Chapter 2

1744 Words
Dali-daling sumama si Prinsipe Dronno kay Heneral Ebradus patungo sa Control and Command Center gamit ang isang sasakyang tinatawag nilang doebos. Para iyong maliit na spaceship nila na walang bubong at pandalawahan iyon. Nakaabang ito palagi sa labas ng kanyang malaking silid, sa may balkonahe, upang magamit anumang oras. Lumipad ang doebos patungo sa isa pang gusali na nasa boundary ng Weitthera at Slufaithus. Iyon ang gusaling madaling tagpuan ng mga pinuno ng dalawang bahagi ng Pleretath, ang palaging maaraw at ang palaging gabi, simula nang magkaroon ng kasunduan ang dalawang kaharian. Isang higanteng kristal na gusali ang Control and Command Center na hindi makikita mula sa kalawakan. Dalawang daang palapag iyon. Ang pinakaitaas nito ay ang kinaroroonan ng taga-monitor ng radar samantalang ang nasa ibaba ay ang kanilang mga sundalo at mga sasakyang pandigma, pati na mga sandata. Bumaba sila kaagad ni Heneral Ebradus at nandoon na si Prinsesa Shaenatta at ang maganda at magaling na heneral nitong babae na si Asnnao. Matangkad ito, naka-ponytail ang mahabang asul na buhok at nakasuot pandigma—purong itim na kasuotan at botas. Meron ding nakasuksok na laser gun sa kanan nitong hita. Alerto ang mga bughaw nitong matang nakatingin sa kanila. Simula nang magkasundo sila ng prinsesa ay ibinahagi na nila ang kanilang kaalaman sa teknolohiya at mga gamit na pandigma. Kahit paano ay may natutunan din silang taga-Weitthera na sekreto ng mga ito sa pakikipag-away na hindi lang gamit ang abanseng teknolohiya. “Prinsipe Dronno, nakausap ko na si Heneral Asnnao at naipasa na niya sa ang mga sundalong taga-Slufaithus ang utos ko. Nakahanda na sila.” Bahagya pang napayuko ang asul na ulo ng prinsesang may asul ding mga mata. Sadyang maganda ito ngayon sa suot na pangkasal. Subalit mukhang walang kasalang mangyayari sa mga sandaling ito. Tumango siya rito at napatingin sa radar. Nakilala na nga nito ngayong hindi nila kaalyansa ang paparating. Taga-Vodrutera ang fleet ng spaceships na paparating sa kanilang planeta. Anumang oras ay darating na ang mga ito gamit ang isang wormhole na hindi malayo sa Pleretath. Napatingin si Prinsipe Dronno sa ibaba at sa itaas, sa labas ng gusaling kinaroroonan nila. Nagsiliparan na ang sasakyang pandigma ng mga Pleretathian, taga-Weitthera man o taga-Slufaithus. Kulay asul ang sa mga taga-Weitthera at kulay itim naman ang sa mga taga-Slufaithus. Ilang sandali pa ay nakita niyang kumislap ang kanilang panangga. Dalawa ang pananggalang nilang iyon. Ang una ay malapit sa wormhole na nasa hilaga at ang pangalawa ay sa pagitan ng unang pananggalang at ng Pleretath. Ang mga mandirigma ay nakaabang na sa pagitan ng dalawang panangga. “Inilikas na ba ang mga matatanda at bata?” naitanong ng prinsipe kay Heneral Ebradus. Ang nasa isip niya ay ang kaligtasan ng mga Pleretathian. “Opo, Prinsipe Dronno. At bago pa darating ang mga taga-Vodrutera ay dapat na tumakas na kayo ni Prinsesa Shaenatta,” tugon pa nito. Napabaling-baling ito ng tingin sa kanya at sa kanyang mapapangasawa. Nagkatinginan muna sila ni Shaenatta. “Hindi ko kailangang tumakas. Natalo na natin minsan ang mga Vodruteran noon at matatalo rin natin sila ngayon,” may kumpiyansang aniya sa heneral. “Ngunit kilala n’yo naman na sila, Prinsipe Dronno. Hindi sila agad na sumusuko. At base sa radar natin, hindi kaagad napansin ang kanilang paparating na fleet nang hindi na ito nakalapit ng limang lightyears mula sa wormhole. Ibig sabihin ay mas lalo pang napabuti ang teknolohiya nila pagkatapos ng kanilang pagkatalo limang dekada na ang nakararaan,” punto ni Heneral Ebradus. Napamuni-muni siya sa sinabi nito. Hindi malayong tama nga naman ang heneral sa obserbasyon nito. Napalunok pa siya. Matatalo kaya sila ngayon ng mga Vodruteran? Napatiim-bagang pa siya habang napapaisip. Sa oras na masasakop ng mga Vodruteran ang Pleretath, madali na lang din ang pagsakop nito sa buong galaxy na kinaroroonan nila. Ang Pleretath ang may pinakamalakas na sandatahan ng Goyrutta Galaxy kaya nakasalalay din sa kanilang mga Pleretathian ang giyerang ito. “Nakausap n’yo na ba ni Prinsesa Shaenatta ang mga kaalyansa natin?” naitanong pa niya. Ngunit pagkalumo ng mukha ang nakikita niya sa dalawang heneral at prinsesa. Marahang umiling si Heneral Ebradus. Nagulat pa siya sa nalaman niyang ito. “Bakit hindi n’yo nakausap?” usisa niyang tumaas ang tono ng baritonong boses. “Mukhang ang Vodruteran ang may gawa sa pagputol ng komunikasyon natin sa labas ng Pleretath, Prinsipe Dronno,” sansala ni Heneral Asnnao. “Kaya hindi tayo makahingi ng tulong o kaya’y hindi tayo makapagbigay ng babala sa mga kaalyansa natin na siyang pinakamalapit sa atin sa Goyrutta Galaxy,” ang dagdag ni Prinsesa Shaenatta sa mahinang boses, nag-aalala ang mukha. Lalong napakuyom ng kanyang mga palad ang prinsipe. Naisip niyang hindi talaga magandang balita ito. “Masasabi na ba natin kung ilan ang nasa kanilang fleet?” naitanong pa niya sa isang taga-monitor ng radar. Sinipat-sipat niya ang holographic monitors na nasa harap ng mga operators na mandirigma rin. Nakaupo ito sa isang parihabang bench sa sentro ng buong itaas na palapag na iyon ng gusali. May lima pa itong kasamahan doon. Tigtatatlo sa isang hanay at sa tapat niyon ay tatlo ring Pleretathian. Sa madaling salita, tatlo mula sa Weitthera at tatlo naman galing sa Slufaithus ang mga operators. “Isang libong motherships, Prinsipe Dronno.” Napamaang siya sa kanyang narinig mula sa taga-Slufaithus. Sobrang dami nga naman ng kalaban nila. Ubusan na ng lahi ang pakay ng mga ito kung hindi man ang buong planeta nila ang sisirain ng mga kaaway sa pagkakataong ito. “Saan galing ang lahat ng iyon?” Pagdidili-dili sana niya iyon pero malakas niyang nasabi ito. “Siguro ay nakapagtipon ng kaalyansa ang mga Vodruteran at nakumbinse nila ang mga itong sumalakay sa atin, Prinsipe Dronno,” lohikong saad ni Heneral Ebradus. Seryoso itong tingnan ngayon. At nag-aalala rin. Isang bagay na hindi kalimitan ipinapakita ng heneral sa kanya o kahit kanino. “May nakapuslit na bang pinagkakatiwalaan mo para magpunta sa pinakamalapit na planetang kaalyansa natin?” naitanong na lang niya kay Heneral Ebradus. Malungkot naman itong napasulyap kina Heneral Asnnao at Prinsesa Shaenatta. “May inutusan na po ako, Prinsipe Dronno. Pero hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa kanya,” ang matamlay na balita ni Heneral Asnnao. “Hindi na siya nakikita sa radar natin at hindi na rin siya naaabot ng komunikasyon natin bago pa kayo dumating dito.” Lalo siyang napangitngit sa balitang ito. Walang kasiguraduhan kung patay o buhay pa ang sundalong iyon na inutusan ni Heneral Asnnao. At sa ngayon ay kailangan nila ang lahat ng sundalong Pleretathian at hindi lamang sa pagpadala ng kahit na sino para sumugal at humingi ng tulong mula sa kanilang pinakamalapit na kaalyansa sa Goyrutta Galaxy. Napasulyap pa siya sa radar. Malapit nang makapasok sa wormhole ang fleet ng taga-Vodrutera. Naisip niyang ang bilis nga naman ng motherships ng mga ito. Halatang napakaabanse na ng teknolohiya ng