CHAPTER 3

1732 Words
               ALAM NI ANIKA LEJARDE na darating ang araw na ito. Alam niya na masyadong masaya ang nakaraang isang buwan ng buhay niya para hindi magkaroon ng katapusan. Ganoon nga yata talaga ang kapalaran niya. Pinatikim lang siya ng sandaling saya at pagkatapos babalik na uli sa normal ang buhay na kinalakihan na niya.                Mahapdi pa ang balat niya dahil sa pagkasunog sa araw at tagaktak ang pawis niya mula sa ilang oras na pagtulong sa tatay niyang mangisda nang humahangos na lumapit sa bangka ang kapatid niyang si Nestor para ihatid ang balita. Ni hindi pa nga sila nakakadaong ng maayos ay sumisigaw na ito.                “May dumating na taga-bayan!”                Iyon pa lang, para nang may sumuntok sa dibdib ni Anika. Nanlamig siya at nagkatinginan silang mag-ama. Isa lang ang pwedeng rason kung bakit may pupunta sa isla nila na dinadayo lang ng mga politiko kapag eleksiyon at nakakalimutan na pagkatapos. “T-tay…”                “Alam nating mangyayari ‘to, anak. Sinabi ko nang paghandaan mo ‘to,” puno ng simpatyang sagot ng kanyang ama. “Hala’t magpunta ka na sa bahay. Ako na ang bahala sa huli at lambat natin.”                Uminit ang gilid ng mga mata niya pero pilit na kinalma ang sarili. Tumalon siya mula sa bangka at nilakad ang hanggang tuhod na tubig hanggang makalapit siya sa kapatid niya. “Wala naman akong nakikitang bangka ah.”                “Sa kabilang dalampasigan sila dumaong. Nasa bahay sila. Ate… aalis na siya?”                Kumirot ang puso ni Anika. May bumara sa lalamunan niya kaya malayo na ang nalalakad nilang magkapatid bago niya nagawang sumagot. “Kung ‘yon ang gusto niya.”                Halatang nalungkot si Nestor. “Ayaw ko siya umalis, ate.” Tiningala siya nito. “Masaya ka mula nang dumating siya.”                Kumurap siya at nag-iwas ng tingin. Binilisan niya ang paglalakad para hindi makita ng kapatid niyang naiiyak na siya. Mayamaya pa tumatakbo na sila hanggang makarating sa bahay nilang gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero. Nakabukas ang pinto kaya nakikita ni Anika ang mga tao sa loob. Bumilis ang t***k ng puso niya at nanlamig ang buo niyang katawan habang marahang naglalakad palapit sa mga ito.                “Hindi namin naisip tingnan ang isla na ito sa nakaraang mga linggo. Malaking pagkakamali. ‘Di sana mas maaga kang nakauwi sa pamilya mo, Mr. Alfonso.” Narinig niyang sabi ng isang matandang lalaki na kung tama siya ng pagkakatanda ay Mayor ng bayan kung saan sakop ang isla kung saan sila nakatira.                “It’s okay. I don’t regret staying here for one month. Though I know it was hard for my family. Babawi ako sa kanila.”                Napakurap si Anika at napasinghap pagkahinto niya sa mismong pinto ng bahay nila. Napalingon sa kaniya ang lahat ng naroon, kabilang na ang kanyang ina at ang lalaking ngayon lang niya narinig magsalita ng ingles. Nakakaintindi siya at marunog naman magsalita ‘non kasi naka-graduate naman siya ng high school. Pero hindi ‘yon ginagamit sa bahay nila. Elementary lang ang naabot sa pag-aaral ng magulang niya kaya kaunting tagalog at bicolano lang ang alam ng mga ito. Nagkatitigan sila ng lalaki. Halatang nagulat itong makita siyang naroon.                “Still, Mr. Alfonso. Dapat nagpahatid kayo sa bayan umpisa pa lang. Marami ang nagsasabing baka patay ka na,” sabi nang isang lalaki na kasama ng Mayor nila.                “Ayaw niya magpahatid sa amin kasi wala raw siyang natatandaan maliban sa pangalan niya. Nag-alala kami na baka nasa panganib ang buhay niya kaya siya napadpad sa isla kaya hindi na namin ipinilit na dalhin siya sa bayan o ipagkalat na nakita namin siya,” sagot naman ng Nanay ni Anika.                “Amnesia?! You had amnesia?” gulat na tanong ni Mayor.                Nakatitig pa rin siya sa mukha ni Patrick kaya nakita niya nang bumakas ang guilt sa mukha nito. Sa sandaling ‘yon narealize ni Anika ang katotohanan – nagsinungaling ito. Sa nakaraang isang buwan mula nang makita niya itong nakadapa sa dalampasigan at walang malay, naniwala silang pamilya na nabagok ang ulo nito at walang natatandaan tungkol sa buhay at pagkatao nito.                Sinungaling. Nanginig ang mga labi niya. Tarantang tumayo si Patrick. Siguro nakikita nito ang hinanakit at panunumbat sa mga mata niya. “Anika –”                Tumalikod siya at tumakbo. Narinig niya ang pagtawag nito sa pangalan niya pero hindi siya lumingon. Namamasa ang mga mata niya at parang nilalamutak ang puso niya. Nasa gitna na siya ng kakahuyan malayo sa bahay nila nang may kamay na humablot sa braso niya at hinila siya paharap. “Sorry,” hinihingal na sabi nito agad. “Sorry kasi nagsinungaling ako. Pero makinig ka sa akin, okay?”                Kahit ang paraan nito ng pagsasalita ngayon, iba na. Wala na ang punto na nakuha nito sa kanilang pamilya. Sosyal na ang tunog. Parang hindi ang lalaking nakasama nila sa loob ng isang buwan. Lalong kumirot ang puso niya.                Pilit binabawi ni Anika ang braso niya pero mahigpit ang hawak ni Patrick. Bago pa siya makapagsalita mabilis na itong nagpaliwanag. “Nagsinungaling ako kasi ayoko pang umalis. Masyado akong thankful sa iyo at sa pamilya mo kasi iniligtas niyo ako at inilagaan sa mga araw na hinang hina ako. Nang araw na magising ako na mukha mo ang nakita ko, akala ko talaga patay na ako. Natatandaan mo? Ni hindi ko makayang tumayo nang araw na ‘yon at kahit hirap na hirap ka hinatak mo ako palayo sa tubig. Nang madala niyo ako ng tatay mo sa bahay niyo, ikaw ang naglanggas sa mga sugat ko, ikaw ang nagpakain sa akin ng share mo kasi sa inyo pa lang kulang na ang ulam at kanin, ikaw ang umaliw sa akin sa mga kuwento mo habang bored ako kasi hindi ako makabangon at ikaw ang nagturo sa akin ng maraming bagay na hindi ko alam, Anika.                “Kung sinabi ko agad sa inyo kung sino ako, na may pamilya akong naghihintay sa akin, hindi papayag ang mga magulang mo na manatili ako sa isla. Sila pa ang kusang magdadala sa akin sa bayan. Pero ayokong basta umalis. Gusto kong makabawi hindi sa paraang nakasanayan ko buong buhay ko kung hindi sa paraang itinuro mo sa akin. By working hard. Kasi kung katulad pa rin ako ng dati, malamang umalis ako agad at idinaan sa pagbibigay ng pera sa inyo ang pasasalamat ko. At alam ko na hindi mo ikakatuwa ‘yon hindi ba? Alam ko na hindi ‘yon tatanggapin ng pamilya mo at baka mainsulto pa kayo. So I stayed and helped with the chores instead.” Napahugot ng malalim na paghinga si Anika. Sa totoo lang kahit masama pa rin ang loob niya, alam niyang may punto naman si Patrick. “Pero bakit kahit sa akin nagkunwari kang walang natatandaan? Sa tuwing tinatanong kita tungkol sa sarili mo wala kang maisagot sa akin. Akala ko ba matalik na magkaibigan tayo? Kaya nga wala akong itinago sa’yo. Iyon pala ang dami mong itinatago sa akin.”                Namutla ang lalaki. Nagmukha na naman guilty. Pero ngayon may kasama nang kislap ng panghihinayang, paghingi ng tawad at lungkot sa mga mata nito. “Kasi…. Anika…” pabuntong hiningang banggit nito sa pangalan niya. Huminga ito ng malalim at ibinuka ang mga braso. “Tingnan mo akong maigi. Sa nakaraang mga linggo, ilang taon ako sa tingin mo?”                Kumunot ang noo niya. “Lampas trenta, ‘di ba?” Wala siyang nakikitang mali sa edad nito. Oo at twenty five pa lang siya pero marami ang nagsasabi na mas mature siya kaysa sa ibang ka-edad niya. Palibhasa bata pa lang siya tumutulong na siya sa Nanay niyang mag-alaga ng anim niyang mga kapatid.                Umiling ito. “I’m forty five, Anika. Noon pa man talagang mas bata ang hitsura ko sa tunay kong edad. Siguro kasi buong buhay ko hindi ako nagkaroon ng malaking problema at hindi ko naranasan maghirap. Siguro kasi puro pagpapakasaya lang ang ginawa ko sa buhay ko kaya hindi tumatanda agad ang hitsura ko. I realized that I was too shallow and childish. Mas mature ka pa nga kaysa sa akin.”                Nanlaki ang mga mata niya sa sobrang pagkagulat. Mabilis na nag-compute ang utak niya. Twenty years. Ganoon kalaki ang agwat ng edad nila ni Patrick.                Malungkot itong ngumiti. Parang nahulaan ang tumatakbo sa isip niya. Umangat ang kamay nito at hinaplos ang buhok niya. Naging makahulugan ang titig nito sa kaniya at sa mga sandaling ‘yon narealize niya na alam nito ang nararamdaman niya. Na matagal na nitong alam. Uminit ang mukha ni Anika at nakaramdam ng hiya. Nagbaba siya ng tingin. “K-kung ang edad ang inaalala mo –”                “Anika. I am flattered by your affection. Really. Thank you. Pero sa tingin ko, nararamdaman mo lang ‘yan sa akin kasi ako pa lang ang lalaking nakilala mo na iba sa mga lalaking nakakasalamuha mo rito.”                “Hindi ‘yan totoo,” marahas na sagot niya. Medyo naiinis siya na ganoon kababaw ang tingin nito sa nararamdaman niya. Kaya kahit mainit pa rin ang mukha niya at parang nilalamutak ang sikmura niya pinilit niyang salubungin ng tingin ang mga mata nito. “Mahal kita, Patrick. Wala akong pakielam kung malaki ang agwat ng edad natin. Mahal kita. Ngayon ko lang ‘to naramdaman buong buhay ko. Boring at parang nakikisabay lang ako sa agos sa araw-araw bago kita nakilala. Isa kang… sorpresa para sa akin. Pinasaya mo ako. Binigyan mo ng kulay ang mundo ko. Binigyan mo ako ng rason para magpasalamat sa Diyos gabi-gabi na nandito ako sa isla kasi kung wala ako rito, hindi kita makikita sa dalampasigan at hindi kita makikilala.”                “Anika…” ungol nito. Bakas sa mukha ang lungkot at sakit. Na para bang nasasaktan ito sa pag-amin niya sa nararamdaman niya. Namasa ang mga mata niya at nanginig ang mga labi niya pero hindi siya nag-iwas ng tingin. Humugot ito ng malalim na paghinga bago malungkot na ngumiti. “I’m… married. And I have a son. And though I enjoyed my stay here with you and your family, I have a family waiting for me in Manila. Masyado ko na silang nasaktan at pinag-alala sa isang buwang hindi ko pag-uwi. So I must come back now.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD