“And you became imitators of us and of the Lord, for you received the word in much affliction, with the joy of the Holy Spirit,” – 1 Thessalonians 1:6
--
Chapter 2
Pearl
Inisip kong maaaring nakalimutan ni Ruby sabihin sa akin ang tungkol kay Jewel. Wala akong makitang dahilan para ilihim iyon dahil tiyak na malalaman ko rin sa oras na bisitahin ko si tatay Victorio. Pero hindi ako agad nakapagsalita habang yakap yakap ni Jewel ang mga binti ko at umiiyak. She’s weeping so hard that I couldn’t do anything but stand still. Lalo pa’t nakikita ko sa mata ni tatay na huwag akong magsasalita. But her little cries started to create wound in my chest.
Nang binuhat ko siya para aluin, sinubsob niya ang basa niyang mukha sa leeg ko. Halos masakal ako sa higpit ng tali ng mga maliliit niyang braso. I calmed her down and soothe her tears. Maingat ako sa pagsasalita dahil sa nakikita ko kay Tatay.
“Mommy… Mommy…”
Jewel is my niece. Una ay hindi ako makapaniwala. Pero segundo lang ang lumipas, habang buhat ko siya, unti unting nag-sink in na may pamangkin ako. Though she still in weeping condition and couldn’t recognise that I am not her mother, when she calls me ‘Mommy’ it brought warmth in my heart. She is my extended family.
I have a niece!
“Saan po ang kwarto niya?”
Bumigat siya. Banayad na ang paghinga.
“Akin na,”
Umiling ako kay Tatay nang akmang kukunin sa akin si Jewel.
“Ako na po ang magbababa para hindi magising.” Pabulong kong sabi.
Lumingon pa sandali si tatay kina Gelay. Nagtinginan silang tatlo pero walang nagsalita. Siguro dahil nakakapanibago talagang kararating ko lang tapos ganito na ang tagpo namin ng pamangkin ko. Alam kong bago sa paningin dahil bago rin sa pakiramdam ko.
Naunang umakyat si tatay at pinasunod ako. Dalawang pinto ang mayroon sa taas. Kulay green na kuwadradong disenyo ang linoleum ng sahig. Ang pintuan ay kulay pink din pareho pero ang nasa dulo may nakadikit na imahe ni Hello Kitty. Iyon ang binuksan ni tatay.
Binuksan niya ang stand fan na kulay puti at tinapat nang maayos sa double size na kama. Bulaklakin ang kobre ka-partner ng dalawang unan. Ang kumot ay nasa ibabaw nito at maayos na nakatupi. Amoy kulob ang kwarto. Mababa ang kisame kaya may palagay akong mainit na mainit dito kapag tanghali.
Pagkalapag ko sa kama, hinawi ko ang humarang na buhok ni Jewel sa mata. Her lips partly opened. She has pouty and pinkish lips. Mahaba ang pilik-mata at rosy cheeks. She looked like me when I was in her age. Napangiti ako. Para siyang mini version namin ni Ruby.
“Pwede na siya rito, anak. Kung gusto mong bumaba,”
Binuksan ni tatay ang jalousie’ng bintana at hinayaang pumasok ang kakaunting hangin. Nililipad ang kulay pink na kurtina. Ilang segundo lang ay naramdaman ko ang paglamig ng hangin.
Naupo ako sa gilid ng kama. Hindi ko muna kinumutan si Jewel at baka mairita sa init.
Tumingala ako kay tatay na tumayo sa gilid ko. “May pamangkin po pala ako.”
I smiled and looked at her again who is now peacefully sleeping. Inisang pasada ko ng tingin ang paligid ng maliit na kwarto. Maraming Barbie dolls na karamihan ay kulay pink ang suot at sapatos. May isang teddy bear na may bell sa leeg na nakaupo sa ulunan ni Jewel. All of her dolls and other toys are in here. Hindi ka magkakamaling may batang natutulog sa silid na ito.
Ang aparador na asul ay plastic. Maliit ang study table sa tabi nito at dalawang magkapatong na plastic container na damit ang laman. Sa dingding ay napupuno ng mga sticker ni Hello Kitty. Pati ang pinto nito. Naalala ko ang isang sticker na dinikit ko noon sa dingding ng kwarto ko pero agad pinaalis ni Tiya Adora.
Pakiramdam ko, ang dami kong na-miss pagdating ng maynila. Pero hindi masama ang loob ko sa kahit sino. It’s still comforting to learn new things. And happy that I am able to find this. I have family in Cebu and in Manila. I have this newly acquired perspective. Okay iyon kasi masarap sa puso.
“Graduating na si Ruby nang magbuntis kay Jewel,”
Hindi na ako nagulat. Bente tres pa lang kami.
“Akala ko nga hihinto siya sa pag-aaral. Ilang units na lang. Pero nagawa niyang itago sa mga Professor at kaklase ang pagbubuntis niya. Hindi nahalata ang tiyan hanggang maka-graduate.”
Mahirap sigurong maipagsabay ang pag-aaral at pagbubuntis. Lalo na kung ga-graduate sa College. Hirap na hirap siguro si Ruby no’ng panahong iyon.
“Si Preston po ba ang tatay ni Jewel?”
Mabilis na napatingin si tatay sa akin na may nanlalaki pang mata.
“Hindi siya. Buti nga’t hindi. Jusko, napakayabang ng lalaking ‘yon.”
Kumunot ang noo ko. “Kung gano’n, sino po? At nasaan na siya?”
May ibang boyfriend na ngayon si Ruby. Ibig sabihin hindi siya pinanagutan o pinakasalan ng ama ni Jewel. That’s sad news for me.
Bumuntong hininga si tatay. “Ang alam ko ay isa sa mga kaibigan ni Ruby ang nakabuntis sa kanya. Sabi niya, mas matanda iyon at mayaman. Maimpluwensya ang pamilya at ayaw sa kanya. Hindi rin siya pinakasalan ng lalaki dahil nambababae. Wala raw silang malinaw na relasyon kaya kahit nabuntis, hindi na siya pinanagutan.”
Nanlumo ako para kay Ruby at Jewel. I looked at my pretty niece again.
“Ang payo ko naman sa kanya ay huwag na siyang maghabol kung ayaw nu’ng lalaki. At kung itatanggi pang hindi kanya si Jewel, mabuti pang huwag na huwag na niyang kausapin. Ayokong masaktan ang apo ko balang araw. Ako ang mag-aalaga hanggang sa makakaya ko. Bilib din naman ako kay Ruby kasi hindi nga siya naghabol. Ipinanganak niya si Jewel na parang walang nangyari.”
“Alam niyo po ba ang pangalan ng lalaki?”
Tumaas ang kilay niya at umiling. “Hindi na sinabi ni Ruby. Baka nga talagang maimpluwensya at kilala ang pamilya. At delikado.”
“Kung ganoon, hindi pa po niya nakikita si Jewel kahit kailan?”
He sighed and held his hands. “Wala ni isang pumunta rito para i-claim na anak si Jewel, Pearl. Pero alam mo minsan… nagtatanong siya kung nasaan ang daddy niya. Pati sina Dyosa tinatanong niya at wala kaming maisagot. Nang si Ruby ang isang beses niyang tinanong, sinigawan siya imbes na ipaintindi ang sitwasyon nilang mag-ina. Pinagsabihan ko ang kambal mong huwag ganoon. Isang araw talagang magtatanong ito at may karapatan namang malaman ang totoo.”
Banayad kong hinaplos ang pisngi ni Jewel. I tilted my head a little. Napaka-cute niya at mukhang sweet na bata. Bakit ang aga namang naging malupit ang tadhana sa pamangkin ko? Matutulad ba siya sa amin ni Ruby na hindi nakaranas ng kumpletong pamilya?
Kumikirot ang puso ko para sa pamangkin kong ngayon ko pa lang nakita.
Ako ba noon, paano ko hinarap ang uri ng pamilyang mayroon ako?
May mabait akong Nanay Clara. May mapagmahal akong tatlong tiyahin. Hindi man kasingdami ng kaibigan ni Ruby at yaman marahil, malapit kong kaibigan sina Pamela at Mark. Kahit papaano, napunan ng mga Tiyahin ko ang kakulangan sa istilo ng buhay ko.
Hindi rin kami mayaman. Pero hindi rin masasabing naghihirap. Nalilibang ako sa pagtatahi sa munti naming negosyo at kahit hindi makasabay sa modernong pamumuhay ay hindi rin ako nagrereklamo.
Sana… ganoon na lang din ang mangyari kay Jewel. Pero kahit hindi na niya makilala at mahanap pa ang daddy niya, gawin niyang inspirasyon ang mga taong nagmamahal at nasa paligid niya. At kung babalakin niyang hanapin ito, sana ay mai-ready din niya ang sarili sa anumang isasagot sa kanya.
Marahil magkaiba pa rin kami ng sitwasyon. Ngayong nandito ako, pwede ko siyang tulungan ayon sa naranasan ko. Baka kaya nandito rin ako para bantayan siya at gabayan. Lahat naman ng bagay sa mundo ay rason. Sa umpisa hindi lang agad nakikita. Ganoon naman talaga ang buhay ng tao.
Iniwan na muna namin si Jewel sa kwarto. Nakapag-usap din kami ng sarilinan ni tatay. It’s relieving that he loves her no matter where she came from. May munting pamilya ako sa maynila kung saan kahit na anong mangyari, ang pamilya ay pamilya pa rin.
Gulat na gulat si Gelay nang makilala kung sino talaga ako. Tinawanan siya nina Dyosa at Mariposa. At pati ang pananamit ko ay kinagulat nila. Nagkwento ako ng kaunti ng buhay ko sa Cebu. Nakatitig naman sila sa akin at parang hindi makapaniwala sa sinasabi ko.
Uminom ako sa baso ng coke. Naupo ako ulit sa sofa at nakipagkwentuhan.
“Si Tiyang Adora ko ang nagturo sa aking manahi. May patahian kami sa Carcar. Maliit lang naman. Uniform, gowns at may rental din.”
“Eh ‘yang suot mo, Tiyahin mo ba ang nagtahi?” kuryosong tanong ni Mariposa.
Sinulyapan ko ang suot na short sleeves polo at pantalong maong. Tumango ako.
“Itong blouse ay gawa ni Tiya Bertha. Ang Tiya Alma ko naman ay forte ang gowns at men’s suits. At ang Tiya Adora ko ay mga unipormeng pang eskwela o pabrika. Mga gano’n.”
“Ano naman ang kurso mo?”
Bumaling ako kay Gelay. Siya pala ang kahera at tagalista kung ilang customer ang nagupitan nina Dyosa at Mariposa. Paminsan-minsan ay tagapag-alaga rin kay Jewel.
“Accountancy ang natapos ko. Sa patahian ako nagtatrabaho. Tinutulungan ko ang mga Tiyang ko.”
Nagtrabaho rin naman ako sa isang maliit na opisina sa Carcar. Hindi nga lang ako nagtagal dahil humiling si Tiya Adora na sa patahian na lang ako magtrabaho. Ang buong silong ng lumang bahay ay ginawa ng pwesto ng negosyo. Sa paglipas ng mga taon, naging permanent naman ang shop sa tagaroon. May season na mahina at may season na malakas. At hindi kami malaki gumastos kaya nakakaipon din kahit kaunti.
Si Nanay Clara lang ang nagkaanak sa kanilang magkakapatid. Our expenses are very low. Masasabi kong libangan na lang nila ang pagtatahi at pagnenegosyo. Ang perang nakikita kong pumapasok ay naiipon sa bangko. Sinuswelduhan ako ni Tiya Adora at tulad nila, deretso lang iyon sa bangko. It’s not big but just enough for simple living that I want.
Titig na nakangalumbaba si Gelay sa harap ng salamin. Ang mata ay nasa akin.
“Kamukha mukha mo si Ruby pero ang laki rin difference ninyo. Kung walang makeup, gan’yan pala ang itsura niya. Pati pananamit, magkaibang magkaiba kayo. Si Ruby madalas magpa-treatment. Ikaw… mukhang virgin pa ang buhok, ano?”
“Ha?”
Nagtakip ng bibig si Mariposa pagkatawa.
“Hindi ka pa nadadapuan ng anumang gamot ang buhok mo? Ever?”
