CINDY POINT OF VIEW
"Ibig sabihin, magpapakasal ka na? Paano na si Paulo?"
"'Yon na nga, best. Paano na kami ni Paulo kung ngayon palang tapos na agad kami? Ni hindi niya pa nga alam na gusto ko siya. Paano na lang ang mga pangarap ko para sa aming dalawa, 'di ba?"
Mababaliw na ko. Kanina ko pa hawak ang ulo ko sa sobrang kunsumi. Hindi ako makapaniwalang sa isang iglap lang ay ikakasal na ko.
"'Wag mo ngang guluhin 'yang buhok mo. Baka mamaya pagtawanan ka na nila." Mahina niyang utos sa akin at saka inayos ng pony ang buhok ko.
Nandito kami ngayon sa classroom at kanina pa ko hindi makapag-concentrate. Feeling ko nga sa dalawang subject na dumaan ay wala akong natutunan. Sabi na at may masama akong pakiramdam sa pagbubulungan nila noong gabi na 'yon. Hindi ako nagkamali!
"Paano ko aayos? Ikakasal na ko..." Napapaos kong sabi sa kanya na tinawanan niya naman.
"Kaya mo 'yan, best. Hindi naman siguro malala ang mapapangasawa mo. Teka? Ano bang itsura niya? Pangit ba o gwapo?"
"Pangit man siya o gwapo, basta ayoko sa kanya." Umirap ako.
"Luh, ang taray." Tinawanan niya ulit ako.
Ilang sandali pa, napatingin kami sa paligid nang mapansin namin ang mga kaklase naming babae na nagbubulungan. Parang may interesting na nangyayari kaya parehas kaming nagtinginan ni Ella.
"Anong meron? Bakit parang kinikilig silang lahat? May artista ba ngayong bibisita sa atin?" Taka kong sambit at lalong inusisa ang paligid. "Anong sa tingin mo?" Balik ko kay Ella.
"Wala akong pake sa pinag-uusapan nila. Ang totoo, super curious talaga ko sa itsura ng mapapangasawa mo. Dati kasi sinubukan na rin nila kong ipasok sa arranged marriage pero umayaw ako at hindi nila ko napilit." Proud niyang kwento.
"Good for you." Hindi ko mapigilang tumingin talaga sa paligid dahil ang ingay nila. Gusto kong malaman kung anong meron at ganoon silang lahat. Para silang kinukuryente at nangingisay.
"Magkwento ka na. So, anong itsura niya?" Pangungulit ni Ella habang hinaharangan ako sa pagtingin sa paligid. Nagpalumbaba siya sa harapan ko at nagpa-cute pa.
"Tigilan mo ko."
"Sige na, hindi ko naman ipagkakalat." Ngumisi siya at nagmagandang mata kaya napangiti ako nang naiiling. "Dali na," dugtong niya.
"Pangit siya, pango ang ilong, parang kwago ang mga mata, napakakapal ng labi at alam mo ba?! Ang dami niyang pimples! Eww!" Kunyaring nandidiri kong kwento. "At-"
"Talaga ba?"
Napakunot ako ng nuo sa reaction niya. Para siyang wala na sa katinuan habang nakapalumbaba. 'Di ba pangit naman ang pagkaka-describe ko? Pero bakit parang na-inlove pa siya at kung makangiti wagas?
"Narinig mo ba ang sinabi ko?"
Tumango lang siya na parang wala pa rin sa sarili.
"AAHHH!" Mabilis akong napabaling sa iba naming kaklase na naghihiyawan. Sumunod agad doon si Ella kaya lalo akong nagtaka.
Sumunod ako sa pagtakbo nila papunta sa binata pero wala naman akong nakita at pagkatapos no'n ay umalis na rin sila. 'Yon na 'yon?
"Ano bang meron? Sino ba 'yong dumaan?" tanong ko sa makakarinig pero mukhang lahat sila ay nasa kabilang mundo ngayon ang pag-iisip. "Elllaaa!!" Pangungulit kong sigaw.
"Ang gwapo niya, behhh!!" Kinikilig niya namang sigaw habang nakapikit pa ang mga mata niya. Para siyang nasisiraan ng bait at pinapalo-palo pa ko ngayon.
"Bwisit ka! Tanong ka ng tanong ng itsura ng mapapangasawa ko! Tapos nakatingin ka na pala sa iba? Nahuli tuloy ako sa balita," angal ko pagkabalik ko sa upuan kanina.
"Huwag ka nang magtampo. Kapangit naman kasi ng mapapangasawa mo! Kaya naboring akong makinig tapos biglang natanaw ng mga mata ko ang man of my dreams ko!" sabi niya habang nakatingin sa itaas na para bang nagi-imagine. Napa-iling na lang ako sa kanya kasi para siyang nababaliw.
"Hi, Cindy," biglang bati ni Paulo kaya naman nagulat ako. Ang lakas na naman ng t***k.
"B-bakit?" Gulat kong tanong.
"Excuse me." Ngumiti siya.
"Excuse me?" Ulit ko sa sinabi niya at tumango naman siya habang nakangiti pa rin. Ano 'yon? Ayaw na naman gumana ng utak ko kaya naman sinundan ko lang ng tingin ang mga mata niya at naghintay ng susunod niyang sasabihin.
"Cindy?" Pagtawag niya na sa pangalan ko.
"Best! Upuan 'yan ni Paulo, halika na sa pwesto natin," sabat sa amin ni Ella kaya naman mabilis akong napatayo.
"Ah! Aaahhhh! HAHA! Sabi ko nga, e! Upuan mo 'to?" Parang nababaliw kong tanong habang nakapeke ng tawa.
Tumango ulit siya at mukhang natatawa sa reaction ko.
"Sige, doon na kami." Nahihiya kong kaway at mabuti na lang ay hinila na ko ni Ella. Hindi na ko makagalaw, e.
"Nandiyan na si Sir Migs! Dali!" Tinulak ako ni Ella sa pwesto ko.
Naupo ako nang maayos at syempre medyo sumusulyap nang konti kay Paulo. Ang gwapo niya ngayon sa suot niyang checkered shirt at pants. Napapatulala tuloy ako sa kanya. Kung hindi lang talaga siya tumitingin dito. Malamang malulusaw siya sa titig ko.
"Okay, class. Be quiet," panimula ni Sir Migs kaya naman napabalik ako sa realidad at tumingin na sa harapan.
Lintek, mabilis na nawala ang ngiti ko sa labi dahil kay Sean na ngayon ay ngingiti-ngiti sa harapan. Kumakaway pa siya ngayon na akala mo sikat na sikat siya.
Ano na namang nangyayari at nandito 'yan?!
"Ang gwapo niya, best!!" Tuwang-tuwang yugyog sa akin ni Ella habang ako ay tulala lang at hindi makapaniwala.
Biglang umingay ang paligid dahil sa kanya. Kilig na kilig ang mga babae at may mga nakasilip pa ngayon sa pintuan namin at bintana.
Sinamaan ko siya ng tingin nang ngitian niya ko.
Hindi ko alam kung anong trip niya pero hindi ako natutuwang nandito siya ngayon!
Nagpakulay pa siya ng kulay gray sa buhok at kung makaporma ay wagas. Magpapaka-famous pa yata.
"Bakit diyan ka uupo?" Mataray kong tanong at tinaasan siya ng kilay.
"Ciinnnddyyy!" Madiin na bawal sa akin ni Ella habang nagpapa-cute kay Sean. "Huwag mo siyang pansinin. Diyan ka na maupo."
"Anong diyan? Upuan mo 'to, 'di ba?" "'Wag ka nang magreklamo..." Pabulong niyang sabi habang hindi inaalis ang pagngiti kay Sean.
Asar na lang akong napairap kasi wala naman na kong magagawa. Naupo na siya sa pagitan namin ni Ella at nakakainis.
"Sungit," bulong niya na ikinatingin ko agad sa kanya. Naabutan ko siyang kumukuha na ng libro sa bag kaya bumaling na lang ako ng tingin sa harapan.
"Record the transaction by making entries in the appropriate journal, such as the sales journal, purchase journal, cash receipt or disbursement journal, or the general journal."
"Psstt..." Rinig kong paswit niya na hindi ko pinansin. "Ciiinnnddyyy..."
Ano bang problema nito? Palo pa ng palo ng ballpen niya sa braso ko na kala mo close kaming dalawa. Kapag ako ay naasar niya, puputulin ko sa harapan niya 'yang ballpen niya.
"Ciiinnndddyyyy..."
Asa siya, hindi ko siya papansinin. Wala akong balak na malaman ng boong school na ang isang trouble maker at babaerong katulad niya ang mapapangasawa ko. Never!
"Three points..." Nakangisi niyang bulong nang batuhin niya ko ng papel. Sinamaan ko agad siya ng tingin pero salit na matakot ay ngumisi pa sa akin ang umag.
'Crush mo pala 'yong Paulo Martinez.' Napataas agad ako ng kilay nang mabasa ko 'yon. Bumaling ako sa kanya at todo ngisi na naman siya sa akin.
"Eh, ano naman ngayon sa'yo?" Masungit kong tingin sa kanya.
"Dapat maging mabait ka na sa akin kasi baka madulas ako at maisigaw ko na asawa kita," bulong niya. Mapang-asar siyang ngumisi at ibinalik ang tingin sa harapan.
"Subukan mo." Paglaban ko bago lukutin ang papel at ibato pabalik sa kanya. Nakakairita talaga siya. Kung wala lang hahanap sa kanya baka matagal ko na siyang ibinaon sa lupa.
"Ang gwapo ni Sean, 'di ba?" Pangungulit sa akin ni Ella habang lumalakad na kami palabas ng campus.
Kanina pa siya good mood at nagtatatalon sa tuwa dahil kay Sean. Ngayon lang daw kasi nagkaroon ng transferee at ang gwapo pa kaya naiinggit tuloy ang ibang block sa amin.
"Bakit hindi ka kumikibo diyan? Gwapo naman si Sean, ah. Matangkad, singkit ang mga mata, matangos ang ilong at ang pula ng labi niya, daig pa 'yung sa akin." Paglalarawan niya kasabay ng pagturo sa labi niya.
"Ah, talaga?" Bored kong pagsagot.
"Hindi mo ba talaga siya nagagwapuhan?" Humihintong tanong niya. "Malabo na talaga 'yang mata mo! Ang gwapo-gwapo ni Sean tapos ang talino pa. Para ngang nasa kanya na ang lahat, e." Maarte niyang pagpapatuloy.
"Oo na lang."
"Alam mo kaya wala kang nagiging boyfriend kasi puro ka si Paulo."
"Hindi naman sa gano'n. Sadyang hindi ko lang siya type, okay?" sagot ko at mabilis na napalingon sa paligid dahil wala na pala kong kausap.
"Nandiyan na si Manong Ed, bukas na lang! Ingat ka!" Parang bata niyang sigaw habang tumatakbo at kumakaway.
"Para talaga siyang bata." Natatawa kong pagpapatuloy sa paglakad. Huminto ako nang matanaw si Sean na nasa isang gilid malapit sa gate ng campus namin. Nakapamulsa siya at seryosong nakatayo lang doon.
Nagpatuloy na lang ako sa paglakad at kunyari ay hindi ko siya napansin.
"Hey! You!" Napahinto ako sa gulat nang bigla na lang siyang sumigaw at nakaturo pa ngayon sa akin.
Nilingon ko siya at takang itinuro ang sarili ko. Tumingin ako sa paligid pero mukhang ako nga ang tinuturo niya.
"Kanina pa kita hinihintay dito tapos 'di mo man lang ako papansinin?" Papalapit niyang angal.
"Bakit sinabi ko bang hintayin mo ko?" Mataray kong sagot.
"Bakit ba ang sungit mo? Ginagawa ko lang dito ang trabaho ko." Mayabang niya namang sagot.
"Trabaho?" Nakatawa kong tanong.
"Oo, iisa lang ang bahay natin at ako ang lalaki kaya . . . aray!" Namilipit siya nang mabigla ako at nasipa siya sa binti. Mabilis kong sinuyod ng tingin ang paligid at nakahinga nang maluwag nang makitang walang nakarinig.
"Napakasadista mo!" angal niya habang namimilipit pa rin.
Hindi ko mapigilang mangiti dahil sa itsura niya. Gusto ko siyang tawanan ngayon pero baka may makakita kasi sa amin at akalain pang close kaming dalawa.
"Sorry na, itikom mo kasi 'yang bibig mo." May halong banta kong sabi.
"Hinintay na nga kita tapos..." "Hindi kita napansin, okay? Saka ang OA mo. Hindi naman kita sinipa nang malakas tapos ayaw mo pang tumayo nang maayos diyan."
"Ikaw kaya ang sipain ko?"
"Subukan mo." Tinaasan ko siya ng kilay at nginisihan.
"Ibang klase ka talaga, kunyari ka pa kasing hindi mo ko nakita samantalang nandito lang ako. Sa gwapo kong 'to nagde-deny ka pang hindi mo ko napansin? Eh, lahat nga ng babaeng dumadaan napapatingin sa kagwapuhan ko."
Napanganga ko sa sinabi niya. Napakayabang ng hanep. Mukhang noong umulan ng kayabangan sa mundo ay nasalo niya lahat.
Sa sobrang inis ko sa kayabangan niya ay pasimple kong inapakan ang paa niya sabay takbo nang mabilis nang umangal siya. Tuwang-tuwa akong bumaling sa kanya ng tingin nang makalayo ako at binelatan siya na parang bata.
"Nakakagigil ka na talaga! Kapag inabutan talaga kita! Yari ka talaga sa akin!!" Pikon niyang sigaw kaya lalo akong napangisi.
"Hayaan mo na gwapo ka naman kamo, 'di ba?" Mapang-asar kong sagot.
"Hi, Sean!" bati sa kanya ng mga babae.
Nagulat ako nang bigla na lang siyang umayos ng tayo at nagpagwapo bago ngumiti sa kanila. Hindi ako makapaniwalang siya ang mapapangasawa ko. Bakit? Bakit nangyayari 'to sa akin?
Halos mamula na ang nuo ko kakatapik pero hindi pa rin ako magising sa bangungot na 'to.
"Nasaan si Sean?" bungad ni Mama nang makapasok ako sa pinto.
"Malay ko sa bwisit na 'yon," pabulong kong sagot na mukhang narinig ni Mama. Sinundan niya ko sa pag-akyat ng kwarto at hinarang.
"Cindy, iayos mo nga 'yang pananalita mo." Nakakunot nuong sabi ni Mama kaya hinarap ko rin siya sabay crossed arms.
"Sino ba kasing nagsabi na papayag akong magpakasal?"
"Lolo mo ang nagdesisyon nito. Kaya please lang, umayos ka."
Gusto kong magwala pagkapasok ko ng kwarto pero wala akong magawa. Nahiga na lang ako sa kama ko sa sobrang inis habang sinisipa 'yon.
Bakit kasi si Sean pa? Napaka-antipatiko niya, mahilig sa basag ulo, mapang-asar at nasa kanya na yata lahat ng ayaw ko sa isang lalaki. Bakit siya pa?! Pwede naman si Paulo na lang o kahit sino basta hindi ang katulad ni Sean!
Paglabas ko ng kwarto, mukha niya na naman ang bumungad sa akin. Nakangiti pa siya kaya inirapan ko na lang.
"Alam mo ang sungit mo."
"Wala kang pake." Umirap ulit ako sabay pasok na ng CR.
Pagkalinis ko ng katawan, hindi na ko naghapunan para hindi ko siya makita. Tutal naman pinagtutulungan nila kong lahat. Natulog na lang ako at hindi sinagot ang mga tawag nila.
Kinabukasan, akala ko makakatakas na ko sa kanya. Pero hanggang sa pag-alis ko sa bahay ay sumusunod pa rin siya at kanina pa daldal nang daldal. As if namang interesado ko sa mga sinasabi niya.
"Bakit ba sinusundan mo ko? Wala ka bang sariling daan?"
"Wala, kasi ang pagkakaalam ko para sa lahat ang daan. 'Di naman ikaw ang may ar-" "IKAW! Pinipilosopo mo ba ko?" Pinanlisikan ko siya ng mga mata habang nagpapamewang.
Konti na lang talaga at babangasan ko na siya.
"Hindi, ah. Bakit naman kita pipilosopohin? I'm just stating the fact! You know?! HAHA." Tuwang-tuwa niyang sagot bago ako lampasan kaya lalong kumulo ang dugo ko.
"Grabe, ang yabang mo talaga! NAKKKUUU!" Nanggigigil kong sigaw sa kanya habang nakakuyom ang mga kamao ko sa harap niya.
"Ay, nako! Paano ba 'yan? Late na ko. Diyan ka na, ah! BA-BYE!" Nagkunyari pa siyang nagulat pagtingin niya sa wrist watch niya.
Anong late na? Magkaklase lang kaya kami. Bwisit talaga siya.
"Cindy? May problema ba?" Bigla akong nanigas dahil sa nagsalita mula sa likuran ko. Si Paulo 'yon! Sure ako.
Unti-unti akong umayos ng tayo at ngumiti. Humarap ako sa kanya at, "hi, ang aga mo ngayon, ah?" tanong ko.
"Oo, may meeting pa kasi kami ngayong umaga. Sabay na tayo?" aya niya na hindi ko tatanggihan.
Kapag talaga may kamalasan ay may swerte pa ring darating.
"Best!" sigaw ni Ella na kabababa pa lang ng kotse. Napansin ko agad siya pero hindi ni Paulo kaya mabilis ko siyang minostrahan na 'wag nang sumabay at mabuti na lang, na-gets niya.
"Mabuti naman at hindi ka ngayon tumakbo," biro ni Paulo nang balingan niya ko ng tingin. Awkward akong ngumiti at hindi na sumagot.
"Hi, Paulo!" bati sa kanya ng isang babae. Ang ganda niya pero ang iksi niyang manamit. Para bang naubusan siya ng tela. "May dance practice kami mamaya pumunta ka, ah."
Tumango lang siya at ngumiti. Kanina ko pa napapansin na ang daming bumabati sa kanyang babae. Para siyang tumatakbong escort sa buong campus. May mga pinapansin siya pero madalas umiiwas siya.
Ang sarap sa feeling ng ganito. Nakikisama ang mga paa ko kahit na ang lakas ng t***k ng puso ko.
"Dito na ko," paalam ni Paulo sa akin kaya nabitin pa ko sa paglalakad.
Kumaway na lang din ako sa kanya habang pumapasok na siya sa isang room. Bumalik ako sa paglakad at nagtungo na agad sa room namin. Kabilis naman kapag siya ang kasama ko. Parang pwede naming lakarin ang buong pilipinas at hindi ako mapapagod.
"Nasaan na kaya si Ella?" Sumaldak agad ako sa upuan at nilabas ang phone ko. Hindi ko maiwasang mapangiti kapag naiisip kong nagkasabay kaming pumasok ni Paulo.
To: Best
Uy, Best. Nasaan ka na ba? Dalian mo at may kwento ako sa'yo.
Nakangiting text ko at napawi rin nang bumaling ako sa pintuan. Sabay sina Sean at Ella na pumasok habang nagtatawanan at mukhang close na sila agad.
"Alam mo may alam akong masarap na kainan. Pwede kitang samahan doon kung gusto mong lumibot dito. Saka, Sean-" "Hoy, ikaw!" sigaw kong turo kay Sean.
Nabigla lang ako at hindi ko sinasadya. Tumingin agad ako kay Ella na nagtataka at mukhang natakot sa akin. Nakalimutan ko kasing hindi nga pala alam ni Ella na si Sean ang mapapangasawa ko tapos nag-react pa ko nang gano'n. Ang tanga, Cindy.
"Ako ba?" Nagtatakang turo ni Ella sa sarili niya.
"H-ha? Hindi! May dumaan kasing may atraso sa akin." Kunyari akong tumawa at bumalik ng upo.
"Akala ko may nagawa akong kasalanan." Kabado niyang balik habang natatawa rin.
"Ano bang problema niya?" Pabulong na tanong ni Sean kaya sinulyapan ko ulit siya ng tingin. Dirediretso lang siyang lumakad papunta sa katabi kong pwesto nang hindi man lang tumitingin at may pagkamasungit ang mukha.
"Best, sino ba 'yon? Kala mo ka papatay kanina." Lapit ni Ella.
"Wala, nag-text nga pala ko sa'yo." Pagbago ko sa usapan.
Seryoso lang si Sean buong klase kaya naging tahimik ang buhay ko. Kaso lang napansin kong laging tumititig si Ella sa kanya. Kinabahan tuloy akong bigla. Gusto niya kaya si Sean? Ano naman ang kagusto-gusto dito sa lalaking 'to?
Naguguluhan ang isip ko habang tumitingin din kay Sean. Habang tinitignan ko siya, wala naman akong nararamdamang kakaiba. Oo, gwapo siya lalo na kapag seryoso pero ano naman ang kagusto-gusto doon?
"Best? Hindi ako makakasabay sa 'yong mag-lunch. May meeting kami ngayon sa music club," paalam sa akin ni Ella kaya naman tumango na lang ako.
Nang makaalis siya, sapilitan kong hinila si Sean sa mini garden ng school.
"ARAY! ARAY! ARAY!" angal niya dahil sa pagpingot ko sa isa niyang tainga.
"Ikaw, umayos ka, ah. Anong balak mo kay Ella? Best friend ko 'yon. Patay ka talaga sa akin kapag may ginawa kang masama sa kanya, naku!" Asar kong banta sa harapan niya.
"Grabe, ang sakit! Lagi mo na lang akong sinasaktan! Ano namang gagawin ko sa best friend mo?! 'Di ko siya type, 'no!" angal niyang balik habang nakahawak sa tainga niya na piningot ko.
"Ano? Minamaliit mo ba ang bff ko?"
"Ano na naman ba? Lahat na lang ng sabihin ko may angal ka! Bahala ka na nga diyan!"
"Hoy! Bumalik ka dito! Kinakausap pa kita!"
"Haaaa? Annnooo? Wala akong naririnig." Pagpapanggap niya na parang bata. Ngumisi siya nang makalayo at ako naman ang binelatan. Bwisit talaga siya.
Subukan niya lang na galawin si Ella at makikita niya talaga.
"Anong ginagawa mo dito?"
"Paulo?!" Gulat kong ikot ng tingin sa likuran ko.
"Hindi mo yata kasama si Ella ngayon."
"Ah, ano..." Dila makisama ka naman.
"Sige, mamaya na lang."
"Teka? Kumain ka na ba?" Humabol ako sa kanya for the first time.
"Hindi pa, may practice kasi kami ngayon. Aayain mo ba ko?"
Nakangiti akong tumango-tango kahit sobrang sikip na ng dibdib ko sa kaba.
"Sayang, next time. May practice kami ngayon baka mapagalitan ako ni Couch." Tinapik niya ko sa balikat at lumakad na palayo habang nakangiti.
Halos magtatalon ako sa tuwa dahil sa tapik niya. Okay lang naman na next time. Hindi ko naman talaga kasi kayang kumain kasama niya. Natatawa na lang ako sa sinabi ko kanina pero worth it naman. Ang gwapo niya talaga.
"Oh, anong ginagawa niya na naman?" Gulat kong bulong sa hangin. Tumatakbo na naman si Sean at ang lalaki ng humahabol sa kanya. Hindi na talaga siya matututo.
Pumunta na lang ako sa canteen para bumili ng pagkain. Siksikan na tuloy dahil lampas twelve na. Kung hindi ko lang kinailangang kausapin si Sean. Edi sana kanina pa ko nakabili.
"Nakita niyo na ba si Sean? 'Yong transferee, Girl. Ang gwapo niya."
"True, ang hot niyang tignan."
"May girlfriend na kaya siya?"
Napataas ako ng kilay nang marinig ang ilang pag-uusap ng mga babae sa paligid. Natatawa ko sa mga sinasabi nila. Anong hot doon?