CHAPTER 5

1294 Words
KINABUKASAN dumating uli ang Mayor nila para sunduin sila ni Patrick. Magkahalong sabik at malungkot ang mga kapatid ni Anika nang sabihin nila kagabi na sasama siya sa Maynila. Ngayon nga umiiyak ang mga ito at ayaw lumayo sa kaniya. Kahit ang Tatay at Nanay niya, naluluha. Pero sandaling nawala ang lungkot nang makita nilang maraming dala ang mga taong kasama ni Mayor. Mga bagay na ibinilin pala ni Patrick na dalhin at iwan sa pamilya niya. May generator na minsan isang buwan daw ay may darating para kunin ‘yon at i-recharge. Mga gamit sa bahay katulad ng fluorescent light, electric fan, tv, component at cellphone – para raw matatawagan niya ang mga ito kapag nasa Maynila na siya. Meron ding mga bagong damit, sapatos, laruan at kung anu-ano pa para sa mga kapatid niya. Mga grocery at pagkaing hindi pa nakikita at natitikman ng pamilya niya kahit kailan. Manghang napatingala siya kay Patrick na ngiting ngiti habang pinagmamasdan ang masayang mukha ng mga kapatid niya. “H-hindi mo na ‘to dapat ginawa,” nanginginig ang boses na bulong ni Anika. Niyuko siya nito at naging masuyo ang ngiti. “Gusto ko ‘tong gawin. Hayaan mo na ako.” May bumara sa lalamunan niya. Nabagbag ang damdamin niya at kinailangan niya kumurap para hindi maiyak. Pero hindi pa pala doon natatapos ang sorpresa. Kasi nang ihatid siya ng pamilya niya sa dalampasigan kung nasaan ang bangkang magdadala sa kanila ni Patrick sa bayan, may isa pa palang regalo ang lalaki para naman sa Tatay niya. Isang bangkang pangisda. Bagong bago at mas malaki pa kaysa sa bangkang nirerentahan lang nila. Sa loob ‘non may bagong lambat. Naiyak ang Tatay at Nanay niya, niyakap si Patrick at paulit-ulit na nagpasalamat. Natawa ang lalaki, gumanti ng yakap at nagpasalamat din sa mga magulang niya. “Kayo ang dahilan kaya buhay ako ngayon. Kayo ang nagpabago sa buhay ko,” sabi pa nito. Namasa ang mga mata ni Anika. Lalo na nang lapitan nila Tatay ang bangka at halatang masayang masaya. Sunod siyang napatitig sa mukha ni Patrick na sa kaniya na nakatingin. Huminga siya ng malalim, inabot ang braso nito at pinisil. “Salamat.” Malawak itong ngumiti. Parang nilamutak ang puso niya. Kasi narealize na naman niya na mahal talaga niya ang lalaking ito. Mayamaya, nang parang mainip na ang Mayor nila at sabihing kailangan na nila umalis, lumapit kay Anika ang pamilya niya at isa-isang yumakap sa kaniya ng mahigpit. Naiiyak siya pero pinilit ngumiti para hindi mag-alala ang mga ito. Pagkatapos niyang mangako na tatawag siya araw-araw, sumakay na sila ni Patrick sa isa sa mga bangka. Kumakaway ang mga kapatid niya habang papalayo sila sa dalampasigan. Gumanti siya ng kaway at nang malayo na sila at hindi na niya nakikita ang mga mukha nito saka lang tumulo ang luha niya. Magaan siyang inakbayan ni Patrick. “Everything is going to be okay, Anika. Hindi kita pababayaan.” Huminga siya ng malalim. Tiningala niya ito. Tumango na lang siya. Kahit sa totoo lang, hindi pa rin siya sigurado kung tama ba ang desisyon niyang sumama sa Maynila. Magiging maayos ba talaga ang buhay niya o baka gumulo lang? Kahit ano pa ang mangyari, nagdesisyon na siyang ibigay ang tiwala niya kay Patrick. Wala nang atrasan pa.   