Chapter 6

1383 Words
“Aling Lucing, Mang Nick, tulungan n’yo nga po ako kay Kaira,” pakiusap ng kaibigan ni Kaira. Umupo si Prinsipe Dronno sa buhangin. Pansin niyang ilang ilaw lang ang kanyang nakikita at mainit ang klima sa lugar na ito. Siguro ay kasing-init sa boundary ng Slufaithus at Weitthera. Kailangan pa niyang tingnan sa system ni Ublli kung ano’ng planeta itong kinapadparan nila. Mukhang walang teknolohiya o kaya’y pamilyar na bagay rito. Hindi niya alam kung bakit nawalan na lang ng malay ang babaeng kasama niya sa loob ng tiyan ni Ublli kani-kanina lang. Ayos lang naman ito kanina nang magkatitigan sila habang damang-dama naman niya ang mainit at malambot nitong katawang nakapatong sa kanya. Kahit na nabasa ito sa malawak na tubig ay naaamoy niya pa rin ang bango nito, lalo na ang buhok nito. Parang gusto niya pang palagi itong amoy-amuyin dahil sa nakakahalinang halimuyak. Ano kayang nangyari sa kanya at hinimatay siya? Lumapit na ang kanyang alagang chamronia sa kanya at saka umakyat ito patungo sa balikat niya. Nakita niya namang napanganga ang tatlong lumapit sa kanila, napatitig nang husto sa kanila ni Ublli. Tumayo siya at saka dumukwang para ipangko ang dalagang nawalan ng malay. “Pakituro kung saan siya dadalhin,” ang nasabi pa niya sa kaibigan ni Kaira. Para namang nagising ang dalawang kasamahan nito nang magsalita siya at agad na nagpatiuna ang mga ito. Sumunod na lang siya at nasa likuran lang niya ang kaibigan ni Kaira at pilit na sumabay sa kanya sa paglalakad dahil sa malalaki niyang hakbang. Sa tangkad ba naman niya ay normal lang iyon sa kanya. “M-mukhang hindi ka taga-rito,” umpisa pa ng babae. “Puwede bang mag-usap na lang tayo mamaya? Patitingnan ko pa kay Ublli kung ano ang nangyayari dito sa kaibigan mo,” matabang na aniya rito. Napaawang ang mga labi ng babae at napaiwas na siya ng tingin. Pumasok na sila sa loob ng isang maliit na silungan. Mukhang kasing-laki lang iyon ng kanyang silid sa palasyo niya sa Weitthera. Nakita pa niya ang ilan pang mga babaeng nakahiga sa sahig o kaya’y sa napakaliit na higaan. Anong klaseng planeta ba ito? Bakit puro lang yata maliliit ang nakikita ko rito? Pumanhik sa itaas ang dalawang naunang mas nakatatandang nilalang at sumunod pa siya sa mga ito. Itinuro na ng isa sa mga ito ang isang maliit na silid. Nagmuwestra ang mas nakatatandang babae sa kama at inayos naman iyon nang dali-dali ng kaibigan ni Kaira bago niya ito inilapag doon. Lumundag si Ublli mula sa kanyang balikat at nag-landing sa kamang may puting bedsheet. Naglakad na ang chamronia mula sa paa ng dalaga patungo sa binti, sa hita, sa tiyan, sa dibdib at tumigil ito sa mukha na ikinamangha ng tatlong nakasaksi. Pagkatapos niyon ay lumundag ang alaga sa tabi ng ulo ng dalagang wala pa ring malay. “Walang deprensya sa kanya, Prinsipe Dronno,” ang report pa sa kanya ng chamronia. “Magigising din siya mayamaya.” Napasinghap ang tatlo nang marinig ng mga itong nagsalita si Ublli. Nagtataka naman siyang napabaling sa mga ito. “Wala siyang sakit. Na-shock lang yata siya dahil kay Ublli. Isang hindi pangkaraniwang alaga nga naman siya,” aniya sa mga ito at bahagyang ngumiti pero agad na napalis iyon. Lumapit sa kanyang alaga ang kaibigan ni Kaira para suriin ito nang maigi. Napakuros pa siya ng kanyang mga braso habang nakamasid lang. Wala nga sigurong katulad kay Ublli sa mundong ito, naisip pa niya nang may pagmamalaki sa alaga. Napagala siya ng paningin sa buong silid. Sa tantiya niya ay puwede sa dalawang tao ang kama, pero mas malaki pa ang kanyang kamang pandalawahan sa Weitthera. May ilaw sa tabi ng kama, may kung anong kabinet na naka-built-in sa dingding at may isa pang dahon ng pinto sa hindi kalayuan nito. Isa pang maliit na silid kaya ito? Kanino naman kaya? tanong niya sa isipan. Siguro ang laki ng kuwarto na iyon ay nasa five by six meters lang. “Ba’t ka nagsasalita na may boses-bata?” tanong ng kaibigan ni Kaira kay Ublli. Ngumisi naman dito ang kanyang alaga. “Hindi ba nagsasalita ang alaga n’yo rito sa mundo n’yo?” Umiling naman ang babae. Namimilog pa rin ang mga matang nakatitig nang kuryuso at pagkamangha kay Ublli. Kahit paano ay hindi naman ito natatakot. Siguro ay dahil iyon sa prinsipe na sobrang guwapo. “Hindi ba siya halimaw, Senyorita Alice? Mag-iingat ka sa kanya,” pabulong pang anang mas nakatatandang babae. Saka parang takot siyang sinulyapan nito at agad na nagbawi ng paningin nang tingnan niya rin ito. “Alien nga siguro kasi,” sabat pa ng lalaking may edad na sa asawa nito. “Hindi ba iyon ang sabi niya kanina nang lumangoy sa dagat si Kaira?” Umungol nang mahina si Kaira. Marahan ding idinilat nito ang mga matang kulay light brown. Sa totoo lang ay namangha siya kanina sa kulay ng mga mata nito. Lahat kasi ng taga-Pleretath ay may kulay asul na mga mata. Puwera na lang kay Ublli na pati mga mata ay purong puti. “Kumusta ang pakiramdam mo, Kaira?” tanong ng mas nakatatandang babae nang may pag-aalalang nakaguhit sa mukha. Kasabay nito ay ang pagtanong naman ni Alice sa kaibigan. “Okay ka lang ba?” Biglang napabalikwas sa kinahihigaan ang dalaga nang makita siya nito at napaurong ito kaagad sa isang tabi ng kama nang makita rin si Ublli. “Alien!” sabay sigaw pa nito sabay turo sa prinsipe at sa alaga niya. “Shh!” saway naman kaagad ng kaibigan nito. Napahigit siya ng hangin sa inasta ng babae. Ngayon pa kasi ito parang nagulat gayong kanina pa sila magkasama nito. “Ganoon na nga. Hindi kami taga-rito sa mundo n’yo,” kalmanteng saad naman niya. Humakbang pa siya sa paanan ng kama. “W-walang biro?” halos sabay pang tanong ng apat, nanlaki ang mga mata. Napatingin siya sa mga ito nang isa-isa at napatigil ang kanyang mga mata sa mukha ni Kaira. Kanina pa niya nahalatang ito ang pinakamagandang babaeng nakita niya hanggang sa mga sandaling ito. Walang appeal para sa kanya ang iba, lalo na ang may edad na babae. “Puro ba babae ang nandito sa mundo ninyo at iisa lang ang inyong lalaki?” kuryusong naitanong pa niya habang napasulyap sa mas matandang lalaki na hindi naman kaguwapuhan. Napaisip siya kung ang lahat ng mga babae rito ay asawa nito. Gaya ng planetang Joapra, iisang lalaki lang ang naroroon at lahat ng mga kababaihan doon ay asawa nito. Ang reyna roon ang siyang namumuno at galing pa sa ibang planeta ang lalaking pinadukot nito mula sa malayong galaxy ng Krawoxus Universe upang gawing tagabigay ng binhi para sa mga nasasakupan nito. Hindi kasi nabubuhay ang kanilang mga kalalakihan dahil sa problema ng genes ng mga taga-Joapra. Kung kaya’t upang hindi malipol nang tuluyan ang kanilang lahi ay ito ang naging solusyon ng reyna. Kapag namatay na ang lalaking iyon ay malamang magpadukot na naman iyon ng isang lalaking may mataas na libido. Eksperimento pa kasi nito yaon, kaya siguro ay hindi lang isa ang susunod nitong kukunin. Ayaw kasi nito ng marami ang dukuting lalaki at baka mapahamak sila kung may sakit ang mga ito nang hindi nila alam. Narinig niya ang tawanan ng tatlong kababaihan sa harap niya at bahagyang napahiya naman ang kaisa-isang lalaki. Napakamot pa ito ng batok. “Ano? Ang weird mo talaga. Alien ka nga!” sabi pa ni Kaira. Mukhang nakabawi na ito ngayon at hindi na natatakot sa kanya o kaya ay kay Ublli nang napalingon itong muli sa kanyang alaga na hindi pa rin gumagalaw sa kinaroroonan nito. Pagkadaka’y marahan itong lumapit sa alaga niya. Nakita pa niyang ngumisi itong nakatitig naman sa babae. Halatang nasisiyahan si Ublli sa babaeng ito. “Hindi ka na ba takot sa akin?” ang tanong ni Ublli kay Kaira. “N-nagsasalita ka rin pala?” manghang anito saka napalingon pa ang dalaga sa kanya. “A-ano bang klaseng hayop siya?” “Hayop?” Napakiling siya ng ulo. Hindi pa niya alam kung ano iyon. Wala naman kasing hayop sa Pleretath.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD