“Lagi kayong maging masaya, lagi kayong mag-pray, at magpasalamat kayo sa lahat ng sitwasyon. Ito ang gusto ng Diyos na maging buhay nyo kasi nakipag-isa na kayo kay Christ Jesus.” – 1 Thessalonians 5:16-18
--
Chapter 10
Pearl
Nagpasa ako ng resume online sa iba’t ibang kumpanya. Ang tinapos ko ang gagamitin ko. Ilang beses kong pinag-isipan kung tamang iyon ang gawin pero ang sabi ko kay Tatay, ihihiwalay ko naman ang sarili sa kay Ruby, sakaling matanggap ako. Ang mahalaga naman ay ang kumita para makabawas sa mga utang.
Parang suntok sa buwan ang makatapos sa pagbuo ng isang bilyon. Talagang imposible para sa isang simpleng employee na tulad ko. Kahit above minimum wage o fixed sa gusto kong sahurin. Aabutin ng taon. Pwedeng hindi rin ako maregular at maghahanap ulit ng work sa iba. O kahit tumaas man ang position at sahod ko sa opisina, kukulangin pa rin.
It would mean that I will stay here for long. Even for years. Ilang beses akong napalunok. Tila napasubo ako.
Nakikita ko ang expected salary sa ilang job descriptions posted online. Nagcompute ako. Ilang beses kong inulit-ulit na parang sira ang calculator pero imposibleng makaipon ng isang bilyon sa loob ng isang taon. O kahit higit pa. Kahit buong buhay yata akong maging empleyado ay malabong makaisang bilyon ako.
“Sigurado ka ba d’yan?”
“Tay…”
Parang konsensya ko araw-araw si Tatay.
“Edi bahala ka. Desisyon mo ‘yan.”
Pumunta siya sa kusina para i-shampoo ang customer.
May natanggap na akong text ng invitation para sa job interview. Sa Carriedo. Sasamahan ako ni Mariposa mag-LRT at hanggang sa mismong lugar ng kumpanya.
“Mga ilang buwan ba para makaipon?”
“Matagal,” walang-buhay kong sagot.
Kinuha ni Mariposa ang calculator. Inulit niya ang pagkuwenta ko.
“Ganto ang susuwelduhin mo sa loob ng isang buwan… times twelve para sa isang taon…”
Napahilot ako ng sintindo.
“Tapos times ten years… wala pa rin… Hala. Baka sarado na ‘yung kumpanyang papasukan mo, hindi ka pa rin makakabuo ng isang bilyon. Ten years, wala pa rin. Tigok na iyong mga nadenggoy ni Ruby no’n.” sabay baba nito sa calculator.
May mga oras na positibo ang isip ko. Pero dumarating din ang oras na hindi. Na parang nawawalan na ako ng pag-asa sa mga option na mayroon ako. Sa tuwing nakikita ko si Jewel at natititigan ang pagngiti nito habang naglalaro, gusto kong gawin ang lahat para hindi siya maapektuhan. Gusto ko siyang bigyan ng tahimik na buhay kahit hindi ako mommy niya.
Nagkakalakas ako ng loob kahit labong-labo ako sa sitwasyon at pagpipilian.
Namili ako ng damit na susuotin para sa interview. Itim na skirt at blazer. In-adjust ko sa bandang kili kili para sumakto sa katawan ko. Kumuha na lang akong pang inner shirt sa closet ni Ruby. Kulay gray na spaghetti blouse. Bumili rin ako ng bagong sapatos. Sa pangpormal na lakad.
I half-pony tailed my hair. Nagvolunteer si Mariposa na makeup-an ako pero simple lang. Kaunting pahid ng lipstick. Alas siete ng umaga kami lumakad. Natutulog pa si Jewel pero si Gelay ang magbabantay habang wala ako.
“I-text mo ako kung umiyak, Gelay.” Sabi ko habang nagsusuot ng sapatos.
“Geh, Pearl. Goodluck sa interview. Kayang-kaya mo ‘yan.”
I smiled. “Salamat.”
Tinuro sa akin ni Mariposa ang ilang way at sakayan ng jeep sa kamaynilaan. Tinandaan ko ang mga karatula ng jeep para sakaling mag-isa na lang bababyahe ay alam ko na. Pwede ring magtanong-tanong ako.
Panay ang tango ko sa lahat ng mga sinabi niya.
Pagdating namin sa LRT, mahaba ang pila. Ang layo pa namin sa bukana ng tren. Kada limang minuto yata saka umuusad ang mga tao. At inabot kami ng kulang thirty minutes bago nakalagpas sa bilihan ng beep card.
Dahil kasama ko si Mariposa, sa bagon ng mga lalaki at halo halo kami sumakay. Ayokong mag-isa sa pangbabae at baka lumagpas ako. Hindi kami agad nakasakay dahil punung puno ang tren. Sa sumunod, tinulak na ako ni Mariposa para makasingit kami.
“Pabilisan dito minsan, Pearl.” Bulong niya sa akin pagkasara ng pinto. Kamuntik pa siyang maipit kung hindi ko nahila ang damit.
Tumango ako at medyo hingal agad. “Okay.”
Malapit kami sa pinto ni Mariposa. Hindi na makausad sa loob dahil puno. Karamihan ay puro lalaki ang nakikita ko. Dikit-dikit. Titingala ka na lang para makahinga. Niyakap ko ang bag ko at halos hindi gumagalaw. Walang gagalawan dahil masikip. Mahigpit na lang akong kumapit sa tabi ng upuan.
Naririnig ko ang pagring ng cellphone ko sa bag. Dahil hindi ako makakilos, hindi ko iyon nasagot.
“Dito na yata, Perlas.”
Inaayos ko ang buhok ko habang hinahanap namin ni Mariposa ang building ng kumpanyang inapplyan ko. Tumingala ako at nabasa ang pangalan. Office iyon ng condominium. Hindi kita agad ang building pagbaba ng LRT. Nagtanong-tanong pa kami dahil hindi gamay ni Mariposa ang Carriedo.
“Sa loob ka na maghintay, Mariposa.”
“Huh? Baka hindi ako pwede d’yan,”
Napabaling kami sa guard. Lumapit ako at nagpaalam kung pwedeng maghintay sa lobby ang kaibigan.
“Pwede naman, Ma’am. Dito na lang paupuin.” Turo sa niya sa mga monobloc chairs sa tabi ng pader.
“Salamat po. Tara,”
“Para akong ate na maghahatid sa unang interview ng bunso.”
I chuckled while getting my printed resume.
“Goodluck, Perlas ng silanganan. Itayo mo ang bandera ng Pilipinas!”
“Huy.” Naiiling kong sagot.
Nasa ground floor ang HR office ng kumpanya. Kumatok ako at sinabi sa reception ang pakay ko. Pinaupo ako sa waiting area, sa tabi ng glass door kung saan natatanaw ko Mariposa, at kabadong naghintay sa turn ko. May dalawang babae at isang lalaking aplikanteng naroon na.
Sobra ang kaba ko. Bukod sa isang beses pa lang ako nagkaroon ng work experience sa patahian namin sa Cebu, Manila pa ito. Doble, triple ang kaba ko.
Nagse-cellphone ang mga katabi kaya naalala kong kunin ang akin. Mainit na iyon. At may dalawang text ang ama ni Jewel.
Nick:
Good morning. How is Jewel?
Nick:
Nasaan ka ba? Bakit hindi mo ako nirereplayan.
Halos marinig ko ang malamig niyang boses sa text. Pagtingin ko pa sa ilang notif, nakatatlong missed call din siya.
Ako:
She’s fine. Don’t worry.
Pinag-exam kaming mga aplikante. Isang oras at kalahati inabot. Pagkatapos ay pinaghintay kami ulit. Bagong magtanghalian ay naganap ang mismong interview. Hawak din nila ng resulta ng exam namin.
“Oh. You’re from Cebu pala?” gulat na tanong sa akin ng lalaking nag-iinterview.
Nahihiya pero nakangiti akong sumagot sa kanya. Sa kabila ng kaba ko, nag-relax lang ako para maging smooth at malinaw ang pag-uusap namin. Sa umpisa, panay ang tanong tungkol sa Cebu at ang experience ko sa unang trabaho. Nagsabi ako ng totoo. Na may patahian kami kay nagresign ako at doon tinutok ang trabaho.
“Hindi ka ba babalik doon, Ms. Villaruz?”
Hawak niya sa dalawang kamay ang resume ko at ilang papel. Minsan ay titingin doon at kukuha ng itatanong. Pero minsan din ay wala roon ang tanong.
Tumikhim ako. “H-hindi po, Sir.” Hindi pa sa ngayon.
He nodded and stared on the paper for some seconds.
Ang sunod na tinanong ay kung gaano kalayo ang byahe ko papunta rito. At kung okay ba ako sa overtime. To be honest, for the position I am applying, as a CPA too, ramdam kong qualified ako sa kanilang kategorya. Pero pagdating sa last part ng interview, nakakaramdam ako ng rejection.
“Okay. We will call you, Ms. Villaruz.” Tumayo na ito at inayos ang mesa.
“T-Thank you, Sir.” Halos bigo kong sagot.
Pagdaan ko sa waiting area, iyong lalaki na lang ang nag-iisang nakaupo roon. Nginitian niya ako nang makita. Maaliwalas ang mukha niya. Iyong iba, nagsiuwi na yata pagkatapos ng interview at malamang ito lang ang pumasa. O may final interview pa siya.
Paglabas ko sa HR, dere-deretso kong nilapitan si Mariposa. Nagpo-pose ito sa harap ng camera nang maabutan ko. Pagkakita sa akin, agad akong tinanong.
Umiling ako. Bagsak ang balikat ko. Hindi naman ganito ang naramdaman ko ng mag-apply sa amin. Sabagay, may backer ako kaya natanggap. Si Mark. Ngayon, ako lang talaga. Ang lungkot din pala nang ganito.
“Okay lang ‘yan, Perlas. Kawalan ka nila. Marami pa kayang kumpanya kaya cheer up. Hahaba nag nguso mo niyan.” Marahan niya akong tinapik.
Bumuntong hininga ako. “Gutom ka na siguro. Tara,”
“May nakita akong karinderya malapit dito. Doon na lang tayo kumain.”
“O sige.” Tango ko.
Nagring ang cellphone ko paglagpas namin sa security guard. Kinuha ko sa bag habang bumababa sa maiksing hagdanan.
“Tumatawag ulit si Nick,” sabi ko pagkakita sa screen.
Tumawa at nagtakip ng bibig si Mariposa.
“Biglang active, ah. Sagutin mo na.”
I sighed again. Naglalakad kami sa gilid dahil may dumaraang truck. Nasa likod ako ni Mariposa nang sagutin ko ang tawag.
“Hello-
Agad akong tumigil at nagulat. Masakit ang kamay ko at parang nadurog yata ang buto ko sa diin ng paghablot sa cellphone. Nabunggo ng lalaki si Mariposa at halos tumama sa pader.
“Aray, ha!”
Umawang ang labi ko. Dapat sumigaw ako. Pero parang hiya ang naramdaman ko. Uminit ang mukha ko at naisip na nawalan na ako ng contact kina Tiya Adora, kay Pamela, kay Mark, kay Ruby at kay Nick. Kinuha—inagaw ng lalaking iyon ang tanging gadget na konektado sa mga taong malapit sa akin.
“Cellphone mo ba ‘yon?”
Napalunok ako. Ngayon, ang bilis-bilis na ng t***k ng puso ko. Kinabahan ako. Walang masabi. Walang magawa. Tanging tango ang sinagot ko kay Mariposa. Hinila niya ako sa braso para tumabi sa gilid. May ibang nakakita sa nangyari pero wala namang humabol.
I was shocked. Parang gusto kong magsabing, okay lang. Pero gusto ko ring magtatalon at habulin ang lalaki. Sa huli, wala akong nagawa roon.
“Mamang pulis, hindi ba iyon maibabalik kaagad?”
Dumulog kami sa pinakamalapit na Police station. Ang sabi naman, tatawagan ako kapag nahuli o magka-update sa snatcher. Susuyuran daw nila ang lugar at titingnan ang CCTV. Pero kahit ganoon ang sagot, pakiramdam ko hindi na babalik ang cellphone ko.
Niyaya ko na lang na umuwi si Mariposa. Mas disappointed pa siya kaysa sa akin.
“Manong para, ho!”
Hindi ko na namalayang nakauwi na kami. Kung hindi ko narinig ang pagsigaw ni Mariposa sa driver ay hindi ako kukurap man lang. Nanglalata ako. Hindi na kami kumain at mas piniling umuwi.
Pinalakas naman ni Mariposa ang loob ko pero sadyang hindi ko makalimutan agad ang nangyari. Kadoble dobleng malas naman kung ganoon.
Nakatingin ako sa sementadong sahig habang naglalakad. Paliko na kami. Pag-angat ko ng mata sa harapan, huminto ako sa paglalakad nang makita ang seryosong mukha ni Nick.
My lips parted. Nakatayo siya sa tabi ng itim na BMW niya. He’s wearing a dark gray pants and white longsleeves na nakarolyo hanggang ibaba ng siko. Lumabas ang ugat sa braso na parang pasmadong pasmado. Mukha siyang galing sa opisina sa get-up.
“Hello, Mr. de Silva!” masiglang bati ni Mariposa.
He nodded and smiled a bit. “Good afternoon.” Saglit niyang tiningnan ito at saka nilipat sa akin. “Pwede ko bang mahiram sandali si Ruby?”
Nagkatinginan kami ni Mariposa. Umawang ang labi nito. Hindi ako makasagot. Actually, ni wala akong emosyong nararamdaman ngayon. Parang kahit anong ipagawa sa akin ay sisige lang ako. I was too shocked from the lost of my phone. Hindi pa ako nakakaahon. At hindi ko sasanggain itong si Nick.
I sighed. Narito na naman kami. Okay lang.
“Sa salon na lang kayo mag-usap.” Suhestyon ni Mariposa.
Umiling si Nick. “Sandali lang ‘to. Kailangan ko lang siyang kausapin.”
Nang tingnan ko ulit si Nick, hindi ko na iyon naalis.
“Okay…”
Nag-aalangan akong iwan ni Mariposa. Pero ang sabi ko sabihan na lang sina Tatay na narito kami ni Nick de Silva.
Pagkaalis niya, tinungo ni Nick ang pinto sa passenger seat at binuksan. Tiningnan ko. Tinuro niya sa akin ang loob. Hindi ako agad nakakilos. Saka siya mabigat na bumuntong hininga.
“We’ll just talk.” Bored niyang sabi.
Sandali ko siyang tinitigan. Pagkilos ko, bahagya siyang umatras pero hawak pa rin ang pinto. Sumakay ako. Sinarado niya ang at umikot sa kabila.
Bukas ang makina. Kaya nasarapan ako sa lamig ng aircon at bango sa loob ng sasakyan niya. Kaya lang pagsakay niya, naglaho agad ang munting kapayapaan sa dibdib ko. Nag-riot ito nang magkatabi ulit kami. That his large frame really matters to me. Naintimidate na naman ako sa kanya. Kapag ganito kalapit at private, ang liit liit kong tingnan sa tabi.
Deretso ang upo ko. Ang bag at folder ay nasa kandungan ko. Hindi ko siya nililingon. In my peripheral vision, binagsak niya ang kamay sa manibela. Bumuntong hininga at hindi nagsuot ng seatbelt. Umupo lang siya at tinitigan ako.
Lumunok ako. Naka-Ruby mode na agad ako.
“A-Anong pag-uusapan natin?”
I bit my lip. Naka-Ruby mode pero kinakabahang Pearl pa rin. Ano ba, Pearl! Umayos ka!
Isang beses ko siyang sinulyapan. Nagtama agad ang mga mata namin. Pero agad kong binaling sa harap. Sa mga naglalakad na kabataan sa gilid ng kalsada. Ang iba ay galing pang school. Nagtatawanan at may kumakain ng chichirya.
“Anong nangyari sa cellphone mo no’ng tumawag ako?”
Bumalik agad ang alaala sa pag-snatch ng cellphone ko. Tila may bumundol sa dibdib ko sa pagdikit sa lalaking kumuha at sa mariin nitong kamay. Takot na takot ako. Hindi sa pagkawala ng cellphone, kundi sa naranasan at real experience sa ganoong klase ng tao. It was traumatic for me and maybe to those who experienced it for the first time too. Parang gusto mong magsumbong at feeling mo napakabigat ng nangyari. Tapos ay madi-disappoint ka lang kasi hindi pala big deal iyon sa iba. Mag-ingat na lang sa susunod.
Ganoon na ba iyon ngayon? Ganito ba rito?
Kahit saang lugar naman ay pwedeng makatyempo ng tulad no’n. At may mga taong nauuwi sa ganyang klase ng trabaho. Baka kaya malakas ang loob nila kasi magaling sila at alam na ganito lang solusyon? Nakakapanghina ng loob. Nakaka-trauma.
“N-na-snatch, e.” halos hindi bumuka ang labi ko.
Bahagya siyang lumapit. “Are you okay?”
Marahan akong tumango. Tangong ‘wala na iyon.’ Palalagpasin ko na lang. Bibili na lang ng bago. Pero… ang hindi ko napigil ay ang panginig ng labi ko at pagbulusok ng paghinga ko. Nangilid ang luha sa mga mata ko. At nang kuwala ito, nanginginig ang daliri ko sa pagpunas.
Kumuha ng tissue si Nick at binigay sa akin. Nag-thank you ako. Pati boses ko, hindi ko makilala.
“You’re not okay,”
Nang mapunasan ko ang luha. Medyo lumuwag naman ang dibdib ko at nakahinga ako ng maayos.
“A-ayos lang ako. Me-medyo natakot lang… pero wala na ngayon.”
“Saan ka nahablutan?”
“Sa may… Carriedo. May inapplyan kasi ako banda ro’n.”
“Nagsumbong ba kayo sa pulis?”
Tumango ako. “Ia-update na lang ako sakaling mahuli.”
He tsked. Namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Okay na ako. Nailabas ko na yata ang hinagpis ng dibdib ko sa pagnakaw ng cellphone ko. Siguro, mamaya, totally wala na ito. Dinurog lang ako sandali pero kalaunan ay makakalimutan ko rin.
“Kumain ka na?”
Natigilan ako sandali sa tanong niya. Kumurap kurap ako at bahagyang umiling.
“Mag-seatbelt ka.” sinuot niya ang kanya.
“Hindi pa ako nakakauwi. Hahanapin na ako ni Jewel,”
Hinawakan niya ang manibela at pinaandar agad ang sasakyan.
“Iuuwi rin kita. Seatbelt.” Riin niya sa huli.
Wala na akong nagawa no’n kundi ang magsuot ng seatbelt. Binaybay namin ang kalsada na hindi ko alam kung saan ang patungo. Hindi ako makatanong. Kapag tinitingnan ko siya, magkasalubong ang kilay niya at sobrang seryoso ng mata sa kalsada.
Natanaw ko na naman ulit ang tren ng LRT. Ang City Hall. Pagkaraan ng ilang sandali, hininto niya ang sasakyan sa SM Manila. Pumasok kami at nakasunod lang ako sa kanya. Kakaunti ang tao kaya gininaw ako. Hinila niya ako sa kilalang restaurant. Agad siyang nakahanap ng mauupuan dahil kaunti ang tao. Nang makaamoy ako ng pagkain, saka ko naramdaman ang matinding gutom.
Nag-almusal naman ko ng pandesal at kape. Pero pagkatapos kong bumyahe sa jeep, makipagsiksikan sa LRT, maglakad, sumagot sa exam at sumagot sa interview, pakiramdam ko gamit na gamit ako sa kalahati ng araw ko. Bukod pa iyong kaba at nerbyos na mahablutan ng cellphone.
“Thank you,”
Hindi ko pinahalata sa kanya na gutom na gutom ako. Pagdating ng inorder niya, Filipino food, hindi na ako nagsalita. Nag-concentrate ako sa sarap ng mga pagkain. Nakadalawang cup ako ng rice. Nang tanungin niya ako kung gusto ko pa ng kanin, tumango agad ako.
What a relief to feel my stomach full again. Bumagal na ang kain ko sa pangalawang tasa ng kanin. Napapansin ko na ang paninitig niya at tahimik na sulyap. Umayos ako ng upo.
Okay. Ruby mode again.
“Kumusta ang anak natin?”
Hindi ko naipasok ang kutsara sa bibig nang bigla siyang nagtanong. Dinalaw na naman ako ng kaba. Pero iba ang dating ngayon kaysa no’ng ininterview at nawalan ng phone. Pagdating sa kanya, nakakatuliro ng utak.
“Okay naman. Masaya siya sa regalong binigay mo.”
He nodded. “Hindi na kaya siya kakapit sa ‘yo kapag nakita ako ulit?”
“Alam niya kung kanino galing ang teddy bear at chocolate niya. Iyon nga daw ang unang gift na galing sa daddy niya. Tinanong niya rin ang pangalan mo. Masaya si Jewel na may matawag na daddy.”
He stared at me. “I’ll visit her today, then.”
Natigilan ulit ako. Sinulyapan ko ang suot niya. Hindi na ba siya babalik sa trabaho niya?
“Pwede mong resched. Baka may work ka pa,”
“Mas uunahin ko ang anak natin kaysa trabaho. Tatawagan ko na lang ang sekretarya ko. By the way, how’s your job interview?”
Binaba ko na ang mga kubyertos sa plato at uminom ng juice.
“Wala, e. Magtatry ako sa iba.”
“Hindi ka natanggap?”
Umiling ako. Hilaw ko siyang nginitian.
“Do you want my help, then?”
Bumilis ang t***k ng puso ko. Hindi ko naalis ang mata sa kanya.
Pwede nga kaya? I mean, may kumpanya sila. Maraming negosyo. Siguro kahit isa roon at kahit ano pang bakante ay tatanggapin ko.
“Pwede, Nick?”
Tinitigan niya at saka ngumisi. “Ilang beses mo nang ginamit ang pangalan ko, Ruby. Ngayon ka pa talaga nagtatanong? Sanay na sanay ka na ngang gamitin ako, ‘di ba?”
Umawang ang labi ko. Ruby has been using his influences. Oo nga pala. Hindi lang siya ama ni Jewel, kundi mayamang lalaking ang impluwensya ay nakakalula.
Binasa ko ang labi. Bigla akong nawalan ng gana. Busog na ako. Hindi ko na kayang sumubo pa. Para akong pinakain tapos ay bibitayin pala.
Bahagya itong tumawa. Mahina at hindi nakakahatak ng atensyon sa iba.
“You knew how to plot a scheme very well. Pinagkalat mong girlfriend kita… Kaya nakakagulat na ganyan ang reaksyon mo sa sinabi ko,”
“H-hindi naman sa ganoon. Kaya nga… sa dami ng atraso ko sa ‘yo, nakakagulat na tutulungan mo pa ako. Nag-alok kang hahabulin ang junket operator, pati ba naman itong simpleng paghanap ng trabaho,”
“It’s not even a big deal. May kumpanya ang dad ko at mga uncle ko. Pwede kitang ipasok sa kahit alin doon. But the fact that you didn’t try to ask for it, you made me laugh. That’s very new, lady.”
Uminom ako ulit sa baso ng juice. Hirap na lumunok.
“K-kasi nga… marami na akong utang sa ‘yo. Ang kapal naman ng mukha ko kung… uulit pa.”
“Sa dami ng niloko mo, sa tingin mo, pag-iisipan pa kita ng ganoon?”
Uminit ang mukha ko. He’s trying to help but also knocking me down.
“Kaya hindi ako hihingi ng tulong sa ‘yo. Nakapag-apply ako sa iba. Iyon ang susubukan ko.”
“At kung hindi? Ilang buwan bago ka makapagtrabaho ulit? Paano ang isang bilyon mong utang?”
“Magpupursige ako. Hindi ako titigil hangga’t hindi nakakanahap ng trabaho. At saka… wala sa akin ang pera. Sinabi ko na sa ‘yo, ‘di ba?
“Make me believe you.”
Napatitig ako sa kanya. He’s serious.
“Wala nga sa akin, Nick. Wala akong mailalabas sa ‘yo.”
“O baka na kay Preston lang? Nagtatago.”
Akma akong sasagot… pero sa huli ay bigo akong pumikit at nanghina. Parang walang gamit kung sasagutin ko pa iyon. At ano naman ang sasabihin ko sa kanya, ‘di ba? Baka makagawa pa ako ng butas at ikapahulog ko pa sa hukay.
Pinanood niya lang ako. Pagdilat ko, nakipagtitigan din ako sa kanya.
“Hindi ko alam kung nasaan siya. Pero kung may magagawa ka para mahanap siya, edi gawin mo. Kahit maghubad pa ngayon sa harapan mo, wala kang makikitang isang bilyon.”
He lopsided smiled. “Don’t worry, hahanapin ko siya. Pero hindi ako papayag na maghubad ka rito…”
Uminit ang pisngi ko. Bakit ba iyon ang nasambit ko?
“Sa kwarto ko na lang. Deal?”
Now, he’s smartly playing with me.
“Nasabi ko lang ‘yon kasi… nainis ako.”
“Again, make me believe you. Sirang-sira ang record mo sa akin, Ruby. Kung hindi lang dahil kay Jewel, kinalampag na kita.”
Fear etched on my chest. Ramdam na ramdam ang pagbangon ng takot na tila ba nagkamali ako sa pagsama sa taong ito.
Umiwas naman ako… pero kailangan ko pang pag-igihan.
Bahagya siyang dumukwang at malapitan akong tiningnan.
“Dinala mo lang ang anak ko. Pero hindi nagbabago ang tingin ko sa ‘yo, Ruby. You are the biggest failure in my sight. Sana hindi na lang nagkrus ang landas natin. Mahalaga sa akin si Jewel pero habangbuhay kitang isusumpa sa ginawa mo.”
I saw his anger towards my twin sister. I saw the fiery eyes. I saw the gritted teeth and the clenching of his jaw. Kung hindi siya lumayo ay baka mas malapitan kong nakita ang tindi ng titig na may galit sa akin.
It’s not meant for me but… I felt everything. He loathed Ruby. He spared Jewel. But he would also hate me once he found out about this.
Pagkabayad niya sa kinain namin, agad akong lumabas ng restaurant. Marunong na akong mag-LRT. O kaya mag-jeep na lang ako pauwi. Pero hinila niya ako at naglakad pa kami sa loob ng Mall.
“Uuwi na ako.”
“Ihahatid nga kita sa inyo.” Mariin niyang sagot.
“Bakit hindi pa tayo lumabas?”
Nagpanic ako. Baka kung saan niya ako dalhin dahil sa galit niya.
He tsked. Then pulled me again. Mahigpit ang hawak niya sa pulsuhan ko.
“I’ll buy you a new phone.”