HUMAHANGOS na umuwi sa mansiyon ng mga Alfonso si Trick. Nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang Mama kanina habang nasa trabaho siya. Ang kanyang Papa na isang buwan nang nawawala, bigla na lang daw sumulpot sa bahay nila. His father is alive. Unti-unti na silang nawawalan ng pag-asa na makikita pa nila itong buhay. His mother has been grieving for the past month. Kaya isang malaking selebrasyon dapat para sa kanila na buhay ang kanyang ama at nakauwi sa bahay. Kaya bakit iba ang narinig niya sa boses ng kanyang Mama nang tumawag ito sa kaniya? Umiiyak ito pero imbes na magtunog masaya ay parang depressed pa. May pahaging pa ito na “How can he do this to me? To us?” Histerikal ang Mama ni Trick. Kaya napahangos siya papunta sa mansiyon. Napamura siya nang pagpasok ng kotse niya sa gate ng exclusive subdivision kung nasaan ang Ancestral house nila ay nakita niyang nagkalat na ang press people doon. Ibig sabihin kumalat na ang balita na nagbalik na si Patrick Alfonso Sr., ang prodigal son ng kanyang Lolo. Hindi na niya inabalang ipasok sa garahe ang kotse niya. Aalis din naman siya kapag nakita at nakausap na niya ang kanyang Papa. Mabilis ang bawat hakbang niya hanggang makapasok sa entrada ng mansiyon. “Trick, son, at last you are here,” tawag ng kanyang Mama na tumakbo palapit sa kaniya. Natigilan siya. She looks miserable. “What is it? Bakit ganiyan ang hitsura niyo?” Kumapit sa braso niya ang ina. “Hindi ko na talaga alam ang gagawin sa Papa mo. Akala ko patay na siya. Sobra akong nagluksa. Pero tingnan mo! Dumating siya na parang walang isang buwang lumipas. Still as selfish and capricious as ever. Hindi man lang niya inisip ang nararamdaman ko.” Kumunot ang noo ni Trick at iginala ang tingin sa malawak na living room. Pumasok mula sa nakabukas ng French doors na papunta sa garden ang kanyang ama. Mas payat kaysa dati at sobrang tanned ang balat. Balbas sarado. But still good looking. Katunayan kahit na forty five years old na ang Papa niya ay mukha lang itong nasa mid-thirties. “Trick, my son! I’m back,” ngisi ng kanyang ama nang makita siya. Ibinuka pa ang mga braso na parang hinihintay siyang tumakbo palapit dito para yumakap. Too bad, matagal na niyang na-outgrow ang admiration niya sa kanyang ama. Mula pa nang marealize niya na hindi rin pala nakakatuwa ang isang adult na parang bata pa rin umakto at mag-isip. His father is a peterpan.  “Kung buhay ka dapat kumontak ka agad sa amin,” sagot ni Trick. “Hindi iyong pinag-alala mo kami ng isang buwan. Saang lupalop ka ba napadpad, Papa?” “Trick, do you know that you are getting colder and more ruthless as you grow older? Nagiging para ka nang Lolo mo,” reklamo ng kanyang ama. Tumaas ang mga kilay niya. Mas mabuti nang magmana siya sa kanyang Lolo kaysa sa kanyang ama. Sasabihin pa lang sana niya ‘yon nang may mahagip ang kanyang tingin. May pumasok pang isa galing sa garden nila. Isang magandang babae na mukhang hindi nalalayo ang edad sa kaniya. Humigpit ang hawak ni Mama sa braso niya. Trick realized it was the presence of the woman that is making his mother miserable.  “Who is she?” malamig na tanong ni Trick, pinakatitigan ang babae. Sandali niyang nasalubong ng tingin ang mga mata nito. Medyo nagulat lang siya. He realized that she has exotic, seductive yet sad eyes. Beautiful and sad. Damn it. His father has a weakness for beautiful and sad creatures. Kaya nga pinakasalan nito ang kanyang ina. “Ah, tamang tama. Siya si Anika. Siya ang nagligtas sa akin nang mapadpad ako sa isla nila. Siya ang nag-alaga sa akin hanggang gumaling ako,” sabi ng kanyang ama. Napunta sa Papa niya ang tingin ni Trick. “So? Bakit dinala mo siya rito?” Lumapit ito sa dalaga at inakbayan. Na-tense ang Mama niya. Mariing tumikom ang bibig niya. Lalo na nang magsalita uli ang kanyang ama. “Mula ngayon, dito na siya titira.” Napatitig na naman si Trick kay Anika. Nakita niyang tiningala nito ang Papa niya. Lumambot ang ekspresyon nito at kuminang ang mga mata. Parang may sumipa sa sikmura niya. Shit. She’s in love with his father. And she’s going to be trouble. Sigurado siya roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD