Drei's Point Of View
"Aah!" Nangalay ako sa pagkakatulog nang nakaupo, nagka-stiff neck yata ako. Napatingin ako sa kumot na naka-cover sa akin. Napangiti ako, inalala pa rin ako ni Milet kahit nasa ganito kaming sitwasyon.
I checked my wrist watch, 7:00 am na. I stood up and looked around. Puro talahib at puno sa paligid, hindi namin mahahanap ang palabas dito kung patuloy lang kaming maglalakad, mapapagod lang ang mga bata. Pakiramdam ko rin ay hinang-hina ako. Kulang ang itinulog ko, hindi rin sapat ang kinain kong ilang piraso ng saging mula kagabi. Tumayo ako't pumasok sa kubo dala ang isang piling ng saging na natira kagabi, tulog pa sila.
Nagpungas ito ng mata at ngumiti, saka tila naalala ang mga nangyari. Bumalikwas ito ng bangon. "Drei."
Hinawakan ko ang kamay nito. "Mahihirapan tayong makababa dahil hindi natin kabisado ang gubat. Ako muna ang maghahanap ng daan pabalik sa bukana ng kakahuyan at mag-iiwan ng marka. Babalik ako agad."
Humigpit ang hawak ni Milet sa kamay ko. "S-Sige. Mag-iingat ka."
"Babalik din ako kaagad." Lumabas na ako't namulot ng ilang piraso ng uling mula sa siga ng kahoy kagabi. Kakailanganin ko ito para markahan ang daan at mabalikan ko sila mamaya. Ini-on ko rin ang phone ko, baka sakaling makasagap ng signal mamaya ay makatawag agad ako.
Naglakad-lakad ako habang minamarkahan ng maliit ang ibabang bahagi ng mga puno at kawayang nadadaanan ko kahit nakakaramdam ako ng panlalambot at pagkahilo, kailangan kong makarating sa labas ng kakahuyan. Kailangan ko ng lakas para makalabas at makabalik sa kubo. Nagpalinga-linga ako sa paligid ngunit walang hayop na maaaring kuhanan ng energy. Napatingin ako sa napakalaki at mayabong na puno sa harapan. Pwede na ito pansamantala. Ang isang puno ay sagana sa energy at life source. Nilapitan ko ito at hinawakan. "Pasensya na, kaibigan. Pahingi lang ng kaunting energy." Naramdaman ko ang pagdaloy ng enerhiya mula sa puno patungo sa palad ko. Ang sarap sa pakiramdam. Sinamyo ko ang malamig na hangin habang hinihigop ang enerhiya ng puno. Nang maramdaman kong sapat na ang nakuha ko ay binitawan ko na ito.
Napatingala ako sa puno, maraming dahon ang nalanta at nalaglag mula rito. Napabuga ako ng malakas na hangin. Ang pinakatatagong sikreto ko-- may mga pagkakataong kailangan ko ng energy o life source mula sa ibang nabubuhay na nilalang. I am a Psychic Vampire, at ayokong malaman ito ng kahit sino pero sabi ni Papa ay kailangan ko raw i-disclose ito sa team. Maliban kina Mama at Papa, ang kinakapatid kong si Hannah lang ang nakakaalam nito.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad at pagmamarka ng mga puno. Pakiramdam ko'y nasa gitna pa rin ako ng kakahuyan. Malayo-layo na rin ang nilakad ko pero puro puno at talahib pa rin ang nakikita ko sa paligid. Halos isang oras na rin akong naglalakad nang makaamoy ako ng masangsang na kung ano. Parang mula sa karne o dugo ng hayop. Hinanap ko ang pinagmulan ng amoy nang magulantang ako sa nakita ko. Isang batang babae ang wakwak ang tiyan at dibdib, labas ang ilang laman-loob nito. Napatakip ako ng ilong. Mas nagimbal ako nang makita ko ang mukha ng bata-- si Tinay! Ang batang iniligtas ko noon sa mga nagtangkang dumukot sa kanya no'ng unang tuntong ko sa San Joaquin. Nahabag ako sa sinapit ng bata. Nabiktima pa rin ito ng mga masasamang taong ginagawang hanap-buhay ang laman-loob ng mga bata.
Minarkahan ko ang puno sa 'di kalayuan para mabalikan ko ito. Kailangan ko talagang mahanap ang daan palabas at mai-report ito sa pulisya. Lakad-takbo ang ginawa ko para makalabas agad. Matagal-tagal ang inabot bago ko napansing dumadalang na ang puno at talahiban sa paligid. Narinig ko na rin ang ilang ugong ng sasakyang dumadaan 'di kalayuan sa pwesto ko. May kalayuan pala kami mula sa kubong pinahingahan namin.
