NAPAPIKIT PA si Charlotte habang dinadama ang preskong hangin. Kararating lang nila sa ancestral house ng papa nya at kabababa lang ng sasakyan. Malawak ang bakuran at maraming mga puno kaya naman malilim at masarap ang hangin.
Pumihit sya dahilan upang mapaharap sa lumang bahay. Kahit na matagal na ang bahay na iyon, naaalagaan naman ng mga kamag-anak nila. Kapag may mga dapat ayusin, kaagad pinaaayos.
"Charlotte!" sigaw ng babaeng tumatakbo palapit sa kanila.
Napangiti sya habang naglalakad pasalubong dito. Nagyakapan sila nang mahigpit habang sumisigaw.
"Grabe! Nagulat naman ako bagong ayos ng buhok mo! Ano bang mayroon at nagpagupit ka!?" tanong ni Amelia.
Natanawan na rin nya ang dalawa pa nyang pinsan na si Olivia at Elijah na kapwa may ngiti rin sa mga labi.
"Wala naman. Feeling ko, gusto ko lang ng bagong image since palagi na lang na ganoon ang itsura ko. For a change... Gano'n!" aniya saka lumapit sa dalawa pang pinsan at yumakap sa mga ito. "Namiss ko kayo! Kahit palagi tayo magkausap sa group chat, iba pa rin pala talaga kapag makikita mo sa personal ang isang tao!"
Naramdaman nya ang kamay ni Elijah sa kanyang buhok. Napaiwas sya. Tumaas ang kamay nito na animo sumusuko sa laban. "Hey! Tiningnan ko lang kasi ang astig, e!"
"Akala ko guguluhin mo, e!" Tumawa sya. "Olivia!" aniya saka pinalo-palo ang braso nito. "Ang payat mo na!"
"Parang tanga to!" Tinuro pa siya nito. "Hindi ba at ka-videocall kita palagi kapag mag-gym ako?"
Natawa sya. "E, syempre naman! Gaya nga ng sinabi ko! Iba pa rin yung makikita mo sa personal ang isang tao!"
"May point. Pero bakit parang tumaba ka yata?" ani Elijah kaya hinampas nya ito sa braso.
"Bastos to!"
Tumawa silang apat at pinagpatuloy pa ang kumustahan. Ilang sandali lang ay tinawag na sila ng kanyang mommy na nasa loob na ng ancestral house.
Nang makapasok sya sa loob, may hindi sya maipaliwanag na pakiramdam. Kanina ay ayos naman sya pero ngayon, tila bumigat na ang kanyang aura.
Pinalibot nya ang mukha sa kabuuan ng sala. Sala pa lang ito pero ang laki na. Ang daming sofa set at halatang luma na ang mga disenyo. May malaking family portrait sa pinakasentro ng dingding kung saan kasama ang daddy ni Charlotte.
Pati ang chandelier na nakasabit sa ceiling ay mukhang napagdaanan na ng maraming taon pero nakakatuwang gumagana pa rin.
May lumang estante na pagkalaki-laki rin sa may tapat ng hagdanan kung saan nakalagay naman ang ibang mga lumang laruan at iba pang abubot. Tulad ng mga lumang kandila na ginamit sa mga birthdays. Karamihan ay kumupas na ang kulay at antigo ng maituturing.
Sa itaas na bahagi ng estante ay nakapatong naman ang mga college graduation pictures ng daddy nya kasama ang iba pang mga kapatid nito.
Dahan-dahan syang humahakbang habang ang mga mata ay abala sa pagmamasahid. Ang tagal na nang huli nyang makita ang bahay na ito at ngayon na nandito ulit sya, heto na naman ang pamilyar na pakiramdam.
Sa gilid ng kanyang mga mata ay napansin na naman nya ang makitid na daan sa gilid ng hagdan. Kahit noong bata pa si Charlotte ay hindi pa sya napapasok doon. Ang sabi ng daddy nya ay may hayop na nakakulong doon at kakagatin sya oras na puntahan nya.
Dahil bata pa, naniwala sya na baka nga may mabangis na hayop doon kaya hindi sya sumusubok na puntahan iyon.
Humakbang sya paharap doon. Madilim na sa parteng iyon ng sala kaya naman pinilit nyang aninagin pero bigo sya. Sinimulan nyang humakbang pa ulit pero napatalon sya nang bahagya nang maramdaman ang kamay ni Elijah sa kanyang balikat.
"Char, nandito ka lang pala! Akala namin ay kasunod ka na namin sa dining area. Let's go. Nandoon si mommy."
Lumingon sya rito at napahawak sa dibdib. Lihim nyang kinalma ang sarili mula sa pagkakagulat. Ilang sandali pa, saka ngumiti. "O-okay," aniya rito.
"Ayos ka lang?"
Tumango sya. "O-oo." Hindi na nya hinintay pang magsalita ito. Nagpatiuna na sya ng lakad patungo sa dining area kung nasaan ang iba pa nilang kamag-anak.
"ANONG BALAK NINYO gawin natin mamayang gabi?" tanong ni Elijah.
Nasa veranda sila ngayon at nagmemeryenda. Tapos na sila mag-kumustahan at ngayon naman ay nagkukuwentuhan na lang.
"Mag-bonfire tayonsa garden?"
"Ay bet ko iyan!"
"Iinom tayo?" tanong nya sa mga ito.
"Teka, pwede ka na ba uminom?"
Tumango sya. "I'm 18 years old. And tayo-tayo lang naman, e!"
"Lubayan ninyo. Huwag na inom-inom. Marami naman tayong pwedeng gawin, e!" sabi ni Olivia. Nasa cellphone nito ang atensyon.
"Like what?"
"Kaya nga. May iba ka bang ideya!?"
Kinuha nito ang phone at sandaling nagpipindot. Ilang sandali pa, may video na itong pinakikita sa kanila.
"Ano iyan!?" tanong ni Amelia.
"Paranormal activities."
"Ano? Maghahanap tayo ng multo?"
"Pwede iyan," aniya na bakas sa boses ang excitement.
"Guys, huwag. Lubayan ninyo. Hindi magandang ideya iyan."
"Amelia, minsan lang naman to!"
"Basta ayaw ko. Hindi ako sasama sa inyo."
"Killjoy!"
"Hayaan na nga natin sya. So, alam ba ninyo na dati, nakita ko sila mommy na pumasok sa forbidden room."
"Yung kwarto sa gilid ng hagdan!?"
Tumango ito. "Yes. May natanaw ako roon na something, e! Para syang board."
"Anong board? Baka naman chess at snake and ladder lang iyon." Tumayo si Elijah at lumapit sa kanila.
Nagtawanan sila.
"I'm serious! Napakasiraulo mo."
"Anong board ba kasi!?" tanong nya.
Lumapit ito sa kanila at mahinang nagsalita, "Ouija board."
Nagkatinginan silang lahat. Natahimik silang apat dahil sa narinig.
"You mean...".
"Yes. Let's do spirit of the glass!" excited na sabi ni Olivia.
Napangiti sya. "Subukan natin?"
Tumayo si Amelia. "No. Huwag natin iyon gawin. Alam ba ninyo na delikado?"
"Amelia, huwag ka ngang killjoy, okay?"
"Pero—"
"Amelia, please... Isang beses lang tapos titigil din tayo agad. Okay?"
Tiningnan sya ni Amelia sa mga mata. Ngumiti sya rito saka humarap sa dalawa pang pinsan.
"Gawin natin mamaya?"
"Sure!"
"Let's do it!"
Napailing na lang si Amelia at halata sa mukha nito ang di pagkagusto sa naiisip na gagawin mamayang gabi.