Drei's Point Of View
Nanatili akong gising upang magbantay sa paligid at tiyaking ligtas kami. Baka maghanap sa buong kagubatan ang mga dumukot kina Milet kahit halos hating gabi na. Inalala ko ang mga kaganapan mula nang makarating ako sa San Joaquin no'ng isang buwan. Nagbalik-tanaw ako sa mga naganap kung bakit kami napadpad dito sa San Joaquin, isang buwan na ang nakararaan.
1 Month Ago...
"Drei, nauna na si Milet sa San Joaquin dahil tinawagan siya ng ospital doon para magtrabaho," bungad ni Papa, nakaupo ito sa desk niya habang nagbubuklat ng ilang files na nasa table nito.
"Hindi ba delikado na ipinadala n'yo siya nang mag-isa doon? Hindi ba natin pwedeng hintayin ang paglipat ni Rod o ng mga pulis galing San Jose?" Nag-aalala ako kay Milet. Kababaeng tao pero mag-isang nagmamanman sa mga nangyayari sa San Joaquin.
"Hijo, alam mong hindi rin magpapaawat si Milet na pumunta ro'n. Nawawala rin ang kapatid niya," paliwanag ni Papa.
Bakit naman kasi magpapa-assign na lang ang kapatid niya, doon pa sa ospital sa malayong probinsya na 'yon. "Susunod na ako agad, Papa. Kailangan niya ng alalay doon."
"Sige na, sundan mo na at baka hindi ka mapakali diyan. Masyado kang protective sa kanya pero hindi mo naman maligawan," natatawang sabi ni Papa.
Sigurado akong mukhang makopa ang mga pisngi ko. Isang taon na rin kaming magkaibigan ni Milet pero hindi ko magawang magtapat sa kanya. Baka katakutan niya ako oras na malaman niya ang totoong abilidad ko. Kahit si Arlene ay walang alam tungkol sa kakayahan ko. Inilihim nina Papa at Mama sa kanya dahil bata pa lang ito ay matatakutin na sa multo. Paano pa kung malaman niya ang totoong kakayahan ko? Paano rin kapag nalaman niyang nameligro siya noong bata pa kami kahit hindi ko sinasadya? Pero mukhang ngayon ay malalaman na nila ang kakayahan ko dahil sa misyon na ito.
"Aalis na ako, Papa. Kailangan ko nang bumalik sa Doña Trinidad para makapag-empake. Susundan ko na si Milet."
"Sige, doon kayo tutuloy sa pinagawa nating UPG branch doon. Mag-iingat ka."
Lumabas na ako ng opisina ni Papa para umuwi sa Doña Trinidad. Naglalakad ako sa hallway patungong elevator nang matanaw ko ang Training Hall. Ilang taon na nga ba noong nagpunta ako dito at nagsanay? 16 years ago? Mukhang ni-renovate lang pero same style pa rin ang facility, kinopya ang design ng nasunog na lumang building noon. May suot pa akong hand gloves noong mga panahong iyon, mga panahong takot na takot akong lumapit sa ibang tao. Napailing na lang ako bago dumiretso sa elevator. Kailangan ko nang mag-prepare at sundan si Milet. Hindi ko siya pababayaang mag-isa sa lugar na 'yon.
Nagtungo agad ako sa San Joaquin kinabukasan. Hindi ako nagsayang ng panahon dahil sa pangambang baka may masamang mangyari kay Milet. Ang kaso'y nasiraan ako ng gulong ng kotse habang binabaybay ang kahabaan ng bako-bakong kalsada sa gilid ng Pilapil kanina. Maswerteng may nadaanan akong talyer kaya inihinto ko muna at ipinagawa ang flat tires ng kotse.
Kinuha ko ang phone ko at tinawagan si Papa. "'Pa, nasiraan ako ng kotse. Flat tire dahil sa bako-bakong daan kanina. Narito ako sa nag-iisang talyer sa parteng ito. Buti na lang dito ako nasiraan sa malapit. Sobra naman sa pagkaliblib ang lugar na 'to." Pinagsisipa ko ang mga batong napagdiskitahan ko.
"Sino ba kasi ang may sabi sa'yong sundan mo si Milet? Ikaw ang nagpalipat diyan nang kusa ha. Ginamit ko pa ang koneksyon ko para lang payagan kang mag-undercover diyan," sermon ni Papa.
"Eh kasi naman, sana inawat n'yo si Milet na pumunta rito. Pwede namang 'yong may psychometric ability na lang ang pinadala n'yo rito at paghanapin sa kapatid ni Milet at sa mga nawawala rito." Nilinga-linga ko ang kahabaan ng kalsada. Mangilan-ngilan lang ang bahay, puro puno pa ang magkabilang bahagi ng daan.
"Papunta na sila riyan pero next month pa. Marami pa silang dapat tapusin bago lumipat diyan. Don't worry, medyo sibilisado na rin naman pagdating sa kabayanan. May ilang parte lang talaga ang hindi pa matao."
"Wala ngang data connection dito. Buti natawagan pa ko pa kayo. Kahit paano pwedeng tumawag." Sinipat ko sa 'di kalayuan ang gumagawa sa gulong ng kotse ko. Tatlo ang flat. Kung minamalas ka nga naman. Tsk.
"Sige na, Son. Balitaan mo ako mamaya kapag nasa UPG branch ka na." In-end call na ni Papa ang tawag. Napabuga na lang ako ng hangin. Sinipat ko ang oras sa phone screen, 5:30 pm. Kaya pala medyo papadilim na. Humahapdi na rin ang sikmura ko.
Nilapitan ko ang gumagawa sa kotse ko. "Boss, saan mayroong mabibilhan ng pagkain dito?"
"Ah, medyo may kalayuan pa. Doon sa pang limang poste, may daan na pa-kanan. Pumasok ka ro'n, mga ilang bloke lang ay makikita mo na ang karinderya ni Manang Lydia." Turo nito sa malayo-layong posteng tinutukoy nito. "Matagal-tagal pa 'to. Malalaki ang butas eh. Nireremedyohan ko na lang para makarating ka sa bayan."
"Sige, Boss." May kalayuan nga pero ayos lang. Mabuti na ring maglakad-lakad para hindi ako mainip. Hindi na naman mainit kaya ayos lang. May kalamigan pa nga ang hangin, tumatagos sa jacket na suot ko. Tinungo ko ang pang-limang poste saka kumanan. Natanaw ko ang karatulang Lydia's Carinderia sa 'di kalayuan. Kumalam agad ang sikmura ko pagkakita ko ro'n. Lakad-takbo na halos ang ginawa ko dahil sa gutom.
May babaeng may edad na ang bantay ng karinderya. "Manang, ano pong ulam?" Inangat ko ang takip ng isang kaldero.
"Kalderetang Baka, Paksiw na Bisugo, Menudo, Ginataang Alimasag saka Sisig," sagot nito habang nakangiti. "Ngayon lang kita nakita rito, hijo."
"Ah, opo, patungo pa lang ako sa kabayanan. Taga-Maynila po ako." Sinilip ko ang Kalderetang Baka. Ang bango! "Ito na lang po, saka dalawang order ng kanin."
Naupo na ako at naghanda sa pagkain. Takam na takam ako, ni hindi na yata ako huminga sa pagitan ng pagkain ko.
"Hijo, dahan-dahan at baka mabulunan ka." Pinagsalin ako ni Manang ng tubig sa baso.
"Salamat po."
"Manang, pabili pong dalawang order ng kanin saka kalahating Menudo," boses ng batang babae. Napalingon ako dito. Nasa pitong taon lang siguro ito.
"O sige." Kumilos si Manang para ipagbalot ang bata.
"Bakit kalahating Menudo lang ang bibilhin mo?" nagtatakang tanong ko rito.
"Wala na po kasing pera si nanay eh. Ito lang ang kasya." Ibinuka nito ang kamay para ipakita ang perang dala niya. Apat na sampung pisong barya.
"Ilan ba kayong kakain?"
"Apat po," masayang sagot ng bata. "Si Ate Bebeng, si Kuya Edgar, si Mama at ako po." Tuwag tuwa pa habang nagbibilang sa daliri nito.
Bumilib ako rito. Magkakasya silang apat sa kalahating Menudo? Gaano ba karami 'yon? Tiningnan ko ang order ko. Isang order ito pero sa akin lang ay kulang pa. Saka mukhang pitong taon lang ang inutusang bumili sa tindahan sa ganitong oras? Napailing na lang ako. "Manang, pakibalot po sila ng tig-iisang order ng ulam n'yo saka apat na order ng kanin. Ako na po ang magbabayad."
"Talaga po, Kuya? Libre n'yo? Walang bayad?" Namimilog ang mga mata nito.
"Oo naman." Ginulo ko ang buhok nito.
Ipinagbalot ni Manang Lydia ang bata, inabot dito ang isang plastic ng pagkain. "O, Tinay, magpasalamat ka kay Kuyang Pogi ha."
"Salamat po, Kuyang Pogi." Nakangiti ito habang tinitingnan ang dala-dala. Naglakad na rin ito pauwi.
Tumayo na rin ako at nagbayad. Naghanda na akong umalis pabalik sa talyer nang may marinig akong biglaang preno ng sasakyan at tili ng isang bata.
"Hesusmaryosep!" tili rin ni Manang Lydia. "Tinay!"
May lalaking nakatakip ang mukha ang dumampot sa bata. Nagpapapalag ito at tila kinagat ang kamay ng lalake kaya napahiyaw ito. Hindi na ako nagdalawang isip pa. Tinakbo ko ang mga ito para saklolohan ang bata. Hiniklas ko ang lalakeng may hawak sa bata at saka ko sinuntok. Sadsad ito sa lupa.
Bumaba ang isa pang nakasakay sa likuran ng van at ang driver na pareho ring may takip ang mga mukha. Tinangka akong suntukin pero nakailag ako. Sinapak ko ito sa mukha saka tinadyakan ang kasama nitong papalapit sa akin. Parehong bagsak ang dalawa. Muling sumugod ang unang napabagsak ko. Hindi na ako nagdalawang isip. Agad kong hinawi ang jacket ko at dinukot ko ang baril ko sa likod ng pantalon ko at saka itinutok sa mga ito. Nagtaasan sila ng mga kamay.
"Ano? Kakasa pa kayo?" tanong ko sa mga ito habang nakatutok ang baril ko.
Nagkatinginan ang mga ito saka tumakbo at nagsipulasan ng sakay sa van, paharurot na umalis. Hinayaan ko na sila. Ayokong gumawa ng eksena sa ngayon at malaman ng iba na pulis ako. Masisira ang pagmamanman ko.
"Ayos ka lang ba?" Yumuko ako at hinagod ang ulo ni Tinay para patahanin ito.
"Opo, Kuya, kaso iyong pagkain po." Pinagmasdan nito ang nagkalat na pagkain. Humikbi ito. Natawa ako. Muntikan na itong madukot pero mas iniyakan ang pagkaing natapon.
"Hayaan mo na. Io-order ulit kita." Inalalayan ko ito at bumalik sa Carinderia para umorder ulit ng pagkain. "O hayan ha, dinamihan ko na. Para hanggang bukas ay may ulam kayo. Initin n'yo na lang mamaya bago matulog para hindi masira agad."
"Opo, Kuya, salamat po." Maluwang na ngiti ang iginanti nito.
"Ihahatid na kita sa inyo." Naaawa ako sa batang ito. Napakainosente para maghirap nang ganito.
"Salamat, Hijo. Problema talaga namin dito ang pagkawala ng kabataan. Ngayon ko lang nasaksihan ang tangkang pagdukot nila. Nakakatakot na rito." Napaantanda ang ginang.
"Sige po, salamat. Ihahatid ko muna ang bata." Inakay ko na ito pauwi sa kanila. May kalayuan pala ang bahay nito.
"Doon po kami, Kuya." Turo nito sa sira-sirang kubo. Kakahuyan na rin ang halos 'di kalayuan sa likuran ng bahay nila.
"Tao po. Narito na po si Tinay," tawag ko sa mga tao sa loob. May isang binatilyo ang nakaupo sa wheelchair, habang isang dalaga ang humawak ng walis tambo, ipinangturo sa bata.
"Tinay, bakit ba ang tagal mo. Nagugutom na kami," sita nito sa bata.
Nag-init ang ulo ko sa inasta nito. "Muntik lang namang madukot ng mga lalakeng nakamaskara ang kapatid mo."
Nabigla ang isang may edad na babeng papalabas mula sa kusina. "Ano'ng... Tinay, ayos ka lang ba?" Patakbo itong lumapit sa bata, hinawi ang buhok nito.
"Ayos lang ako, 'Nay. Tinulungan ako ni Kuya Pogi." Tumingala sa akin si Tinay nang nakangiti.
"Maraming salamat sa 'yo." Tumayo ang ginang.
"Wala ho iyon. Sa uli-uli ay huwag n'yong hayaang pagala-gala nang mag-isa ang bata. May malaki na pala rito, bakit hindi siya ang bumili ng ulam? Mauna na ho ako." Tiningnan ko nang masama ang babaeng may hawak ng tambo bago ako tumalikod. "May mga tao talagang tamad."
Bumalik na ako sa talyer. Natapos na rin agad ang kotse ko. "Salamat ho." Nadaanan ko ulit ang Carinderia, dito rin pala ang daan patungong bayan. Kaunti na lang at nasa UPG na ako, ayon na rin sa address na nasa Waze.
Mahabang kakahuyan din ang nalagpasan ko bago ko natanaw ang ilang estabishment sa paligid. May mga kainan na at shops. Medyo sibilisado na ang lugar na ito. May supermarket na rin. Iniliko ko ang sasakyan sa intersection. Dalawang kilometro mula rito ay UPG na. Dumalang ulit ang mga bahay at shops sa gawing ito.
Nakaturo ang Waze pakanan sa eskinita, sa dulo ang address ng property na ginawang secret base ng UPG branch. Walang pangalan ng UPG sa Waze, pangalan lang ng eskinita ang nasa direksyon. Binaybay ko na papasok ng eskinita. Sa dulo nito ay may malawak na looban. Inihinto ko ang sasakyan sa nakapinid na gate. Ang sabi ni Papa ay may katiwala raw dito. Bumusina ako, may lalakeng tumakbo patungong gate. Medyo madilim na pero pamilyar ang pigura nito. Binuksan nito ang gate at lumapit sa gilid ko.
"Peter?"
"Ako nga, Bossing." Sumaludo pa 'to.
"Kaya pala wala ka sa opisina ni Papa? Kailan ka pa rito?"
"Tatlong araw pa lang. Hindi naman mag-isa si Milet dito. Hindi 'yon pababayaan ni Dark Knight. Alam niyang magagalit ka kapag may nangyari do'n," natatawang biro nito.
"Heh!" bulyaw ko dito. Ipinasok ko na ang kotse sa compound hanggang harap ng malaking bahay. Maluwang ang paligid at maganda. Maaliwalas, may garden pa at gazebo.
Isinara ni Peter ang gate at mabilis na lumapit sa kotse ko. Binuksan ang trunk at kinuha ang dalawang maleta ko. "Ang dami naman nito? Magtatagal ka ba rito?"
"Hindi natin masasabi." Sinipat ko ang kabuuan ng bahay. "Hindi pala building ang kinuha ni Papa. Parang mansyon ito."
"Mansyon nga ito na converted into UPG. Para daw hindi gaanong agaw pansin. Halika, pumasok na tayo. Tingnan mo ang loob." Pinag-tig-isahan namin ang maleta ko paakyat sa bahay. Maluwang ang sala. May tatlong silid ang nasa palibot ng sala. May daan din patungo sa likod. Bukas ko na iikutin ang kabuuan nito. Napapagod na ako.
"Iyong nasa kanan ay gym. Itong nasa kaliwa ay testing area. May ganito rin sa likod para sa monitoring. Itong pinto sa tabi ng hagdan ay classroom area. Nasa taas ang storage room, clinic at ang conference area. Sa third floor ang mga silid natin. Ang garden sa harap at pahingahan sa likod ang meditation area. Hindi ito kalakihan katulad ng building natin na kumpleto, pero sapat na ito para mahasa ang isang may ability," mahabang paliwanag ni Peter.
"Bakit naisipan ni Papa na maglagay ng UPG rito?"
"May nakarating sa kanyang balita noon na may ilang kabataan dito ang may kakayahan. Alam mong nais ng Papa mo na mamulat ang mga may kakayahan na hindi sumpa ang pagkakaroon ng abilidad kundi isang biyaya," may paghangang pagbibida ni Peter kay Papa.
Sabagay, totoo naman. Maging ako ay inalalayan ni Papa. Hindi ko makakalumutang minsan sa buhay ko ay inisip kong sumpa ang mayroon ako, pero hindi na gaano ngayon dahil na rin sa tulong ni Papa.
"Oo nga pala, kanina ay naka-engkwentro ko ang mga nandurukot ng kabataan. Hinayaan ko na silang makalayo dahil masisira ang diskarte ko. Sana lang ay hindi nila ako mamukhaan. Medyo madilim na naman kanina kaya tingin ko'y hindi naman." Naupo ako sa sofa, itinaas ang paa sa center table. Nangalay ako sa mahabang byahe.
"Delikado talaga rito. May isang sampung taong gulang ang kinidnap kahapon, diyan nakatira sa bungad." Naupo rin ito sa single sofa at nagtaas ng paa. "Oo nga pala. Kailan ka pupunta sa ospital?"
"Bukas. Kahit ano'ng bakanteng posisyon ay aapplyan ko." Inalala ko kung saan ko inilagay ang dokumento ko. Ang ipapakita ko ay ang pinasadyang TOR ni Papa, Management ang course ko. Fake document para sa "pag-undercover" kuno ko.
"Wala nga rin palang alam ang pulisya rito tungkol sa UPG, UCIPG o PCU. Wala silang alam sa ability, hindi pa rin ito nape-penetrate ni Dark Knight o ng koneksyon niya kaya huwag tayong magtitiwala kahit kanino."
"Noted. Ako'y aakyat na para makapagpahinga." Tumayo na ako't hinila ang maleta. Tinulungan ako ni Peter para maiakyat ang isa pa.
☆
"Good morning!" bati ni Milet sa akin. Ang ganda ng umaga kung ganito lagi ang bubungad sa akin. Naghahanda ito ng plato at kubyertos sa mesa.
"Good morning din," bati ko rin dito. Lumabas si Peter mula sa kusina, dala ang tig-isang platter ng sinangag at itlog. "May bacon din, pakikuha na lang sa kusina."
Tinungo ko ang kitchen, maluwag at maaliwalas. Mukhang masarap magluto dito kahit hindi ko forte. Natawa ako sa iniisip ko. Kanin nga lang pala ang kaya kong lutuin. Epic fail ako sa pagluluto. Dinampot ko ang platter ng bacon saka dinala sa dining area.
"Sasabay ka ba sa ospital?" tanong ni Milet habang nagsasalin ng sinagag sa plato.
"Sige. Ipakilala mo na lang akong kaibigan o kamag-anak mo para hindi sila makahalata." Kumuha ako ng bacon at sumubo. My favorite, maalat-alat na lasa ng bacon sa agahan ang the best breakfast for me, tapos ay katabi ko pa sa mesa si Milet.
"Ano ang bakante ngayon sa ospital?" wala sa loob na tanong ko.
"Ay, ayun lang. Ang nakita kong nakapaskil doon ay Physical Therapist, Medtech at janitor. Pwede ka bang PT o Medtech?" balik-tanong ni Milet.
"Wala akong alam sa pagmamasahe. Malayo rin sa course na nakasulat sa TOR ko." Napakamot ako sa ulo. Mukhang janitor ang bagsak ko. 'Di bale, titiisin ko, mabantayan ko lang si Milet.
Masagana kaming kumain bago nagpasyang umalis na dahil male-late na si Milet. Bago umalis ay nagbilin ako kay Peter. "Pakihanap ako ng motor. Mas may pakinabang iyon dito kaysa kotse."
"Roger." Sumaludo pa ito.
Ginamit pa rin namin ni Milet ang kotse ko patungong ospital.
☆
"May kalakihan din pala ang ospital dito," manghang sabi ko habang nakamasid sa anim na palapag na building. Malawak ito, kulay puti ang pintura. Maaliwalas tingnan at mukhang bagong renovate.
"Malawak nga, pero kikilabutan ka sa mga nangyayari sa loob." Bumaba kami ng kotse at nagsimulang lumakad patungong ospital. May dalawang babaeng nagwawala sa labas.
"Lagnat lang ang sakit ng anak ko, paano siyang namatay?" hiyaw ng babaeng may katabaan.
"Misis, huwag ho kayong mag-eskandalo rito." Itinulak nang bahagya ng guwardya ang babaeng nagpupumilit pumasok. "Saka bawal na ho kayong pumasok dito. Pati kayo." Turo nito sa isa pang babae, may kapayatan naman ito.
"Bakit ho? Dahil mahirap lang kami kaya ayaw kaming pakiharapan ng may-ari ng ospital para magpaliwanag? Nasaan ang baby ko?!" Itinulak ito nang malakas ng guwardya kaya napaupo ito.
Gusto kong tulungan ito pero inawat ako ni Milet. "Halika na, hayaan mo muna sila. Huwag ka munang gumawa ng eksena. Kailangan mong makapasok sa ospital," bulong nito.
Nagtimpi ako. Kailangan kong magpigil para magawa ang misyon ko. Ang bantayan si Milet, hanapin ang kapatid niya at tuklasin ang kababalaghan ng ospital na ito.
Nagpatuloy na kami sa paglakad papasok ng ospital, nagbingi-bingihan sa naririnig kong reklamo ng dalawang babae. Patungo na kami sa elevator nang may lumagos na kaluluwa palabas mula doon. Maputla ang itsura nito, may gilit sa leeg.
"Marami niyan dito, ospital 'to. Masanay ka na." Pinindot ni Milet ang "up" button sa gilid ng elevator. Maya-maya ay may lumagos ulit na kaluluwa mula sa elevator, bata ito na may sugat sa tiyan. Tumingin pa sa akin bago tumakbo palayo.
Bumukas ang elevator, hinayaan muna naming makalabas ang sakay nito, kasama ang isa pang kaluluwang ligaw bago kami sumakay. Huminto ang elevator sa fourth floor. Hindi ko na lang pinansin ang iba pang nakakasalubong namin paglabas ng elevator. Tinungo namin ang dulong bahagi ng pasilyo saka kumanan. "Nasa dulo ang HR. Iiwan na kita."
"Sige, salamat." Kumaway ito sa akin bago umalis.
Huminga muna ako nang malalim bago kumatok sa HR. "Tuloy."
"Good morning po. Applicant po ako," bungad ko sa babaeng halos kasing edad ko ang nakaupo sa unahang desk. Nahipnotismo yata ito pagkatingin sa akin, 'di agad sumagot. Nakatingin lang. "Ma'am?"
"A-Ah, maupo ka. A-Anong a-apply-an mo?" Naghawi ito ng buhok.
"Management po ang tinapos ko pero nabasa ko sa baba na janitor lang ang available?" Ngumiti ako nang matamis.
"Oo eh. Baka sa isang buwan pa mangailangan ng office staff." Sinipat ako nito mula ulo hanggang paa. "Parang hindi yata bagay ang janitor sa 'yo."
"Ayos lang po. Kailangan ko po talaga ng trabaho, kahit ano'ng trabaho basta marangal, tatanggapin ko po." Nagpa-cute ulit ako. Sana gumana sa kanya para hindi na ako mahirapang makapasok.
"Gano'n ba? Sige, akina ang dokumento mo." Inilahad nito ang palad niya.
Iniabot ko ang envelop ko. Inilabas nito ang mga dokumento ko at pinasadahan ng tingin. "Mukhang ayos naman. Sige, ako na ang bahala sa 'yo. Tanggap ka na. Kailangan din namin agad ng janitor dahil biglang hindi na lang pumasok si Teban. Walang karelyebo si Pinong."
"Talaga po? Yes!" Napasuntok pa ako sa hangin.
"Magsimula ka na bukas." Ngumiti ito nang matamis sa akin. Mukhang nadaan ng charm ko. Iba talaga ang kamandag ng isang Drei George Valdez.
Tahimik na ang gabi, masyado na ring mahaba ang tinakbo ng isip ko. Inaantok na rin ako. Kailangan ko ng lakas para sa paghahanap namin palabas ng gubat. Naghanap ako ng pwestong pwede akong sumandal bago pumikit. Maya-maya ay naramdaman kong may kung anong bumalot sa akin pero hindi ko na iyon pinansin dahil sa sobrang antok at pagod.