Natanaw ko na ang main road nang tumunog ang phone ko. Agad-agad ko itong sinagot. "Hello?"
"Hello, Drei? Si Hannah 'to! Nasaan ka?" Bakas sa tinig ng kinakapatid ko ang pag-aalala.
"Nasa gilid ng kakahuyan na ako. Naroon sa loob si Milet pati ibang batang dinukot. Kailangan ko ng tulong. May patay din sa kakahuyan." Kumakabog ang dibdib ko dahil sa excitement.
"Saang banda ka? Baka nasa malapit ka lang? Binabaybay namin itong gilid ng mahabang kakahuyan eh."
"Hindi ko alam." Sinipat ko ang daan. "Nasa gilid ako ng maluad na daan. Mukhang dito rin sa bahaging ito naiwan ang motor ko kagabi."
"Sige, lupa na rin ang daang tinatahak namin. Stay put. Wesley, pakibilisan, ikutin natin ang kakahuyang ito. Nasa paligid lang si Drei."
Iyong Wesley ang may psychometric ability. Maswerte siya sa abilidad niya, mas may pakinabang kumpara sa mayroon ako.
Nag-aabang ako sa gilid nang makarinig ako ng kaluskos sa likuran. May paparating. Nagtago ako sa makapal na talahib. Ang dalawang kasamahan na pinatumba ko kagabi. Nag-iikot ang mga ito, mukhang hinahanap pa rin ang mga bata.
"Palagay mo, saan nagsuot ang mga bihag? Kalsada na ito pero wala tayong nakita," sabi ng may katabaang lalake.
"Hindi ko alam. Malamang na nakalabas na ang mga 'yon. Kung hindi ba naman tatanga-tanga ang mga tauhang nakuha natin eh, matulog ba naman magdamag?" paninisi ng mahaba ang buhok. Pamilyar sa akin ang isang ito pero hindi ko maalala kung saan ko siya nakita. "Halika na, bumalik na tayo sa kotse. Mag-report tayo kay Boss." Umalis na ang mga ito pabalik sa loob ng kakahuyan.
Lumabas ako sa pinagtataguan ko at nag-abang sa gilid ng kalsada. May nag-menor na black van at tumapat sa akin.
"Drei!" Bumaba si Hannah mula sa passenger's side.
"Hannah! Salamat at dumating kayo. Kailangan ko ng tulong. Nasa loob pa ng gubat ang mga nakatakas na bihag. May patay rin sa kakahuyan." Nakaramdam ako ng habag nang maalala ko si Tinay. She could have a bright future ahead, napakabibong bata, pero sinayang ng mga walang kaluluwang gahaman sa pera.
"Halika na, balikan na natin sila," aya ni Hannah.
"Sandali, Hannah, mas mainam kung maiwan na lang kayo dito. Kami na lang ang papasok," suggestion ng lalakeng bumaba mula sa driver's seat. Gwapo ito, matikas at mukhang matalino. May punto siya, hindi kami dapat pumasok lahat at baka pare-pareho lang kaming ma-stranded sa loob.
"May point siya, Hannah. Dumito na lang kayo. Hintayin n'yo kami. Mahigit isang oras ang lakad pabalik sa loob kung mabilis na lakad-takbo ang gagawin, lalo na't may marka na akong ginawa sa daan kaya mas mapapabilis kami. Kapag wala pa kami sa loob ng mahigit dalawang oras, ipa-rescue n'yo na kami," pag-sang-ayon ko dito.
"S-Sige, mag-iingat kayo." Sumakay ulit si Hannah sa passenger's side.
Naglakad na kami papasok ng kakahuyan. "Ako nga pala si Drei," pakilala ko rito.
"Ako si Wesley," pakilala rin nito. Nag-abot ito ng palad, nag-alangan akong tanggapin dahil halos magkapareho kami ng pamamaraan sa paggamit ng kakayahan. He reads energy from inanimate objects while I suck energy and life force-- gamit ang aming mga kamay.
"I'd like to do a shake hands, pero ayokong manganib ka. Hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon."
"Why?" Nagtataka ang mga tingin nito.
"Ipapaliwanag ko oras na magsimula ang official undercover investigation natin," paliwanag ko rito.
"Sige, nauunawaan ko." Namulsa ito at nagpatuloy sa paglalakad.
"Minarkahan ko ang daan patungo sa kubo." Itinuro ko ang ibabang bahagi ng mga puno na nadadaanan namin. "Madadaanan natin ang katawan ng batang pinaslang."
Malayo-layo na rin ang nalalakad namin nang maamoy ko ulit ang masangsang na katawan ng bangkay. "Ano bang amoy 'yon?" Napatakip ng ilong si Wesley.
"Malapit na ang katawan ng biktima." Hinawi ko ang makapal na talahib. "Hayun."
"Oh my... sinong walang budhi ang gumagawa ng ganitong kasamaan? Pati ang walang malay na bata?" Bakas sa mga mata ni Wesley ang pagkamuhi sa mga gumawa nito sa bata.
"I know. At kilala ko ang bata. I met her last month. Pagbabayarin ko ang gumawa sa kanya nito." Inilayo ko ang paningin ko sa bangkay. "Halika na."
"Sandali." Dumukot ng phone si Wesley sa bulsa nito at kinuhanan ng litrato sa iba't ibang anggulo ang katawan ng bata. "Malamang na hindi tayo makalapit sa katawan niya mamaya pagka-report natin."
Tama ako, matalino nga ito at nasa sistema na ang pagiging pulis. Undercover kami dito at magmamanman sa mga nangyayari. May nakapag-report kay Dark Knight na kasabwat ang ilang myembro ng kapulisan sa mga kaguluhang nangyayari dito.
Binaybay namin ang daan pabalik sa kubo. Mataas na ang araw at mainit na ang hangin. Tagaktak na rin ang pawis namin. Pakiramdam ko'y nasaid na ang nakuha kong energy sa puno.
"Hoy! Sino kayo?" sita ng isang tinig ng lalake mula sa likuran namin. Nilingon namin ang mga ito. Ang dalawang naghahanap sa mga bata kanina. Hindi pa pala nakakalabas ng gubat ang mga ito.
"Mga nangangahoy lang ho," sagot ni Wesley. Muntik na akong matawa. Wala sa porma niya ang mangangahoy. Ako, pwede pa. Marungis na ang suot kong uniform ng ospital.
Sinenyansan ni long hair ang kasama nito. Pasugod na lumapit ang mga ito sa amin kaya wala na kaming choice kundi ang lumaban.
Sinugod ng mataba si Wesley, at ako ang hinarap ng mahaba ang buhok. Ilang ulit akong sinubukang patamaan ng suntok pero hindi ito makatama. Napangisi ako. Nagkamali ito na kinompronta pa kami, lalo na ngayon na masama ang pakiramdam ko. Sinapo ko ang kamao nito saka ko inundayan ng suntok. Mao-off balance ito kaya inagapan ko ang kwelyo niya para hindi siya matumba, saka ko ito sinakal. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa leeg nito para hindi ito maghinala. Baka makilala ako nito at malaman ang kakayahan ko. Unti-unti itong lumupaypay hanggang sa bumagsak.
Napansin kong nakatingin si Wesley sa akin. "Ano ang ginawa mo? B-Buhay pa ba 'yan?"
Maluwang na ngiti muna ang naisagot ko. I feel energized. "Buhay pa 'yan, pero mamaya na babangon 'yan." Nilapitan ko ang napatumba niya. May malay pa rin ito at may balak pang bumangon. Nilapitan ko ito at hinawakan sa leeg saka ko ginamit ang ability ko. Nawalan ito ng malay at bumagsak sa lupa.
"Ano ba talaga ang kakayahan mo?" curious na tanong ni Wesley habang kinukuha nito ang ilang gamit ng mga walang malay. Cellphone no'ng isa at lighter naman ng isa pa.
"Sa UPG ko na sasagutin 'yan. Kailangan na nating balikan ang mga bata." Tinignan ko ang mga hawak niya. "Aanhin mo 'yan?"
"Sa UPG mo na malalaman. Tara na." Nagsimula na itong maglakad at sinundan ang mga markang ginawa ko. Natatawa na lang ako habang nakasunod sa kanya.
Narating namin ang kubo kung saan ko iniwan ang mga bata at si Milet. Nagkakatuwaan ang mga ito pagkarating namin. "Drei," masayang salubong ni Milet sa akin. Tumingin ito sa kasama ko.
"Si Wesley, mula sa PCU," pakilala ko dito.
Tila lumiwanag ang mukha ni Milet. "Ah, ikaw ang sikat na taga-PCU. Lagi kang naku-kuwento ni Dark Knight."
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng selos. "Halika na, bumaba na tayo sa kakahuyan. Marami pa tayong kailangang gawin." Tumalikod na ako't naglakad palayo.