Marahan akong umiling. “Nakapagpagupit na ako sa parlor. Pero madalas ang mga Tiyang ko ang naggugupit sa akin. Ganito lang din,” sabay hawak ko sa dulo ng buhok ko.
Palingon-lingon sa akin si tatay na nagpupulupot ng kurdon ng blow dryer. Tinitingnan niya rin ang buhok ko. Hindi naman ito dry o frizzy. Makapal at straight pa rin.
Si Pamela nagpa-treatment na. Nagpa-rebond iyon. Maganda at bagay sa mukha niya pero sabi ni Tiya Adora, mas maigi pa ring natural ang gawin sa buhok. Baka masira lang kapag palaging ganoon ang ginagawa. Hindi ko na sinabi kay Pamela ang opinyon ni Tiyang at baka masaktan ang loob no’n.
“Kahit shaggy o layer babagay sa ‘yo.”
“O ayan, head stylist dito si Dyosa. D’yan ka magpagupit!”
Pumalakpak pa si Mariposa. Natawa si Gelay.
“Hoy kayo. Tigilan niyo si Perlas. Baka pagbalik niyang Cebu ay atakihin sa puso sina Adora, ‘no. Prinsesa roon ang anak ko kaya ‘wag niyong pagdiskitahan.”
Sumimangot si Mariposa. “Pagagandahin namin si Perlas ng silanganan, Mamey. Para naman pagbalik niya sa Cebu, hindi lang siya maging prinsesa, gawin pa siyang reyna ng hilaga, silangan, timog at kanluran. Sa ganda nitong anak mo, hindi birong maraming maghahabol ditong boys. Hindi pa nga lumalabas masyado ang ganda, maganda na! Sana all talaga.”
“Ganitong attitude ang masarap isali sa mga beauty pageant, Mamey. Pwedeng pwede nga sa Miss World itong si Pearl, e. Sumasali ka ba sa mga barangay contest doon, girl?”
Umiling ako kay Dyosa. “Hindi po, e.”
“Po?!”
Ang lakas ng tawa ni Gelay.
“O bakit, Gelay? Problema mo?”
“Wala-wala. Ito ang mabait na bersyon ng mukhang ‘yan. Nakakapanibago. Ang amo, e.”
Natawa silang tatlo maliban kay tatay. Ngumiti lang ako at uminom ng coke. Masaya at alive na alive ang vibe nila. Kaya kahit hindi ako nakakasabay ay napapangiti ako.
Nabalik ang alaala sa babaeng pinaalis na naabutan ko. Ang dinig ko ay malikot daw ang kamay at nagkakawalaan ng gamit at pera. Mabuti na lang daw ay nahuli sa akto ni tatay kaya napaalis na.
“Pearl, dito ka na matulog mamaya. Naiwan pa ba sa condo ni Preston ang gamit mo?”
Naghahanda ng mamalengke si tatay. Ipagluluto niya raw ako ng Pininyahang Manok. Si Dyosa ay gagawa ng Fruit Salad. Kaya magkasama silang pupunta ng palengke.
“Opo, ‘tay. O-Okay lang po bang dumito muna ako bago umuwi?”
Nagsisi lang akong hindi ako masyadong nag-ready sa pagpunta. Si Ruby kasi ang kausap ko at nag-suggest sa tutuluyan ko. Pwede akong maghanap ng mumurahing hotel para hindi makagambala ng tao. Babalik din naman akong Carcar.
“Hindi mo na dapat tinatanong ‘yan, anak! Kuhain mo na ang gamit mo at dalhin dito. Hindi ko talaga kasundo ang Preston na ‘yan.”
“Sige po, ‘tay. Baka nakauwi na rin si Ruby ngayon.”
Sinuklay ko ang buhok. Papagabi na rin. Dapat ay pumunta na ako sa condo ngayon at ng maagang makabalik.
“Saan ba ang condo niya?”
“Sa Makati po.”
Kinuha ko ang bag ko sa sofa. Nagpaalam si Gelay na sisilipin sa taas si Jewel at baka nagising na. At para pakainin na rin kung nagugutom. Napahaba ang tulog.
“Ang layo pala. Nag-LRT ka ba papunta rito?”
“Taxi po,”
Napamaywang si tatay. “Na mag-isa? Delikado ‘yan… Hala magpasama ka kay Mariposa pabalik doon. Mariposa, samahan mo si Perlas sa Makati. Dalhin niyo rito ang gamit niya.”
Walang sabi sabing lumabas ito galing sa kusina. Tumingin sa salamin. Inayos ang bangs at nagusot na pang itaas. Pagharap sa akin ay niyaya ako paalis.
“Mag-grab kayo para mabilis. Pamasahe niyo,”
Namilog ang mata ko nang mag-abot ng isang libong piso si tatay sa kanya.
“Huwag na po, ‘tay! May pamasahe po ako.”
Tinaas niya ang kamay at nag-wave.
“Wala ito. Sige na. Umalis na kayo nang maaga ring makauwi. Mamalengke lang ako.”
Hawak niya ang kanyang pouch at tulad ni Mariposa ay nagsuklay din ng buhok sa salamin.
“Dyosa! Bilisan mo d’yan!”
“Eto na,” sagot nito.
Hinila ako ni Mariposa palabas ng bahay. Sa kanto na raw kami maghintay ng masasakyan. Tahimik na akong sumunod.
Pero gumawa pa rin ako ng text kay Ruby.
Ako:
Pinapakuha ni tatay ang gamit ko sa condo. Sa kanya na lang daw ako tumuloy.
Ako:
Bakit hindi ka umuuwi? Kausapin mo ang tatay, Ruby.
Tulad kanina, may mga taong napapatingin sa akin at tinatawag ako sa pangalan ng kambal ko. Katabi ko si Mariposa na hinihila ako para iiwas sa mga taong iyon.
“’Wag mong pansinin ang mga tambay na ‘yan. Madalas talaga nilang sutsutan si Ruby at biruin.”
Tumango na lang ako.
“Close na kayo ni Ruby, Mariposa? Ayos, ah! Bago ‘yan!”
Nag-abrisiete sa akin si Mariposa. Iyong ale na sumigaw ay nakaupo sa labas ng pinto ng bahay at may kakwentuhan pang isang ale.
“Oo, Aling Tessie. Bff na kami.” sabay tawa ng malakas nito. “Bilisan na natin!” bulong niya.
Medyo marami rin ang kumausap sa kanya at kabati. Halos lahat kilala niya. Ako, kapag naglalakad sa labas ay walang pumapansin. Kung pupunta sa palengke, deretso lang ang lakad. Kapag kasama ko sina Tiyang, nagta-tricycle naman kami at wala ring kinakausap. May kakilala pero pormal at medyo maiksi lang ang batian. Bihira pa iyon.
Paghinto namin sa kanto, nilabas ni Mariposa ang phone niya para mag-book ng masasakyan namin. Alam ko iyon at narinig na. Pero wala akong app. At saka nakakahiya ang phone ko. Nagha-hang. Nang makita ko ang kanya, nahiya akong ilabas ang akin. Pang f*******:, text at tawag lang talaga.
“Ano ba ang address, Perlas?”
Alam ko ang pangalan ng building at street. Iyon na ang tinayp niya. Pinakita niya muna sa akin para sure ang pupuntahan.
“Ang mahal naman ng bayad d’yan!”
Parang luluwa ang mga mata ko pagkakita sa babayaran sa driver. Natawa si Mariposa at nanliit ang mata.
“Ano ka ba. Ganito talaga ang fee rito. Ginto ang presyuhan.”
Napahawak ako sa dibdib ko. “Isang araw kong sweldo ‘yan…”
Hinayang na hinayang ako. Iba iyong presyo kanina. Malaki rin naman pero mas grabe yata ang rate ngayon.
“Nag-iiba naman ‘yan depende sa oras. Oh, may driver na tayo.” Turo nito sa screen.
Tumabi ako sa kanya at sinilip. May mapa at kulay ang linya. Sinabi pa niyang pwedeng mamili ng sasakyan depende sa dami ng sasakay.
“Pwede pa nga motor, e.”
“Motor?!”
Mabilis siyang tumango. Eksaktong may dumaang riding in tandem. Iyon ang tawag ko kasi naririnig ko sa TV.
“May app din ‘yan. Kapag mabilisang lakad, dyan ako sa sumasakay.”
Sinundan ko ng tingin ang motorcycle bike. Nakakita na rin ako niyan sa Cebu pero hindi pa ako nakakasakay. Mas madalas pa rin kaming mag-tricycle. O kaya ay lakad lang.
Kina Mariposa parang normal na lang iyon. Sa mga tiyahin ko… kagimbal gimbal pa.
Habang naghihintay kami sa sasakyan, tiningnan ko ang paligid ng kalsada. Dikit dikit ang mga bahay. Maraming naglalakad sa labas at sumasabay ang naglalarong mga bata. Iyong iba naman, nasa labas pero busy sa cellphone. At ang mga sasakyan ay marami rin. Iba-iba rin ang uri. Sa liit ng kalye, halos crowded din. Siguro sa ganitong oras.
Ang ingay ay nag-uunahan sa tainga ko. May sumisigaw na naglalaro, may bumibusinang sasakyan at ang iba nag-aalok ng paninda. Medyo mausok din. Ang uri ng pananalita, ibang iba sa nakagisnan ko.
Sa lugar namin marami ang lumang bahay pero malalaki. Wala akong masyadong nakikitang mga batang nagtatampisaw sa kainitan. Masasabi kong mas progresibo ang maynila kaya siguro ganito ang pananaw ko. And maybe that’s why some of my classmates wanted to fly here for work and gain access to much bigger world. I could see the difference. At maynila pa lang itong napupuntahan ko. May ibang parte pa ng Metro Manila. Hindi ako masyadong nakakarating sa mga City at minsan lang nangarap. Pero hindi rin siguro ako tatagal.
Nakasakay kami sa kotse na parang taxi pero private ang itsura. May cellphone sa harap ng driver at nakalagay ang mapa sa app nito. Si Mariposa na ang kumakausap kaya tumanaw na lang ako sa labas ng bintana.
Tumigil kami sa traffic. Inabutan na kami ng dilim sa byahe. Puro pulang ilaw at naglalakihang building ang nakikita ko. Sumilip ako sa bintana para panoorin ang mga ilaw sa building na iyon. Paano kaya kung nagtagal ako sa corporate world? Paano kung… dumestino ako sa City at i-try ang City life? Katulad ng ini-enjoy ni Ruby. Ang sabi niya, hinding hindi niya iiwan ang buhay para sa isang simpleng pamumuhay. Siguro dahil sa rangya, kinang at cool na mga itsura kaya na-enjoy siya roon.
It amazes me of how this life works. Everything is modern. The clothes, the technology, the ways in life—maybe. Para sigurong nasa kabilang parte ito ng mundong kinalakihan ko. Natutulala ako minsan. Pero okay lang. Some people are made for this kind of life and maybe I don’t.
“Ang ganda-ganda talaga ni Ysabella, oh. Sa kanya ang may pinakamalaki at bonggang billboard,” kinikilig na sabi ni Mariposa.
Natawa iyong driver at pares niya ay nakatingala rin sa billboard sa side nila.
Na-curious ako at nakisilip din. Iyon pala ang billboard ng sikat na drama ngayon sa TV. Kahit sina Tiyang pinapanood siya gabi-gabi. Napangiti ako. Kahit papaano, naka-relate ako ngayon sa taga-maynila.
“Araw-araw namin siyang pinapanood. Sinampal siya nu’ng impakta niyang kapatid tapos inagawan ng asawa. Naku, gigil na gigil ako sa kapatid niya. Nagkasakit lang, gumapang naman!”
Nakakwentuhan na niya ang driver. Nanonood din pala.
“Kaya mataas ang ratings niyan. Ang ganda ng story pati arte ni Ysabella. Kahit nagmamaldita na siya ngayon sa palabas nila, walang bumibitaw. ‘Yung asawa ko, gusto gusto kapag palaban na siya.”
“Aba’y s’yempre naman, kuya! Dapat lang lumaban siya sa kurikong niyang kapatid, ‘no! Kung ako ‘yon, kakalbuhin ko siya at itatali sa riles ng PNR!”
Natawa ako. Tiningnan ko ulit ang billboard ni Ysabella. That’s her screenname. Walang apelyido.
“Ang galing lang talagang umarte ni Ysabella. Walang tapon. Kaya reyna sa TV Network na ‘yan, e. Ang bali-balita, boyfriend yata ang may-ari ng istasyon. Kaya ayun, halos lahat ng magandang project sa kanya binibigay.”
“Sa mag-ari ng DSTV Network?”
“Oo,”
Sumandal ako sa upuan.
“E ‘di ba, sa mga de Silva ‘yan?!”
Napatingin ako sa sobrang interisadong chismis ni Mariposa. Napahawak na siya sa upuan ng driver.
“Kaya nga. Number one network na sila at de Silva pa. Parang na kay Ysabella na ang lahat, ‘no?”
Umandar na ang sinasakyan namin. Sinundan pa ni Mariposa ang billboard ilang sandali bago tuluyang napagod.
“Sa ganda niyang ‘yan. Talagang makakasungkit siya ng mayaman. Sino nga bang de Silva ang may-ari ng DSTV? Mmm…”
Umawang ang labi ko. Last night, no’ng lasing si Ruby, kinuwento niya sa akin ang magpipinsang de Silva. Nakalimutan ko na ang tinuro niyang pangalan. Hindi ko sineryoso. Dahil bakit naman?
Tapos ngayon, madidinig kong pinag-uusapan ang apelyidong iyan. Naalala ko ang sinabi niyang, baka makasalubong ko ang isa sa mga iyon. Sino nga bang pangalan ang binanggit niya? Nakalimutan ko na. Basta gwapo.
Sila pa pala ang may-ari ng malaking TV Network ni Ysabella. Kung ganoon… high profile people ang nakakasalamuha ni Ruby.
Wow. What is her work, then?
Naka-lock at wala akong susi ng condo unit ni Preston. Sinubukan kong tawagan si Ruby pero nakapatay ang cellphone. Hindi ko alam kung nakauwi ba iyon at umalis ulit. Nang magtanong ako sa guard, wala raw Preston at Ruby na tumatapak sa building.
“Hala paano ‘yan? Talaga bang hindi makontak?”
Bumalik ulit kami sa labas ng pinto ng unit. Kung hindi uuwi si Ruby, hindi ko rin makukuha ang bag ko. Naglalaman iyon ng damit at kaunting snacks. Akala ko babalik din sila. O bukas pa kaya?
“Baka bukas pa,” sabi ko at panay ang contact sa kakambal.
Napamaywang si Mariposa. “Hindi ba siya nagpaalam sa ‘yo?”
“Paggising ko, wala na sila ni Preston. Buti nahingi ko pa sa kanya ang address ni tatay.”
“E, paano ‘yan? Hindi mo makukuha ang gamit mo ngayon?”
Nagring ang cellphone ni Mariposa. Natunugan kong si tatay iyon. At ni-loud speaker.
“Ano? Wala pa si Ruby d’yan?”
“Oo nga, Mamey. Sarado ang unit. Tapos sabi sa baba, wala naman umuuwi sa kanila ni Preston.”
Ilang beses kong tinext si Ruby kahit na palagay ko ay hindi na iyon makakatulong. Ni-chat ko rin kaso… kahapon pa ang huling online niya.
“Edi hindi ninyo makukuha ang gamit ni Perlas?”
“Malamang hindi. Babalik yata siya rito at baka sakaling umuwi sina Ruby,”
“Hindi ba makontak?”
Tumikhim ako. “Hindi po, ‘tay. Patay ang cellphone at hindi po online.”
“Saan naman kaya nagsuot ang batang ‘yon? O sige na. Bumalik na kayo rito. Gumagabi na, Mariposa, Pearl.”
Tumango si Mariposa. “Sige, Mamey. Bababa na kami.”
“O sige. Mag-ingat kayo.”
Bumagsak ang mga balikat ko sa patuloy na pagsilip sa cellphone para tingnan ang text kay Ruby. Bigla akong nakaramdam ng kakaibang kutob. Agad akong umiling at pumikit. Sumusunod ang mga paa ko kay Mariposa pero ang isipan ko ay patuloy na nililipad sa kakambal.
“Iniwan ka niyang mag-isa sa unit na ‘yan. Ni hindi man lang nagpaalam o samahan ka. Bagong salta ka sa maynila tapos bigla siyang aalis nang walang sabi-sabi?! Murmurderin ko ang kuko niyan pagbalik!”
Ako:
Nasaan ka? Balik ako bukas sa condo para sa gamit.
Patuloy na nagsasalita at sermon si Mariposa. Malapit na kami sa elevator pero umaasa pa rin akong sasagot siya sa mga text ko.
Hindi nagtagal ang pahihintay namin at bumukas ang lift. Nakasakay kami agad.
“Wait!”
Pinindot ko ang button para bumukas ang papasarang harang ng lift. Hinihingal ang matangkad na lalaki pagdating. Tiningnan niya kami ni Mariposa at tiningnan ulit ako.
“Thanks.” he almost whispered.
Bahagya akong tumango at umusod. He is massive. Si Mariposa nga ay umusod din. Inalis ko agad ang mata sa lalaki dahil hindi ko matagalan. Pagpasok niya, umalingasaw naman ang bango nito.
Sinulyapan ko pa si Mariposa kung humihinga pa. Bigla kasing natahimik.
“Okay lang ako. Okay lang.” mahina niyang sabi.
Pinirme ko ang paningin sa nagpapapalit na numero sa taas ng elevator. Naramdaman kong… bumaling sa akin ang matangkad na lalaki. Uminit ang mukha ko sa hindi ko malamang dahilan. At para ma-divert ang isipan, tumingin ako sa cellphone ko. Pero ang diwa ay nasa kasama sa lift.
Uminit pati ang batok ko. Ano ba ito? Ramdam na ramdam ko ang pagtitig niya.
“Ehem. Ehem.” Tikhim si Mariposa.
Sinaway ko ang sariling sulyapan siya. In my peripheral vision, tumungo na sa mga numero ang baling ng lalaki.
Binaba ko ang cellphone. Bumaling na naman sa akin ang lalaki!
Pero baka tulad lang ito ng mga lalaking nagpapahaging at titig sa akin sa Cebu. Alam ko na ang gagawin sa mga ganito. Iniba ko ang pwesto ko. Iyong posisyong hindi ko makikita ang galaw niya para malaman niyang hindi ako interisado. Makita ko man ang repleksyon sa pinto, tinaas ko ulit ang cellphone at nagkunwaring may binabasa roon.
Sa pagbaba ng elevator, parang pati ako ay napapalutang at hilo sa presensya ng estrangherong lalaki.
Pagbukas ng lift, pinauna niya kaming lumabas ni Mariposa. Agad na kumapit sa braso ko si Mariposa paglabas namin.
“Ang gwapo-gwapon no’n, Pearl. Kanina ka pa tinititigan.” Bulong niya.
Umiling lang ako at nagtuloy tuloy sa paglabas ng building.
“Wala pa rin, Ma’am?”
Ngumiti ako sa guard. “Wala po. Balik ako bukas.”
“Sige po.”
Sinaluduhan niya ang taong nasa likod namin.
“Sir,”
“Good evening.”
That’s his voice. Parang tinatamad magsalita pero ang swabe pakinggan. Iyong tipong aabangan mo ang boses niya sa pang gabing radio station at papatulugin ka.
May ganoon palang boses, ano. Ang sarap lang pakinggan.
“Magbu-book na ako,”
Tumango ako kay Mariposa. Paghinto namin sa labas, siya namang lagpas sa amin ng lalaki. Pasimple ko siyang tiningnan nang hindi ginagalaw ang ulo. Papunta siya sa isang nakaparadang sasakyan.
“Yale, tara!”
I heard his voice again. Bahagyang umawang ang labi ko. Nakita ko ang pag-ayos ng tayo ng isa pang matangkad na lalaking nakasuot ng itim na pantalon at itim na longsleeves polo. Sa tabi ay isang makintab na sasakyan.
“O? Akala ko…” sagot nu’ng tinawag niya.
It sounded curious. Pero tila natigilan.
“Saan naman?”
There was a short silence. Mabilis kong binalingan ko si Mariposa. Kumurap kurap ako at kinabahan. Baka mahuli akong nakikinig. Nakakahiya pa.
“Sa mansyon ni Dylan.” I heard him answered. At hindi nagtagal ay umalis ang sasakyan nila.