Julian's POV
"Aalis na ho kami, tatawagan na lang namin kayo kapag may impormasyon na kaming nakalap tungkol kay Alejandro Folliet." ani ko. Nauna ng umalis sina Marcus, hinahanap na raw kasi siya ng kanyang asawa. Mga kaibigan din namin ay kanina pa rin nagpaalam kaya kami na lang talaga ang natitira dito.
Inihatid kami ng lolo nila Marcus palabas ng mansion.
Gusto ko sanang sabayan sa paglalakad si Nimfa, pero sumpa talaga ang tingin niya sa akin at ni ayaw niyang madikit sa akin.
Pagkarating namin ng garahe ay ang Nanay Celeste na niya ang nag-upo sa sasakyan kay Nimfa. Ihahatid lamang kami ng driver ng mga Dux dahil wala dito ang sasakyan ko.
Nuong una ay nag hesitate si Nimfa na sumakay dahil nakikita ko ang matinding takot sa mga mata niya. Matapos ipaliwanag sa kanya ng kanyang Tatay Delfin ang tungkol sa sasakyan ay kumalma din agad ito.
Agad ko siyang nilapitan upang ikabit sa kanya ang seatbelt, pero bigla niya akong kinalmot kaya sapol ako sa mukha. Parang tigre na gumuhit agad sa mukha ko ang mga kuko niya.
"Nimfa! Hindi ba at kinausap na kita na huwag kang ganyan kay Julian!?" galit na ani ni Mang Delfin ngunit nginusuan nya lamang ito. Napahawak ako sa mukha ko dahil nararamdaman ko ang hapdi sa balat ko. Parang tigre naman ang babaeng ito, kailangang mapatulog ko ang babaeng 'to para mapagupit ko sa mga kasambahay ang mga kuko niya.
"Pasensya ka na hijo, gagamutin ko na lang 'yang sugat mo mamaya," ani ni Aling Celeste sa akin.
"Okay lang ho, mababaw lang naman, parang galos lang. Hindi naman ito magpepeklat kaya walang kaso sa akin 'yon," ani ko at ngumiti ako sa kanila.
Nakarating kami ng mansion at bumukas ang malaking gate na automatic. Nang makarating kami sa harapan ng mansion ay mabilis akong bumaba at pinagbuksan si Nimfa. Hindi siya bumaba bagkus ay tinitigan niya ako ng masama kaya napakamot ako sa aking ulo at napatingin kila Mang Delfin.
"Pagpasensyahan mo na 'yan. Masasanay din 'yan sayo," wika ni Mang Delfin kaya napangiti na lamang ako at hinayaan ko na lang sila na alalayan si Nimfa sa paglabas. Ngunit bago pa man ito makalabas ay bigla itong nauntog sa sasakyan nang nagtangka itong lumabas kaya bigla niyang nahawakan ang kanyang ulo.
"Aray ko!" malakas niyang sigaw sabay tingin sa akin na tila ba napapahiya pagkatapos ay humarap kay Aling Celeste saka umiyak.
"Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang ani ng kanyang ina-inahan. Muli niya akong nilingon kaya nagpanggap na lang ako na hindi ko nakita ang nangyari.
"Wala! Naiinis ako," malakas na ani nito kaya natawa si Mang Delfin.
"Dalaga na ang anak ko, marunong ng mapahiya sa isang binata," panunukso nito kaya simple akong napangiti at tumingin ako kay Nimfa na masama namang nakatingin sa akin.
Iginiya ko na sila sa loob. Pagpasok pa lamang nila ay namangha na agad si Nimfa kaya nagtatakbo agsd siya sa loob at naupo sa sofa.
"Tatay, kasing lambot duon sa pinuntahan natin kanina," ani niya habang patalbog-talbog ang kaniyang pwet sa sofa.
"Huwag kang masyadong magulo Nimfa at baka makabasag ka dito ay nakakahiya naman," wika ni mang Delfin.
"Okay lang ho, feel at home lang kayo dito, at kung may kailangan kayo ay magsabi lang kayo sa mga kasambahay dahil naipag-utos ko na sa kanila na pagsilbihan kayong lahat.
"Naku hijo, hindi kami kailangang pagsilbihan dito. Hindi kami sanay sa ganyang uri ng pamumuhay kaya kung maaari sana ay hayaan mo kami na tumulong dito para naman hindi kami mailang dito," ani nila kaya napakibit balikat na lamang ako. Ayoko rin namang makaramdam sila ng pagkailang kaya hahayaan ko na lang kung ano ang gusto nila.
"Julian," tawag sa akin ni Nimfa kaya nanlaki ang mga mata ko at bigla ko siyang nilingon. May kung anong tumitibok-t***k sa puso ko kahit pangalan ko pa lang ang tinatawag niya. First time na tinawag niya ako sa pangalan ko dahil nasasanay siyang sumpa ang itawag sa akin.
"Sino 'yung babae kanina? Bakit siya nakadikit sayo? Kapag nakita ko siya sa susunod, ipapakain ko siya sa bayawak," wika niya kaya bigla akong napangiti ng malaki at napatingin pa ako kila Mang Delfin. Tawang-tawa naman sa akin sila Mang Delfin dahil mukha akong nanalo ng jackpot sa lotto.
"May gusto sa akin 'yun. Gusto nga niya akong halikan kanina. Alam mo ibig sabihin ng halik hindi ba?" ani ko at gusto kong makita kung nagseselos siya.
"Julian," ani ni Mang Delfin kaya napakamot na ako sa aking ulo.
"Oo naman! Sabi ni nanay, kapag ang lalake hinalikan ang babae ibig sabihin manyakis ang lalake. Kaya 'yung babaeng 'yon manyakis. Ikaw manyakis ka din ba ha?" ani ni Nimfa kaya nanlaki mga mata ko at napatingin ako kay Aling Celeste.
Seryoso? Iyon talaga ang paliwanag niya kay Nimfa?
"Hindi, hindi ako manyakis. Hindi ko naman siya hinalikan, hindi ba?" wika ko at hindi ko maalis ang tingin ko sa mag-asawa dahil kung ano-ano ang itinuturo kay Nimfa.
"Sabi ni tatay, kapag ang lalake hinimas ang kamay ng babae katulad ng ginawa mo kanina, ibig daw sabihin nuon, gustong manyakin ng lalake ang babae. Manyak ka din. Hindi ka lang sumpa, manyak pa." ani ni Nimfa kaya pinaningkitan ko ng aking mga mata ang mag-asawang nagpalaki kay Nimfa.
"Seryoso kayo sa itinuro ninyo sa kanya?" gulat na gulat kong ani. Nagkibit balikat lamang sila at sabay pang tumawa. Unbelievable!
"Hindi 'yon totoo, kapag ang lalake ay humaplos sa kamay ng isang babae, ibig sabihin ay may pagtingin siya dito, 'yung gusto niya 'yung babae o kaya may pagmamahal siya sa babaeng 'yon. Ganuon 'yon. Hindi kamanyakan 'yon," paliwanag ko naman sa kanya kaya binato niya ako ng hawak niyang bolang kahoy na maliit ibinato na rin niya sa akin nuong nasa kagubatan kami.
"Ouch! Bakit ka ba nambabato?" ani ko habang sapo ko ang noo ko na tinamaan ng bilog na kahoy na bola daw. Paano naging bola 'yon eh hindi naman tumatalbog?
"Kasi gusto mo 'yong babae na may iba-ibang kulay na uling sa mukha. Galit ako sayo, manyak na sumpa!" sigaw niya at bumalik ito sa pagkakaupo sa sofa. Sa halip na mainis ako ay mas natuwa pa ako. Ibig bang sabihin nito ay nagseselos si Nimfa sa babaeng 'yon? Nakakaramdam siya ng selos? Totoo nga kaya sinabi nila Marcus na kaya tumitibok ng mabilis ang puso ni Nimfa kapag katabi ako ay dahil gusto niya ako? Na love at first sight siya sa akin?
"Julian, baka minamanyak mo na ang anak namin diyan sa isipan mo. Hindi ko gusto 'yang ngiti mo," ani ni Mang Delfin na agad kong nilapitan.
"Sa tingin ho ba ninyo may gusto sa akin si Nimfa? Kasi pakiramdam ko nagseselos siya," ngiting-ngiti kong ani. Tinapik lamang ako ni mang Delfin sa aking balikat at kinuha na niya ang mga gamit na bitbit nila.
"Bakit hindi mo siya tanungin? 'Yan ay kung makakalapit ka sa kanya," sagot niya at iginiya na silang mag-asawa ng mga kasambahay ko paakyat sa mga silid nila. Si Nimfa naman ay nakaupo pa rin sa sofa at pinagmamasdan ang buong paligid. Binuksan ko ang tv kaya gulat na gulat ito at nanlalalaki ang kanyang mga mata na napasiksik sa sulok ng sofa.
