SEAN POINT OF VIEW
"Akala mo ba matatakasan mo kami?" Mayabang na saad ni Bisco habang papalapit.
"Ahm, hindi?" Sarkastiko kong sagot kasabay ng mapait na pagngiti. Kanina pa ko atras nang atras kaso bawat pag-atras ko ay sinasabayan nila ng paghakbang palapit.
"Tatakas ka na naman? Hindi ka ba nagsasawang tumakbo?" Tumawa siya na ginaya ko para lalo siyang inisin. "Sige, tumawa ka lang dahil 'yan na ang huli."
"Hay, ano ba kasing gusto niyo? May lakad pa ko ngayon at hindi ako pwedeng ma-late." Huminto ako at nagmatapang sa harapan niya.
"Sugod!!" sigaw niya na ikinalaki ng mga mata ko. Humarap agad ako patakbo sa ibang direction at hindi na tumingin pa sa likuran.
"Saan ba ko pupunta? Kainis! Hindi ko pa naman kabisado 'tong lugar!" Inis kong hiyaw habang tarantang tumitingin sa paligid. Mabilis akong lumiko sa kanan at bahala na si Batman!
"Ayon siya!"
Ngayon ko pinagsisisihan na bumangon pa ko kanina. Ang sarap na ng tulog ko dapat hindi ko na lang sinagot ang tawag ni Mom.
"Bilisan niyo! Ang babagal niyong tumakbo!" sigaw ni Bisco na nangunguna sa paghabol sa likuran ko.
Grabe, ito na yata ang huling araw ko sa mundo.
Umakyat ako sa pader na lagi kong ginagawa at tumalon sa rooftop ng isang gusali papunta sa mas mataas. Minsan napapaisip na ko na baka magkalahi kami ni Spiderman.
"Asan na siya?!"
"Ayon!"
"Bilis!"
"Mga tanga! Dito!!!!"
Sinulyapan ko ulit sila at hindi pa rin sila nawawala.
"Aray! Wala ka bang mata?!" Inis na sigaw ng babae pero hindi ko na siya pinansin at mas binilisan ko pa ang pagtakbo.
Huminto ako sandali sa isang eskinita. Hingal na hingal na ko at hindi ko na kayang tumakbo pa pero siguradong mamamatay naman ako kung hindi pa ko babalik sa pagtakbo.
Napatingin ako sa isang malaking gate at heto na naman ako. Akyat. Talon. Takbo. Kahit kaya ko silang labanan ay kailangan ko nang umiwas sa gulo.
"Ang bagal niyo!"
Mabilis akong lumiko sa isang eskinita at hanep! Dead end!
Napahawak na lang ako sa magkabilang tuhod ko habang naghahabol ng hininga. Siguradong patay na naman ako kila Mom nito.
"Akala mo makakatakas ka?!" Natatawa nilang sigaw sa akin habang mayabang na pinapalo-palo sa mga palad nila ang mga dala nilang bakal.
"Sugurin siya!" sigaw ni Bisco at madiin na itinuro sa pwesto ko ang bakal na hawak.
"Hoy! Ikaw!" Huminto ang lahat dahil sa isang babae na tumalon galing sa itaas. Nanlilisik ang mga mata niya at padabog na lumapit sa akin.
"A-anong kailangan mo?" Nauutal na tanong ko habang pilit siyang minomostrahan na tumalikod.
Nakangisi lang ngayon sila Bisco at mukhang naghihintay din ng pagkakataon para muling sumugod.
"Ano?! Binunggo mo kaya ako! Tapos wala ka man lang balak na mag-sorry?!" May pagkamatinis ang naging tono niya kaya napalayo ako ng tainga. Hinawakan niya ang kuhelyo ko at napapikit na lang ako dahil sobrang sama ng tingin niya sa akin.
"Alam mo kasi..." Pilit kong mostra paturo sa pwesto nila Bisco na kanina pa ko hinahabol ng suntok. Tumingin siya at parang napako sa kinatatayuan niya sa harapan ko.
"Wow! Ang romantic naman!" Kunyaring kinikilig na sabat ni Bisco at mabilis ding nagseryoso. "Sige! Bugbugin na natin silang pareho," utos niyang bigla.
"Boss, sayang! Maganda 'yong babae. Itira na lang natin," sabat ng isa kaya tumingin ulit ako sa babaeng humabol sa akin.
Kabado ang mukha niya at kanina pa walang kibo buhat nang makita niya 'yung mga lalaking 'to.
"Wala na tayong tatakbuhan, 'di ba?" Mahinang tanong niya at sumulyap sandali sa mukha ko.
"Ano sa tingin mo?" Sarkastiko kong balik.
"Bakit masama bang magtanong?!" sigaw niya na nagpapikit ulit sa akin.
Hindi ko tuloy alam ngayon kung kanino ba ko matatakot. Sa mga humahabol ba sa akin o sa babaeng ito na hawak pa rin ang kuhelyo ko at kanina pa yata akong gustong upakan?
"Mukhang magiging masaya ang araw na 'to ngayon." Tuwang-tuwang pagpaparinig nila habang nag-iinat-inat ng mga katawan.
Kapag sumugod sila, wala na kong dahilan para hindi lumaban. Hindi ako pwedeng magalusan lalo na't makikipagkita pa ko kila Dad. Sigurado akong hindi sila matutuwa kapag bugbog sarado kong pumunta sa kanila.
"Shit." Mahinang mura niya habang nakakunot ang nuo. Inalis niya ang pagkakahawak sa kuhelyo ko at bumaling ng tingin sa magkabilang gilid.
Hindi ako makapaniwala sa kanya. Na dahil lang hindi ako nag-sorry kanina ay umabot pa talaga siya dito. Alangan namang noong nabunggo ko siya ay huminto muna ko at nag-sorry. Edi namatay agad ako kanina.
"Humanda ka." Mahina niyang utos kaya napatingin ako sa mukha niya. Ang ganda, ngayon ko lang nakita nang maayos ang mukha niya. Singkit, matangos ang ilong, manipis ang mga labi at maliit lang ang mukha.
"Sugod!" sigaw ni Bisco na nagpabalik sa akin sa realidad.
Hinawakan niya ang kamay ko at hinila pasugod kila Bisco kaya napalaki ko ng mga mata.
"Anong ginagawa mo?! Nasisiraan kana ba?!" angal ko.
Ngumisi lang siya bilang pagsagot nang balingan ako ng tingin. Umiwas siya sa mga lalaki at gano'n din ako. Hindi ko alam kung bakit parang bumagal ang paligid habang tumatakbo kami at tumatakas basta't ang alam ko lang ngayon ay ang ganda niya.
Para kong tumatakbo sa ulap habang hinihila ng isang anghel na nakangiti.
"Aw!" Nadapa ako at ngayon ko lang napagtanto na nakalampas pala kami nang buhay.
"Ano ka ba? Tatanga-tanga?!" sigaw niya sa akin at hingal na sumaldak sa sahig. "Hala! Yari na naman ako kay Mama! Abala ka kasi, e!" Bigla niyang tayo nang matingin siya sa malaking orasan sa isang building.
Hindi ko mapigilang mangiti habang pinagmamasdan siyang tumatakbo nang mabilis palayo.
"Ang ganda niya sana kaso parang may sayad." Natatawa kong usal. Pinagpag ko ang pantalon ko at tumayo na rin. Mabuti pala at nakalimutan niya na kong upakan.
Nilabas ko ulit ang cellphone ko para tingnan sa google map ang lokasyon nila Mom ngayon. Kung bakit kasi kailangan pa naming umattend ng dinner dito. Muntik pa tuloy akong mapahamak dahil sa lugar na 'to. Tsk.
"Eto na kaya 'yon?" Tinignan ko nang maigi ang bahay at ibinalik ang tingin sa mapa. Mukhang eto naman na siguro. "Hay, bahala na." Nag-door bell na lang ako at naghintay.
"You're late." Masungit na bungad ni Mom nang buksan niya ang pinto.
"Sorry?" Ngumiti ako pero hindi tumalab. "Oh, come on, mom! I'm not good at places. Naligaw-ligaw pa kaya ako bago marating 'to." Pagsisinungaling ko habang sinusundan siya.
"Edi sana tinawagan mo kami." Madiin niyang bulong.
"Tama na 'yan. Papasukin mo na lang agad 'yang anak mo at baka sakaling tumino kapag nakilala niya na ang mapapangasawa niya." Masungit na sabat ni Dad.
"Mapapangasawa?!" Gulat kong sigaw bago umatras na mabilis namang napansin ni Dad. Sinamaan niya ko ng tingin at pinagbantaan gamit ang mga mata niya.
"Tara na sa loob." Tumalikod na rin sa akin si Mom at nauna na sa paglakad.
Hindi pa rin ako makapaniwala kaya mabilis akong sumunod. Padabog kong isinara ang pinto at bumusangot. Sisiguraduhin kong hindi nila ko magugustuhan.
"Pababalikin ka namin sa America kapag hindi ka umayos," bulong ni Mom na ikinalaki ko ng mga mata. Mabilis ko siyang tinignan at tumango-tango naman siya na mukhang seryoso sa kanyang banta.
"Pero, mom!" angal ko ulit. "Alam mo namang ayoko nang bumalik pa do'n!" Nanliliit kong sigaw.
"Exactly." Masungit niyang sagot at minostrahan na kong sumunod na.
Napahilamos na lang ako ng mukha habang sumusunod. Ano pa nga bang magagawa ko?
Pumasok kami sa kusina at bumungad sa akin ang mag-asawa. Tinignan ko silang mabuti at humihiling na sana lang ay hindi siya pangit. Wala pa siya at hindi ako mapakali kakaisip sa itsura niya. Nakikisali lang ako sa usapan nila habang naghihintay.
"Nandiyan na siya. Nagbibihis lang sa itaas."
Sumulyap agad ako sa pintuan. Please, 'wag sanang pangit at talaga namang babalik ako sa America kung hindi ko lang din tipo. Kaysa naman magpakasal ako tapos araw-araw akong magdudusa, 'di ba?
"IKAW!!!" sabay naming sigaw.
Napatayo ako sa gulat.
"Magkakilala kayo?" Gulat din nilang tanong.
"Hay, grabe ang malas ko talaga ngayong araw..." Gigil na bulong niya na rinig na rinig ko.
"Siya ang ipapakasal niyo sa akin?" Tinuro ko 'yung babae kanina at mabilis ding binawi ang pagkakaturo dahil sa takot. Sa pagtingin niya ngayon parang gusto niyang baliin ang mga buto ko.
"Mabuti 'yan at mukhang magkakilala na sila. Hindi na tayo mahihirapan." Natutuwa nilang pagbibidahan.
Umupo agad ako nang umupo siya sa katabing pwesto ko. Umiiwas na lang ako ng tingin kasi nakakatakot siya.
Ano ba 'yan?! Maganda nga kaso nakakatakot naman. Baka araw-araw undas ang maging araw ko.
"Three months from now? Ang bilis naman po yata!" Biglang sigaw niya kaya napabalik ako sa kamalayan. Tumingin agad ako sa kanya na nakaturo sa pwesto ko at nagrereklamo pa rin. Nakakatakot talaga siya, akala mong mangangain nang mangangain ng buhay.
Sumakit bigla ang ulo ko. Gulo na naman 'to.
"Iyon kasi ang gusto ng lolo't lola niyo," sagot ni Mom.
"Pero—" "Cindy..." Madiin na bawal sa kanya ng papa niya na ikinahinto niya sa pagsagot.
"Cindy, maging mabait ka sa kanya." Nakangiting utos naman ng mama niya.
Halatang peke ang pagngiti niya ngayon. Para siyang anghel na tumango at nang umalis na ang tingin sa kanya ng lahat ay bigla niya na lang akong tinignan nang masama. Inambaan niya rin ako ng suntok at pinakita ang kamao niya kaya mabilis akong umalis ng tingin.
Pagkatapos naming kumain, umalis agad ako at nagpaalam na may pupuntahan pang iba. Akala ko, ako ang mananakot sa mapapangasawa ko pero ako yata ang natatakot ngayon para sa buhay ko.
Kinabukasan, akala ko ay nagising na ko mula sa masamang panaginip pero mali ako. Sapilitan na naman nila kong pinapunta sa bahay ng babae na 'yon at muling pinagbantaan.
I feel trapped. Wala akong magawa kundi ang sundin lang sila.
Pagkarating ko, wala silang ginawa kundi magkwentuhan at hindi ko nga alam kung ano ba ang purpose ko dito. Umiikot lang ang tingin ko sa loob ng sala nila. Malaki, maayos at maganda naman 'tong bahay nila pero walang gano'ng dating. Walang decorations at mga pictures.
"Oh? Sa Monarch University pala siya nag-aaral," bulong ko sa hangin habang nakatitig sa isang medal na nakasabit sa halaman.
"Oo, doon nga siya nag-aaral. Pa'no mo nalaman?" Tumingin sa akin si Tita Elsie, mama niya. Ngumiti siya kay Mom na akala yata ay close talaga kami ni Cindy.
"May medal lang po doon kaya nalaman ko." Magalang kong sagot.
"Hay, si Cindy talaga." Parang kunsumido niyang bulong kaya napatawa ko pero napatigil din nang paluin ako ni Mom sa hita.
Tinignan niya ko nang 'umayos ka' look at nagpeke ng ngiti. "Bakit anak? Gusto mo doon ka na lang din lumipat? Hindi ba wala ka pa namang napipiling school na lilipatan?" Madiin niyang tanong nang bumalik si Tita Elsie.
Patay!
"Oo nga, hijo!" Pagsang-ayon ni Tita Elsie.
Umiling ako pero nilakihan ako ng mata ni Mom na ikinalumo ko. Wala na naman akong takas.
"Kapag nasa iisang school lang kayo ay siguradong makikilala niyo lalo ang isa't isa."
"Ayos lang naman po sa akin 'yon, tita. Kaso baka magalit si Cindy." Pagdadahilan ko.
"Hindi, ah. Mabait naman ang anak namin na 'yon. Ganoon lang talaga siya," sagot ni Tita Elsie at mukhang wala na talaga akong kawala.
"Ah, alam ko na! Gusto mo bang makita ang kwarto ni Cindy? Sigurado kong marami kang malalaman tungkol sa kanya do'n."
"Po?" Napaawang ako ng labi sa sinabi niya.
"Sundin mo na lang ang mama niya at pumunta ka sa itaas." Pasimpleng bulong ni Mom at nakangiting bumalik ng tingin kay Tita Elsie.
"Sige po, tita. Sa itaas po, hano?" Napilitan kong sagot.
"Halika, sasamahan na kita."
"No need, tita." Ngumiti ako habang tumatayo.
"Hindi ba parang hindi pa sila handa?"
"Ganyan talaga sa una. Kakikilala pa lang naman nila." Tinignan ako ni Mom habang papaakyat ako sa hagdanan. 'Yung mga tingin niya sa akin ay talagang may halong pagbabanta.
Umakyat na lang ako at binuksan ang pinto. Ang weird naman kasi ng utos niya. As if namang makikilala ko 'yung babae na 'yon gamit lang ang kwarto niya. Napahinto ako sa paglakad at pag-iisip nang mabuksan ko ang pinto. Halos mahulog ang panga ko habang dahan-dahang sinusuyod ang paligid. Astig!
Hindi naman siguro siya magagalit kung gagalawin ko ang iba niyang gamit. Na-excite akong bigla and I'm not expecting this. Nakakahanga ang mga collection niya. Babae ba talaga siya? Puro robots at mini car collections ang display niya.
"Parehas pala kami ng hilig."
Lalo akong napangiti habang lumalapit sa car station niya. Ito talaga ang pinakanakapukaw ng atensyon ko.
Tuwang-tuwa akong umupo sa car station niya na nakapuwesto sa isang gilid. Pinasindi ko 'yon at talagang napakaganda pati graphics. Naglaro na lang muna ko pampalipas oras.
"Sean? Hijo?" Sumilip si Tita kaya napatayo agad ako at pinatay 'yon. Sayang at mukhang ako pa naman ang highscore.
"Sorry po, tita. Ang astig lang po kasi nitong car station niya." Nahihiyang paliwanag ko habang nagkakamot ng ulo.
"Ayos lang, pero hindi ito ang kwarto ni Cindy." Tinawanan niya ko.
"H-hindi po sa kanya 'to?"
"No, this room belongs to you. Mommy mo ang nag-ayos nito kanina. You like it?"
"Room ko?" Tama ba ko ng rinig?
"Oh? Nakita mo na agad itong kwarto mo? Mamaya ko pa sana balak ipakita sa'yo 'to." Pumasok si Mommy kaya mabilis akong bumaling ng tingin sa kanya.
"My room?" Taka kong tanong.
"Oo, simula ngayong araw. Dito ka muna titira sa kanila."
"Pero bakit?!" Maagap kong angal.
"Napag-usapan kasi namin na magiging maganda kung magkakasama kayo. Para mas makilala niyo pa ang isa't isa bago kayo magsama."
Napanganga ko sa paliwanag ni Mom. Hindi ma-process ng utak ko kasi masyadong mabilis ang mga nangyayari.
"Halika! Dito ang kwarto ni Cindy," aya ni Tita Elsie. "Ito ang kwarto niya. Maiwan ka na namin, ah."
Tulala pa rin ako dahil sa mga nangyayari.
"Umayos ka," paalam din ni Mom at tinignan ako nang 'yari ka sa akin' look bago umalis sa kwarto.
Umikot ako ng tingin pero ang ordinaryo lang ng kwarto niya. Akala ko pa naman may kakaiba na. Na-bored lang ako kaya humiga na lang ako sa kama.
"Hindi ako makapaniwalang ginagawa nila 'to sa akin." May sama ng loob akong naramdaman nang sabihin 'yon sa hangin.
Kunsumido kong pinikit ang mga mata ko pero hindi talaga ako mapalagay. Kailangan kong matakasan 'to kahit ano pang mangyari.
"Hmm? Ano 'to?" Mabilis kong kinapa ang ilalim ng unan niya at natawa dahil sa nakita kong photo album ni Cindy noong baby pa siya. Ang kalat niya rin sa gamit.
Tumayo ulit ako at umikot sa kwarto niya. Old books, drawing pads, at kung ano-ano lang naman ang meron dito.
"Sino naman 'to?" Takang tanong ko habang nakatingin sa picture ng lalaki na nakalagay sa drawer niya. "Parang kilala ko siya," bulong ko habang nag-iisip.
"Ahhh! Si Paulo, ang kilalang the best soccer player. Pwe, pwe! Mas magaling pa nga ako sa kanya hindi lang ako marunong mag-soccer."
Teka?! Bakit naman may tinatago siyang picture ng lalaki sa drawer niya? Grabe, may tinatago rin pala siyang sekreto, ah. Yari ka sa akin ngayon.
"HAHA! Sinusungitan mo ko, ah. Makikita mo ngayon! Huh! Ang talino mo talaga, Sean!" Nagpamewang ako sabay evil laugh.
Ilang oras pa ang lumipas at hindi ko namalayan na nakatulog na ko sa kwarto niya sa sobrang inip. Nagising lang ako nang magpaalam na si Mom. Nakipagtalo pa ko sa kanya dahil anong gusto nilang gawin ko dito?! Makipagligawan sa kanya? Sigurado namang hindi kami magkakasundong dalawa. Pwera na lang syempre kung babait siya sa akin.
"Bakit nandito 'yan?!" Gulat niyang turo sa akin habang nauupo sa bakanteng pwesto.
Nginitian ko lang siya nang sobra at bumalik na agad ako sa pagkain. Ayan na naman kasi ang mga tingin niya na para bang gusto niya kong ibaon ng buhay.
"Pansamantala lang, dito muna siya titira para magkakilala kayo. Para kapag kinasal na kayo at lumipat sa sarili niyong bahay. Edi ayos na ang lahat, 'di ba?" Natutuwang sagot ni Tito habang tinatapik-tapik pa ko sa likuran.
