────⊱⁜⊰────
Isang linggo ng naninirahan sila Nimfa sa mansion ni Julian ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin hinahayaan ni Nimfa na madikit siyang muli kay Julian. Okay lang naman ito kay Julian ang mahalaga sa kanya ay nagagabayan niya ang dalaga sa lahat ng dapat na matutunan nito. Ngayon din ang dating ng kinuha niyang magtuturo kay Nimfa sa maraming bagay, darating din ngayon ang magiging tutor niya sa pagsusulat at pagbabasa. Gusto sana ni Julian ay siya ang magtuturo dito pero sa tuwing magtatangka siyang lumapit kay Nimfa ay binabato siya nito ng kung ano-ano. Kahapon nga ay binato din siya ni Nimfa ng pinya. Buong pinya na buti na lamang ay mabilis si Marcus kaya nasalo agad nito. Kung hindi nito nasalo ay sapol sana siya sa likod ng ulo ng hindi niya namamalayan.
Bakit nga ba nangyari 'yon? Simple lang naman ang dahilan, dumating lang naman si Marcus kasama ang kanyang kapatid na si Melanie na yumakap kay Julian. Hindi man lamang niya namalayan na bigla siyang binato ng buong pinya ni Nimfa na agad namang nasalo ni Marcus. Nakita pa niya kung paano magbaga ang ang mga mata ni Nimfa sa galit habang pinagmamasdan silang magkayakap ni Melanie.
"May problema ka ba hijo?" ani ni Mang Delfin kay Julian na tahimik lamang nakaupo sa sofa at sumisimsim ng alak na nasa kopita.
"May naalala lang ho ako. Nasaan ho si Nimfa?" ani ko.
"Pababa na, hindi komportable sa mga damit na pinamili mo kaya ayun kanina pa gustong hubarin," ani naman ni Aling Celeste na lumalapit sa amin.
"Masasanay din ho siya sa ganuong klase ng damit. Puro kasi lumang daster ang suot niya at ang karamihan ay butas-butas na kaya kailangan talagang palitan na. Isa pa ho ay kailangan na natin siyang ma-make over. Parating na ang mga binayaran ko na magtuturo sa kanya sa maraming bagay.
"Salamat hijo, kung nabubuhay lamang ang kanyang mga magulang ay siguradong matutuwa ang mga ito," wika ni Mang Delfin.
"Nalaman ho ba ninyo kung saan nailibing ang mga magulang ni Nimfa?" tanong ni Julian.
"Tanging sa ina lamang niya ang nahanap naming libingan. Wala kaming nakitang libingan ng kanyang ama, duda namin ay tinapon ito o inilibing sa kung saan upang pagkatakpan ang mga nangyari," wika ni Aling Celeste.
"Hindi ho ba napaka imposible naman ng sinasabi ninyo. Kung ililibing sa kung saan ang ama ni Nimfa upang pagtakpan ang kasamaan ng tiyuhin niya, hindi ba dapat ay inilibing din nila ang katawan ng ina ni Nimfa?" ani ni Julian kaya natahimik ang mag-asawa.
Muli sanang magsasalita si Julian ng marinig nila ang tinig ni Nimfa na naiinis kaya napalingon silang tatlo sa hagdanan kung saan ay dahan-dahang bumababa si Nimfa.
"Fuuuck!" bulong ni Julian habang pinagmamasdan niya ang napakagandang si Nimfa sa suot nitong maigsing short at crop top na kulay puti.
"Celeste! Bakit naman ganyan ang suot ng anak natin?" galit na ani ni Mang Delfin.
"Hayaan mo nga, iyan talaga ang pinili ko dahil oras na para maranasan niya ang mabuhay ng naaayon sa paligid. Ang buhay na matagal na nating gustong iparanas sa kanya," sagot ni Aling Celeste.
True, true..." mahinang ani na halos pabulong ni Julian na animo ba ay nabato balani na sa kagandahan ni Nimfa.
"Nanay, malamig 'yung tiyan ko kasi kinapos ng tela 'yung suot ko. Hindi pa tapos tahiin pero pinasuot mo na sa akin," naiinis na ani ni Nimfa habang ibinababa nitong pilit ang pang-taas niya upang maitago niya ng kanyang tiyan sa suot niya.
"You look so beautiful," ani ni Julian ng tuluyan ng nakalapit si Nimfa kay Aling Celeste. Napatingin naman si Nimfa kay Julian at agad nitong inilabas ang dila niya sa binata at muling hinarap ang kanyang ina.
"Hindi mo ba nagustuhan ang suot mo? Ang ganda nga anak at bagay na bagay sa iyo," wika ni Aling Celeste sa dalaga.
"Bakit ganyan ang tingin mo sa akin ha? Umalis ka nga dito sumpa ka!" galit na ani ni Nimfa kaya muli siyang pinagalitan ni Mang Delfin at Aling Celeste.
"Kasi naman po, kanina pa niya ako tinititigan kaya tuloy lalong bumibilis 'yung t***k ng puso ko," malungkot na ani ni Nimfa na halos paiyak na.
"Hindi na ako titingin, ayan isinara ko na ang mga mata ko," wika ni Julian at tinakpan niya ng kamay ang kanyang mga mata.
Iginiya naman ni Aling Celeste si Nimfa sa labas ng mansion upang makausap niya ito ng sarilinan.
"Nanay bakit ba kayo nagagalit sa akin? Totoo naman ang sinabi ko kanina, sumpa naman talaga siya dahil sa tuwing nalalapit siya sa akin o nalalapit ako sa kanya tumitibok ng mabilis ang puso ko," ani ni Nimfa sa kanyang ina.
"Dahil in love ka anak, sa unang pagkikita n'yo pa lang nakita ko ng iisa agad ang itinibok ng puso ninyo," ani ni Aling Celeste kay Nimfa.
"Ano po 'yon? Bakit nagsasalita ka na rin ng ibang lengwahe? Nanay, nahawa ka na rin sa kanila?" ani ni Nimfa na may pag-aalala para sa kanyang ina.
"Ang ibig kong sabihin, kaya tumitibok ng mabilis ang puso mo ay dahil gusto mo siya, may pagmamahal kang nararamdaman para sa kanya," ani ni Aling Celeste kay Nimfa kaya napataas ang isang kilay ni Nimfa at napahawak siya sa kanyang puso.
"Niloloko mo ako nanay, hindi naman totoo ang sinasabi mo. Mahal na mahal kita pero hindi naman mabilis ang pagtibok ng puso ko," ani ni ni Nimfa kaya napangiti na lamang si Aling Celeste sa dalaga.
"Mauunawaan mo rin ang lahat ang anak. Malapit mo ng maunawaan ang maraming bagay na hindi mo naiintindihan. Kasalanan namin ito ng iyong ama dahil hindi ka namin tinuruan," ani ni Aling Celeste.
"Basta anak, magpakabait ka kay Julian dahil siya ang tutulong sa atin para mabago na ng husto ang buhay mo at makuha mo ang karapat-dapat na para sa iyo," ani ni Aling Celeste pero hindi naman siya pinapansin ni Nimfa dahil busy ito sa paghila pababa ng kanyang pang itaas.
"Nimfa anak, nauunawaan mo ba ang sinasabi ko sa iyo?" wika ni Aling Celeste sa dalaga.
"Opo, magpapakabait na po ako sa kanya," wika nito kaya napangiti si Aling Celeste sa sinabi ni Nimfa.
"Pero hindi ko siya gusto nanay. Maganda lang naman ang katawan niya, at ang mukha niya ay napakagwapo. Kapag ngumiti siya ay mas lalo siyang nagiging maganda sa paningin ko. Kapag naglalakad siya nanay, parang humihinto ang lahat sa paligid ko. Pero hindi ko po siya gusto, sumpa lang po talaga siya," ani ni Nimfa kaya natawa na ng malakas si Aling Celeste.
"Ang anak ko, nakakaranas na ng pag-ibig," wika nito.
"Kayo ni tatay ang pag-ibig ko nanay pero bakit ang puso ko ay hindi tumitibok ng mabilis kapag katabi ko kayo? Nagsisinungaling ba kayo sa akin?" ani ni Nimfa.
"Kasi anak, iba ang pagmamahal na nararamdaman mo para sa amin ng tatay mo, at iba ang pagmamahal na nararamdaman ng puso mo ngayon para kay Julian," pagpapaliwanag niya sa kanyang anak.
"Hindi ko nauunawaan. Kung mahal ko kayo at sinasabi ninyo na mahal ko din si sumpa, bakit kapag katabi ko kayo hindi mabilis ang pagtibok ng puso ko? Alam mo kung bakit nanay? Kasi sumpa ang lalaking 'yon," ani ni Nimfa kay Aling Celestina.
"Hindi anak, iyon ang tinatawag na pag-ibig. Pag-ibig sa unang pagtatagpo na kailangan mong matuklasan sa iyong sarili. Tatanungin kita ha, bakit mo siya binato ng pinya kahapon?" ani ni Aling Celeste.
"Kasi po may babaeng dumating tapos nagyakap sila na parang kayo ni tatay. Dito nanay sa puso ko, mabilis itong tumibok pero kakaiba 'yung naramdaman ko kasi parang masakit po. Hindi ko alam kung bakit. Tapos nakaramdam ako ng galit kaya binato ko sila. Sayang talaga hindi sila tinamaan. Sa susunod na may yakapin ulit siyang babae, magpapasama ako kay tatay na manghuli ng bayawak sa gubat at ilalagay ko sa tulugan ni sumpa para magtanda siya. Hindi niya ako dapat pinapagalit ng ganuon kasi masakit dito," wika ni Nimfa sabay turo pa ng kanyang puso. Natawang muli si Aling Celeste dahil natutuwa siya na nakakaramdam na ng pag-ibig si Nimfa sa unang pagkakataon.
"Nagseselos ang anak ko," wika ni Mang Deldin na papalapit sa kanila.
"Selos?" nagtatakang ani ni Nimfa.
Nagkatinginan naman ang mag-asawa kaya humugot ng malalim na paghinga si Mang Delfin at hinarap nito si Nimfa upang mapaliwanagan niya kung ano ang ibig sabihin ng salitang selos.
"Selos ang tawag kapag nakikita mo ang isang lalaking gusto mo na may kasamang ibang babae. Nagagalit ka at kulang na lang gulpihin mo silang dalawa. Ang tawag duon ay selos," ani ni Mang Delfin.
"Gusto ko nga silang saksakin kaya lang pinipigilan ako ni nanay," wika ni Nimfa kaya natawa silang mag-asawa.
"Huwag na huwag mong gagawin 'yan dahil masama ang sinasabi mo," wika ni Mang Delfin.
"Alam ko po, hindi ko naman gagawin, sinabi ko lang 'yon kasi naiinis ako dahil naalala ko na naman 'yung nakita ko kahapon," wika nito kaya niyakap na nilang mag-asawa ang dalaga.
"Kita n'yo nga 'yan, hindi naman bumilis ang t***k ng puso ko samantalang mahal na mahal ko talaga kayo. Sumpa talaga ang lalaking 'yon," wika niya kaya muling natawa ng malakas ang mag-asawa dahil sa kainosentihan ng kanilang anak-anakan.