Pinatay ko ang malaking tv screen kaya bigla siyang napatayo at napatingin sa akin.
"May tao duon sa bintana, nag-uusap," ani niya. Nagulat naman ako sa sinabi niya. Ang mayordoma ko naman na naghihintay sa ipag-uutos ko ay nagulat sa kanyang narinig kaya sumenyas ako na huwag silang maingay.
Muli kong binuksan ang tv kaya muli siyang napasiksik sa sulok ng sofa kaya tumayo ako sa harapan ng tv at hinawakan ko ang screen.
"Ang tawag dito ay television. Hindi 'yan bintana at wala sila dito. Isang uri lamang ito ng teknolohiya na nagpapalaganap ng iba't ibang klase ng palabas para malibang tayo, o kaya naman ay ipinapakita dito ang mga balita tungkol sa nangyayari sa mundong ginagalawan natin. Hindi 'yan bintana. Kapag pinindot ko itong hawak kong remote control, mamamatay ang tv. Tignan mo ang gagawin ko ha," ani ko at pagkatapos ay pinindot ko ang off at namatay ang tv.
"See that? Halika dito sa tabi ko at ipapakita ko sa iyo paano mo mabubuksan ang television," ani ko at alinlangan naman siyang tumatayo.
"Huwag kang matakot sa akin. Kapag bumilis ang t***k ng puso mo, huwag kang matatakot. Huminga ka lang ng malalim at tapos ibuga mo para makahinga ka ng maluwag. Okay ba 'yon?" ani ko. Tumango naman siya at dahan-dahan siyang lumapit sa akin.
Napapangiti ako dahil sisimulan ko siyang paamuhin upang hindi siya matakot sa akin. Inilahad ko ang kamay ko sa kanya at inabot naman niya. Napapikit ako dahil may tila ba milyong-milyong boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buong katawan ko.
Naidilat kong bigla ang mga mata ko ng binawi niya ang kamay niya kaya napatingin ako sa kanya.
"Ayokong hawakan ka, may kuryente katawan mo, nakuryente ako sa buong katawan ko," ani niya kaya mas lalong lumaki ang pagkakangiti ko.
"Don't be afraid," ani ko sa kanya. Napatitig naman siya sa akin at nagsalubong ang kilay dahil hindi niya nauunawaan ang sinabi ko.
"Hindi kita nauunawaan. Kakaiba ang lengwahe mo," ani niya kaya muli akong nagsalita. Nakalimutan ko na tanging Tagalog lamang ang nauunawaan niya kaya maging simpleng english ay hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin.
"Huwag kang matakot sa akin, halika dito at tuturuan kita kung paano mo mapapagana itong tv," ani ko at ako na mismo ang kumuha ng kanyang kamay.
Nakita ko ang pagpikit ng mga mata niya. Pakiramdam ko tuloy ay gusto ko siyang halikan kaya pilit kong pinipigilan ang sarili ko dahil ayoko siyang matakot.
"Idilat mo ang iyong mga mata," ani ko kaya sumunod naman siya sa akin.
Iniabot ko sa kanya ang remote control at pinapindot ko sa kanya ang on na kulay green kaya bumukas ito. Nanlalaki ang kanyang mga mata na katitig sa tv at hinimas pa niya ang malaking screen nito.
"Ang galing, buti kasya sila sa loob nyan?" ani niya kaya nagulat ako. Hindi ko tuloy malaman kung paano ko siya sasagutin lalo pa at tinitignan niya ang likuran ng tv kahit nasa wall ito.
"Uhm, next time ipapaliwanag ko sa iyo," wika ko at tinuro ko naman sa kanya na pindutin ang red button na may nakalagay na off.
Nang mag off ang tv ay binitawan niya ang kamay ko at tinalikuran niya ako. Napatingin na lamang ako sa kanya na tumatakbo sa direksyong pinuntahan ng kinikilala niyang mga magulang.
"Nimfa, huwag kang tumakbo kung saan at baka maligaw ka," ani ko kaya hinabol ko na siya.
Alam kong mahirap dahil kahit isang letra ay hindi niya nauunawaan. Pero alam kong kayang-kaya kong baguhin ang kanyang buhay kaya gagawin ko ang lahat para sa kanya.