CHAPTER 2

1708 Words
Mia Leticia's Point Of View "May mapapahingahan ba tayo? Matagal-tagal na rin tayong lakad-takbo," humihingal na tanong ko kay Drei. Napatingin ako sa orasang pambisig ko. Mahigit isang oras na rin kaming walang tigil sa paglakad. Nasa masukal na parte na kami ng kagubatan. Pagod na rin ang batang lalaking inaakay ko. "Oo nga po, Ate. Pagod na ako. Gusto ko nang umuwi," humihikbi ring sabi nito. May sampung taong gulang lang siguro ito. "Baka po may ahas dito," nahintatakutang sabi ng babaeng High Schooler, akay nito ang batang lalaking may katabaan. "Baka may multo rito!" humihikbing sabi ng isa pang batang lalaking payat, nakahawak ito sa isa pang babaeng teenager na naka-braces. Kumikinang ang braces nito kapag natatamaan ng flash ng phone. "Sandali. Hahanap lang tayo ng ligtas na lugar para makapagpahinga." Nagpalinga-linga si Drei. Itinaas nito ang hawak na phone para ilawan ang paligid. "Hayun. May lumang kubo ro'n." Sinipat ko ang itinuro nitong kubo. Luma na nga ito, mukhang isang bagyo na lang ay bibigay na, pero mainam na ito kaysa sa walang masilungan ang mga kabataang kasama namin. "Halika, doon na muna tayo magpahinga." Tinungo namin ang kubo. Mukhang matagal na rin itong hindi natitirhan ng tao. Napapalibutan na kasi ito ng matataas na talahib. "Ate, natatakot ako." Napakapit ang pinakamaliit na estudyanteng babae sa kasama nitong kanina pa tahimik habang naglalakad kami. Pareho sila ng school uniform. "Huwag kayong matakot. Kasama n'yo kami," pagpapakalma ko rito. Pumasok kami sa loob. Medyo maalikabok na pero may lumang kagamitang narito. Katre, mahabang upuang kawayan, mesa at upuan, ilang kaldero, pingganan at kubyertos. "Mukhang may nakatira na rito dati at inabandona," obserbasyon ni Drei habang nililibot ng tingin ang kabuuan ng kubo. May kalakihan naman ito kaya kakasya kami. "Sandali at lilinisan ko para makapagpahinga tayo ng husto." Kumilos ako't naghalughog ng lumang tela o basahang naiwan ng dating may-ari, pamunas ng katre at sahig. Nakahanap ako ng lumang baul, may ilang kumot, unan at damit ang narito. "Mukhang hindi nakapag-balot ang umalis. Iniwan nang ganito na lang ang bahay." Kinuha ko ang isang lumang damit at pinamunas sa katre, matapos ay inilampaso ko sa sahig. Tinulungan ako ng magkasamang teenagers na pareho ng uniform sa paglinis ng lapag. "Ayan, Ate, malinis na. Pwede na tayong magpahinga." Sumalampak ito nang upo, sumunod na tumabi sa kanya ang kasama nito. Nagkanya-kanyang pwesto kami ng upo. "Nagugutom na ako," daing ng may katabaang bata. Narinig pa namin ang pagtunog ng tiyan nito. Nagkatawanan kami kahit sa ganitong kalagayan. "Sandali, dumito lang kayo. Maghahanap ako ng prutas o kung ano mang bunga sa paligid. Iiwan ko na sa inyo itong phone para may liwanag kayo," paalam ni Drei. "Mangunguha rin ako ng kahoy pang-siga." "Mag-iingat ka," habilin ko rito. Ayokong may mangyaring masama sa kanya. Isa siya sa mga taong pinahahalagahan ko, kahit hindi niya ako gusto. Kahit kaibigan lang ang turing niya sa akin ay tanggap ko. Mahabang ngiti ang sumilay sa aking mga labi. Iniligtas ako ng taong itinatangi ko. "Magpahinga na muna kayo. Kailangan natin ng lakas para makababa tayo ng bundok sa umaga." Sumampa sa malaking katre ang talong batang lalake para magpahinga, pero ang apat na teenager ay nanatiling nakasalampak sa sahig. "Ayaw n'yo pang magpahinga?" "Hindi po ako makakatulog, Ate. Natatakot pa rin ako. Pakiramdam ko, anytime ay may kukuha sa akin." Napayakap sa tuhod ang teenager na naka-braces. "Ako rin, Ate," sagot ng babaeng tahimik mula pa kanina. "Hinahanap na rin ako sa amin." "Mama...." Napayakap ang isa sa kasama nito. "Paano kayong napunta sa kamay ng mga 'yon?" Ang dumukot ba sa akin ay konektado sa grupong nandurukot sa kabataan? "Naglalakad kami ni Ate Erika pauwi galing sa school nang may tumakip sa mga bibig namin. Hindi ko na po alam ang nangyari, paggising namin, madilim na ang paligid," kuwento ng mukhang mas nakababata sa magkapareho ng school uniform. "Ako nga po pala si Elmira. Magkapatid kami ni Ate Erika." "Ako si Milet, ikinagagalak ko kayong makilala." Iniabot ko ang kamay ko sa kanila at tinanggap nila 'yon. "Ako naman, Ate, pauwi na rin galing sa dentist ko. Dumaan lang sa bilihan ng tokneneng, ang bango kasi. Tapos naglalakad na ako patungong pila ng tricycle nang may humintong delivery truck tapos tinakpan ang bibig ko ng panyo yata po iyon. Ang baho nga po eh. Amoy echas. 'Di ko po alam kung may hinalong pampatulog do'n o nahilo ako sa amoy ng panyo. Paggising ko, nakita ko na sina Erika at Elmira do'n sa bahay na inalisan natin." Umayos ito ng upo. "Ako po pala si Joy." "Ako, Ate, sa ospital galing," sagot ng teenager na tahimik. Bigla akog napatingin sa kanya. "Pasyente ka ba sa ospital?" Allergic ako kapag naririnig ang ospital na 'yon. Umiling ito. "Hindi po. Dinalaw ko lang si Mama sa ospital. Palabas na ako kaso nagkamali ako ng nilabasan. Fire exit po yata iyon patungong basement. Sa likod ako ng ospital napadaan. Nakita ako no'ng tatlong lalakeng may isinasakay sa delivery van. 'Di ko naman po alam kung ano 'yong ginagawa nila pero nagalit sila. Kuhanin daw ako, sabi no'ng isa kaya tumakbo ako pero naabutan nila ako. Isinakay nila ako sa van. Nagsisigaw ako pero nagalit 'yong isa kaya sinikmuraan ako." Pumatak ang luha nito. "Si Mama...." "Tahan na. Makakauwi rin tayo oras na magliwanag." Kailangan naming makauwi. Kailangan kong kumpirmahin ang itinatago ng hospital director doon. "Ano nga pala ang pangalan mo?" "Janice po." Nagpunas ito ng luha. "Magpahinga na kayo. Gigisingin ko kayo kapag may pagkain nang dala si Drei. Kailangan natin ng lakas para bukas." Inayos ko ang lumang kumot para gawing sapin ng mga ito sa lapag at ikinumot ang isa pa para sa tatlong bata. May isa pang kumot na available. Kay Drei na lang ito. Nakaidlip yata ako nang makaamoy ako ng parang siga. Nagmulat ako ng mga mata, may liwanag na sumisiwang sa pagitan ng mga butas ng dingding. Tumayo ako't lumabas ng kubo. Si Drei, nakagawa ng siga para gawing tanglaw at pangtaboy ng lamok. Napaka-resourceful talaga nito. "Pumasok ako sa kubo pero nakita kong nakatulog kayo kaya 'di ko na kayo inistorbo." Ngumiti ito bago ibinalik ang tingin sa siga, nagdagdag ng tuyong sanga. "Narito ang saging, kaimito at mangga. Pwede na sigurong pantawid ng gutom kahit ngayon lang gabi at bukas ng umaga." "Maraming salamat, Drei. Utang ko na naman sa'yo ang buhay ko." He's really my ideal guy. Kung hindi lang siguro sobrang pihikan 'to, baka ito na ang boyfriend ko, kaso mailap eh. Ang sabi ni Arlene noon ay may kasintahan ito dati sa Maynila bago sila lumipat sa Doña Trinidad. Baka mahal pa rin niya ang dati niyang girlfriend. Napabuntong hininga na lang ako. "Sandali at ipapasok ko lang ang pagkain sa loob. Gutom na ang mga bata." Kumuha ako ng isang piling ng saging at ilang piraso ng mangga't kaimito. Tinulungan ako ni Drei na ipatong ang mga ito sa saging saka ipinayakap ito sa akin para madala sa loob nan g isang buhat lang. "Kumain na muna kayo." Nagbangunan ang mga bata at nag-unahan sa pagkain. "Salamat, Ate!" sabay-sabay na sabi ng mga ito. "Naku, kay Kuya Drei n'yo kayo magpasalamat. Siya lahat ang nanguha niyan." Binuksan ko ang bintana para maging tanglaw sa loob ng bahay ang liwanag na mula sa siga sa labas. Kinuha ko ang phone ni Drei at in-off ang flash nito. We need to save the battery for emergency tomorrow. Tiningnan ko ang screen nito, 40% battery, emergency calls only. Napabuntong hininga na lang ako. Lumabas ako ng kubo at umupo sa batong pinag-tumpok siguro ni Drei para maupuan ko. "Phone mo." "Salamat. I'll turn it off first. We need this tomorrow." Ini-off nito ang phone. "Ano ang nangyari sa 'yo sa ospital?" Napatingin ako sa kawalan. Inalala ang nangyari. Flashback "Nasaan na ba si Drei? Time-out ko na." Tinungo ko ang fifth floor kung saan naroon ang office ng housekeeping. "Hello, si George po?" tanong ko sa kasamahang janitor ni Drei. "Bumaba. Pinaglinis ni Doc sa fourth floor," sagot nito. "Sige, salamat." Tinungo ko ang elevator para bumaba sana pero ang tagal, dalawang beses nang lumagpas ito dahil may sakay na pasyenteng nasa stretcher at ilang staff. "Makapag-staircase na nga lang." Dumaan ako sa fire exit, bago pa ako makarating sa fourth floor ay may narinig akong nag-uusap. "Siguraduhin n'yong malinis ang trabaho n'yo. Sige na, lakad na," tinig ng isa. Pamilyar ang boses niya, parang si Director Mario Guzman. Sumilip ako nang bahagya, nakita ko siya at may kausap na isang lalakeng mahabang buhok at isang may katabaan. Pumasok sa exit door si Director Mario pabalik sa loob ng fourth floor habang bumaba naman ang dalawang kausap nito. Kunot-noong sinundan ko sila, maingat na kilos. Mabuti na lang at hindi ako naka-heels ngayon. Nakababa ang dalawa hanggang basement. "Saan ka ba galing?" tanong ng isa sa lalaking pasalubong sa kanila. "Bumili lang ng yosi." Napatingin ito sa gawi ko. "Hoy!" Nataranta ako kaya tumakbo akong pabalik sa hagdan pero naabutan nila ako. Nahiklas ng isa ang buhok ko habang sinikmuraan ako ng isa. Hindi ko na alam kung ano ang nangyari. "Gano'n nga ang nangyari," kuwento ko kay Drei. "Kung susumahin, wala ka namang nalamang kakaiba sa kwento mo pero kinuha ka nila. It means, may nakita kang hindi mo dapat nakita o may narinig ka na hindi mo dapat marinig?" pag-aanalisa ni Drei sa nangyari. "Parang gano'n na nga. Kailangan nating makabalik at manmanan si Director Mario." Kumagat ako ng saging habang nagmumuni-muni pa rin ng mga nangyari sa akin. "Delikado na kung babalik ka pa sa ospital." Ramdam ko ang pag-aalala sa tono ni Drei. Parang may kung ano'ng humaplos sa puso ko. "Pero kailangan kong mahanap ang kapatid ko. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko siya nakikita." "Pag-usapan at pagplanuhan natin 'yan pagbalik sa kabayanan. Sa ngayon ay magpahinga na muna tayo. Bukas ay hanapin natin ang daan palabas ng gubat." Tumayo na ito at inalalayan akong tumayo, inakay papasok ng kubo. "Kailangan kong panatilihing may ningas ang siga. Mamaya na ako matutulog. Goodnight."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD