Ngumisi si Ublli kay Kaira. “Hindi ako isang hayop. Isa akong nilalang na gawa mismo ni Prinsipe Dronno. Tinatawag akong chamronia at nag-iisa lang ako. Kombinasyon ako ng isang eksperimentong Pleretathian at ng biotechnology nito. Kung kaya’t may system sa katawan ko na siyang gamit ko para magbago ng kaanyuan anumang gustuhin ko o ni Prinsipe Dronno at nabubuhay rin ako,” paliwanag ng alaga niya sa babaeng ignorante.
Napamaang ang mga nakikinig dito samantalang siya ay tila nababato na. Gusto niya sanang makausap ang prinsesa ng mundong ito pero mukhang hindi iyon mangyayari katulad ng sinabi ni Kaira sa kanya kanina. Hindi niya pa alam kung saan ang Europe. Kung malayo ito o hindi, kung walang kaaway roon o meron, o kung ligtas lang din ba sila rito sa tinatawag ni Kaira na Pilipinas.
“Kung ganoon, makokopya mo ang kahit na anumang bagay? At prinsipe siya ‘kamo?” tanong pa ni Alice sa kanyang alaga. Tila nanantiya ang mga mata nitong nakatingin kay Ublli na bahagya lang na napasulyap dito at napasulyap na naman ang babae sa kanya.
Ngumisi pa rito ang chamronia. “Oo at oo. At kahit na ano basta’t nai-load na sa aking system. At lahat ng nakikita ko ay nai-load na rin. Samakatuwid, lahat ng bagay ay naka-record sa aking system.”
Napaawang pa ang mga labi ni Kaira nang masulyapan ito ni Prinsipe Dronno. Nakita pa niyang mapuputi at pantay-pantay ang mga ngipin nito. Hindi katulad ng mga Pleretathian ay medyo mapupula ang mga labi nito. Sa kanila naman ay puro parang kulay-papel ang kanilang mga labi.
“Wow! Siguro ay daig mo pa ang Transformers at ang tinatawag nilang skin-walkers at shapeshifters sa True Blood series!” bulalas pa ng babae.
Hindi naman niya ma-gets kung ano ang pinagsasabi nito.
Ano kaya ang True Blood series?
“Sige, subukan nga natin. Kopyahin mo ang… cell phone ko. Iyan,” anitong itinuro pa ang isang maliit na device na nakapatong malapit sa ilaw saka umupo ito sa sahig.
Sa isang iglap lang ay nagbagong-anyo nga si Ublli at katulad na ito ng device na iyon. Napapalakpak pa ang dalawang mas nakababatang babae samantalang namangha ang mas nakatatandang dalawang nilalang.
“Shh! Baka magising natin ‘yong iba,” saway ni Kaira sa kaibigan nito.
“Hindi ba natin sasabihin kina Disha ang tungkol sa kanila?” tanong ng kaibigan nito.
Umupo ang binatang prinsipe sa kama. “Sabihin n’yo nga sa ‘kin. Kung makikita kami ng iba, mamimiligro ba ang buhay namin ni Ublli?”
Nagkatinginan muna ang apat bago napatingin sa kanya at kay Ublli. Medyo lumapit sa kanya sa pag-upo si Kaira.
“Bakit nga ba kayo nandito sa mundo naming mga tao? May nangyari ba sa planeta n’yo? At saang planeta ba kayo galing?” sunud-sunod nitong tanong sa halip na sagutin siya.
Napakurap siya. “Sa planetang Pleretath. Sa Krawoxus Universe. Sinalakay ang planeta ko ng taga-Vodrutera.” At ikinuwento na nga niya ang nangyari, dinagdagan lang iyon ng detalye ni Ublli dahil nawalan siya ng malay.
***
“At dito nga kayo napadpad,” konklusyon pa ni Kaira nang marinig ang bersyon ng istorya mula kay Prinsipe Dronno at ng alaga nitong chamronia ang tawag.
Hanggang ngayon ay parang nananaginip pa rin ang dalaga na nakapaghalubilo ng hindi lang isang alien kundi isang prinsipe na alien at ang alien nitong alaga.
“Ganoon na nga. Ito ang napili ni Ublli na puntahan,” matabang na tugon ni Prinsipe Dronno. “Ewan ko na lang kung bakit ito ang napili niyang puntahan.”
Binigyan ito ng masamang tingin ni Kaira. “Ang isnabero nito.”
“Nalaman ko kasing may mga hayop na parang katulad ko ang hitsura rito, Prinsipe Dronno,” paliwanag ng chamronia. “Gusto ko rin silang makita. Kaya dito ko na naisip na magpunta. Hindi ko naman alam na sensitibo pala ang atmospera rito at kinain ng apoy ang sasakyan natin kung kaya nag-emergency landing tayo sa tubig.” Ngumisi pa ang alaga nito.
“Ano? Ang hitsura mo lang ang naisip mo? Kaya pala ang napuntahan natin ay walang prinsesa?”
“Emergency landing, Prinsipe Dronno. Hindi ko pinili ang mapunta tayo rito sa Pilipinas,” pagtutuwid ng chamronia.
Napabuntong-hininga na lang ang prinsipe. Akma pa itong magsalita nang biglang sumingit ang dalaga.
“Hindi ba kayo nagugutom o nauuhaw?” pag-iiba na lang niya para hindi na mag-aaway ang dalawa, kahit hindi niya masyadong gusto ang pagka-snob ng prinsipe.
Puro na lang kasi prinsesa ang iniisip nito. Ano? Naghahanap ba siya ng mapapangasawa rito gayong tumakas lang naman sila sa planeta niya? Tch!
Tila namilog ang mga mata ng chamronia. Pero mukhang hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ng prinsipe. Sumenyas na lang siya kina Aling Lucing at Mang Nick na magdala ng pagkain dito sa kuwarto nila ni Alice. Actually, kuwarto ito ng kaibigan niya at naki-share lang siya dahil si Disha ang gumagamit sa kuwarto na madalas niyang ginagamit kapag nandito sa beach house ng kaibigan.
Kasama naman ng kanilang guru ang ilan nilang kasamahan. Okupado rin ang dalawa pang guest rooms ng iba pa nilang kasamahan. At dahil sa rami nila kung kaya ang iba ay nasa sala na rin natutulog. Wala namang problema iyon sa mga ito dahil walang masyadong arte sa katawan ang mga kasama nila. Sa tingin ni Alice ay mas okay na roon sa sala kaysa patutulugin ang mga ito sa tent sa labas. Mas maigi pa ring nasa loob sila ng bahay na may lock.
Napatingin si Kaira sa mga alien nang dumating ang mag-asawang may dalang tray ng pagkain. Lechong manok, prutas, gulay at kanin. Naisipan na lang niyang mag-shower sa banyo habang kumakain ang dalawang alien. Ini-imagine na lang niya ang hitsura ng mga ito habang tinitikman ang pagkain sa Earth.
Tch! ‘Di ko alam na nakakainis imbis na nakakatakot ‘yong alien sa personal!
Nakapagbihis na rin siya at pumalit sa kanya roon sa banyo si Alice. Kanina pa nga pala sila naka-two piece.
Nagpaalam naman ang mag-asawa na matutulog na pero pinakiusapan na niya ang mga itong huwag ipagsasabi sa iba ang tungkol sa dalawang alien.
“Oo naman. Baka rin sasabihing nababaliw na kami ng asawa ko. Sino ba naman kasi ang maniniwala sa alien?” marahang anang Mang Nick.
Tumango naman siyang napangiti. Umalis na ang mga ito. Napatingin pa siya sa dalawang alien na mukhang busog na.
“Hindi na masama ang pagkain at inumin dito sa mundo ninyo,” sabi ni Prinsipe Dronno na uminom ng fresh mango juice.
Napakuros siya ng mga braso at pinasadahan niya ito ng tingin. Matangkad ang prinsipe, maganda ang katawan na animo’y alaga sa gym, matikas, guwapo at mukhang matapang pero medyo arogante. Napatingin din siya sa kasuotan nito. Naalala niya tuloy ang tila pagkahawig ng roba nito sa historical K-dramas. Ang kakaiba lang ay mas makapal at may palamuti ito sa manggas at laylayan. Mga diamante lahat ito, sa tingin niya.
Lumapit pa siya sa prinsipe. Sinusuri niyang maigi ang bato. Dahil nagtatrabaho siya sa isang pawnshop ay mapanuri siya sa mga bato at alahas. Sa dalawang taon niyang experience ay nagsasabi ito sa kanyang totoong diamante ang mga batong palamuti na nasa damit ng prinsipeng alien.
Napamaang pa siyang nandilat ang mga mata habang awtomatikong kino-compute ng utak niya ang timbang ng bawat isang bato nito. Siguro ay nasa limang gramo ang bawat bato. At ang kada carat ng middle-range diamond ay siguro nasa $11,000 to $12,000 o mahigit pa. Depende sa market ngayon. Ang kada gramo naman ay may 5 carats. Pero sa tingin niya ay nasa good quality ang mga diamante nito kaya malamang nasa mas mataas pa na halaga ang mga ito na hanggang $25,000.
He’s practically a walking diamond, naisip pa niya.
“T-totoo ba talagang diamond ang mga ito?” usisa pa niyang hinipo ang mga bato sa manggas ng roba nito.