mga ito. Napatingin siya sa kanyang mapapangasawa sana sa mga oras na ito. “Prinsesa Shaenatta, magsama ka ng pinakamagaling mong mga tauhan at mauna na kayong tumakas patungo sa pinakamalapit na kaalyansa natin sa timog, ang Reiganthu. Mula roon ay humingi kayo ng tulong sa iba pa nating kaalyansa. Alam kong magiging huli man tayo sa pagbibigay babala ay mas mainam na iyon kaysa malipol ang lahat ng sandatahan at kapwa Pleretathian natin. Kaya pakiusap, umalis na kayo ngayon din!” “Hindi ba dapat na tayo ang dalawang magkasama sa paghingi ng tulong?” alalang mungkahi ni Prinsesa Shaenatta sa kanya. Gumuhit ang pakikiusap sa maganda nitong mukha. “Sang-ayon ako kay Prinsesa Shaenatta, Prinsipe Dronno,” ang marahang singit ni Heneral Ebradus. Ngunit umiling siya. “Maiwan na ako rito. Ayokong iwanan ang mga kapwa ko Pleretathian!” nagmatigas na aniya. “Kung lilipulin nga ng mga Vodruteran ang mga Pleretathian, ayokong mapahiwalay sa mga nasasakupan ko!”  “Pero kung hindi paglipol ang nasa isipan nila kundi ay ang basta na lang paluhurin at sakupin ang Pleretath, hindi mo ba naisip na gagawin ka nilang alipin, Prinsipe Dronno?” punto ni Prinsesa Shaenatta. Nag-aalala ito sa maaaring mangyari sa kanya. Napatiim-bagang naman siya. “Huwag mo nang alalahanin iyan, Prinsesa Shaenatta. Ang iniutos ko na lang ang gawin mo! Habang nagdidiskusyon tayo rito ay palapit na sila nang palapit sa planeta natin!” Walang nakaimik. Pinakawalan pa niya ang isang buntong-hininga. Hindi pa rin ito kumilos kaya sinenyasan niya si Heneral Asnnao. “Umalis na kayo rito!” matigas niyang utos na muli. Yumuko si Heneral Asnnao sa kanya. “Masusunod po, Prinsipe Dronno!” Hinawakan na nito nang mahigpit ang prinsesa para sumakay sa isang doebos. “Bitiwan mo ako, Heneral Asnnao!” reklamo ng prinsesa. “Prinsipe Dronno!” baling pa nito sa kanya na may pagtutol na tono sa boses. Pero pinilit na itong pinasakay ng babaeng heneral sa doebos at agad iyong lumipad palabas ng gusali. Papunta ito sa palasyo ng Slufaithus kung saan naroroon sa basement niyon ang nakatagong spaceship na pantakas. Kakaiba iyon kaysa disensyo ng normal na pandigmang sasakyan ng Pleretath. Mas maliit at mas mabilis iyon. At hindi ito nakikita ng anumang radar maliban ng sa kanila at maliban na lang kung bagong uri ang radar ng mga kaaway. At umaasa siyang hindi nga naman iyon masasagap ng mga kaaway. Nagbigay-alam na si Heneral Asnnao na aalis na sila ni Prinsesa Shaenatta. At nakita niyang paalis na ito sa atmospera ng Pleretath. Noon pa siya napabuntong-hininga kahit paano. Sana ay makaligtas nga ang prinsesa. Bumaling na siya kay Heneral Ebradus. “Kung mawawala din ang sinasakyan nila sa radar natin, ibig bang sabihin niyon ay…” “Hindi tayo siguradong buhay o patay sila at kung tuluyan nga silang nakatakas para makahingi ng tulong,” diretsong tugon nito nang hindi niya maipagpatuloy ang kanyang tanong. Nag-aapoy ang mga mata niyang napatinging muli sa radar. Nasa bunganga na ng wormhole ang ilang motherships ng mga kaaway. Napapikit pa siya sandali ng mga mata. “Akin na ang mga sandata ko,” mahinang utos niya sa heneral. Namangha ito, pati na ang mga tauhan niyang nagmo-monitor sa radar. “P-pero, Prinsipe Dronno—” umpisang reklamo pa ng heneral. Napatitig siya rito. “Mamamatay man tayong pareho rito, dapat ay lumalaban pa rin tayo, Heneral Ebradus. Kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon, gusto kong tatandaan ng mga Vodruteran na hindi isang duwag ang prinsipe ng Pleretath!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD