PROLOGUE
Third Person's Point Of View
17 Years Ago...
"Habulin mo ako!" humahagikgik na sabi ng anim na taong gulang na si Drei sa kalaro nitong si Hannah. "Ikaw ang taya!"
"Ang daya mo naman eh, ang tulin mong tumakbo!" pagmamaktol nang nakamasid na lang na kalaro. "Ang taba-taba mo pero matulin kang tumakbo."
"Belat! Makupad ka kasi!" pang-iinis ni Drei dito. "Wala, mabagal ka talaga! Para kang pagong. Lampa pa!" Naglabas pa 'to ng dila.
"Drei, huwag mong inisin si Hannah, baka mapikon siya sa'yo, mahirap patahanin 'yan," saway ng Papa niya.
Narito sila ngayon sa San Jose, dumadalaw sa inaanak ng Papa niya, si Hannah.
Napansin ni Drei na humihikbi na ang kalaro. "Tahan na."
"Lagi mo akong pinapaiyak kapag nagpupunta kayo rito." Umupo ito sumubsob sa mga palad niya kaya nilapitan ito ni Drei.
"Tahan na sabi." Naupo ito sa tapat ni Hannah.
Biglang nag-angat ng ulo ang kalaro at ngumisi. "Taya ka!" Sabay tulak kay Drei kaya napaupo ito. Tumayo si Hannah at tumakbo.
"Ang daya mo!" Humabol si Drei dito.
Nakaabot na sila sa labas ng gate dahil sa kakatakbo, hanggang makarating sa taniman ng mais. May ilan ding tanim ng puno ng mangga sa paligid. Napatigil sa pagtakbo si Hannah at tumingala.
Tinapik ni Drei ang balikat ni Hannah. "Taya ka!"
"Sandali lang. Tingnan mo, oh. Hinog na ang mga bunga. Ang sasarap niyan!" Napasalikop pa ang mga kamay ni Hannah.
Pinagmasdan ni Drei ang kinakapatid. "Kaya kong umakyat diyan. Gusto mo ba? Ikukuha kita." Tumingala ulit ito na tila natatakam din sa mapipintog na bunga ng mangga.
"Huwag na, baka mahulog ka pa," saway ni Hannah dito.
"Hindi, kaya ko 'yan. Watch." Sinimulang hubarin ni Drei ang suot na sapatos at medyas saka nagsimulang yumakap sa puno ng mangga. Mababa lang ang puno kung kaya't hindi ito gaanong nahirapan sa pag-akyat. "Kita mo na? Ang galing ko, 'di ba?" pagmamalaki nito.
"Wow! Ang galing! Ayun, malapit sa 'yo, ang laki ng bunga!" Itinuro ni Hannah ang mangga sa bandang ulo ni Drei. Inabot ito ng bata at inihagis kay Hannah. Hindi ito nasapo ng bata pero pinulot niya ito at isinahod sa laylayan ng palda niya.
"Ano ba 'yan, saluhin mo kasi. Malalamog ang mangga eh," reklamo ni Drei.
"Oo na. Kumuha ka pa. Ayun!" Turo ulit ni Hannah sa iba pang bunga.
Nanguha si Drei ng mga bunga at inihahagis iyon kay Hannah kahit hindi nito nasasalo. Pinupulot na lang nito sa lupa ang mga nalaglag na bunga.
"Tama na 'to, marami na 'to." Masayang tinitigan ng bata ang mga mangga na nakasahod sa palda niyang hawak-hawak ng dalawang kamay.
"Sandali, isa na lang. May isang malaki pa rito." Humakbang si Drei sa isang sanga na medyo makitid at pilit inaabot ng kamay ang bunga. Mapintog ito kaya't lalo siyang natakam.
Hindi namalayan ng bata na nagkakalamat na ang sanga na tinutuntungan nito. Ilang saglit pa'y nahawakan na niya ang bunga. Buong lakas na hinila ang bunga para makuha nito subalit nakalikha iyon ng mas malaking lamat sa sanga na tinutuntungan niya. Hindi na kinaya ng sanga ang bigat ng malusog na bata kaya bumigay ito at nahulog. Tumama ang ulo ni Drei sa isang bato na nakausli.
"Drei!" Tili ni Hannah. "Papa! Ninong!" hiyaw ng bata habang umiiyak. Walang nakakarinig sa kanya dahil malayo sila sa bahay kung kaya't nagmamadali si Hannah na tumakbo papasok at tinungo ang gazebo kung saan nag-uusap ang parents niya at parents nina Drei. "Papa! Ninong! Si Drei po nahulog sa puno!"
"Ano?!" Gulantang na napatayo ang Mama ni Drei habang buhat ang bunsong si Arlene. Patakbong tinungo ng mga magulang nito at mga magulang niya ang puno kung saan nahulog si Drei.
"Drei!" Nilapitan ng mga ito si Drei. "Call an ambulance!" sigaw ng Papa nito. Dumukot ng telepono ang Papa ni Hannah sa bulsa nito at tumawag ng ambulansya.
Ilang saglit pa'y may ambulansiyang dumating para isugod si Drei sa ospital. Sa ambulansya rin sumakay ang Papa nito habang nakasunod ang sasakyan ng Mama niya, kasama nito si Arlene at ang pamilya Delgado.
"Drei, wake up. Papa's here," tawag ni Ric sa anak habang nasa stretcher ito. Walang sagot mula sa anak. Nakarating sila sa sa tapat ng ospital pero wala pa ring malay ang bata. "Drei, kid. You're brave, baby. Wake up."
Ibinaba ang stretcher at inihanda para itakbo nila ito patungong emergency room. Biglang umungol si Drei. "Kid, stay awake, okay?" habilin ni Ric dito. Nakasunod ang Mama nito sa kanila habang buhat pa rin ang walang muwang na si Arlene. Akay-akay naman ng mag-asawang Delgado ang humihikbing si Hannah.
"P-Papa," mahinang tawag ni Drei sa ama. Iniangat nang kaunti ang kamay at hindi sinasadyang nahawakan ang braso ng babaeng nurse na nakahawak ang isang kamay sa stretcher. Napahigpit ang kapit ng bata sa braso nito.
Napatingin ang nurse sa bata at ngumiti dito. Hindi alintana ang unti-unting nararamdamang pagkahapo. Bago makarating sa pintuan ng emergency room ay tumumba ang nurse.
"Nurse Amy!" sigaw ng isa pang nurse na nakaalalay sa stretcher. Nilapitan ang nurse na tumumba. Maputla ito na parang hinang-hina.
Inasikaso ng ibang attendant si Drei hanggang makapasok sa loob ng emergency room habang inasikaso ng iba ang natumbang nurse.
Nagkatinginan ang mag-asawang sina Ric at Veron. "A-Ano'ng nangyari?" tanong ni Veron sa asawa.
"H-Huwag sanang tama ang hinala ko." Nababahalang napatingin si Ric sa nakapinid na pinto ng emergency room.
Lumabas ang babaeng doctor mula sa emergency room. "Sino ang magulang ng pasyente?"
"Kami po, Doc." Tumayo si Ric at ang asawang si Veron, karga ang bunsong anak.
Nag-isip muna ang doctor bago nagsalita. "Your son had a TBI or Traumatic Brain Injury and it caused intracerebral hematoma, in normal case, a patient needs a surgery, however...." tila may pagtatakang gumuhit sa mukha ng doctor.
"Ano po iyon, Doc?" nag-aalalang tanong ni Veron.
"It is healing fast. Habang isinasagawa ang CT Scan ay napansin namin iyon. Unti-unting lumiliit ang clot. We do not know how to explain this pero at this point, he doesn't need a surgery anymore." Napalingon ang lahat sa inaalalayang lalaking naka-scrub suit, parang lantang gulay ito.
"W-What happened to him?" tanong ni Ric habang sinusundan ng tingin ang lalake.
"Nahilo ho yata habang inaasikaso ang pasyente. Pasensya na po sa aberya. Baka dahil ho sa init ng panahon ngayon." Sagot ng doctor. "If you'll excuse me. I'll go back to the patient first."
"Sige, Doc. Salamat." Nagkatinginan ang mag-asawa.
☆
Tatlong araw na ring walang malay si Drei. Ang nurse na natumba habang isinusugod ito sa emergency room ay maayos na ang lagay, ito ngayon ang assigned nurse kay Drei, kasalukuyang mino-monitor ang pulso at temperatura ng bata. "Babalik po ako agad," paalam ng nurse sa mag-asawa bago tuluyang lumabas.
"Ric, may alam ka ba sa nangyari do'n sa nurse?" nag-aalalang tanong ulit ni Veron sa asawa.
"Hindi pa ako sigurado. Malalaman ko rin ang sagot diyan. Sa ngayon, gabayan natin siya para hindi siya mahirapan sa pagbabagong mararanasan niya."
"Lalabas na muna ako para bumili ng makakain natin." Lumabas ng silid si Veron habang buhat ang dalawang taong gulang na si Arlene.
Hinawakan ni Ric ang buhok ng anak at hinalikan ito sa noo. "You'll be fine, son," bulong nito sa anak.
"P-Papa...." tinig ni Drei.
"Son, I'm here," sagot ni Ric sa anak.
"Where am I?" Nagpalinga-linga ang bata sa paligid.
"You're in the hospital, Kid." Hinagod muli ni Ric ang buhok ng anak.
"N-Nanaginip ako, Papa. May aksidente daw sa kalsada, magbabanggaan daw ang bus at kotseng pula. Maraming namatay. Papa, nakakatakot. Kinakausap ako ng mga multo. Hinahabol nila ako. Tulong daw po," umiiyak na sabi ng batang si Drei.
"Calm down, Son. Panaginip lang 'yon." Hinalikan ulit nito ang anak.
Yumakap si Drei sa leeg ng ama at naglambing. Nakaramdam ng pagkahapo si Ric habang nakayakap ang anak. Marahang inalis ni Ric ang magkasalikop na kamay ng anak sa batok niya. "Son, mag-uusap tayo pagkalabas mo ng ospital. May mga ipapaliwanag ako sa 'yo. Huwag kang mag-alala, gagabayan kita. Tuturuan kita."
"Opo, Papa."
Dumukot ng phone si Ric sa bulsa at nag-text kay Veron. Naghabilin ng mga dapat nitong bilhin.
Pumasok ulit ang nurse para palitan ang dextrose ni Drei. Inagapan ni Ric na hindi mahawakan ng anak ang nurse nito. Naitawid naman ang pagpapalit ng dextrose. Nagpaalam ang nurse na babalik ito mamaya.
Napalingon sila kay Veron na papasok ng silid. "Heto, kumain na muna kayo. Pati ang ibinilin mong hand gloves."
Inabot ni Ric and hand gloves at isinuot kay Drei. "Pansamantala, suotin mo muna ito, ha, anak?"
"Bakit po, Papa?" nagtatakang tanong ng bata.
"Ipapaliwanag ko sa 'yo ang lahat paglabas mo rito." Hinalikan ni Ric sa noo ang anak. "Matulog ka na muna."
"Ric," bulong ni Veron sa asawa. "Ano ang nangyayari kay Drei?"
"Sa palagay ko, he had a near-death experience, and it changed him. I just don't know the extent, pero sa ngayon ay ingatan mong hindi makahawak si Drei sa 'yo o kay Arlene." Tumingin ito sa bunsong anak at hinagod ang ulo nito.
"Bakit?"
"Delikado. Basta. Ipapaliwanag ko sa 'yo kapag na-confirm ko na. We will do some test sa UPG." Nilingon nito si Drei na natutulog at nag-aalalang pinagmasdan ang anak.