“Nakapasok na sila sa wormhole, Prinsipe Dronno!” balita ng taga-monitor ng radar na bumaling sa kanya. Nakita pa niya ang takot sa asul nitong mga mata.
Napatingin siya agad sa radar, nakita ang maraming pulang maliliit na parisukat na tila pumipintig-pintig. Inayos na niya ang sandata na isinuot sa isang kamay. Awtomatiko iyong nag-lock na parang isang malapad na bangle mula sa kanyang galang-galangan hanggang sa ilalim ng kanyang siko. Sa ibabaw niyon ay ang ilang buttons na dapat niyang i-set upang awtomatikong magagamit sa pamamagitan ng kanyang isipan. Kapag ganitong nakasuot na ito ng parte ng katawan ng Pleretathian ay kumonekta nang awtomatiko sa utak ang sandata. At walang ibang nakagagamit sa sandata nila maliban lang sa kanilang may dugong Pleretathian.
Napasulyap siya sa itaas. Nag-umpisa na ang digmaan pagkalipas ng ilang sandali. Parang hindi siya makapaniwala. Agad na nasira ng mga Vodruteran ang unang panangga. Napamura siya sa isip.
“Prinsipe Dronno, saan ka pupunta?” alalang tanong ni Heneral Ebradus sa kanya nang agad siyang umalis at lumundag upang sumakay sa isang doebos na nakalutang sa may gilid ng ibabang palapag. Mabilis naman itong nakatalon at nasa tabi na niya ito ngayon.
“Hihintayin ko sila sa palasyo ko!” sabi niya pa at lumipad na ang doebos patungo roon.
“Sasama ako sa ‘yo, Prinsipe Dronno,” anito.
Wala siyang nagawa dahil alam na niyang hindi siya nito pababayaan lang sa anumang gagawin niya.
Kinontak ni Heneral Ebradus ang kanang kamay nitong bise-heneral na si Toero at ito ang pumalit sa heneral sa Control and Command Center. Batid ng heneral na marunong ito sa lahat. At isang magaling na mandirigma si Toero kaya nasa mabuting kamay iyon.
Pagdating nila sa palasyo ay agad iyong napaligiran ng kanyang mga tauhan sa ere man o sa lupa. Nakasara din ang malaking tarangkahan niyon. Palakad-lakad siya sa harap ng kanyang trono habang naghihintay. Sa kanyang nasaksihan kanina ay hindi malayong nawasak na ng mga Vodruteran ang pangalawang pananggalang. Narinig pa niya ang putukan at paghugong ng mga sandata at ilang pagsabog sa hindi kalayuan.
“Prinsipe Dronno, may oras ka pang tumakas!” payo ni Heneral Ebradus sa kanya nang nag-aalala.
“Hindi. Hindi ako tatakas, Heneral Ebradus. Huwag mo nang ulitin pa!” Nagbabaga ang mga mata niyang nakatitig sa heneral habang nakatiim-bagang. Humigit siya ng malalim na hininga. Ibinalik niya ang mga mata sa may tarangkahan na nasa mga isang daang metro ang layo.
Sumulpot naman si Ublli mula sa isang tabi. Napatingin sila sa kanyang alaga nang halos sabay na hindi na nagulat ngayon. Ngumisi pa ito sa kanila.
“Dapat ka nang tumakas, Prinsipe Dronno,” saad ng kanyang alaga.
Narinig nila ang malakas na pagkalabog sa labas. Malamang sinisira na ang tarangkahan ng malaking palasyo na gawa sa pinakamatibay na bato ng planeta. Nang tuluyan iyong mawasak ay nagsiliparan ang mga maliliit at malalaking piraso niyon at umusok ng kulay-abo.
Agad na ginamit ng prinsipe ang kanyang sandata laban sa bawat Vodruteran na pumapasok sa sirang bukana. Ganoon din si Heneral Ebradus. Ilang Vodruteran din ang napatay nila. Ngunit dahil sa dami ng mga ito, kahit marunong din siya sa pakikidigma katulad ng kanyang pakikipag-away ngayon nang mano-mano ay hindi nga nila mauubos ang mga ito.
“Ublli, itakas mo na rito si Prinsipe Dronno!” sigaw na utos ni Heneral Ebradus sa kanyang chamronia habang nakikipaglaban sa mga kaaway. Napaligiran na ito ng halos isang dosena pero mabilis ang bawat kilos nito sa pagpasabog nang isang kumpas ng kamay. Lumabas ang ilaw na puti mula sa laser gun nito. Nagkalasog-lasog ang katawan ng mga kalaban. Depende sa setting nitong gamit, ang iba naman ay natutunaw lang ang katawan at nawawala na lang nang basta-basta.
Nanlaki ang asul na mga mata ng prinsipe nang nagbagong-anyo ang kanyang alaga. Kinopya nito ang hitsura ni Heneral Ebradus. Halos magkasingtangkad na sila nito. Ngumisi ito sa kanya nang may kakaibang kislap sa ngayon ay asul nang mga mata. Ngayon niya lang naalalang naka-program din pala si Ublli na iligtas siya anumang oras basta’t kailangan iyon. At bago pa man siya makaisip ng kahit na ano para pigilan ito ay naramdaman na niya ang pagkontrol nito sa kanyang utak para makatulog siya sa pamamagitan ng paghawak lang nito sa kanya. Iyon ay dahil sa may koneksiyon silang dalawa na maaring gamitin anumang sandali.
Nawalan na siya ng malay. Hindi na niya alam kung ano ang nangyari pagkatapos niyon.
***
Samantalang si Ublli ay nagbagong-anyo na naman bilang doebos at karga na niya si Prinsipe Dronno patungo sa basement ng palasyo gamit ang isang lagusan na tanging siya, si Heneral Ebradus o si Prinsipe Dronno lang ang makakapasok. Pleretathian technology rin ang gamit ng lagusang ito.
Lumusot na ang doebos nang diretso sa basement. Pagkatapos ay pumasok na sila sa escape capsule, isang mini-spaceship. Pero hindi niya nakakalimutang lumalaban hanggang sa huli si Heneral Ebradus.
Pagkatapos nilang makapasok ay agad niyang pinaandar ang mini-spaceship at tumakas gamit ang underground tunnel na may apat na direksyon ang patutunguhan. Pinili niya ang patungo sa timog na bahagi ng planeta. Reiganthu ang kanilang patutunguhan, ang pinakamalapit na kaalyansa nila sa Goyrutta Galaxy.
Nang nasa kalawakan na sila ay natunton naman sila ng mga Vodruteran. Malapit na sana sila sa Reiganthu nang hindi sila makapasok nang dahil sa harang nitong hindi nakikita. Dahil bumangga sila roon ay nagkaroon ng malfunction ang pag-set niya ng system sa bago nitong destinasyon. At sa halip ay may warp button doon na nakita niya. Ginagamit ito kapag may emergency. Tanging iyon na lang ang natitirang option niya sa ngayon.
Dahil sa kailangan ng oras para mag-self-heal ang kanilang mini-spaceship ay hindi nito agad maaayos ang system kapag ganitong busy rin ang sasakyang pangkalawakan sa pag-prioritize ng mga tama sa katawan nito. Hindi rin ito tinigilan ng mga Vodruteran na sumusunod pa rin sa kanila. Patuloy ang pagtira ng mga ito sa sasakyan gamit ang pulang laser beam.
Umusok na sa loob ng mini-spaceship. May ilang sparks na rin at nagsisimula na itong masunog. Kahit paano ay pinatay ng system ang apoy pero bahagyang gumewang na ang sasakyan at paibaba na ang lipad nito na tila mahuhulog sa kawalan.
Sandaling napapikit ng kanyang mga mata si Ublli at pinindot na ang warp button na kulay pula. Ito ang magdadala sa kanila sa isang black hole kung saan dalawang galaxies ang layo mula sa Goyrutta Galaxy.
Diretsong lumusot ang sinasakyan nila sa black hole pagkapindot ng chamronia. Ayon sa monitor ng system na nasa harap niya ngayon ay sinasabi nitong nasa Sagitarrius A* ng Milky Way Galaxy sila lumusot. Hindi pa sila mismo nakapunta sa bandang ito pero ang ilan sa mga matatandang Pleretathian na siyang tumuklas noong sinauna pang panahon ang siyang nakapunta sa bahaging ito pero hindi masyadong napag-aralan. Gayunpaman ay may ilang impormasyon sa kanilang database tungkol sa bahaging ito ng nasabing galaxy.
Nagkamalay na si Prinsipe Dronno pero pinatulog niya itong muli. Ayaw niyang mangahas itong bumalik sa Pleretath sa kasalukuyang sitwasyon nila.
Ilang araw ring lumulutang sa kalawakan ang mini-spaceship nila hanggang sa bumalik ang buong function ng system at naayos na rin ang ilang malalaking pinsalang natamo ng sasakyan. Pinag-aralan niya muna kung saang planeta sila pupunta upang makapagtago nang pansamantala.
Napakurap siya nang makita ang isang planetang binalot ng kadiliman subalit may ginintuang mga ilaw na nakalatag na tila mapa.
Naiisp niya na sana naman ay magiging ligtas sila roon.