Lumanghap ng sariwang hangin si Kaira Montelban mula sa tubig-dagat. Kasama ngayon ng beinte y dos anyos na dalaga ang kanyang mga kasamahan sa yoga club para magkaroon ng kanilang annual weekend retreat. Ang venue nila ay iprenesinta ng kanyang matalik at mayamang kaibigang si Alice Sarmiento, sa beach resort nito sa San Juan, Batangas. Private resort iyon kung kaya’t nagagawa nila kung anuman ang gusto nila nang may privacy.
Malaki ang beach house ng mga Sarmiento at malawak din ang pagmamay-ari ng mga ito. Ilang beses na rin siyang nakapunta rito dahil mula high school pa sila ay magkaibigan na sila ni Alice. Malawak ang lawn ng beach house na may bermuda grass, may mga flower pots ng namumulaklak na rosas malapit sa kaliwang pader at may mga santan na iba’t ibang kulay na nakahilera naman sa isang tabi malapit sa kanang bahagi ng bakod.
Nakaharap ang three-story beach house sa tabing-dagat at ang likuran niyon ay nagsisilbing entrance mula sa dirt road palabas ng barangay road at main road. At doon din sa likod ng bahay nakaparada ang mga sasakyan ng bisita ng beach house, sa ilalim ng tinatawag na Talisay tree (o Indian-Almond tree).
Habang nakaupo sila sa kanilang yoga mat sa hapong iyon ay nagbibigay naman ng instructions ang kanilang guru na si Disha, isang half-Indian at half-Pinay kaya nagpalit sila ng posisyon ng tinatawag na Ustrasana kung saan nakatalikod silang lumuhod at inaabot ng mga kamay ang mga paa.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay natapos na rin ang kanilang ehersisyo. Pinagsilbihan naman sila ng caretaker ng beach house ng meryenda pagkatapos niyon. Si Aling Lucing. Ito ay matagal nang naninilbihan sa mga Sarmiento kung kaya’t kilala na rin ito ni Kaira. At kasama nito rito si Mang Nick na asawa nito.
Bukas naman ng umaga ay magkakaroon sila ng dalawang oras na meditation pagkagising nila. Susundan iyon ng ilan pang activities katulad ng workshop, massage, life reflection at life coaching bago sila magkaroon ng free time bago umuwi o mag-stay pa ng isang gabi sa beach house at sa Lunes na babalik sa kani-kanyang sariling buhay sa Manila.
Pagkatapos ng lahat ng activities nila sa araw na iyon ay nag-night swimming pa sila. Nang magsawa na ang kanilang mga kasamahan sa beach ay pumasok na ang mga ito sa loob ng bahay. Samantalang ang naka-two piece na sina Kaira at Alice ay magkatabing nakahiga sa buhangin at nakamasid sa mga bituin. Malamlam ang ilaw na nakatanglaw sa kanila dahil hanggang sa porch lang ang nakabukas na ilaw sa oras na ito.
“Ang ganda talaga rito sa beach resort n’yo, Alice,” ani Kaira saka bumuntong-hininga habang nakatitig sa kumikislap-kislap na mga bituin. Ang sarap sa pakiramdam niya ang mapalapit sa mother nature at malayo sa noise at air pollution.
Napatawa si Alice nang mahina. “Kaya nga gusto ko ring pumunta rito kahit na mag-isa paminsan-minsan. Kapag may mabigat akong problema, parang kay gaang dalhin kapag naririnig ko ang pagdampi ng mga alon sa baybayin at nakatingin lang sa mga maliliit na bituin.”
Napalingon siya sa kaibigan nang bahagyang nakakunot ang noo. “Mabigat na problema? Katulad ng ano?”
Pinakawalan ni Alice ang isang mabigat at malalim na hininga. “Katulad noong naghiwalay sina Mommy at Daddy, kapag nag-aaway kami ni Easton, katulad ngayon—”
“Ano? Nag-aaway na naman kayo ng syota mong nerd?” Halos hindi makapaniwala rito si Kaira.
“Seloso rin kasi, eh! Ewan ko ba sa kanya. Kaibigan ko lang naman si Gerald.” Nakasimangot pa ang kaibigan at saka napatingin muli sa kalangitan.
“Hmm… lalambingin ka rin noon kapag na-realize niya na mali siya. Isa pa, mami-miss ka noon sa weekend na ‘to kaya hindi malayong tatawag din ‘yon sa ‘yo mamaya.”
“Hindi pa nga nagte-text, eh. Baka susuko na rin ‘yon sa ‘kin,” napaismid na tugon ng kaibigan.
Tumawa siya rito nang marahan. “Si Easton? Susuko sa ‘yo? He’ll really lose a lot of nice things about you. Mayaman ka. Mas mayaman kaysa sa kanya, in fact. Sexy ka. Maganda. Mabait. Loyal. Generous. Focused. Well, hindi na natin i-mention ang negative traits mo, of course. Basta may maraming mawawala kay Easton kapag susukuan ka niya.” Binilang pa niya ang mga katangian ng kaibigan gamit ang mga daliri.
Napahagikhik tuloy ang kaibigan. “Ano ba ‘yang pinagsasabi mo? Ano’ng negative traits ko, aber? Ang bait ko kaya!”
“Hmm… makulit, madaldal paminsan-minsan… ‘yon! ‘Di ba negative ang mga ‘yon?” aniyang sinundot pa ang tagiliran ng kaibigan.
Napahagikhik pa ito dahil nakiliti. “Ano’ng negative do’n? Kapag kinukulit ka, ibig sabihin ay mahal ka. Kapag dinaldal ka, ibig sabihin no’n ay gusto kang makausap. ‘Tsaka, huwag mo nga akong sundutin diyan. Alam mo namang nakikiliti talaga ako riyan!” reklamo pa nito at napatili nang nakabungisngis sa ginawa niyang pagsundot ng daliri sa tagiliran nito nang paulit-ulit.
Tumawa pa siya at hindi ito pinakinggan. Sinundot pa niya ito nang sinundot sa tagiliran hanggang sa nagkakilitian silang dalawa. Nang sumakit na ang kanilang tiyan sa katatawa ay napilitan silang tumigil na. Hinihingal pa silang muling nakatingin sa kalangitan.
“Siyanga pala, hanggang kailan mo ba planong maging single? Ang sarap siguro ng buhay mo nang walang nobyong nangungulit sa ‘yo, ‘no?” tudyo ni Alice sa kanya.
She scoffed at this. “So, judging by your recent situation with Easton dahil kay Gerald, dapat ko na bang i-career ang pagiging NBSB ko?”
“Well, hindi ba’t lahat naman tayong mga tao ay may hidden ideal na other half natin? Kaya nandiyan ang salitang soulmate o kaya’y twin flame, hindi ba? Sila ‘yong hinahanap-hanap talaga natin na kapares ng buhay natin. Kaya nga ang iba ay palaging naghahanap ng talagang nakakasundo nila para makasama habang-buhay, umaasang iyon na nga ang para sa kanila. Wala ka bang gano’ng feeling, Kaira, ang mahanap ang greatest love mo?”
“Hmm… I’ll be a hypocrite if I’d say I don’t long to have someone like that with me. Pero ang tanong, matatagpuan ko ba siya sa lifetime kong ito? At kung oo, siya na nga ba talaga ang hinahanap ko, Alice? Baka naman mali lang ako.”
“Kaya nga sa pag-ibig may trial and error din, eh. Some try and see if their relationship would work out just fine especially in the long run. May mga nasasaktan din dahil nabigo. Nabigo sila dahil hindi pala iyon ang taong magiging kapareha nila para sa habang-buhay nila. Katulad ng parents ko. At may mga masuwerte namang natagpuan nga nila ang kanilang other half, katulad na lang ng parents mo, ‘di ba?”
Hinawakan niya ang kamay ng kaibigan at bahagyang pinisil iyon. Kahit pitong taon na ang nakalipas nang maghiwalay ang mga magulang nito ay masakit pa rin iyon para sa kaibigan. Siguro nga ay masuwerte rin si Kaira kahit papaano. Kahit na hindi talaga sila mayaman ng pamilya niya ay masaya naman silang magkasama kahit sa hirap. And her friend envied her for this.
Nagkatitigan pa silang magkaibigan. Napangiti ito sa kanya.
“And what if… wala talaga ang soulmate or twin flame mo sa mundo na ‘to? Sa lifetime mong ‘to, Kaira? Ano ang gagawin mo?” kuryuso pang usisa nito.
Napatingin pa siyang muli sa kalangitan. “Bakit ko ba pipilitin kung nasa ibang planeta siya at hindi niya ako matagpuan doon man o rito, ano? Baka naman sa susunod kong lifetime ay nandoon na lang siya sa tabi ko all my life.” Napalingon siyang muli sa kaibigan at ngumisi rito.
Nagbawi ito ng kamay mula sa pagkakahawak sa kanya. “Tsk. Tsk. Tsk. Ikaw talaga. Dapat sinabi mong susubukan mo pa ring maghanap dito sa mundo natin, ano? May mga nanliligaw naman sa ‘yo pero ayaw mo naman. Katulad ng manager n’yong guwapo na si Jeff. Ewan ko ba sa ‘yo. Sobra kang pakipot din kasi. Paano mo malalamang siya na nga iyon o hindi kapag hindi mo rin naman susubukan, aber?”
Napataas siya ng kilay. “Special mention mo pa si Jeff. Bakit, sinagot mo lang ba si Easton para subukang siya na nga ba ang magiging forever mo o hindi? Ilang beses n’yo bang sinubukang maghiwalay, ha? As if namang—”
“As if namang may soulmate ka o kaya’y twin flame na taga-ibang planeta o kaya ay galaxy o kaya naman universe, ano?” putol pa nito sa nais niyang sabihin.
“Ano?”
“Naniniwala ka ba talagang may alien?” natatawang tanong nito.
“Oy, wala pa ngang nakapag-prove na merong alien, at least sa mainstream. Pero hindi naman malayong may alien nang hindi lang talaga natin alam o hindi ipinaalam sa mga tao. Bakit may mga theory na ganoon? Siguro nga ay dahil totoo at hindi lang haka-haka, ano? Isa pa, ang laki ng universe natin! Kahit pa nga ang Milky Way Galaxy ay sobrang laki para tayong mga tao lang ang namumuhay rito, ano?”
“Wow! So kaya talaga may conspiracy theory, ‘no, ha?” anang Alice.
“Basta, naniniwala talaga akong there’s life beyond Earth. Napakamisteryoso ng universe para maintindihan natin ang lahat. Kaya naniniwala ako na kung hindi ko talaga matatagpuan ang soulmate o twin flame ko rito sa Earth ay dahil baka nandoon pa siya sa ibang galaxy o kaya’y ibang universe.”
Napatawa ang kaibigan niya. “Ikaw talaga, kahit kailan. You and those conspiracy theories!”
Bago pa siya makahuma ng maisasagot ay bigla naman silang nakakita ng isang bulalakaw. Nag-wish naman siya kaagad dahil doon nang nakapikit ang mga mata.
Pagkatapos ay napadilat siya ng mga mata at kapwa pa sila napaupo ng kaibigan nang may marinig silang isang malaking bagay na bumagsak sa tubig-dagat na naglikha ng malaking alon at malakas na hangin. Tumayo silang mabilis na magkaibigan nang matalamsikan ng tubig-dagat. Nagkatinginan.
“Ano ‘yon?” bulong na tanong pa ng kaibigan niya. Halos luluwa ang mga mata nito at hinihingal.
“Meteor na bumagsak sa dagat?” halos pabulong ding tugon niya. Bumundol ang kaba sa kanyang dibdib.
Ngunit namangha na lang silang dalawa nang sandaling umilaw sa parte ng dagat kung saan bumagsak ang pinagdududahan niyang meteor. Humakbang pa siya papalapit sa tubig nang pinigilan siya ng kaibigan.
“Ano ba, Kaira? Saan ka pupunta?”