CURFEW 2

1778 Words
Kanina pa hindi makatulog si Billy, nagugutom na naman kasi siya. Dagli siyang tumayo mula sa higaan at inilibot ang paningin sa loob ng kinaroroonan. Malaki talaga iyon dahil may mga cr din sa bawat kuwarto. Lumapit siya sa bintana at sumilip. Tanaw ang labas sa may gate sa kinatatayuan niya. Tiningnan niya ang oras sa suot na relo, pasado alas dos na pala ng madaling-araw. Madilim ang paligid at wala man lang indikasyon na may tao sa labas. Malamig rin ang simoy ng hangin. Sabagay, nasa probinsiya sila kaya malamang ay ganito ang klima. Naisipan niyang bumaba dahil sa patuloy na pagkaramdam ng gutom. Baka may natira pang pagkain. Ang gustong-gusto niya sa bahay na ‘yon ay maraming pagkain. Masiyado nga lang silang mahilig sa karne. Halos lahat ng ulam nila ay lutong karne at bihira ang gulay at isda. Pero ayos lang naman ‘yon dahil gusto rin naman niya ang karne kesa sa ibang ulam. Kanina nga kare-kare ang ulam nila. Madami na siyang nakain, subalit ngayon ay nagugutom na naman siya. Sana may natira pa. Tanging flashlight ng cellphone ang kaniyang tanglaw sa pagbaba ng hagdan. Pagkarating sa kusina, hindi na rin siya nagbukas ng ilaw. Baka may magising, nakakahiya naman kung makita siyang kumakain. Buti na lang at kahit paano ay may ref sila. Binuksan niya ito. Tumambad sa kaniya ang napakaraming karne sa freezer. At mga lutong pagkain na natira na nasa mga plastic container. Tsinek niya ang mga ito. Nang makita ang hinahanap, napangiti siya at inilabas ang lalagyan. Madilim pa rin dahil hindi siya nagbukas ng ilaw. Hawak ang cellphone at lalagyan ng kare-kare, dumiretso na siya sa hagdan. Sa kuwarto na lang siya kakain. Mayamaya, napasulyap siya sa bukas na bintana. Napakunot-noo siya dahil may lalaking nakatayo malapit sa gate. Tinitigan niya itong maigi. May dala itong bag sa kaliwa at sigarilyo sa kanan. Parang si Mang Manuel. Sa’n kaya ito pupunta, madaling araw na, a? Didiretso na sana siya sa taas at hindi na papansinin ito pero nanaig ang kuryosidad niya. Binitiwan niya sa may lamesang malapit sa hagdan ang container ng kare-kare at babalikan na lang mamaya. Nakita niyang lumabas ng gate ang tatay ni Miranda. Medyo dumistansiya siya para hindi nito malaman na sinusundan niya ito. Nagmamadali ang bawat hakbang ni Mang Manuel, parang may hinahabol. Akala ko ba bawal lumabas ‘pag may curfew? Nakarating na sila sa may medyo masukal na gubat. Walang dalang ilaw si Mang Manuel pero alam na alam nito ang daan. Nang sa pagliko ni Billy, hindi na niya maaninag ang bulto ni Mang Manuel. Nawala kaagad? Ang bilis naman. Pabalik na sana siya ng may maapakan siya. Inilawan niya ito gamit ang dalang cellphone, dinampot at sinipat. Relong may mga diyamante sa paligid! Kay Mang Manuel ito, a. No’ng dumating sila, napansin na kaagad niya ang relong iyon. Nabighani siya at ninais nga niyang nakawin ‘yon ‘pag paalis na sila. Mahal kung mabebenta niya iyon. Napakamahal! Napangiti si Billy. May napala naman pala siya sa pagsunod kay Mang Manuel kahit na hindi na niya ito nakita. Baka sa kamamadali nitong maglakad, hindi napansin na nahulog na ang relo. Naisipan na niyang umuwi. Isinuot niya ang nasabing relo at kahit mataba siya, may adjustment naman ito kaya nagkasya rin naman. "Boy, naliligaw ka ba?" Pagtingin niya sa unahan, isang bulto ng tao ang kaniyang nakita. Tinapatan niya ng hawak na flashlight ng cellphone, nakasumbrero ito at naka-jacket. Hindi niya maaninag ang mukha dahil bukod sa