CHAPTER 7

1566 Words
Drei's Point Of View Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Narito ang kulto ni Dominus? Mukhang hindi lang isang kaso ang kakaharapin namin dito. "Arlene, pag-usapan natin lahat ito pagdating ni Papa. Information overload na tayo, ang dami ring nangyari. Magpahinga na muna tayo." "Sabi ko nga eh." Napasandal sa upuan si Arlene. "Nasaan ang ibang mga nadukot?" "Inihatid na namin sila sa simbahan sa kabayanan para do'n sunduin ng pamilya nila. Mas ligtas sila doon kaysa sa pulisya na may ilang sangkot sa kaguluhan dito. Pinakiusapan na lang namin silang huwag sabihin kung sino ang nagligtas sa kanila," sagot ni Wesley. Lumabas ng kusina si Mama. "Kumain na muna kayo. Alam kong pagod at gutom kayong lahat." Nagtayuan kami at nag-unahan patungong dining area. Halatang gutom na gutom dahil sa mga nangyari. Panay tawa naman ni Mama habang nakasunod sa amin. Nakipag-unahan naman ako hindi para kumain kundi para kay Milet. Ipaghahanda ko muna siya ng pagkain para mahatiran ko sa kwarto niya. Pumasok ako sa kusina at naghanap ng tray. Iniayos ang pagkain saka binitbit ang tray palabas ng kusina. Pagdaan ko ng dining area ay nanunuksong tumingin sa akin si Arlene. "Kuya, hapon pa lang nanliligaw ka na?" pang-iinis nito. Pinandilatan ko nga. "Kumain ka na lang diyan." Saka ako lumakad palayo. Mapang-asar talaga ang kapatid kong 'yon. Narinig ko pa ang usapan nila habang papalayo ako. "Nanliligaw si Drei kay Milet?" tanong ni Hannah. "Naku, hindi. Torpe 'yan eh. Hanggang tingin lang 'yan." Sabay tawa ni Arlene. Napailing na lang ako dahil sa pambubuska ng makulit kong kapatid. Umakyat ako hanggang third floor, huminga muna nang malalim pagtapat sa silid ni Milet bago kumatok. "Milet, alam kong pagod ka kaya dinalhan kita ng pagkain." Maya-maya ay bumukas ang pinto, sumungaw si Milet. "Nag-abala ka pa. Pwede naman akong bumaba eh." "Matindi ang pinagdaanan mo kahapon kaya sigurado akong mas gusto mong magpahinga dito." Iniluwang ni Milet ang buka ng pintuan para makapasok ako. "Sige na, maupo ka na sa kama para makakain ka na." Sumunod naman si Milet, umupo ito at sumadig sa kama. Ipinatong ko sa hita niya ang tray. "Mukhang masarap ah." Dinampot nito ang kubyertos at nagsimulang sumubo. "Hinay-hinay lang. Mahina ang kalaban." Dinampot ko ang baso ng tubig at iniabot dito. Lumagok muna ito ng tubig bago nagsalita. "Ikaw? Hindi ka ba nagugutom? Pareho lang tayong pagod at saging lang ang kinain mula kagabi, hindi ba?" nag-aalalang tanong nito sa akin. "Kakain ako pagkatapos mo. Kailangan ko rin kasing ibaba itong tray at pinagkainan." Nakatitig si Milet sa akin kaya nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. "Salamat ulit sa pagliligtas mo sa akin at sa mga bata." Yumuko ito bago nagsalita ulit. "Tumawag na pala ako sa ospital at sinabi ko ang nangyaring pagdukot sa akin kaya ako absent." Ilang saglit na katahimikan ang namayani bago ulit nagsalita si Milet. "Tatapusin ko na ang pagkain ko para maibaba mo na itong tray at makakain ka na rin." Ngumiti ito nang