Prologue
The Perks of being a de Silva (De Silva 6)
--
“For, as I have often told you before and now tell you again even with tears, many live as enemies of the cross of Christ. Their destiny is destruction, their god is their stomach, and their glory is in their shame. Their mind is set on earthly things.” – Philippians 3:19
--
Prologue
Pearl
Iisa ang mukha naming dalawa. Iisa ang hugis ng aming mga ilong, mata at labi. Pero iba ang kanyang mata. Iba siya tumingin. Iba ang ayos niya at postura. Kung tititigan kami, hindi maipagkakailang kambal. Pero ang kanyang pananalita ay kakaiba. Manilenyang-manilenya. At madalas siyang ngumisi. Panay ang lingon sa ibang dereksyon. Hindi mapirmi ang paningin niya. Hindi tulad ko na parang tuod at inosenteng pinagmamasdan ang kakambal kong ngayon ko lamang nakilala buong buhay ko.
Ngumisi siya ulit matapos niyang mahuli ang pagtitig ko sa kanya. May mahaba siyang buhok. Halos kasinghaba ng sa akin pero may istilo ang kanya. Hindi pantay-pantay ang dulo ng buhok niya samantalang kabaliktaran ang sa akin.
“Para mo ‘kong inieksamin, huh? Ano? Gandang-ganda ka ba sa mukha ko, sis?”
Umawang ang labi ko. Pati ang boses niya, ang pananalita ay ibang iba sa akin. Mayroong kasiguruduhan ang salita niya. Iyong maraming alam at matapang. Hindi siya nahihiya. Hindi. Casual na casual siyang humihithit ng sigarilyo rito sa kainang pinili niyang pagkitaan namin.
Hindi ako nakasagot. Maganda siya. Magandang-maganda. Kumpara sa akin na napag-iwanan ng panahon. Pero hindi ko iyon kinalulungkot. Tanggap ko kung ano ang itsura ko at kung ano lang ang kaya kong gawin para sa sarili.
Bihira akong makapasyal sa Mall. Madalas ay hanggang palengke lang ako. Wala akong alam tungkol sa mga latest sa fashion. Mapa-makeup man o damit o kahit gadget ay hindi ko abot ang impormasyon. Mayroon akong cellphone. Ang sabi ng kaibigan kong si Pamela ay lumang modelo iyon. Mahina pa nga ang signal kapag nag-i-internet ako at madalas ay naghahang. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niyang mas maganda ang Iphone o Samsung kasi mabilis at malaki ang memory. Ang sabi ko, aanhin ko ang ganoong modelo ng cellphone? Wala akong masyadong katawagan doon. Pagdating sa social media ay bihira kong magamit dahil madalas ay wala akong load pang data. Magpakabit daw kami ng Wi-Fi sa bahay. Ang lungkot daw ang buhay ko dahil para akong nasa bundok. Hindi lumalabas sa kabihasnan. Pero okay lang sa akin. Sanay na ako sa buhay ko kasama ang tatlo kong tiyahin.
Umayos ako ng upo. Upong matuwid para hindi ako maging awkward sa harapan.
“Maganda ka naman talaga, Ruby. Pasensya na. Hindi ko lang mapigilan ang sarili kong… pagmasdan ka.” bigla akong nahiya. Kahit pareho naman kaming babae.
Tumawa siyang bahagya. Pinitik niya ang hawak na sigarilyo sa basong ginawa niyang ashtray.
“Grabe. Napakahinhin mo pala. Ang galang mo pa. Ano ako, ate mo? Magkasabay tayong pinanganak, ‘di ba? Bakit parang pakiramdam ko e mas matanda ako sa ‘yo?”
“Mas matanda ako sa ‘yo ng… may sampu o labing limang minuto. Iyon ang kwento ni Nanay,”
Natigilan si Ruby. Tumitig sa baga ng sigarilyo. Pakiramdam ko ay may nasabi akong hindi maganda kung kaya nagbago rin bigla ang mood niya.
“Ah… s-sorry. Nabanggit ko si Nanay,”
“Ayos lang! Hindi ko naman siya kilala. Kumbaga, dinala niya lang ako sa sinapupunan niya. Pagkapanganak ay initsepwera niya ako pa-maynila. Aanhin naman kasi niya ang kambal na anak kung iisa lang ang mukha. Nagkataon sigurong ako binigay niya kay Papa at ikaw ang sa kanya.”
“Pero Ruby-
“Huwag kang mag-aalala sa akin, Pearl. Hindi ako nagtatampo o whatever. Saka tingnan mo nga ‘yang get-up mo. Manang na manang at makaluma pa ang damit mo. Kanina ko pa nga iniisip kung pinaglumaan ba ‘yan ng mga Tiyahin mo o hindi ka lang updated sa fashion? Wala ka bang fashion sense? My gosh. Bulaklakin pa ‘yang blouse mo. Puro ganyan ba ang laman ng closet mo?” magkadikit ang mga kilay niya.
Tiningnan ko muna ang suot ko. Uminom siya ng coke pero hindi inaalis ang mata sa suot ko.
“Si T’yang Adora ang nagtahi nito. Hindi mo ba nagustuhan? Kilalang mananahi sa Carcar ang T’yang natin.”
Umismid siya o parang pumait ang coke na ininom niya base sa kanyang itsura.
“Kung gan’yan ang style ng pagtatahi na parang polo na panglalaki pero pambabae, never mind na lang! Mukhang hindi ka pa sinukatan man lang. Hula ko, pang school uniform lang ang kaya niyang tahiin. Tingnan mo ‘yang outfit mo, kung anong ganda mo, siyang panget ng damit mo. Hindi ba nakokornihan sa ‘yo ang boyfriend mo sa Cebu?”
“Wala akong boyfriend.”
Nasamid siya pagsagot ko. Hinablot niya ang tissue sa gitna namin at pinunasan ang natapong likido sa labi niya. Pinanlakihan niya ako ng mata.
“Ano? At bakit, aber? Wala bang nanliligaw sa ‘yo? Tsk, tsk.”
Kinabahan ako bigla. “Meron. Kaso, kaibigan lang ang tingin ko sa kababata kong iyon kaya hindi ko siya sinagot. At saka…”
“At saka?”
“A-Ayaw pa nina T’yang na magkanobyo ako. Masyado pa raw kaming bata para magkarelasyon. Mag-ipon daw muna bago mag-asawa.”
Bata pa lang ako ay pinapaalalahanan na ako nina Tiya Adora, Tiya Bertha at Tiya Alma na huwag akong lumapit sa mga lalaki. Noong una ay naiintindihan kong para unahin kong makapagtapos ng pag-aaral at hindi ako maligaw ng landas. Palagi nila akong pinagsasabihan na huwag makipagbarkada. Pagkagaling sa eskwela deretso agad sa bahay at huwag nang pumunta kung saan-saan pa. Hindi ako umaalma sa mga turo nila sa akin. Siguro dahil wala rin akong interest sa mga lalaki. Siguro rin dahil puro kami babae sa bahay kaya hindi ako naging malapit kahit sinuman sa mga kaklase kong lalaki. Kapag may nagpapahaging sa aking ligawan ako, agad akong humihindi. It is already part of my life.
Maliban kay Mark Cheng. Ang nag iisa kong kababatang lalaki na naging malapit kong kaibigan. Masugid ko siyang manliligaw sa loob ng dalawang taon. Ilang beses ko na siyang sinabihang hindi pa ako handa pero palagi siyang bumabalik. Hindi si Mark iyong tipong mabilis mapagod. Ewan ko roon. Ilang beses ko nang nakita kung paano siya sindakin nina Tiya Bertha kapag dumadalaw sa bahay. Sa kabila no’n ay hindi siya tumitigil sa panunuyo.
Mark is a Filipino-Chinese businessman now. He inherited his family business. At kung sasagutin ko raw siya ay agad niya akong pakakasalan. Na kinatakot ko lalo kasi mas lalong hindi pa ako handang mag-asawa.
Mark is kind, thoughtful, intelligent and hardworking. Saksi ako kung paano siya i-train sa trabaho ng dad niya. Palagi siyang may plano sa buhay. Kadalasan ay pang long-term goal. Kung kaya humahanga rin sa ako sa kanya. Kaso… kahit alam kong may patutunguhan ang buhay ko sa kanya, hindi ko pa rin magawang ibigay ang gusto niya. Ang maging girlfriend niya. Ewan ko sa sarili ko. May… pagdadalawang isip pa rin ang isip ko.
“Lumang tugtugin na ‘yon, ‘no! Anong mag-ipon? Napaka-advance naman mag-isip niyang T’yahin mo. You’re already twenty-three! Kailan ka nila papayagang magkaboyfriend? Kapag wala na sa kalendaryo ang edad mo? Gano’n din ba ang gusto mo, Pearl? Aba, sinasayang mo ang ganda mo.” pinanliitan niya ako ng mata at tiningnang deretso.
I massaged my nape. Pakiramdam ko ay binuhusan ako ng maligamgam na tubig sa mukha at napahiya. Wala pa akong narinig na gan’yang komento kundi sa kanya lang. Ang mga taong kakilala namin sa Carcar ay hindi kami inaano sa palakad namin sa buhay. Magkaibigang lugar ang Cebu at Maynila kaya siguro ganoon. Hindi kaya masyadong maliit ang mundong kinalalagyan ko?
“Okay lang naman sa akin,” and I couldn’t even give a conviction on my answers.
“Tsk, tsk. Ang swerte nga natin dahil magaganda tayo. Pang beauty queen ang mukha at katawan natin. Alam mo bang maraming nagkakamaling anak ako ni Charlene Gonzales o kapatid? Kilala mo siguro ‘yon? Nakita ko sa internet ang picture niya no’ng kabataan. Infainess, may hawig sa akin. Mas malamang siguro sa ‘yo. Lalo na roon sa…”
“Charlene Gonzales? ‘Yung artista?”
Pinagpatuloy niya ang pag iisip. “Doon sa Dyesebel ba ‘yon? Oo, ‘yun nga! Pareho kayo ng buhok, e. At kapag walang makeup, mas kamukha mo siya. Kapag naman nakaayos, mas hawig ko.” she laughed and used her cigarette again. She looks like a playful girl.
Ngumiti ako. “Mas kamukha natin si Nanay Clara. Siya ang prinsesa sa apat na magkakapatid na Villaruz. Walang tatalo sa ganda niya.”
Nalusaw ang ngiti niya at tumalim ang mata. She got our mother’s beauty. There is no doubt about that.
“Nasabi nga ‘yan ni Tatay. Kaya siguro nabuntis niya.” umismid siya.
Yumuko ako. May sama ng loob ang tono ng pagsasalita niya. Gusto ko siyang bombahin ng mga katanungan tungkol kay Tatay Victorio. May luma akong litrato niya noong kabataan nila ni Nanay. Ang sabi ni Nanay ay napadpad si Tatay Victorio sa Cebu para mag-aral. Sinunod daw nito ang kagustuhan ng ama kaya umalis ng Maynila. Pero hindi niya natapos ang eskwela. Hindi rin nagtagal ang pag-iibigan nila at pinili ni Tatay na bumalik sa Maynila. Inalok siyang sumama sa kanya. Pero… pinili ni Nanay Clara ang Cebu. Sa huli, kinuha ni Tatay si Ruby at naiwan ako kay Nanay.
Hindi ko akalaing mangyayari sa buhay ko ang ganitong kwento. Sa pelikula lang ito nangyayari. Pero heto, ganito ang pinagmulan ko.
Pinatay ni Ruby ang nangangalahati niyang sigarilyo. Naglabas siya ng limangdaan at binaba sa mesa. Tumingala ako sa kanya dahil sa bigla niyang kilos.
Tinanguna niya ako sabay sukbit ng shoulder bag niya. “Tara na. Marami pa tayong gagawin.”
Napatayo nga ako at kinuha ang malaki kong bag sa sahig. May dala rin akong sling bag kung saan nakatago ang cellphone at naipong pera sa bangko. “Saan tayo pupunta?”
She stopped and tapped my cheek. “Sumunod ka na lang, sis. But don’t worry, hinding hindi ko sasayangin ang pagpunta mo rito sa maynila para sa akin. Let’s go!”
Tinalikuran niya ako at naglakad palabas ng kainan. Isang sulyap ang ginawa ko sa limang daang iniwan niya sa mesa. Bayad sa pagkaing halos hindi namin nagalaw. Dalawang kanin at dalawang order ng ulam. Tubig ang akin at softdrinks naman sa kanya. Naisip ko tuloy, malaki siguro ang kinikita ni Ruby sa kanyang trabaho. Nakakabili siya ng gusto niyang damit para sa tipo niyang postura. Branded ang kanyang bag at ginto ang relos. Ang mga suot niyang alahas ay kumikinang na parang bituin sa langit.
Mayroong tinatagong kaunting alahas si Tiya Adora sa kanyang kwarto. Ang sabi ay pamana para raw iyon ng Mama nila at bilang nakakatandang anak ay sa kanya pinamana. Pero kahit maliit ang kinikita sa pagtatahi, hindi nagagawang isangla o ibenta man iyon ni Tiyang. Ayaw niya. Naroon daw ang alaala ng mama nila.
Hindi niya rin sinusuot. Natatakot na baka manakaw o pagkainterisan at pasukin kami. Kaya sabi niya, sa akin niya ipapasa ang mga alahas na iyon pagdating ng panahon. Wala akong interest sa kinang ng alahas kung kaya hindi ko iyon pinangarap. Pero nang makita ko si Ruby na sobrang ganda sa mga suot, nalaman kong iyon siguro ang silbi ng alahas sa isang babae. Umaangat lalo ang ganda. Kaya pala maraming sa kilala kong babae ay gustong gustong magsuot ng makikinang.
Paglabas namin sa mataong kainan ay sinalubong kami ng dalawang lalaki. Tinawag silang “boys” ni Ruby. Inabot niya ang bag sa isa at naglakad itong parang walang kasama. Natigilan ako nang lapitan ako ng isa at gustong buhatin ang bag ko. “Uh, hindi na kuya. Kaya ko na.”
“Isasakay lang namin ‘yan sa van, miss.”
Ganito ba ang mga kasama ni Ruby? Ano sila? Kasama sila ng kambal ko nang salubungin niya ako sa Airport. Hindi sana ako mag-e-eroplano. Ang plano ko ay sumakay ng barko pero nagmamadali si Ruby kaya wala akong mapagpiliian. Papalitan daw niya ang pamasaheng nagastos ko. Okay lang kahit hindi na. Masaya naman akong nagkita na kami.
Pasakay ng itim na ban, naririnig ko ang pag-uusap ng dalawang “boys” ni Ruby. May pinag uusapan silang babae dahil sinabihang maganda pero hindi binabanggit ang pangalan. Tinatawanan pa nila at parang nagngingisihan pa. Nang makasakay na ako sa likod, sa tabi ni Ruby, inabot din sa akin ang bag ko at kinandong ko. “Thank you,”
Ngumisi ang isa at nag iwas ng tingin. Sinarado ang pinto at sumakay sa harapan.
Amoy ng sigarilyo at upuan ang loob ng sasakyan. May bote ng tubig akong nasipa sa sahig na inusod sa sulok para hindi ko maapakan. Baka tumapon pa ang laman. Pagyuko ay may nakita pa akong mga balat ng kendi. Mayroon pang tila bilog na rubber. Sinisiksik ko iyon sa sulok kahit magmukha pang ipunan ng basura ang sahig. Baka mamaya linisin din nila. Kailan pa kaya ang kalat na iyon?
Mabigat na bumuntong hininga si Ruby. May kinokontak siya sa cellphone.
“Nasaan na raw ba si Preston, ha? Kanina ko pa siya tinatawagan. Hindi sumasagot.” Nilagay niya ang phone sa tainga at saka napabaling sa akin. “Preston is my boyfriend, sis. Sa kanya tayo tutuloy. May condo siya sa Makati.”
Kumunot ang noo ko. “Humiwalay ka na kay Tatay ng bahay?”
Nagkatinginan ang dalawang lalaking nakaupo sa harapan at tumawa. Matalim silang inirapan ni Ruby. Sinundan niya iyon ng palo sa braso ng passenger.
“Anong tinatawa niyo d’yan, ha?” nainis siya.
“Tatay daw.” Ulit ng driver.
“Magsitigil kayo. Kapag napikon niyo ‘ko, wala kayong makukuha ni piso!”
Pagkasabi niyang iyon, agad ding tumigil sa pagtawa ang dalawang lalaki. Umayos ng upo. Pinaandar ang sasakyan at hindi na ulit nagsalita. Si Ruby naman ay paulit ulit na tinatawagan si Preston hanggang sa makarating kami sa Makati. Pero hindi niya ito nakausap.
Bumaba kami ng van. Hinila ako ni Ruby papasok sa loob ng building.
“Sa taas na tayo maghintay.” Pinindot niya ang elevator. Nagpaiwan ang dalawang lalaki sa labas at maghahanap daw ng pagkain.
“Pwede ba ako roon? Wala pa ang boyfriend mo?”
Hinila niya ako papasok sa loob ng lift. “Doon na ako nakatira. Syempre, pwede ka rin doon.”
“Hindi ba siya magagalit?”
Humalukipkip siya at inirapan ako. “Hinde!”
Ramdam kong wala na sa mood ng kapatid ko kaya tumahimik na lang ako. Wala rin naman akong mapupuntahang iba kung hindi ako sasama sa kanya. Hindi ko pa nahihingi ang address ni Tatay Victorio rito sa maynila.
Medyo madilim ang pasilyong nilakaran namin. Nakasunod lang ako kay Ruby. Naglabas siya ng susi at pumasok sa isa sa mga unit. Ito ang unang beses na nakapasok ako sa isang condo type home. Maliit pero maganda. Kulay krema ang pintura. May appliances at aircon. Tapos ay may makitid na balcony na kita ang city.
“Kung gusto mo, doon ka muna sa isang kwarto. Magpahinga ka. Umidlip. Pagdating ni Preston, gigisingin na lang kita.”
Humilata sa maliit na sofa si Ruby. Hawak na naman ang cellphone niya. Ano kayang problema? Alam kong meron.
“Uh, Ruby?”
“Mm.”
“Pwede ko bang malaman kung saan nakatira si Tatay?”
Natigilan siya sa pagse-cellphone at tiningala ako. “Bakit?”
“Gusto kong magpakilala.”
She scoffed. “Sigurado ka?” tila may paghahamon pa niyang tono.
“Oo. Ang tagal kong hinintay ang araw na makita ang Tatay.”
Pinagmasdan niya ako. Pinasadahan ng tingin bago naging kampante ang itsura niya. Kumuha siya ng papel at ballpen sa katabing mesa.
“Oh, ito ang address. Kilala siya roon kaya madali mong mahahanap ang bahay namin. Hinding hindi ka maliligaw.” She chuckled.
Kumurap ako. Kilala?
“Ruby siga ba roon ang Tatay?”
Naalala ko kasi ang kwento nina T’yang Bertha at T’yang Alma. Unang beses pa lang daw nilang nakita ang Tatay ko ay hindi na nila ito nagustuhan. Ang Nanay Clara raw ang nagtanggol dito palagi. Bulag daw ito noon sa pag-ibig kung kaya hindi nila napigilan lalo na no’ng nabuntis siya sa amin. Hindi raw naglabas ng effort ang Tatay para mapalapit siya sa kanila.
Kumurap kurap si Ruby at sinundan ng malakas na tawa. Bigla rin siyang tumigil at umiling.
“Binigay ko na sa ‘yo ang address kaya ikaw na lang. Kung sakaling may libre akong oras, dadaan ako roon. Sa ngayon kasi, marami akong gagawin. Puno ang schedule ko kaya… ikaw na lang!”
She must be a busy career woman. Pagkabigay niya ang kapirasong papel ay agad itong nahiga at nagbukas ng TV. Hindi ko na makausap kaya pumasok na ako sa kwartong tinuro niya. Doon ay nagpahinga rin ako dahil pagod sa byahe.
Kinagabihan, dumating si Preston. Gwapo pero hindi katangkaran ang lalaking iyon. Gulat na gulat ang mukha niya nang pinakilala ako ni Ruby. Para bang… hindi makapaniwala na may kambal ang girlfriend.
“Sabi ko sa ‘yo, e.” nakatawang sabi ng kapatid ko.
Bigla siyang niyakap ni Preston at hinalikan sa labi. Namilog ang mata ko. Agad kong iniwas ang paningin nang magtagal ang halikan ng dalawa.
“Ang galing mo talaga, honeypie. Bilib na bilib na talaga ako sa ‘yo.” Lambing ni Preston.
Napuno ng tawanan ang hapunan namin. Maraming kinuwento si Ruby tungkol sa buhay. Sinabi niya sa akin ang naging trabaho niya, kaibigan, ex-boyfriend at mga taong naging malapit sa kanya. Umiinom na sila no’n ni Preston ng beer. Inalok niya ako na tinanggihan ko. Binunggo ni Ruby ang balikat ko.
“Kilala mo ba ang mga De Silva?”
Kumunot ang noo ko. “Sino ‘yon?”
Humalakhak si Preston nang malakas. Uminit ang pisngi ko. Napatunayan kong kakaunti talaga ang kaalaman ko sa labas.
“Hindi mo pa ba naririnig ang pangalan na ‘yan?” tanong ni Preston.
Lumunok ako. “Artista?”
“Baka walang signal sa lugar nila, honeypie. Ipakilala mo nga.” He winked at her.
Tumikhim si Ruby. Binuksan niya sa akin ang cellphone at may pinakitang mga litrato. Marami. Inisa-isa niya ang mga De Silva. Sinabi niya ang pangalan at kung kanino ito anak. Halos hindi ko maalala ang pangalang sinambit niya dahil hindi ko rin maintindihan. Malibang mayaman, maraming negosyo at… matinik sa chiqs ang mga lalaking iyon. Pinanliitan pa niya ako ng mata.
“Ito si Dylan. May asawa na pero yummy pa rin talaga. Controversial ‘yan kasi pinakasalan niya ang ampon nilang pinsan. Pero ang bigtime sa kanya ay malaki ang hawak niyang kumpanya. This is… Yale Montevista. Ang brother-in-law niyang Hotel Magnate. Asawa ni Mr. Montevista ang kambal ni Dylan na si Deanne. Ilang taon ding nawala sa circle ang mag-asawang ‘yan. Pero ang dinig ko, parang may kidnapping nangyari. I’m not sure. Away-mayaman, e. Basta bigla na lang sila bumalik sa manila. Tapos… ito naman si Red de Silva. Tahimik pero may pakiramdam akong nasa loob ng kulo nito. Ito naman sina Anton, Dean, Dulce, Yandrei, Cameron at si-
Hinawi ko ang kamay niya. “Ang dami naman nila, Ruby. Lahat ba ‘yan naging kaibigan mo?”
She smirked. “Wish ko lang. Pero hindi. May isa lang akong nalapitan. As in, malapit na malapit.”
Bumuntong hininga ako. Siguro isa sa mga babaeng binanggit niya.
“Dito…” tinuro niya ang isang litrato ng lalaki. “Kay Theodore Nicholas o mas kilalang Nick de Silva. Ang panganay na anak nina Reynald at Kristina de Silva.”
Wala akong nagawa nang ilapit ni Ruby ang cellphone niya. Tiningnan ko ang lalaking nasa screen. Nakasuot ng three-piece suit. Maayos ang buhok. Unang tingin pa lang, nagwapuhan na ako. He has roughed jaw on the picture. Nakatingin sa camera pero hindi nakangiti. Para bang napadaan lang pero kailangang kunan ng litrato. Hindi siya artistahin dahil kung ganyan ang mukha niya kapag kakausap ng fans niya, tiyak na aawayin siya. But he is still very handsome.
Tumawa si Ruby sabay bawi sa phone.
“Tandaan mo ang mukhang ‘yan, Pearl. Baka isang araw, makasalubong mo ‘yan.”
“Gano’n?” bigla akong kinabahan.
Nagkibit siya ng balikat. “Maliit ang mundo. At dito sa maynila, marami kang makikita, mararanasan, matutuklasan. May masasarap din kung marunong kang kumilatis. Baka nga, hindi ka na bumalik sa Cebu niyan.”
Namilog ang mata ko.
“But—nasasaiyo naman ‘yon. Basta ako, masarap ang buhay ko rito. Hinding hindi ako mapapapunta sa kung saang probinsya. City is my lifeeee! Wooh! Cheeers!”
Nagtagay sila ni Preston. Ngumiti ako at pinanood ang dalawa.
“Cheers for happy free life!” tagay ni Preston.
“Freedom!! Yesss!”
Nakisama ako sa dalawa sa mesa kahit hindi ako umiinom. They talked about work, life and other countries. May time na… hindi ako nakaka-relate. Wala akong interest at bumabagsak ang mata ko. Nang mag alas dos na ng umaga, nag excuse na ako para matulog. Iniwan ko silang nag iinuman pa rin at nagtatawanan.
Bukas, pupuntahan ko si Tatay Victorio. Okay lang kahit hindi ako samahan ni Ruby. Kaya maaga akong gumayak. Alas siete pa lang ay bumangon na ako. Paglabas ko ng kwarto, hindi ko nakita sina Preston at Ruby. Iniwan nilang makalat ang kusina at sala. Pati ang bote ng pinag-inuman ay naroon pa.
Umiling ako at naglinis. Nang matapos ay saka ako naligo. Nagtaka ako kung bakit pakiramdam ko ay nag iisa ako. Kinatok ko sila sa kwarto ni Preston. Walang sumasagot. Lumabas kaya?
Naghintay pa ako ilang oras. Inabot ako ng tanghali. Walang Preston at Ruby ang dumating. Tinawagan ko ang numero ng kapatid ko pero nakapatay ang cellphone nito.
“Pwede kaya akong umalis nang hindi nagpapaalam sa kanila?”
Parang hindi tamang bigla akong umalis. Nang… bigla kong maalala ang papel at ballpen sa sala.
Nagtanong tanong ako sa labas kung paano mapupuntahan sa Manila City ang address ni Tatay. Nagdesisyon akong sumakay na ng taxi kahit medyo mahal ang bayad. Basta makarating ako sa lugar na iyon.
“Excuse me, ho. Pwede po bang magtanong?” nilapitan ko ang bukas na tindahan. Lumingon ang babaeng ang hula ko nasa kwarenta ang edad.
Pero bigla itong natigilan pagkakita sa akin. Nilapit niya ang mukha at tintitigan akong maigi.
“Ruby? Ba’t gan’yan ang itsura mo? Nag-swimming ka ba sa Holy water?”
Hindi ako agad nakapagsalita sa gulat. Pero kailangan kong mahanap ang Tatay kaya tumikhim ako at binalewala ang pagkakamali niya. Naisip kong baka wala silang alam tungkol sa aming mag-aama.
“Hindi po ako si Ruby, ale. Alam niyo po ang address na ito?” pinakita ko sa kanya ang sulat sa papel.
“Oh? Address ng bahay niyo ‘yan? Bakit mo tinatanong?”
Lumunok ako. “Malapit na po ba ito rito?”
“Oo naman! Ayan lang, oh. Kulay pink at sky blue na pintura ang salon ng ama mo, ‘di ba? Gutom ka ba?”
Madali kong nakita ang bahay na tinuturo niya. Dikit dikit ang mga bahay kaya angat ang kulay nito. Binalingan ko ang babae at nagpasalamat. Binigyan niya ako ng nagtatakang tingin pero hindi ko na inintindi pa.
Binasa ko ang karatula sa taas ng pinto ng bahay. Sitting Pretty Salon. May tarpaulin ng iba’t ibang kulay at style ng buhok ang nakapaskil sa may salaming bintana.
Umayos ako ng tayo. Mahigpit kong hinawakan ang sling bag ko. Dumagundong ang dibdib ko at sa lakas ng t***k nito ay para nang mapupunit ang balat ko.
Napatingin ako sa mga nagtatakbuhang bata. May mesang nakalabas sa tapat na bahay at pinag iinuman ng ilang kalalakihan. Pagbaling ko roon ay nahuli kong nakatingin sila sa akin. May isang kumindat. Napatda ako sa ginawa niya. Malamang na kilala ito ng kambal ko. At dahil hindi naman nila ako kilala, napagkamalan akong siya. Pero magkaiba kami ng ayos at pananamit.
Tumawa ang mga lalaking iyon habang nag uusap.
“Baka nagbagong buhay na mga p’re. Nakatago ang legs, e.” sabi ng kumindat.
“Baka costume niya ‘yan. Tapos mamayang gabi…”
Inalis ko ang mata sa mga lalaki dahil biglang bumukas ang pinto ng salon. Pinagtutulak ng isang lalaking may kulot na buhok ang isang babae. Ang babae ay may hawak na itim na bag at lumalaban ng tulak sa lalaking… tumutulak sa kanya.
“Ikaw, ha. Matagal na kitang pinapalampas, Susana. Pero tama na. Sobra na. Hindi ko na kaya ang kalikutan ng kamay mo sa negosyo ko! Bruha ka!”
Napunta sila sa gitna ng kalsada. Nahinto ang mga taong naglalakad, mga batang naglalaro at maging ang mga nag iinuman dahil sa malakas at malakulog na boses ng lalaki. Pero iba nga lang ang dating no’ng tinawag niya sa huli.
Natigilan ako. Galit na galit ang matandang lalaki. Umawang ang labi ko nang unti unti kong nakilala ang mukha niya.
Lumabas din ang dalawa pang bading na parehong nakasuot ng itim na t shirt. May bitbit silang damit at sinaboy sa babae.
“Punung puno na kami sa ‘yo! Pati kami nasisira sa customer nang dahil sa ‘yo!” sigaw ng isa na may blonde na buhok at kulot na kulot.
Ang isang may maiksi at walang kulay na buhok ay umiiyak na humawak sa braso ng blonde.
“Oo nga. Pati ‘yung Hello Kitty kong nail cutter… ninakaw!”
“Kita mo na! E, pati kaha ko dinistrungka mo!” sigaw ng mas matanda.
“Kurutin mo ng nipper ‘yan, Mama Vicky.”
“Paano ko kukurutin ng nipper? Pati ni nipper ninakaw! Akalain mong pati ingrown—sinama!”
Sabay na sinugod ng dalawang bading ang babae pero agad itong kumaripas ng takbo. Hindi na tinuloy ng dalawa ang pagsugod. Pinagsisigaw nila ang galit dito at sinabi pang ipapapulis ito kapag nakita sa lugar.
“Ruby?!”
Bigla akong napabaling sa isang may maiksing buhok. Nakapamaywang na ito at pinasadahan ako ng tingin. Bilog na bilog ang mata niya. Para bang multo ang nakita.
“Anyare sa ‘yo? Naaksidente ka ba? Nabangga? Nagulungan ng truck at gumulong gulong sa kalsada? Nagka-amnesia? Ano?!” napahawak siya sa kanyang dibdib.
Napalunok ako. “Ah… hindi po ako…”
Napaigtad ako at pikit ng mata nang tumili ang blonde.
“Jusmiyo. Nagparehab ka baaa?!” mukha siyang maiiyak pagkakita sa akin. “Bakit hindi mo kami tinawagan para nakalipat kami ng bahay? Ayan tuloy nakauwi ka rito-
“Hoy grabe siya, oh. Naririnig ka ni Mama Vicky. Unica hija niya ‘yan.” Siko sa kanya ng katabi. Parang bigla itong nahimasmasan.
“Ay. Oo nga pala. Baka bigla na naman nitong gupitin ang buhok ko kapag tulog. Hmp!” inirapan niya ako at humalukipkip.
Hindi ko na pinansin ang mga sinasabi nila sa kapatid ko. Humarap sa amin ang lalaking tumaboy kay Susana kanina. Tinitigan ko siya. Tinitigan niya rin ako. Ewan ko kung lukso ng dugo itong nararamdaman ko. Sa lahat ng taong nakakita sa akin ngayon ay siya lang ang may kakaibang tinging ginawa.
Kumislap ang mata niya. Pawis ang mukha niya at tila kabadong binasa ang labi. Dumako ang tingin niya sa mukha ko, buhok, damit at maging sa sandalyas ko. Pagbalik ng mata sa mukha ko ay humakbang siya palapit. Kumakalabog ang dibdib ko. Hindi ako makapaniwalang… siya si Victorio Herrera. Ang ama ko.
“Hindi ikaw si Ruby.” Deretsahan niyang sabi.
Lumunok ako. Bumalong ang luha sa mga mata ko. At ang unang salitang gusto kong sambitin sa harap niya ay…
“T-tatay…”
Pagkarinig no’n ay tila kumawala ang mabigat na hangin galing sa kanya. Namula ang mata niya. Nanginig ang labi niya. Agad niyang tinakpan iyon.
“Pearl Francesca…” pinagmasdan niya ulit ang mukha ko. “Anong… anong ginagawa mo rito, anak?”
“Anak??!” magkasabay tili ng dalawa sa likod niya.