NAPAATRAS SI ANIKA at kinapos ng paghinga. Para siya nitong pisikal na sinaktan sa sinabi nito. May asawa at anak na si Patrick. May pamilya itong naghihintay at babalik na ito sa mundo nito.
Iiwan siya. At malamang hindi na ito babalik. Makakalimutan na siya nito.
Sa kaniya lang naging espesyal ang nakaraang mga linggong kasama niya ito. Siya lang ang nagmahal. Bakit hindi nito sinabi agad na may pamilya na ito? Bakit hinayaan pa nitong mahulog ang loob niya rito?
Alam niya agad ang sagot. Nakikita niya sa mukha nito. Naaawa ito sa kaniya. Alam nito ang nararamdaman niya at pagpapakita nito ng konsiderasyon sa kaniya ang pagtatago nito sa katotohanan. Kasi ang totoo, wala itong espesyal na pagtingin sa kaniya. Wala ipinakitang kakaiba sa kaniya si Patrick. Mabait ito sa kaniya katulad ng mabait din ito sa lahat ng kapatid niya. Ni hindi siya nito hinawakan sa kakaibang paraan o tinangkang halikan na gaya ng maraming kalalakihan sa isla nila at sa bayan noong doon pa siya nakatira.
Ang sakit ng puso niya ngayon, siya lang ang may kasalanan.
Napaatras siya uli. Namamasa na ang mga mata. Halatang nataranta si Patrick at humakbang palapit pero umatras lang siya uli.
“Anika. I like you. Really, you are a very sweet, loving and caring woman. You are the best friend I’ve never had. Hindi ko inaalala ang edad natin. Wala pa akong nakilalang katulad mo sa buong buhay ko. Wala pa akong nakilala na taong pinagdaanan ang mga pinagdaanan mo.”
Ang sarap sana pakinggan. Kaso isa lang ang nasa utak niya ngayon. Na oo gusto siya nito pero hindi sa paraang gusto niya. Hindi siya nito mahal.
“Gusto kong magkaroon ka ng magandang buhay. Gusto kong mabigyan ka ng oportunidad. Ayokong ma-stuck ka sa isla, makapag-asawa ng taga-rito rin at tumanda dito. You deserve a better life. You deserve to see the world. You deserve to pursue the career that you really want. Katulad ng pangarap mo na palagi mong sinasabi sa akin sa nakaraang isang buwan.”
Tumulo ang mga luha ni Anika. Ang sikip ng dibdib niya. Humakbang na naman ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Hinuli nito ng tingin ang mga mata niya. “Sumama ka sa akin. Hindi ko nasabi sa inyo pero mayaman ako. My family is really really rich. There is nothing we can’t do. Sa maynila, magkakaroon ka ng bagong buhay. Maiaahon mo sa hirap ang pamilya mo. You will be able to make use of your full potential as a person. You are smart and very beautiful, Anika. You can do anything as long as you want to do it. Kaya sumama ka sa akin.”
Para ano? Para makita ito kasama ang asawa at anak nito? Para lalo niyang marealize na talagang hindi ito magiging kaniya kahit kailan? Para iwan ang Nanay, Tatay at mga kapatid niya ngayong kailangang kailangan siya ng mga ito?
Marahas siyang umiling at kumalas mula sa pagkakahawak nito. “Hindi ako sasama sa’yo. Bumalik ka na sa mundo mo Patrick. Itong isla, ito ang mundo ko. ‘Yong mga sinabi ko sa ‘yo na mga pangarap ko, balang araw matutupad ko ang mga ‘yon kahit na wala ang tulong mo. Paalam na.”
Tumalikod si Anika at tumakbo palayo. Sa pagkakataong ‘yon hindi na siya nito sinundan. Ayos lang. Nagkaroon siya ng pagkakataong umiyak nang walang nakakakita. Sigurado siya na pag-uwi niya mamaya, alam niyang wala na ang lalaki at hindi na nito makikita kung gaano siya nasasaktan.
ILANG oras pa lang ang lumipas mula nang umupo siyang mag-isa sa dalampasigan nang marinig ni Anika sa ‘di kalayuan ang motor ng papalayong bangka. Sa tunog pa lang alam na niyang malaki ‘yon at bago. Malamang ‘yon ang dala ng Mayor nila. Umalis na ang mga ito. Kasama si Patrick.
Huminga siya ng malalim at nagdesisyong bumalik na sa bahay nila. Sigurado rin kasi nag-aalala na ang pamilya niya. Isa pa, hindi lang naman siya ang malulungkot sa pag-alis ng lalaki. Sa loob ng ilang linggo, naging bahagi ito ng pamilya nila. Hindi lang siya ang dapat nagmumukmok.
Pero pag-uwi niya sa bahay nagulat si Anika na naroon pa rin si Patrick. Nakaupo ito at ang mga magulang niya sa mga silyang nakaharap sa lamesa. Isang tingin pa lang alam na niyang may seryosong pinag-uusapan ang mga ito. Una, wala sa bahay ang mga kapatid niya. Malamang pinalabas at pinaglaro sa kung saan. Pangalawa, kakaiba ang tingin ng Tatay at Nanay niya sa kaniya.
Kinabahan siya at nilingon si Patrick. “Bakit nandito ka pa? Kailangan mo na bumalik sa pamilya mo, ‘di ba?”
Tumigas ang anyo nito at naging determinado. “Hindi ako aalis na hindi ka kasama, Anika. Sinabi ko na sa’yo, gusto kitang bigyan ng oportunidad na magkaroon ng mas magandang buhay. Hindi kita iiwan dito. Nakausap ko ang parents mo at pumayag na silang sumama ka sa akin.”
Nanlaki ang mga mata niya at napalingon sa Tatay at Nanay niya. Tumango ang mga ito at kahit namamasa ang mga mata at halatang nalulungkot nakikita rin niyang determinado ang mga itong papuntahin siya ng Maynila. Marahas siyang umiling. “Hindi po ako aalis.”
“Aalis ka, Anika. Pagkakataon mo na magkaroon ng buhay na iba sa kinalakihan at kinatandaan namin ng Nanay mo. Hindi namin ipagkakait ang pagkakataong ito sa’yo.”
“‘Tay, kailangan niyo ako rito. Hindi na malakas si Nanay. Hindi niya kayang alagaan at asikasuhin lahat ng mga kapatid ko. Kaya nga ako bumalik sa isla kasi nagkasakit siya, ‘di ba? Bakit ako aalis?”
“Huwag mo na ako intindihin anak. Mababait naman at masisipag ang mga kapatid mo. Kaya na namin dito. Sumama ka sa Maynila,” giit din ng Nanay niya.
Mariing pumikit si Anika. Frustrated siya at naiiyak sa nangyayari. Nang dumilat siya hindi na niya itinago ang galit na nararamdaman niya para kay Patrick. “Ipagkakatiwala niyo ako sa kaniya? Sinungaling siya ‘Tay, ‘Nay! Hindi natin siya kilala. Paano kung hindi maganda ang mangyari sa’kin sa Maynila? Paano niyo malalaman kung ano ang sitwasyon ko ‘ron?”
“Anika. Huwag kang magsalita ng ganiyan. Mabuting tao si Patrick. Oo at itinago niya ang tunay niyang pagkatao pero sinabi niya sa amin ang buong katotohanan ngayon. Mabibigyan ka niya ng maayos na buhay sa Maynila,” sabi ng Tatay niya.
“At ang sabi niya may anak daw siya na mas matanda lang sa’yo ng dalawang taon. Oo at nakakagulat na mas matanda pala siya kaysa akala natin, pero hindi ka niya pababayaan doon, anak. Magkakaroon ka ng pangalawang pamilya doon. Ituturing ka niyang parang sarili niyang anak,” sabi naman ng Nanay niya.
May bumara sa lalamunan niya at para siyang sinampal. Kasi hindi nila alam na ‘yon ang pinakamasakit na narinig niya sa araw na ‘yon. Na ituturing siya ni Patrick na anak. Ayaw niyang maging anak nito. Pero ano pang magagawa mo, Anika? May asawa’t anak na siya. At mukhang hindi na niya mababago ang isip ng mga magulang niya na ipasama siya sa Maynila.
“K-kung aalis ako… paano kayo at ang mga kapatid ko? P-paano ako magkakaroon ng balita sa inyo?”
“Don’t worry, Anika,” mabilis na sagot ni Patrick. “Kinausap ko na ang Mayor niyo para dyan. Makikita mo bukas kapag sinundo na nila tayo.” Tumayo ito, lumapit sa kaniya at nakangiting pinisil ang mga balikat niya. “Hindi kita pababayaan. Pangako. Hindi ko sisirain ang tiwala mo at ng pamilya mo. Hayaan mo akong gantihan ang pagliligtas mo sa buhay ko, Anika. I’ve never done something good and worthy in my life. Let me do my first good deed. Let me help you. Please.”
Unti-unti nawala ang galit at frustration niya. Nalaglag ang mga balikat niya at napabuntong hininga. Nakikita kasi niya ang sinseridad at pakiusap sa mga mata ni Patrick. Nang sulyapan niya ang mga magulang niya nakita rin niya ang pag-asa at antisipasyon sa pagod na mukha ng mga ito. Sunod niyang iginala ang tingin sa bahay nila na walang kagamit-gamit maliban sa mga papag na tinutulugan nilang pamilya at sa lamesa at mga silya.
Nangingitim ang bubong at mga pader na kahoy dahil sa ilang dekadang nauusukan ng gaserang tanging ilaw lang nila sa gabi. Ang mga unan, kumot at banig, kupas na ang mga kulay. Kahit ang mga damit na sinusuot nilang pamilya, manipis at lumang luma na. Hindi na rin niya alam kung kailan sila huling nakatikim ng masarap na pagkain. Kung kailan sila nakaranas magkaroon ng bagong gamit at kung anu-ano pa. High school lang ang natapos niya at alam niya na kung walang mababago sa buhay nila, lahat din ng kapatid niya matutulad sa kaniya.
Narealize ni Anika na dapat niyang tanggapin ang alok na magandang buhay ni Patrick. Hindi lang para sa sarili niya kung hindi para rin sa pamilya niya. Kailangan niyang kimkimin na lang ang pagmamahal niya para sa lalaki kasi hindi na ito magiging kanya. Hindi na siya dapat magmatigas at tanggapin na lang ang tulong nito. Para sa ikagaganda ng buhay ng pamilya niya.
Kumirot ang puso niya. Huminga siya ng malalim at tumango. “Sige. Sasama na ako sa’yo sa Maynila.”
Natuwa si Patrick. Ganoon din ang mga magulang niyang napatayo at niyakap siya. Gumanti siya ng yakap at isinubsob ang mukha sa mga balikat ng Tatay at Nanay niya.