alanganin bago nagsimulang sumubong muli. Pasimple ko siyang tinitingnan habang kumakain, napakatahimik niya. Napagod talaga siguro nang husto. Kinuha ko ang tray matapos niyang kumain. "Bababa na ako para makapagpahinga ka na." "Salamat ulit sa lahat." Tumayo mula sa kama si Milet at matuling tinungo ang pinto. Binuksan ito ng maluwang, senyales na pinapaalis na ako. "Wala 'yon." Tumayo na ako at lumakad palabas ng silid niya. Tiningnan ko pa ulit ito bago nito tuluyang maisara ang pinto. "Bakit biglang nagsungit?" Napailing na lang ako bago lumakad palayo. Mia Leticia's Point Of View "Panay pakita ng concern pero mukhang 'di naman ako gusto. Pa-fall ka rin eh!" Sabay umang ko ng kamao na parang susuntukin ang pinto. "Dahil pala sa tray kaya hinintay akong matapos kumain!" Padabog akong bumalik sa kama. Ano ba ang ayaw niya sa akin? Pangit ba ako? Masama ba ang ugali ko? "Nakakainis!" Dinampot ko ang unan saka ko pinagsusuntok. "Paasa ka eh. Um! Um!" Napagod ako kakasuntok kaya humihingal akong napasandal sa headboard ng kama at pumikit. Pinilit kalimutan ang paasang 'yon. Bigla ko namang naisip ang kapatid ko. Ano na ba ang nangyari sa bruhang 'yon? Hinagilap ko ang bag at phone ko pero naiwan ko nga pala ang gamit ko sa ospital. Dinampot ko ang wireless handset sa side table at tumawag sa bahay. Ilang ulit na ring ang lumipas bago may sumagot sa kabilang linya. "Hello, 'Ma, may balita na ba? Tumawag na ba si Alexi sa inyo?" "Wala pa rin, anak. Nag-aalala na kami nang husto dito eh. Ikaw, kamusta ang trabaho mo diyan?" Wala nga palang alam si Mama na nag-u-undercover ako bilang trabaho ko. Ang alam lang niya ay ordinaryong secretary ako sa isang malaking kumpanya. Hindi rin niya alam na hinahanap ko ang kapatid ko ngayon. "Ayos naman po ako, 'Ma." Napahinga ako nang malalim. "Sana nagtanan na lang ang kapatid mo kaya biglang hindi nagparamdam. Imposibleng mawala 'yon ng walang dahilan." Bakas pa rin sa tinig ni Mama ang pangamba. "Sana nga, 'Ma." Napatingala ako at napatitig sa kisame. "'Ma, paano ba ang ma-inlove?" "Bakit, inlove ka na ba? Si Drei ba, iyong anak ng boss mo? Mabait na bata 'yon," natatawang biro ni Mama. "Mukhang ayaw naman niya sa akin eh," malungkot kong sabi. "Paano mo naman nasiguro?" panunukso ni Mama. "Basta. Ramdam ko lang. Saka wala naman siyang sinasabi eh. Kaibigan lang talaga ang turing niya sa akin." Napabuga ako ng hangin. "Anak, kung para kayo talaga sa isa't-isa, darating din ang tamang panahon para do'n. Saka imposibleng hindi ka magustuhan ng batang 'yon, aba'y malabo na ang mata niya kung 'di ka pa niya magustuhan." "Sana nga, 'Ma." Tumayo ako at lumapit sa bintana. Hinawi ko ang makapal na kurtina. Ang ganda talaga ng tanawin mula dito sa silid. Napatingin ako sa mga lalakeng nasa hardin, sina Rod at Emman pala. Sino 'yung nasa likuran ni Rod, parang anino? Teka... anino lang talaga iyon na nakatayo sa likuran niya. Malaking anino ng kung anong nilalang ang naaaninag ko. "'M-Ma, tatawagan kita ulit mamaya ha." Ini-end ko ang call. Bigla akong kinabahan sa nakita ko. Inihagis ko ang handset sa kama saka nagmamadaling lumabas ng silid. Patakbo akong bumaba ng hagdan hanggang ground floor. Sabay-sabay na napatingin sa akin ang mga nasa sala. "Oh, Milet, akala ko ba pagod ka at magpapahinga? Bakit humahangos ka?" tanong ni Drei. Hindi ko na siya nasagot sa tanong niya dahil sa pag-aalala. "Arlene, samahan mo ako sa likod, tara." "Bakit?" nag-aalalang tanong ni Arlene. "Basta." Nilapitan ko na ito sa sofa saka hinilang patayo. "Halika na." Akay-akay ko itong hinila palabas, tinungo namin ang palibot ng bahay hanggang sa makarating sa garden sa likod. Lakad-takbo pa ang ginawa namin papalapit kina Rod at Emman. Pareho kaming napatukod ni Arlene sa mga hita dahil sa hingal. "Grabe ka naman, Milet, kakakain lang natin tapos takbo agad?" Umunat ako ng tayo para makasagap ng hangin bago nagsalita. "Rod, may aninong nakatayo kanina sa likod mo. Nakakakilabot na anino." Huminga ako ulit ng malalim para makasagap ng hangin. "A-Ano? Ano'ng anino?" si Arlene ang nagtanong, bakas sa magandang mukha nito ang pangamba. "Wala naman akong makita." "Namintana ako sa silid. Pagdungaw ko ay nakita ko sina Rod at Emman dito, tapos may itim na anino na nakatayo sa likod niya. Hindi 'yong anino ni Rod na ganito," itinuro ko ang malabong anino sa harap nito sa lupa, "kundi anino na nakatayo dito." Pumunta ako sa likod ni Rod at doon tumayo para imuwestra ang nakita ko. "Malaki, nakakatakot. Itim na itim. Iba ang pakiramdam ko pagkakita ko." Bumalik ulit ako sa pwesto kanina, katabi si Arlene. Nagkatinginan sina Rod at Emman. "Baka iyon ang naramdaman ni Emma kanina?" sabi ni Emman. Hinanap ko sa paligid ang aninong nakita ko kanina pero wala na. "Ano ba ang history ng bahay na ito?" "Hindi ko rin alam, si Dark Knight ang tanungin natin mamaya. Ibinenta lang sa kanya ng mura ang property na 'to kaya binili niya agad. Maganda rin kasi ang location for privacy, malaki pa." Nilinga ni Rod ang tingin sa paligid. "Sa ngayon, kailangan nating mag-ingat. Hindi natin alam kung ano ang nakita ko." "Babe, mag-iingat ka ha. Naalala mo ang sinabi ng kapatid mong multo? May panganib daw sa'yo." Napakapit si Arlene sa braso ni Rod. Inakbayan ito ni Rod saka hinalikan sa noo. "Don't worry, mag-iingat ako." "Huwag kang mag-alala, Arlene. Tutuklasin ko ang sikreto ng bahay na ito," sagot ni Emman. "Bakit, may idea ka ba kung ano ang mayro'n dito?" "Kutob lang." Napatitig si Emman sa mataas na bakod ng UPG na bagong tayo lang. "Mukhang walang bakod ito noon. Ano ba ang nasa kabila nito?" "Kakahuyan na 'yan. Tanaw ko mula sa kwarto ko ang bahaging 'yan," sagot ko rito. Napatingin ulit si Emman sa gawi ng bakod. "Sa susunod ko na aalamin ang kabila niyan. Tara, pumasok na tayo sa loob." Napansin kong palingon-lingon pa rin si Emman sa bahaging iyon ng kakahuyan habang pabalik kami sa bahay. Hindi ko alam pero kinukutuban din ako sa kung ano ang mayroon sa bahay na ito. Hindi mawaglit sa isip ko ang nakita ko kanina. To Be Continued....
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD