"Talaga? Sige, sige, hindi pa ko nakakarating doon. We like adventure you know. That's the perfect place." Excited na hinawakan pa ni Sally ang braso ni Miranda. Si Sally ang babaeng hindi mo nanaising lingunin pa. Sa grupo, siya ang binansagang babaeng hindi kagandahan. Seksi man itong matatawag dahil sa malaman ang hinaharap, puno ng tighiwayat ang mukha nito at malaki rin ang ilong. May kaitiman ang kutis at kulot ang hanggang taingang buhok. Madiskarte sa buhay palibhasa lumaki ng walang magulang. Tanging lolo at lola ang umaruga rito na kapwa na rin nasa kabilang-buhay.
Napatingin si Billy sa dalawa bago sumubo ulit ng mamon. Ngumuya-nguya muna ito bago nagsalita. Matabang lalaki ito sa taas na 5’4’’, moreno at singkit.
"Ang weird naman ng fiesta sa inyo, November 1? Sabagay, exciting nga iyon kasi habang nagkakasiyahan tayo, may mga nakatirik na kandila sa paligid," at malakas na tumawa si Billy. Natawa rin ang lima pa sa magbabarkada, maliban kay Miranda na hindi man lang ngumiti. Hindi siya natutuwang pinagkakatuwaan ang lugar na kinalakhan niya.
"Kung ayaw n’yo e, ‘di huwag. Hindi ko kayo pinipilit. Kung ano-ano pang sinasabi n’yo," ani Miranda, medyo naiinis na. Kahit pa ayaw niyang magkaroon ng samaan ng loob sa mga kaibigan, nakakasakit na kasi ang mga ito. Maganda si Miranda. Hindi mo aakalain na laking probinsiya dahil napakinis ng kutis nitong napakaputi. Tuwid na tuwid ang mahabang buhok nitong umabot na sa beywang. Itim na itim iyon at wala raw itong balak pagupitan. Okay lang naman dahil bumagay iyon sa bilugan niyang mukha at mapupungay na mata. Mamula-mula rin ang mukha nito kahit walang make-up.
"Oy, joke lang ‘yon ang balat sibuyas mo naman. Kailan ba tayo aalis?" saad ni Trina na kahit busy sa cellphone niya ay nakikinig naman. 5’2’’ ang taas nito at hanggang balikat lang ang buhok na alaga sa rebond at kulay pula. Mahilig sa branded na gamit palibhasa sunod sa luho ng alaherang ina. Morena beauty na may kakinisan din naman ang balat.
"Tutal sem break na natin this coming week e, ‘di pumunta na tayo. Para mahaba-haba ang bakasyon natin, “ sabad naman ni China. Kasalukuyan itong naglalagay ng lipstick. Hindi talaga mapakali ito hangga’t walang kolorete sa mukha. Maliit na babae lang ito sa taas na 4’9’’, kaya mahilig sa mga sapatos na matataas ang takong. Kulot-kulot ang buhok na hanggang balikat. Bilugan ang mga mata at maputi. Tama lang ang pangangatawan nito kahit pa may kaliitan.
"E, okay lang ba sa inyo Miranda kung gaano kami kahabang magbakasyon? May space ba kami roon?" Si Jake na siyang pinakaguwapo sa school nila ang nagtanong. Ito ang tipikal na tall, dark and handsome na tinatawag. Plus factor na lang ang pagiging matalino at varsity player nito sa basketball. Sobrang crush siya ni Miranda. At isa iyon sa mga dahilan kung bakit niya niyaya ang barkada, para makasama ang kinahuhumalingang lalaki.
"Marami rin bang pagkain?" nakangising tanong ni Billy. Kahit kailan talaga, pagkain ang nasa isip at tiyan nito kaya lalong lumolobo.
Samantalang si Mia, pagkatapos ayusin ang salamin sa mata, wala namang sinabi at umaayon lang sa kagustuhan ng barkada. Simple lang ang kaniyang pananamit at ayos. Hindi man ito kasing-ganda ni Miranda, hindi naman ito pahuhuli sa itsura. Sa edad na bente ay wala pa itong nagiging nobyo. Masiyadong pihikan kasi at mas priority ang pag-aaral kesa sa mga manliligaw.
"Oo naman. Para sa inyo, maraming space at pagkain," nakangiting saad ni Miranda bago sumulyap muli kay Jake.
Sabay-sabay na nagsalita ng ayos ang magbabarkada.
Magkakaibigan na sila since first year college sa kursong Education. At kahit halos isang taon palang silang magkakasama, masiyado na silang close sa isa’t isa. At kung sakali, ngayon lang sila makakarating sa baryong sinilangan ni Miranda.
***
"Wow, grabe ang laki ng bahay n’yo Miranda. Sa nadaanan natin, kayo lang ata ang may pinakamalaking bahay. Ang yaman n’yo pala," namamanghang sabi ni Sally. Halos walong oras ang biyahe. Buti na lang at may van sila Jake. Nagsalitan na lang ang dalawang lalaki sa pagda-drive. Pagod at puyat ang nararamdaman nila. Isa-isang nagsipagbaba ang grupo. Si China na maarte sa grupo ang may pinakamaraming bitbit.
Sinalubong sila ng mga magulang ni Miranda. Halik at mano ang naganap. Pati pala lola at lolo ni Miranda ay naroon. Ganoon naman talaga ang pamilyang pinoy, sama-sama sa isang bahay.
Halos sakupin ng bahay ang malaking lote na kinatitirikan nito. Napakalaki subalit puro antique ang mga kagamitang nasa loob. Wala silang tv, meron lang sila ay lumang radyo. Kahit kagamitan sa kusina, makaluma rin. Nagtataka man ang grupo, hindi sila nagkomento pa ukol doon.
"Siguro ay nagtataka kayo na sa laki ng bahay naming ay makaluma ang mga kagamitan? Pinanatili namin talaga ang ganiyang ayos. Tutal, nasa probinsiya naman kami
kaya hindi na kailangan ang makabagong gamit," saad ng ina ni Miranda na si Alice. Galing ito sa kusina at may dalang meryenda; dinuguan at puto. Hawig ito ni Miranda, maganda rin ang ginang at may maaliwalas na aura.
"Wag kayong mag-alala. Hindi naman kayo mabo-bore dito sa amin. Maraming puwedeng gawin." Naglabas ng tabako si Manuel, ang ama ni Miranda. Inalok sila Billy at Jake, subalit tumanggi ang dalawa. May kakasigan ito at hindi man lang kababakasan na may edad na ito. Guwapo kahit pa makaluma ang pananamit na suot.
"Mamaya dalhin mo sila sa ilog Miranda, habang hindi pa masiyadong mainit. Magdala na lang kayo ng pagkain." Kahit marami ng puti si lola Ursula malakas pa rin ito. Hindi naman umiimik si lolo Juanito, nagmamasid-masid lang.
"Ihahatid ko muna sila sa kuwarto nila. Halika na kayo."
Nagpaalam ang grupo bago umakyat. Dalawang mahabang hagdan sa magkabilang gilid mayroon ang bahay. Pagkarating sa dulo, magkabilaan din ang mga pasilyo na may tig-lilimang kuwarto. Lumiko sila sa kaliwa.
"Pumili na lang kayo. Kaso lima lang ‘yan mayroon naman sa kabila. Humiwalay na lang ‘yong isa,” ani Miranda.
Sa unang pinto si Sally, sumunod sa kaniya si Trina, magse-share na lang daw sila kaysa sa kabila pa ‘yong isa. Malalaki naman ang bawat kuwarto. Kahit nga isang kuwarto lang ang gamitin nila, kasya silang lahat.
Dahil maarte si China, pumasok na siya sa pangalawang pinto. Kailangan na raw niya kasing maligo. Sumunod na rin si Mia na bilang ang salita dahil sa pananahimik, sa pangatlong pinto siya tumuloy. Huling pumasok sina Billy at Jake na nagtig-isang kuwarto na rin. Sinamahan pa ni Miranda si Jake nang pumasok ito sa kuwarto.
"Okay ka lang ba rito? Meron pa naman ibang kuwarto kung hindi ka kumportable rito."
Tipid na ngiti ang isinukli ni Jake. Halata naman na may gusto sa kaniya si Miranda. Kahit na maganda naman ito, wala siyang balak patulan ang dalaga. Hindi siya pumapatol sa barkada. Kapatid na ang turing niya sa mga ito. Umalis na lang si Miranda para makapagpahinga ang grupo at pati na rin siya.
***
Tatlong araw nang bored si China. Walang signal kaya walang silbi ang cellphone na maaaring gamitin, lalo na siyempre ang wi-fi. Ultimong tv nga ay wala rin. Nakatulog sila ng araw na dumating sila kaya gabi na nang magising ang barkada.
Kabilin-bilinan na bawal lumabas pagsapit ng gabi. May curfew raw sa lugar nila. Ang nakakatawa sa kanila, hindi lang menor de edad ang may curfew kung hindi lahat ng taong nasasakupan nila. Maliit lang lugar nila Miranda, halos layo-layo ang mga kapitbahay at kubong mga walang kuryente ang tinitirhan. Buti na lang malaki na ang bahay nila Miranda, may kuryente pa. Dahil kung isa sa mga kubong naroon sila tutuloy, uuwi na rin siya kaagad.
Ew, kaya.
Nang pangalawang araw, nagyaya sila sa ilog na malapit lang sa kanila. Halos gubat ang daraanan bago makarating sa ilog. Gusto sana nila na mag-overnight kasi bilog ang buwan, kaso alas otso palang ng gabi ay nagyayaya na si Miranda. Baka abutan daw sila ng curfew.
Ano ba namang babae ito?
Kaya ng ikatlong araw, nagyaya na si China na pumunta ng bayan. Isang jeep lang naman ang sasakyan. Nag-hiking kasi ang ilan at hindi siya sumama. Nakakapagod kaya ‘yon. Kaya nang umuwi ang mga ito ng bandang alas singko, nagpasama siya kay Miranda sa bayan.
Halos wala namang mall sa lugar na iyon. Puro tiyangge lang at tindahan sa mga gilid-gilid na parang sa divisoria. Nalibot na nila halos ang buong lugar pero wala pa rin siyang makita. Gusto kasi niyang bumili ng bagong sapatos. Nasira ‘yong ginamit nila ng pumunta sila ng ilog kasi gusto niyang nakasapatos kapag naglalakad. Ngayon nga sandals ang suot niya.
Flat sandals na lalong nagpaliit sa kaniya.
"Ahm China, hindi pa ba tayo uuwi? Kasi medyo gumagabi na, baka abutan tayo ng curfew sa amin," nag-aalalang sabi ni Miranda. Nakasimangot na humarap si China rito.
"Bakit ba takot na takot kang maabutan ng curfew sa daan. Ikukulong ba ang mahuhuli? We are in the right age para diyan sa walang kuwentang curfew n’yo, duh?" Kanina pa siya nabuburaot dito. Tingin kasi nang tingin sa orasan, e alas diyes pa lang naman.
"Gusto mo kumain muna tayo? ‘Di ba alas dose ng hatinggabi naman ang curfew sa inyo? Maaaga pa at wala pa akong nabibili."
"E, kasi..."
"Ewan ko sa ‘yo! Kung gusto mo umuwi ka na. Ituro mo na lang ang daan sa akin pauwi. Hindi naman siguro ako maliligaw sa liit ng lugar n’yo" yamot na sabi ni China. Naglakad na siya palayo at iniwan si Miranda.
"China! Hanggang alas dose lang ang jeep papunta sa amin!" sigaw ni Miranda. Hindi man lang nilingon ito ni China at nagpatuloy lang sa paglalakad.
Bahala siya. Ang OA naman kasi.
Pinili muna niyang kumain sa nakitang medyo maayos-ayos na kainan. Habang kumakain, nahulog ang kutsarang gamit niya. Yumukod siya para damputin ang kubyertos nang mapasulyap siya sa ilalim ng katabing lamesa.
Isang napakagandang sapatos na kasalukuyang sinusuot ng isang babae ang umagaw ng kaniyang pansin. Napakaganda nito at ‘yong paboritong kulay niya pa; pula. Eksakto kasing nagpapalit ng sapatos ang babae. Plastik bag lang ang lalagyan pero mukhang mamahalin. Pansin niya rin ang may kataasan nitong takong kaya lalo siyang nagandahan dito.
Baka within the area niya lang nabili.
Pagkatapos maisuot, umalis na rin ang babae. Maliit lang din ito pero maganda. Hindi na niya tinapos ang pagkain at nagmamadaling nagbayad para masundan ang babae. Nais niya kasing malaman kung saan nito nabili ang sapatos.
"Miss..."
Masiyadong mabilis maglakad ang babae. Hindi siya sanay maglakad ng ganoong kabilis. Mayamaya pa ay biglang tumigil ito, natumba at nangisay-kisay. Nagulat si China kaya dagling napatigil din siya sa pagsunod. Narinig na lang niya ng may biglang sumigaw.
“’Yong ale nangingisay!”
May biglang nagbuhat sa babae at isinakay sa isang tricycle. Tulala pa rin si China kahit halos wala ng tao sa lugar na iyon. Pagtingin niya sa kinabagsakan ng babae, naroon ang sapatos na suot nito. Siguro, natanggal habang nangingisay ito o nang buhatin ang babae. May pag-aalangan na nilapitan niya ang sapatos. Nagdadalawang-isip pa siya kung kukunin niya o hahayaan na lang ito.
Sa huli, nanaig ang kagustuhang magkaroon ng ganoon. Pasimpleng dinampot niya ang mga ito habang inililibot ang paningin sa paligid. Nang makitang busy ang ilan at wala namang nakapansin sa kaniya ay mabilis na inilagay sa bag ang sapatos at umalis.
***
Masayang naglalakad si China papuntang sakayan. Pa-maya-maya ay kinakapa niya ang sapatos na nasa bag. Kanina, tsinek niya at tunay na mga diyamante ang nakadikit sa dulo ng sapatos. Marunong siyang tumingin ng tunay sa peke dahil tinuruan siya ng alaherang ina. Nang nakarating siya sa may paradahan, isang jeep na lang ang naroon.
Time check: 11:50pm
Siksikan ang jeep at naiinis si China kapag ganoon. Habang papalapit siya sa lugar nila Miranda, padilim nang padilim dahil wala na halos ilaw sa kalye. Pakaunti na rin sila nang pakaunti hanggang siya na lang mag-isa sa jeep.
"Miss hanggang dito na lang ako. Bawal na kasing pumasok sa loob ang sasakyan."
What?!
Napipilitang bumaba si China kahit inis na inis siya. Wala naman siyang magagawa kahit makipag-away pa siya sa driver. Pagkababang-pagkababa niya, humarurot na kagaad paalis ang jeep.
Buwiset talaga.
Iginala niya ang paningin subalit may kadiliman ang paligid. Kalahati lang ang buwan na siyang tumatanglaw sa kaniya. Huni ng kulilig at minsan ay tuko lang ang maririnig sa paligid. Tantiya ay medyo malayo pa ang kaniyang lalakarin. Natatandaan naman niya ang daan dahil gising na siya nang sumapit sila roon.
Kinapa niyang muli ang sapatos at napangiti ng may maisip. Umupo siya sa isang concrete at hinubad ang sandals, inilabas ang sapatos at kagyat na isinuot.
Siguradong maiinggit na naman sa akin ang mga babaeng iyon.
Nang matapos maisuot, tuwang-tuwang nagsimula na siyang maglakad. Eksakto sa kaniya ang sukat, para sa kaniya talaga ito.
"Miss... sandali"
Boses ng lalaki ang nagpatigil kay China sa paglalakad. Nilingon niya ito sa likuran. Parang baranggay tanod ang itsura nito. Sinipat niya ang relong may ilaw sa kanang bisig.
Time check: 12:15am
"Bakit po?" tanong ni China habang palapit ang lalaki sa kaniya.
"Taga-rito ka ba?"
Napansin niyang may hawak na batuta ang lalaki. Naka-jacket ito at nakasumbrero. Hindi niya maaninag ang mukha nito dahil may kadiliman sa kinatatayuan nila.
Ngumiti siya ng ubod nang tamis. Gagawin niya ang lahat nang pang-aakit para lang makauwi na at maipagyabang ang bago niyang sapatos.
"Eh sir, I'm China by the way, kaibigan ako ni Miranda. ‘Yong diyan nakatira sa malaking bahay. Kasama ko siya kanina, kaso lang nauna na siyang umuwi. Bakit may problema po ba? Baka puwede nating pag-usapan ito."
Lumapit pa siya nang bahagya sa lalaki. Subalit, wala man lang indikasyon na naaakit ito sa kaniya. Nakita niyang napatingin ang lalaki sa sapatos niya.
"Palalayain kita kung iiwan mo ‘yang sapatos na ‘yan."
What?!
Uunahan pa siya nito! Alam din marahil nito ang tungkol sa diyamanteng nakadikit sa dulo ng sapatos.
"Ha? Ano ka, hilo? Akin ito, bakit ko ibibigay sa ‘yo?" Nagsimula na siyang maglakad palayo. Binilisan na rin niya kahit nahihirapan siya dahil sa sapatos na suot. Medyo kinakabahan na rin siya sa maaaring mangyari. Naramdaman na lang niyang hindi na naman sumunod ang lalaki. Nakahinga nang maluwag si China nang sa paglingon niya sa likuran ay wala na ito. Nakangiting nagpatuloy na siya sa paglalakad. Pagliko niya sa kanan, naramdaman na lang niyang may humablot sa kaniya sa kanang braso.
"Kung ayaw mong ibigay, maglalaro na lang tayo nang habulan. Takbo!"
Nang bitawan siya ng lalaki, nagmamadaling tumakbo si China. Halos natatapilok na siya at puno na rin ng luha at sipon ang kaniyang mukha. Naramdaman na lang niya na may pumukpok sa kanang binti niya na naging dahilan nang kaniyang pagkatumba.
"Please ‘wag na… Ibibigay ko na ‘yong sapatos..." gumagapang na si China sa sobrang sakit. Nilingon niya ang lalaki. Hinahampas-hampas pa nito ang batuta sa palad habang nakangiting pinagmamasdan ang paggapang niya. Isa pa ulit na hampas sa kabilang binti naman niya ang nagpahiyaw sa dalaga.
"Kahit magsisigaw ka, walang makakarinig sa ‘yo. Bawal ngang lumabas, ‘di ba? Ikaw kasi ang tigas ng ulo mo, hindi naman sa ‘yo inaangkin mo."
Nagtatakang napatingin siya sa lalaki.
Paano niyang nalaman na hindi akin ang sapatos?
Bago pa niya maisatinig ang katanungan, nagdilim na ang buong paligid ni China nang hampasin siya sa mukha ng di-nakikilalang lalaki.
Time check: 12:45am
jhavril ---