Muntik ko na tuloy mabuga ang kinakain ko. Parang botong-boto na siya agad sa akin para sa anak niya. Samantalang hindi pa nga nila ko kilala. Kung sabagay, sa gwapo kong 'to, eh, mahihirapan na nga silang humanap ng papalit sa akin.
"At pumayag ka naman?" Binalingan niya ko ng tingin.
"Cindy, tama na. That's final at wala ka nang magagawa." Masungit na saway ni Tita Elsie sa kanya.
"Huwag kang mag-alala at mabait naman 'tong si Cindy. Nabigla lang din siya dahil sa nangyari. Alam kong magkakasundo rin kayong dalawa." Tinapik ulit ako ni Tito habang nakangiti.
Sinubukan ko siyang ngitian pero inirapan niya ko agad. Wow, ha. Parang lugi pa siya sa akin. Sa gwapo kong 'to? Tsk.
Nang matapos kaming kumain. Umakyat na lang ako sa kwarto para magpahinga.
"Aaaahhhhhh!!" Gulat kong sigaw nang may biglang lumabas na white lady sa CR. Ay! Si Cindy lang pala.
"Bwisit ka talaga!!!!" sigaw niya sabay bato sa akin ng tuwalya kaya naman lalo akong natawa.
"Ano ba kasi 'yang nasa mukha mo? Pangit ka na nga, pinapapangit mo pa lalo 'yang mukha mo! HAHAHAHAHA!!" Pang-aasar ko sa kanya.
"Napakayabang mo!! Tingin mo ba gwapo ka?! Huh?!" Nanggagalaiti niyang sigaw habang nilalapit pa ang mukha niya sa akin.
"Konti pa, hahalikan na kita." Pang-aasar ko ulit sabay ngisi. "Aray!" sigaw ko nang apakan niya ko sa paa. Inirapan niya pa ko at padabog na pumasok sa kwarto niya.
Salit na mainis ay natawa pa ko sa expression ng mukha niya. Para siyang kinilig sa akin. Grabe, Sean! Iba ka talaga! Hindi ko maiwasang tumitig sa salamin para tingnan ang gwapo kong mukha.
From: Unknown Number
Kailan ka ba magpapakita? Hinahanap ka nila. Reply ka asap.
From: Unknown Number
Wala ka bang pakialam sa amin?
From: Unknown Number
Alam mong wala kang takas. Kahit kami ang unahin nila. Tutugisin ka pa rin nila. Tandaan mo iyan.
"Bakit ba ayaw nila kong tantanan?" Binato ko na lang ang cellphone ko sa kama habang nagpupunas ng buhok.
Alam ko namang hindi na ko makakatakas pa sa kanila pero hangga't kaya kong iwasan. Iiwas muna ko. Mahirap nang magkagulo-gulo ulit ang lahat. Kailangan ko munang makaalis sa arranged marriage na 'to.
I need someone to help me. Pero sino? Patay na si Lola at ang lolo niya. Kapag kinausap ko naman si Mommy, siguradong pababalikin lang niya ko sa America. Si Daddy naman, isa pa siyang gustong-gusto na maikasal agad ako.
Hindi naman nakasalalay sa isang tao lang ang pagtino ko. Kapag naubos na ang mga kaaway ko. Saka lang naman ako titino kasi wala nang hahabol pa sa akin.
"Sean?" Napabalikwas ako nang kumatok si Tita Elsie.
Wait? What if siya ang kausapin ko?
Mabilis ko siyang pinagbuksan ng pintuan. Nakangiti siyang bumungad sa akin habang may dala-dala pang juice at tinapay.
"Ayos ka lang ba dito? If you need anything. Huwag kang mahihiyang kumatok sa kwarto ni Cindy sa kabila."
"I'm fine, tita. Don't worry." Ngumiti ako at inabot ang dala niya.
"Sige," paalam niya at naglakad na palayo. Hindi ko tuloy nasabi kasi mabait siyang masyado. Pati si Tito botong-boto pa sa akin.