtipon-tipon sila sa harapan ng kubo. Pinag-usapan nila ang mga gagawin nila kinabukasan kung paano nila tutulungan si Julian na makaakyat ng bundok. Si Nimfa naman ay nakatingin lamang sa kanila habang nakaupo ito sa mahabang upuan na yari sa kawayan. Tinignan ni Hugo ang dalaga at nilapitan niya ito. Hindi naman natakot sa kanya si Nimfa at nginitian pa nga niya si Hugo kaya napakunot ang noo ni Julian ng makita ang ngiti sa labi ng dalaga. "Tang-na! Kapag ako ang lumalapit sa kanya, kulang na lang ay saksakin ako o kaya naman ay tagain ng malaking itak, pero ikaw, nginitian ka pa niya." inis na ani ni Julian kaya napatingin sa kanya si Nimfa at binelatan pa siya ng dalaga. "Baka naman tinatakot mo," wika ni Josh sa kanya. "Tinatakot? Nakita mo ba kung paano niya palipitin ang leeg ng manok kanina? Sa tingin mo marunong matakot ang isang 'yan? Alam ba ninyo na nanghuhuli pa 'yan ng buwaya, siyang mag-isa lang at kinatay pa niya. Sa tingin ninyo marunong matakot ang katulad niya?" ani ni Julian. "Buwaya?" gulat na ani ni Marcus at mabilis na itinaas ang mga paa at lumingon sa paligid kaya malakas na tawanan ang maririnig maliban lamang kay Julian. "Pwede ba kitang tanungin?" ani ni Hugo kay Nimfa kaya tumango naman sa kanya ang dalaga. Nakikinig lamang ang mga magkakaibigan at hinihintay kung ano ang itatanong ni Hugo kay Nimfa. "Nakakita ka na ba ng helicopter?" tanong ni Hugo sa dalaga. Kumunot naman ang noo ng dalaga at naningkit ang mga mata nito dahil hindi niya nauunawaan ang salitang ginamit ni Hugo. Hindi sumasagot si Nimfa at napatingin lamang ito sa kanyang mga magulang sabay nguso nito at umiling. Hindi niya nauunawaan ang tinatanong sa kanya ni Hugo kaya tanging pag-iling na lamang ang naisagot niya dito. "Bukas sa helicopter ka sasakay, baka kasi matakot ka kaya ngayon pa lang sinasabi ko na sa iyo," ani ni Hugo. Tumingin muli si Nimfa sa mga kinikilala niyang mga magulang at ngumiti lamang ito ng tipid. Nakakaramdam ng awa si Hugo sa kalagayan ng dalaga dahil wala itong nalalaman na kahit na ano. "Ano ba 'yang hawak mo?" tanong ni Hugo ng mapansin niya ang bagay na hawak ng dalaga. "Bola, ginawa ng tatay ko," wika nito. Maliit na bilog lamang ito na kasing laki ng lansones na gawa sa isang kahoy. "Patingin nga," ani ni Julian. Tumayo ito upang lapitan si Nimfa ngunit ibinato ni Nimfa sa mukha ni Julian ang bolang yari sa kahoy na tumama naman sa noo ng binata. "Huwag ka sabing lalapit sa akin! Sumpa ka!" malakas na sigaw ni Nimfa kay Julian habang sapo naman ng binata ang noo nito. "Fuuuuuck! That's fuckìng hurt!" malakas na ani ni Julian. "Nimfa! Tigilan mo si Julian," galit na ani ni Mang Delfin kay Nimfa ngunit inirapan lamang sila ng dalaga. Nanlaki naman ang mga mata ng mga kaibigan ni Julian dahil sa ginawa ni Nimfa sa kanya. Si Marcus naman ay malakas lamang tumatawa dahil sa ginawa ng dalaga sa kaibigan niya. "Nagkabukol yata ako," wika ni Julian habang hawak nito ang kanyang noo. "Pasensya na kayo sa anak namin. Naninibago lang 'yan kaya ganyan ang inaakto niya. Huwag kayong mag-alala at ako na ang kakausap sa kanya." ani ni Mang Delfin. Napatingin si Hugo sa kanyang orasang pambisig. Napatingin dito si Nimfa at pagkatapos ay tumingin ito sa mukha ni Hugo. "Ano 'yan?" tanong nito. "Watch, wristwatch. Sa pamamagitan nito ay malalaman natin kung anong oras na." ani ni Hugo. Bigla namang tumayo si Nimfa at nagmamadali itong tumakbo sa loob ng kanilang kubo. Nang bumalik ito sa tabi ni Hugo ay may dala na itong bilog na alarm clock at isang tali. "Ganito 'yan, pero ang sa akin ay mas malaki." wika niya at sinimulan niyang lagyan ito ng tali at ikinabit sa kanyang bisig. Tinanggal naman ni Hugo ang kanyang orasang pambisig at ikinabit ito sa dalaga kaya tuwang-tuwa ito habang pinagmamasdan niya ang kanyang orasan. "Sa akin na 'to?" ani niya at tumango lamang si Hugo. Hating gabi na kaya naisipan na ng lahat ang matulog, ang problema ay wala silang tutulugan. Tinanggal nila ang ilang mga gamit sa loob ng kubo at ipinasok ang lamesang kawayan. Nilatagan nila ito ng banig at kumot at dito na pinatulog sila Marcus. Si Julian naman ay sa papag natulog katabi si Hugo, habang si Nimfa naman ay katabi ng kanyang kinikilalang mga magulang. Napagkasya naman nila lahat, ang iba ay sa labas na natulog mapalipas lamang nila ang magdamag. KINABUKASAN ay maagang nagising ang lahat at napagkasunduan na nga nila na kailangan na nilang bumalik ng Manila. Inalalayan nila si Julian hanggang sa nakarating silang lahat sa dalawang helicopter na naghihintay sa kanila. Biglang napaatras si Nimfa ng makita niya ang dalawang higanteng helicopter. Bumitaw siya sa pagkakahawak ng kanyang ina at akmang tatakbo palayo ngunit naagapan agad siya ng kanyang ama. "Natatakot ako!" malakas na sigaw nito at muling sinulyapan ang naglalakihang helicopter na nagbibigay ingay sa buong paligid. Napatingin siya sa blades ng helicopter na mabilis na umiikot kaya nagsisisigaw siya ng malakas. "Ayoko! Ayoko po dyan, kakainin tayo niyan!" malakas niyang sigaw dahil hindi niya nauunawaan kung ano ang helicopter. Niyakap siya ng kanyang kinikilalang mga magulang upang mawala ang takot niya ngunit mas lalo lamang itong nagwala. Napitan ni Marcus si Nimfa at kinuha nito ang kamay ng dalaga. Natahimik naman si Nimfa at tinitigan ang mukha ni Marcus. "Gusto mo bang lumipad upang makita mo ang kagandahan ng kagubatang ito sa itaas? Duon oh, sa langit," ani ni Marcus sa dalaga at tumingala pa siya at itinuro ang kalangitan. Tumingala naman si Nimfa at tinitigan ang kalangitan at pagkatapos ay nginitian niya si Marcus. "Gusto kong lumipad," nakangiti niyang ani kay Marcus. "Kung gayon ay huwag kang matakot sumakay diyan. Kung gusto mo ay tatabihan kita para ako ang magiging tagapagtanggol mo," wika ni Marcus sa dalaga. "Bakit ikaw ang tatabi sa kanya, kung pwede namang ako?" inis na ani ni Julian kaya natawa ng mahina ang mga kaibigan nila. "Oo ba! Tignan nga natin kung palalapitin ka niya sa tabi niya," ani ni Marcus kay Julian kaya napakamot ng ulo si Julian. Tinitigan naman ni Julian ang dalaga. Tumaas ang kilay ng dalaga sabay punas ng luha nito. "Huwag kang lalapit sa akin, babatuhin kita ng bayawak!" sigaw ni Nimfa kay Julian kaya biglang napaatras si Julian at nagtago sa likod ni Marcus. "Tang-na, lumayo ka sa akin at baka madamay ako sa bayawak na 'yan. Bubutasin ko noo mo kapag nadamay ako sa pagbato sayo ng bayawak," bulong ni Marcus kay Julian sabay tulak nito sa kanyang kaibigan palayo sa kanya. "Tara na at ng hindi tayo tanghaliin," wika ni Hugo at nauna na itong sumakay sa helicopter. Napatingin naman si Nimfa kay Hugo ng sumampa ito sa helicopter. Inilahad ni Marcus ang kamay niya kay Nimfa na mabilis namang inabot ng dalaga. Iginiya siya ni Marcus sa loob ng helicopter at kinabitan siya ng seatbelt habang manghang-mangha si Nimfa sa sinasakyang helicopter. "SAAN TAYO PUPUNTA?" malakas na sigaw ni Nimfa dahil na rin sa ingay ng helicopter. Kinuha naman ni Marcus ang headset at inilagay ito sa ulo ng dalaga na ikinagulat naman nito. "Tatay, ano po ang mga ito? Hindi na maingay, hindi ko na po naririnig 'yung ingay ng higanteng tutubi na yari sa bakal." wika niya kaya lahat ng magkakaibigan ay biglang napatingin kay Nimfa. "Iniisip mo na malaking tutubi ang sinasakyan natin?" gulat na taong ni Hugo kay Nimfa. "Hindi 'yan basta malaki lang. Higanteng tutubi 'yan," sagot naman ni Nimfa kaya nagkatinginan naman ang magkakaibigan. "Hindi pa talaga siya nakakakita ng helicopter sa buong buhay niya?" gulat na tanong naman ni Marcus sa mga magulang ni Nimfa. "Kahit ang bisikleta ay hindi niya kilala. Ni minsan ay hindi siya nakalabas ng kagubatang ito. Ang lugar na tinitirhan namin ay halos hindi mo na makita ang kalangitan dahil sa mga malalaking puno na tumatabing sa itaas." ani naman ni Aling Celeste sa kanila. Napahawak naman ng dalawang kamay si Julian sa kanyang ulo. Ngayon nila mas nauunawaan ang kaawa-awang kalagayan ni Nimfa. Wala itong kaalam-alam tungkol sa mga teknolohiya at maging sa simpleng mga bagay katulad ng bisikleta ay hindi nito kilala. "Damn!" tanging salita ang namutawi sa labi ni Julian. Sumakay na silang magkakaibigan sa dalawang helicopter na naghihintay sa kanila at tuluyan na silang umangat sa lupa. Nagsisisigaw naman si Nimfa ng makita niya at maramdaman niya ang pag-angat ng sinasakyan niya sa ere. Mabilis siyang niyakap ni Marcus upang pakalmahin kaya ipinikit ni Nimfa ang kanyang mga mata. "Buksan mo ang iyong mga mata upang makita mo ang kagandahan ng kagubatan," wika ni Marcus kaya dahan-dahang idinilat ni Nimfa ang kanyang mga mata. Halos lumuwa ang mga mata ni Nimfa habang pinagmamasdan ang kagandahan ng kagubatan. Hindi siya makapaniwala na ganito pala ang makikita niya kapag nasa itaas siyang bahagi. Napatingin si Nimfa sa kanyang mga kinikilalang magulang na nakangiti naman sa kanya. Masaya ang mga ito dahil sa wakas ay tuluyan ng mababago ang buhay ng dalaga sa tulong ni Julian at ng mga kaibigan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD