"Hoy uwi na tayo, gumagabi na!" halos lumabas na ang litid ni Miranda sa kasisigaw. Pero hindi man lang siya narinig ng tatlo dahil siguro sa lakas din nang bagsak ng tubig sa falls. Hindi nakasama si Sally dahil masama ang pakiramdam, bago pa man sila umalis. Nagsimula na siyang magligpit ng kanilang mga gamit. Nasa gitna ng gubat ang falls pero hindi naman kalayuan ang lalakarin nila sa tinatawag na nine falls kung nasaan sila. Matarik lang ang kanilang bababaan mamya.
Sinulyapan niya ang orasan sa bisig, alas sais kinse na. Magdidilim na kaya mas mahihirapan silang bumaba, lalo pa at sa kasamaang palad wala silang dalang flashlight. Sana lang may buwan mamaya para kahit paano ay maliwanag. Nang matapos magligpit, nilapitan na niya ang tatlo na patuloy pa rin sa pagtatampisaw sa falls.
Kanina pa niya napapansin na parang extra care si Jake kay Mia. May something kaya sila? O, baka crush ni Jake si Mia? Sana lang hindi totoo kasi nasasaktan siya sa isiping iyon.
"Guys, we need to go, madilim na mamaya."
Nagtatawanan pa ang tatlo nang umahon. Naghaharutan pa sina Mia at Jake na lalong nakaragdag sa nasasaktang damdamin ni Miranda. Sabagay, mas matagal na naging magkaibigan ang mga ito, kesa sa kaniya.
"Bakit ba Miranda nagmamadali ka? Maaga pa naman, a?" Habang kinukuha ni Trina ang mga damit niya, inililibot nito ang paningin. "Saan ba puwedeng magbanlaw at magpalit?"
"Sa baba na lang, may kubong abandonado roon puwede kang magpalit sa loob. May poso na rin doon na siyang pagbabanlawan natin," ani Miranda at sinimulang bitbitin ang ilang gamit.
"Sabay-sabay na tayong pumunta roon para diretso na tayong umuwi." Kinuha ni Jake ang ilang bitbit ni Miranda at nauna na sa lugar na sinasabi nito habang nasa likod ang tatlo.
***
"Mauna na ako, ha? Nilalamig na ako, e."
Mabilis na pumasok si Trina sa kubo at inilapag ang damit sa gilid. Pagkatapos ay lumabas muli para pumunta sa gilid ng kubo. May maliit na poso nga at may balde at tabo pa. Mabilis na nagbomba sa poso si Trina dahil talagang nilalamig na siya. Mayamaya, nakarinig siya nang kaluskos kaya tumigil siya saglit, pero nawala rin naman. Nagkibit-balikat lang siya at ipinagpatuloy ang ginagawa.
Nasa gubat sila kaya malamang hayop lang na iyon na nagkalat. Pagkatapos magbanlaw, mabilis na pumasok siya sa loob ng kubo. Agad na itinapis ang tuwalya dahil talagang giniginaw na siya. Medyo madilim na kaya binilisan niya ang kilos. Kinakapa niya na lang ang bihisan. Nang t-shirt na ang huling kukunin niya, may nakapa siyang kuwintas.
Saan galing ito?
Inilapit pang maigi ni Trina ang kuwintas sa mata. Mukhang tunay na gawa sa ginto iyon dahil may kabigatan. May pusong palawit at purong diyamante ito! Mahal kung maiibenta ito, kaya nagtataka siya kung sino ang nakaiwan nito. Nangingiting itinago ni Trina ang kuwintas sa pagitan ng mga damit na ginamit niya.
Kapag sinusuwerte nga naman. Buti na lang at nauna siya sa kubong iyon.
"Trina bilis, madilim na!" narinig niyang sigaw ni Mia. Mabilis na lumabas siya ng kubo, habang kinukuwenta sa isip kung magkano kaya mabebenta iyon. Naiisip na rin niya ang maaaring mabili sa halagang makukuha kung sakali.
***
Pagdating sa bahay, pagod na pagod silang nag-akyatan sa kani-kanilang kuwarto. Inilapag lang ang mga gamit at agad na nakatulog.
Naalimpungatan nang gising si Trina dahil kumukulo ang kaniyang tiyan. Oo nga pala, hindi na sila nakakain kanina dahil sa pagod. Bumangon siya at naisipang bumaba na. Binuksan ang lampshade at napatingin sa orasang naroon.
Ala-una singkuwenta y tres ng madaling-araw.
Madaling araw na pala. Gigisingin ko na lang sila Mia at Jake para sabay-sabay kaming kumain. Malamang hindi rin nagsipagkain ‘yon.
Pagbaba sa kama, nasanggi niya ang bag. Baka dito na lang niya naiwan kanina sa sobrang pagod.
Didiretso na sana siya sa paglalakad papuntang pinto nang maalala ang kuwintas. Mabilis na bumalik at binuksan ang bag, ibinuhos ang lahat ng laman sa kama. Inisa-isa ang mga damit, iwinagwag lahat. Pati mga bulsa ng bag ay hinanapan ng kuwintas, subalit wala siyang makita. Saglit siyang nag-isip kung saan niya ito posibleng inilagay.
Ang huling alaala niya, sa damit na isinuot niya inipit iyon. Subalit nang tingnan niya, wala naman.
Baka nahulog ng hindi ko namamalayan.
Nanlumo siya sa isiping nahulog nga ang kuwintas. Mahal pa naman ‘yon kung maiibenta niya mawawala lang pala.
Mayamaya, bigla siyang napangiti. Oo nga pala, paglabas niya ng kubo agad niyang inilagay sa bag ang damit. Malamang ay doon din malapit sa kubo nalaglag iyon. Kung nakuha man iyon sino man kina Mia, Jake o kahit si Miranda mapapansin niya. Subalit, wala namang ganoong eksena.
Hmm… kung bukas niya pa iyon babalikan para hanapin, magtatanong sila. Baka samahan pa siya at malaman ang tungkol sa kuwintas.
Hindi maaari! Akin lang iyon!
Pero kung ngayon siya pupunta, walang makakaalam, masosolo niya ang kuwintas. Malapit lang naman ‘yon at madali siyang makakabisado ng daan.
Tama, ngayon siya aalis at hahanapin ang kuwintas. Mabilis na kumilos si Trina at naghanap ng flashlight. Buti na lang at nakalipat na sa dating kuwarto ni China si Sally dahil kung share pa rin sila malamang nabuko na siya nito.
Nang makakita ng flashlight, mabilis na umalis, bitbit ang pag-asang makikita niya ang mamahaling kuwintas.
jhavril---