suot nito sa ulo nakayuko rin ito paharap sa kaniya. "Ha? Naku, hindi po. Pauwi na nga po ako. Nahulog lang ‘yong relo ko at binalikan ko lang." Ipinakita niya pa ang relong suot. Lumapit ang lalaki at sinipat ang relo. Inilawan naman ito ni Billy upang mas makita ng lalaki ang relong suot. "Hindi ka taga-rito, ‘no? Siguro naman nasabi na sa ‘yong bawal lumabas o gumala ng ganitong oras, boy." Noon lang napansin ni Billy na may hawak pala itong batuta. Baranggay tanod siguro. Tiningnan niya ang oras sa bisig habang nanatiling nakatapat ang liwanag na dala ng cellphone. Time check: 2:22am "Pasensiya na, hindi na mauulit." Tinapik pa ni Billy ang kaliwang balikat ng lalaki at nilagpasan ito habang nagpatuloy na sa paglalakad. Naramdaman niyang sumusunod pa rin ang lalaki. Problema nito? Baka nakita niyang may mga diyamante sa relo at balak niyang kunin. Sa naisip, binilisan niya pang lalo ang paglalakad. Kahit hirap dahil sa katabaan, kinakaya niya pa rin, makalayo lang dito. "Boy, ibalik mo na ang relo, hindi ‘yan sa ‘yo." Napalingon si Billy nang magsalita ang lalaki. Paano niya nalaman? Nasa itsura niya ba ang can’t afford? Baka taktika niya lang iyon para makuha ito. Hindi na lang ito pinansin ni Billy at mas lalong binilisan ang paglalakad. Natatanaw na niya ang malaking bahay nila Miranda. Sa pagmamadali niya, hindi niya napansin na may barbed wire pala siyang madaraanan. Sapul ang kaniyang binti. Napahiyaw siya sa sakit nang matusok sa dalawang binti niya ang wire. Naka-shorts lang kasing hanggang kalahating hita siya kaya ramdam niya ang mga ito. Natumba si Billy at isang hampas sa balikat ang lalong nagpatindi sa sakit na nararamdaman niya. "Bakit ba ang tigas ng ulo n’yo? ‘Yan tuloy nangyayari." Kinuha ng lalaki ang barbed wire at itinali sa dalawang paa at kamay ni billy. Hindi malaman ni Billy kung anong gagawin sa sobrang sakit na nararamdaman. Tanging pagmamakaawa ang kaniyang nagagawa. Sinimulan na siyang hilain ng lalaki. Ramdam niya ang pagkakaskas ng likuran sanhi nang walang habas na paghila sa kaniya. Nang ninais niyang kumawala, isang hampas sa mukha ang nagpatigil sa kaniya. Time check: 2:35am. *** Pagbaba ni Mia ng hagdan kinabukasan, napansin niya ang isang plastic container malapit dito. Tsinek niya iyon. Anong ginagawa ng kare-kare rito? Bakit hindi inilagay sa ref? Napanis tuloy. Dinala niya ang lalagyan sa lababo. Sinulyapan niya ang oras sa orasang nasa dingding. Alas singko diyes ng umaga. Maaga pa pala. Nagsalang siya ng takore sa kalan. Habang inaantay itong kumulo, naupo siya sa upuang nasa hapag at nangalumbaba. Mayamaya, may biglang humawak sa balikat niya. Napasigaw at napatayo sa gulat si Mia. Nalaglag tuloy ang salamin niya sa mata. "Hoy, Mia. Napakanerbyosa mo naman," natatawang saad ni Trina. Tsinek nito ang nakasalang na takore at kumuha ng dalawang cups. Naupo na rin ito sa tabi ni Mia habang dinampot ni Mia ang salamin sa mata. Pagkatapos isuot ay naupong muli. "Bakit kasi hindi ka nagsasalita? May pahawak-hawak ka pa ng balikat." Bumalik ulit siya sa pangagalumbaba sa lamesa. "Ano kayang puwedeng gawin today? Nakakainis, walang signal." Matapos tingnan ni Trina ang cellphone basta na lang inilapag ‘yon sa lamesa. Siyang pagpasok naman ni Alice, ang nanay ni Miranda. "Magandang umaga po," halos sabay na sabi ng dalawa. Bumati rin ang ginang sa kanila. "Ang aga n’yo namang nagising. Magluluto pa lang ako ng almusal." Naglabas ito ng mga itlog at tinapay at nagsalang sa kalan ng kawali. Napansin ni Mia na kumulo na ang mainit na tubig. Nagsasalin siya sa mga tasa nang bumaba na rin sila Sally, Jake at Miranda. "Meron pa bang mainit? Pakape rin, o," humihikab pang sabi ni Sally. Naupo na rin ito sa upuan. Nagkaniya-kaniya na sila nang kuha ng tinapay at itlog. Mayroon ding sinangag at hotdog sa hapag. "Ma, si papa? Bakit hindi pa po bumababa?" Habang nagtitimpla ng kape ay lumingon ang ina ni Miranda sa kaniya. "Maagang umalis ang papa mo. Baka sumunod din ako do’n. ‘Yong mga ihahanda natin ‘yon sa fiesta, aasikasuhin namin. Ikaw na muna bahala sa mga bisita mo, ha?" "Naku Tita Alice, okay lang po kami ‘wag po kayong mag-alala. ‘Asa’n na ba ‘yong dalawa? Bakit hindi pa sila nagigising?" Sumulyap pa sa cellphone niya si Trina para alamin ang oras. Alas siyete dose ng umaga ayon dito. "Oo nga, ‘di ba pupunta tayo ng falls ngayon?" sabi ni Jake. Katabi niya si Miranda at kanina pa siya naiilang dito. Kung anu-anong kasing pagkain ang pinaglalagay sa plato niya. Buti na lang at nakaalis na si Aling Alice, kung hindi ay nakakahiya. "Ako na, tutal tapos na kong kumain. Gigisingin ko lang." Umakyat na si Mia sa taas para gisingin ang dalawa. At nang makapaghanda na sila sa pag-alis. Nagbibiruan pa sila nang biglang humahangos papasok si Mia ng kusina. Bakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha. "Guys… wala sila sa taas. At parang hindi man lang nagalaw ang higaan. Hindi sila roon natulog," hinihingal pang sabi nito. "What? How come? Baka naman nag-jogging lang somewhere," nakunot-noong sabi ni Sally. "No, I don’t think so. They leaved a note. I thinked, they left." Ipinakita nito ang dalawang sticky note. Tumayo si Jake at binasa ito. Sulat kamay nga ‘yon ni Billy at ayon dito sabay silang umalis ni China no’ng gabi. May biglang nangyari lang daw kaya hindi sila nakapagpaalam. "They left together? Weird. E, ayaw ni China madikit kay Billy kasi masebo raw ito tapos magkasama silang umalis at hindi pa nagpaalam?" Takang-takang sabi ni Trina habang hawak ang note ni China. Sulat kamay talaga ‘yon ng dalaga. "I already checked their luggage, wala na talaga silang gamit. Umalis sila ng hindi nagpapaalam," sabi ni Mia na hindi pa rin makapaniwala. “ "E, malalaman natin ‘yan pag-uwi natin ng Maynila," saad ni Jake. Something is wrong, really, really wrong. “Grabe. Bakit hindi man lang sila nagpaalam ng maayos? Gisingin man lang tayo kung aalis na. Parang mga walang kasama,” nakairap na saad ni Sally. "Uuwi na ba kayo? Akala ko ba until fiesta kayo rito?" biglang sabi naman ni Miranda. "Siguro naman kaya hindi na sila nagpaalam, ayaw nilang mai-spoil ang pananatili n’yo rito at baka importante talaga kaya umalis na sila. Sayang naman kung uuwi na kaagad kayo," malungkot na dugtong nito. Nakunsensiya naman sila sa sinabi ni Miranda. Sa katunayan, sila nga ang nagyaya sa lugar na iyon tapos aaalis din naman pala sila kaagad. "Sige na nga, we will stay until fiesta," nakangiting saad ni Jake pagkatapos ng ilang saglit na pananahimik ng lahat. Malawak na ngiti ang iginanti ni Miranda. Mas makakasama niya pa nang matagal si Jake, mas may pag-asa na magkalapit sila. Ipinagpatuloy na nila ang pagkain na parang walang nangyari. Walang signal ang cellphone kaya hindi rin nila makokontak ang dalawa para sana tanungin kung ano ba ang nangyari. Marahil nga ang importante kaya hindi na sila inabala para magpaalam ng personal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD