Busy sa mga nagdaang araw si Julz dahil sa dami ng pasyente na nagpapagamot sa kanya. Paano ba naman hindi dudumugin ng mga taong nangangailangan ng atensyong medical ang clinic niya. Hindi nga niya ipinagsasabi, pero iyon naman ang ginagawa niya. Lahat ng pasyente na nagpapagamot sa kanya ay kumukuha naman siya ng subida, pero kalahati lang sa normal na bayad dapat. Ang mga gamot na pangkaraniwan tulad ng mga paracetamol, gamot sa ubo at sipon para sa mga bata at maging sa mga matatanda ay hindi na niya kinukuhanan ng bayad. May libre ding vitamin C para sa mga batang kulang sa bitaminang ito.
Iyon kasi ang gawain niya, lalo na at marami na naman siyang donasyon ng gamot na natatanggap. Magkakaroon na naman siya ng isang medical missions sa lugar na napili ng kanilang founder. Mayroon kasi silang informant na naghahanap ng lugar na kung saan may humingi ng tulong or napipili nila talaga. Kasama ulit siya ng mga doktor sa isang malaking ospital. Pagod na pagod sa maghapong pagche-check up sa mga pasyente pero sobrang saya pa rin ng kanyang nadarama. Madami siyang natutulungan, higit sa lahat madami pa siyang matutulungan.
Maagang nagising si Julz ng araw na iyon. Tamang-tama at araw ng Linggo. Hindi bukas ang clinic niya. Ang Lunes at Martes naman ay sarado din dahil nga sa dalawang araw ng medical missions. Ngayong araw naman ay nais niyang bumili ng ilang mga biscuit, mga candy at chocolate na pwede niyang ipamahagi sa mga bata na magtutungo sa kanila. Mayroon ding naman silang dalang mga pagkaing pambigay sa bawat pamilya, kaya naman mga iyong mga biscuit, chocolate at candy na lang ang kulang.
Kumain muna si Julz, bago tuluyang umalis ng bahay. Para sa kanya sayang pa ang magagastos niya pagkakain pa siya sa labas. Pwedeng ipandagdag na lang niya iyon pambili ng mga tinapay.
Habang binabagtas ni Julz ang daan ay nagkaroon ng trapik dahil mayroon daw nagkasabitan na tricycle at SUV sa dulo ng highway. Siya pa naman ang pinakadulong sasakyan kaya naman nag-u-turn siyang bigla. May subdivision kasing pwedeng madaanan palabas ng pwesto niya. Bawal iyong ginagawa niya, private kasi ang subdivision kaya naman laking pasasalamat niya na ang gwardiya doon ay naging pasyente niya sa clinic niya.
"Kuya Guard pwede bang makidaan. May aksidente pong nangyari sa may highway. May pupuntahan lang ako, para po makalusot ako sa dulo. Sobrang trapik na po kasi." Paliwanag ni Julz dito.
"Syempre naman doc wala pong problema." Nakangiting wika ni Kuya Guard sa kanya at pinadaan na rin siya. Sumaludo pa ito sa kanya kaya mas lalo siyang natuwa.
Pagpasok pa lang ng sasakyan ni Julz ng subdivision na iyon ay napapatingin naman siya sa paligid. Napakatahimik din kasi at masasabi niyang malinis. Mabagal lang ang pagpapatakbo niya, lalo na at puro bahayan ang iba naman ay may mga bata pa, ng hindi niya inaasahan na biglang gumewang ang kotse niya. Mabuti na lang at bigla siyang nakapagpreno. Mabagal na ang takbo niya. Pero malakas pa rin ang sagitsit ng kanyang gulong. Nabangga pa niya ang isang metal na basurahan kaya naman nakagawa ito ng malakas na ingay.
Napalabas naman ang mga tao sa bahayan dahil sa nagawa niyang ingay at ang nagawang pagbagsak ng metal na basurahan. Nang mapatay niya ang makina ng sasakyan ay bumaba na rin naman siya. Sinilip ni Julz ang gulong ng kotse niya at doon niya nakita ang ilang spike na nakasuksok sa gulong ng kotse niya. Napabuntong hininga na lang siya dahil mapalitan man niya ang isang gulong. Paano naman ang tatlong gulong pa. Napaupo na lang si Julz sa gutter sa tapat ng isang bahay. Hindi niya napansin na nasa tabi na pala niya ang mga nakatira dito.
"Miss okey ka lang?" Tanong ng isang magandang dalaga. Bali tatlo silang lahat at magaganda.
"Ako nga pala si Sandra. Ito naman si Brielle ang may-ari nitong bahay. At s'ya naman si Alex. Babae talaga yan. Wag mong iisiping tomboy yan." Pagbibiro pa ng nagpakilala na Sandra.
"Ako nga pala si Julian Zusainne. Pero tawagin na lang ninyo akong Julz. Okey lang ako. Kotse ko lang talaga ang malaki ang problema. Oi sa inyo ba iyong basurahan babayaran ko na lang. Hindi ko talaga sinasadya. May alam ba kayong nag-aayos dito ng gulong ng sasakyan?" Tanong niya sa tatlo at nagkatinginan pa.
"Oi Alex, ikaw madaming tropa dito. Kahit hindi ka naman taga rito." Wika ni Sandra na biglang tumawa si Brielle.
"Geh, ako ng bahala. Sibat muna ako guys. Papuntahin ko na lang dito si tropa para mahila ang kotse mo Ms. Julz. Mababait ang mga iyon. Itatawag na lang ng mga iyon sa akin pag okey na. Ipapasundo na lang din kita dito." Wika ni Alex at naglakad na ito habang may dalang kahon, na gawa sa kahoy at may lamang mga sigarilyo at candy.
"Ms. Julz maiwan ka na muna kay Sandra, kailangan ko lang magtungo ng grocery para naman may maluto. Ubos na rin kasi ang stock namin." Paalam naman ni Brielle sa kanila.
Inaya naman siya ni Sandra sa loob ng bahay. Matatanaw naman nila mula sa pintuan kung dumating na ang kukuha ng kotse niya.
"Upo ka muna Ms. Julz, ikukuha lang kita ng maiinom." Masayang wika naman ni Sandra sa kanya at umalis na. Pagbalik naman nito ay may dala itong dalawang baso ng orange juice at cookies.
"Hmmm. Dito ka rin ba sa subdivision na ito nakatira?" Tanong sa kanya ni Sandra. Uminom muna siya ng juice bago sumagot.
"Hindi eh. Sa totoo lang nakiusap lang ako kay Kuya Guard ng subdivision na ito kung pwede akong makidaan. Traffic na kasi sa may highway at may nagkasabitan. Kilala naman ako ni Kuya Guard dahil naging pasyente ko siya noong nakaraan. Tapos ayon, naman ang nangyari. Nabaunan ng spike ang mga gulong ko. Sa nga pala, babayaran ko na lang iyong basurahan. Nayupi kasi." Mahabang paliwanag niya kay Sandra.
"Pasyente? So ibig sabihin doktor ka? Ay wag mo ng alalahanin iyong basurahan. Nayupi lang naman. Pero mapapakinabangan pa ng maayos." Sagot pa ni Sandra sa kanya.
"Physician ako. May sarili din akong clinic. Ito nga pala ang card ko. Incase lang naman na you need help. Palagi din kasi akong nawawala. Medical missions. Tulad bukas. Nasa medical missions ako. Bibili nga sana ako ngayon ng mga biscuit para sa mga bata." Masayang tugon ni Julz ng mapatingin sila sa labas. Dumating na kasi ang kukuha ng kotse ni Julz.
Nagkakwentuhan pa sila ng matagal ni Sandra, hanggang sa bumalik na si Brielle. Si Sandra naman ang nagluto, ng para sa tanghalian. Doon na rin siya kumain dahil hindi na siya pinaalis ng dalawa.
"Nasaan nga pala iyong kasama ninyo na si Alex." Tanong ni Julz sa dalawa.
"Ah si Alex. Mamayang hapon or gabi na iyon uuwi. Barker iyon at nagtatakatak iyon, doon sa may sakayan ng dyip." Sagot naman ni Sandra.
"Hindi ba delikado ang trabaho n'ya? Puro lalaki ang kasama at nakakasalamuha n'ya don?" May pag-aalinlanagan pang tanong ni Julz sa mga ito.
"Wag kang mag-alala. Una sa lahat kilala na si Alex ng mga tambay doon. Pangalawa, gwapong lalaki talaga tingin ng mga tao doon sa kaibigan namin na iyon. Kita mo naman ang pormahan kanina di ba? Pero 100% babae talaga si Alex." Paliwanag pa ni Sandra na naiiling lang si Brielle at natawa.
Matapos ang kanilang pananghalian ay sinundo na rin si Julz ng isa sa kumuha ng kotse niya kanina. Nagpasalamat talaga siya ng sobra kay Sandra at Brielle na hindi man lang nangimi na patuluyin siya sa bahay nito kahit hindi siya kilala ng mga ito. Ipinaabot na rin niya ang kanyang pasasalamat kay Alex, na siyang kumausap sa may-ari ng talyer na siyang umayos ng gulong ng kotse niya.
Nang makarating siya sa talyer ay nakita niyang pinalitan ng mga ito ng bagong gulong ang lahat ng kotse niya. Ipinaliwanag na rin ng mga ito kay Julz, na hindi na talaga okey gamitin ang mga gulong niya dahil sa hiwa na nagawa ng mga spike. Napag-alaman niyang ang mga spike na iyon ay gawa ng mga kabataan na doon din nakatira sa subdivision na iyon. Kaya lang ay mga anak ng mga namamahala kaya hindi mapagsabihan. Napailing na lang si Brielle sa nalaman. Binayaran na lang niya ang lahat ng materyales na ginamit. Gulong pati na rin ang mga interior at ang labor. Nagbigay na rin siya ng tip dahil talagang iningatan ng mga kakilala ni Alex ang sasakyan niya.
Nang makaalis ng talyer si Julz, ay tumuloy na rin siya doon sa isa sa pinakamalaking grocery. Pumili siya ng mga biscuit na hindi gaanong matamis, pero sinigurado niyang magugustuhan ng mga bata. Naghanap din siya ng candy at chocolate. Bumili siya ng apat na kahon ng dalawang klase ng biscuit at tig-isang kahon ng chocolate at candy. Napatingin naman siya sa isang side at nakakita siya ng fruit juice, ng mabasa niya ang label nito ay natuwa siya dahil napaka healty noon para sa mga bata. Kaya kumuha din siya ng ilang kahon na alam niyang magkakasya sa lahat ng tao doon sa lugar na pupuntahan nila. Pwede kasi iyon sa mga bata at matatanda. Nang masigurado niyang sapat na ang mga nabili niya, ay ipinadeliver naman niya iyon sa malaking ospital kong saan nagrerepack ng mga dry goods na kanilang ipapamahagi.
Sinalubong naman siya ng mga doktor na magiging kasama niya kinabukasan.
"Magandang hapon Dra. De Vega. Akala namin maagap kang makakarating." Tanong ni Dra. Santiago sa kanya.
"Sorry po. Nasiraan po kasi ako. Tapos tanghali na ng makarating ako sa grocery. Namili na rin po ako ng pandagdag na biscuit para sa mga bata." Nang pumasok ang dalawang lalaki na dala ang mga pinamili niya.
"Ang dami naman niyan Doc. Masaya kaming nakasama ka namin sa team na ito. Madaming nagdodonate sa atin dahil sa mga ginagawa natin. Pero mas lalong dumadami ang napapamigay natin bukod pa sa mga gamot at libreng konsulta, dahil sa sarili mong dukot bulsa na pagtulong. Salamat talaga Dra. De Vega." Taos pusong pasasalamat ni Dra. Santiago at ng iba pang mga kasamahan nila.
"Pinapaiyak po ninyo ako. Alam naman po ninyo na talagang masaya akong makatulong, sa mga kababayan po natin. Kaya nga po ito ang propesyon ko. Para makatulong sa iba. Syempre kasama kayo." Masaya niyang wika, na ikinasigaw pa sa tuwa ng ilang mga volunteer.
Nakiupo na rin si Julz, sa mga nagbabalot ng mga pagkain. Ang ibang doktor naman ay nagtitingin ng mga expiration date ng mga gamot na ipamimigay nila. Pinagsasama-sama ng mga ito ang mga gamot na pwedeng mag-expired after six months, at hinihiwalay sa mga one year onwards pa. Iyong mga malapit na naman ang expiration tulad ng mga three months na lang ay expired na nilagyan din nila ng label. Mahirap kasing ma stock iyon at baka makasama pa kung maiinom.
Kaya naman, lahat sila ay naging busy sa kanilang mga ginagawa. Hindi nila lahat namalayan ang oras. Natawa pa silang lahat ng mapansing madilim na labas. Nagulat naman silang lahat, ng biglang may dumating na mga pagkain para sa kanilang lahat.
"Wow naman, ang swerte naman natin, ang dami namang pagkain, na bigay ni sponsor." Wika ng isang volunteer.
Inayos naman ng iba ang pagkain at inihayin sa mahabang lamesa na nandoon.
"Kanino po galing?" Tanong naman ng isang nurse na lumapit sa isa pang nagdeliver ng pagkain.
"Ah wait lang po." Wika nito at kinuha ang resibo sa bulsa. "Ah, kay Sir Andrew De Vega po. Nandoon pa lang po si Sir sa labas, kausap po iyong isang doktor." Rinig ni Julz na wika noong lalaking nagdeliver, tapos ay umalis na rin ito.
Napatayo naman si Julz ng makita si Andrew na ang laki ng ngiti.
"Couz."
"Yeah, the one and only." Tugon lang ni Andrew sa kanya. Napatingin naman ang ilan nilang mga kasama sa pagdating ni Andrew.
Sinong hindi mapapatingin sa tukmol na ito. Kahit saan namang tingnan gwapo. Saad pa ni Julz sa kanyang isipan.
"Anong ginagawa mo dito. At may pa dinner ka pang talaga sa aming lahat."
"Hey guys, wala akong alam na may medical missions kayo bukas. Ang alam ko nga na meron, pero hindi ko akalain na bukas na kaagad. Natanong ko lang sa sekretarya ni Julz. Wala akong maiambag ngayon, so libreng dinner na lang muna para sa inyong lahat. Babawi ako sa susunod. Kaya kumain na kayo. Ako na lang muna ang magrerepack ng mga iyan." Wika ni Andrew at nagsigawan pa ang lahat ng mga kasama nila doon. Hindi naman sila makakabulabog kahit medyo mapasigaw sila. Malayo ang pwesto nila sa pwesto ng pinaka building kung saan naroon ang mga pasyente. Pero sakop pa rin ng ospital ang kinapupwestuhan nila.
Napatingin naman si Julz kay Andrew na naupo na nga, para ipagpatuloy ang natigil nilang ginagawa. Kumakain na silang lahat, kaya naman nilapitan niya si Andrew para alukin ng pagkain. Tumanggi naman ito, at para lang daw iyon sa kanilang lahat. Hindi naman pumayag si Julz na hindi ito kakain. Kaya naman sinubuan na lang niya si Andrew na hindi nito matatanggihan, habang tuloy pa rin ito sa ginagawa.
Napailing na lang silang dalawa sa tuksuhan ng mga kasamahan nila. Alam naman ng mga ito na magpinsan sila kaya hinayaan na lang nila ang ilang kabataan na bagong volunteer sa panunukso sa kanila.
Napatingin naman sila kay Dra. Santiago na may dala ding pagkain. Mauupo yata sa upuan malapit sa kanila.
"Alam mo Dra. De Vega and Sir De Vega kung hindi lang namin alam na magpinsan kayo masasabi kong bagay kayo. Kaya lang nakakapagtakang hindi kayo magkamukha. Maliban sa magkapareho kayo ng apelyedo." Biro pa sa kanila ni Dra. Santiago bago sila nilampasan nito.
Nagkatinginan na lang silang dalawa ni Andrew at nagkatawanan. Nagkibit balikat na lang si Andrew at hindi na lang pinansin ang sinabi ng doktora.
Malalim na rin ang gabi ng makatapos sila sa kanilang ginagawa. Iniwan na lang ni Julz ang kotse niya sa parking ng ospital at sumabay na lang siya kay Andrew. Doon na rin siya natulog sa condo nito lalo na at may dala naman siyang mga damit sa kotse niya. Lalo na at dalawang araw din silang mamamalagi ng Quezon para sa kanilang medical mission.