"Tanya! Tanya!" Sigaw nang sigaw ni Cruzette.
"Bakit po, Ma'am?" tanong ng kanyang sekretarya.
"Kanina pa ako tawag nang tawag sayo, bakit hindi ka sumasagot?" galit ang mukhang tanong ni Cruzette.
"E, kasi po..." nakayuko at tila nanginginig na wika ng sekretarya.
"Wala akong pakialam sa kasi, kasi mo na yan! Nasaan si JR? Bakit ilang araw ko na siyang hindi nakikita rito sa opisina?" nakataas ang kilay at sunod-sunod na tanong ni Cruzette.
"Ma'am sorry po. Hindi ko po alam kung bakit. Ilang araw ko na rin po siyang hindi nakikita sa opisina. Baka po may pinagawa sa kanya si Mr. Montego," sagot ng sekretarya. Nag-isip at ilang minuto pa, nagsalitang muli.
"Pakidala na lang ng mga papeles at dokumentong ito sa desk ni Sir mo Montego. Ako na ang bahala kay JR. Umalis ka na." humupa ang kanina pang galit ni Cruzette at agad na pinatalikod ang swivel chair niya.
"A.. e... Ma'am, may ipag-uutos pa po ba kayo?" nagbabakasakaling tanong ni Tanya.
"Wala na! Ayusin mo na lang ang trabaho mo. Makakaalis ka na." tugon naman ni Cruzette habang nanatiling nakatalikod sa sekretarya. Nagpaalam na si Tanya at lumabas sa opisina ni Cruzette na halatang pinagpawisan na naman sa maldita niyang boss sa HR Department. Araw-araw ay ganoon ang eksena sa opisina.
"Kung bakit ba kasi wala si JR! Nakakainis lang!" napasabunot at naihilamos ni Tanya ang kamay sa kanyang mukha habang pabalik sa kanyang work station. Aminado si Tanyang dismayado siya dahil ilang araw na ngang wala si JR. Iyon din ang pinagtataka niya. Kapag kasi narito si JR sa HR Department ay hindi mainit ang ulo ng kanyang Ma'am Cruzette. Palibhasa kasi type ng kanyang boss si JR.
SAMANTALA, tumayo si Cruzette sa kanyang swivel chair at naglakad-lakad sa loob ng kanyang opisina. Nasa ikasampung palapag siya ng gusaling pinagtatrabahuhan niya bilang Head ng HR Department. Ilang taon niya rin itong pinagsumikapang maabot. Ilang taon rin siyang nagtiis hanggang sa napansin rin ni Mr. Montego ang kanyang kakayahang mag-asikaso at maghanap ng mga taong mapagkakatiwalaan at makakatulong sa pagpapalago ng business ng mga Montego. At sa ilang taong pamamalagi niya sa opisinang iyon, isa lang ang hindi niya nakuha - ang mapa-ibig si JR na siyang kapatid ni KZ at anak ni Mr. Montego.
Ilang beses na ba niyang ini-offer ang sarili. Ilang ulit na ba siyang nagpakatanga sa pag-ibig. Ilang karayom na ba ang nalunok niya para lang maramdaman ang sakit. Ngunit, wala pa rin! Walang-wala lang para sa kanya ang mga sakit na iyon. Umaasa pa rin siyang baling araw ay matututunan siyang mahalin ni JR. Maganda naman siya. Petite at may mga matang magpapahulog sa puso ng isang lalaki. Malakas ang kanyang s*x appeal sa mga lalaki. Hindi nga lang siguro napapansin ni JR ang kanyang mala-beauty queen na vital statistics na 34-23-34. Ilang lalaki na ba ang nahumaling sa kanya sa loob at labas ng opisina? Hindi na niya mabilang. Napapailing na lamang siya sa kanyang naiisip. Ilang minuto ang nakalipas, bumalik siya sa kanyang desk at nagsimulang magbasa ng mga applicants. Isa-isa niya ring in-upload ang mga aplikanteng may potential na maging worker sa computer hanggang sa hindi na niya namalayan ang oras.
Tok. Tok. Tok.
"Ma'am Cruzette, alas nuwebe na po! Hindi pa po kayo tapos diyan?" wika ni Tanya na matapos buksan ang pinto ng kanyang opisina ay sinilip pa muna siya.
"Mauna ka na, Tanya. Isang papers na lang at matatapos ko na ang gawain ko. Hindi pa nag-text o tumawag sa opisina natin si JR?" sagot ni Cruzette.
"Hindi pa po, Ma'am. Kapag tumawag o nag-text na po si JR, ipapaalam ko sa inyo. Mauna na po ako. Mag-ingat po kayo sa pag-uwi. Bye, Ma'am." isinarado na ni Tanya ang pinto. Naiwan namang tutok na tutok pa rin si Cruzette sa huling papeles na tinatapos niya.
Sumapit ang alas diyes ng gabi, nakahinga nang maluwag si Cruzette dahil natapos niya rin sa wakas ang huling gawain niya. Ang kanyang opisina na lamang ang nakabukas nang mga oras na iyon. Lahat ay nagsipag-uwian na. Hanggang alas diyes lang kasi ang allowed na oras na pwedeng ibigay para sa mga empleyado ng kompanya para mag-overtime. Kapag lumagpas pa roon, magiging tulugan na nila ang mismong opisina. Hindi na kasi sila papayagan pang lumabas kapag ganoong mga oras dahil bawal. Ngunit, siya lamang ang nakakabali ng regulasyon na iyon at pinayagan naman siya ni Mr. Montego basta't work-related ang mga ito. At kilala niya na rin ang guwardiya na madalas niyang napapaki-usapang huwag siyang iwang mag-isa sa loob.
"Magandang gabi po, Ms. Cruzette. Akala ko po diyan na kayo sa loob ng opisina matutulog ngayon. He-he." nakangiting bati ng guwardiya.
"Naku, buti nga natapos ko nang mas maaga ang gawain ko ngayon e. At salamat nga po pala dahil hinintay niyo akong makalabas." magalang na sagot ni Cruzette.
"Samahan ko na po kayo hanggang sa basement, Ma'am," boluntaryong tugon ng gwardiya.
"Naku, manong guard, 'wag na po kayo mag-alala. Kaya ko na po ang sarili ko. Maraming salamat na lang po sa alok ninyo." tanggi ni Cruzette.
"Kayo po ang bahala. Hindi talaga ako naniniwala na bad person kayo, Ma'am kasi, iba ang pakikitungo ninyo sa akin. At dalangin ko po ang inyong kaligtasan ngayong gabi sa inyong pag-uwi. Ingat po kayo, Ma'am." pamamaalam ng gwardiya. Lihim na lamang na napangiti si Cruzette sa winika ng gwardiyang iyon. Sa loob-loob niya, hindi naman siya maldita o suplada sa totoong buhay. Sa opisina lang siya nagiging iritable at strikto dahil kailangan.
Nang makarating sa basement ay agad niyang hinanap ang kanyang kotse. May kadiliman na rin ang basement nang mga oras na iyon. Binuksan niya ang kanyang bag at hinanap ang susi ng kanyang sasakyan nang bigla na lamang makaramdam siya ng kakaibang ihip ng hangin. Tumayo ang kanyan mga balahibo sa kamay at leeg. Lumingon siya sa paligid at napansing isang kotse na lang ang naroroon.
Ramdam niya ring parang may nakatingin sa kanya. Agad niyang binilisan ang paglalakad hanggang sa makarating siya sa kanyang sasakyan. Dali-dali niyang sinusian ang pinto at pumasok sa loob ng kotse. Nanginginig na ang kanyang buong katawan nang mga sandaling iyon at aksidente niyang nabitawan ang susi upang i-start ang engine ng sasakyan. Hinanap ng kanyang mga mata ang susi sa kanyang paanan at kinuha iyon.
Nang makuha ang susi, isinara na niya ang pintuan ng sasakyan. Ni-lock niya ang lahat ng pinto nito upang siguraduhin hindi siya mapapasok ng sino man. Subalit, laking gulat niya nang pagtingin niya sa rear-view mirror ay isang aninong nakasuot ng maskara ang bumungad sa kanya. Titili pa sana siya at sisigaw nang pagkalakas-lakas. Subalit, bigla siyang sinakal ng lalaki. Ang isang kamay nito ay mahigpit ang pagkakasakal sa kanyang leeg habang ang isang kamay niya ay unti-unting tumataas. Isang nakakasilaw na kutsilyo ang hawak niya.
Agad niya itong itinaga kay Cruzette pero mabilis ring napigilan iyon ni Cruzette. Pilit na pinipigilan ni Cruzette ang unti-unting pagbaon ng kutsilyo sa kanyang dibdib habang siya ay sakal-sakal. Iniuntog ni Cruzette ang kanyang ulo sa ulo ng lalaki at nabitawan siya. Tumilapon rin sa loob ng sasakyan ang kutsilyo. Agad binuksan ni Cruzette ang pinto. Lumabas siya sa kotse habang sapo-sapo ang leeg na pilit na lumalanghap ng hangin.
"Tu-Tulonggg! Tu-tuloonnngg!"
Pinilit niyang sumigaw pero kinakapos siya ng hininga. Panaka-naka ring lumilingon si Cruzette sa kanyang likuran habang tumatakbo palayo sa aninong hindi niya kilala. Nang mga oras na iyon, ang mga ilaw sa basement ay umaandap-andap. Tila may sariling isip na hinaharangan ang liwanag sa kanyang dinaraanan. Iminulat niya ang kanyang mata at paiko-ikot na nagmasid at pinakiramdaman ang sumusunod sa kanya, ngunit, isang kamay ang humablot sa kanyang buhok at kinaladkad siya pabalik sa kanyang kotse. Halos matanggal ang anit sa kanyang ulo sa pagkakasabunot sa kanya.
Pilit niyang tinatanggal at hinihila ang buhok ngunit, sadyang malakas ang humihila sa kanya. Hindi na namalayan ni Cruzette ang pag-agos ng mga butil ng luha sa kanyang pisngi habang nilalakasan ang loob. Nang makarating sa kinaroroonan ng kanyang kotse, binitiwan siya ng lalaki. Napaluhod naman ng wala sa oras si Cruzette at nagmamakaawang pakawalan na siya.
"Parang awa mo na? Ano ba ang kasalanan ko sayo? Sino ka ba? Sino ka?" sunod-sunod ang tanong ni Cruzette. Wala namang imik ang kanyang kaharap. Patuloy pa rin ang pagsusumamo ni Cruzette hanggang sa maramdaman na lamang niyang bumaon sa kanyang likuran ang isang matulis na bagay. Bumulwak ang pulang likido sa kanyang bunganga. Sumirit naman ang iba sa kanyang damit hanggang sa napadapa siya sa konkreto.
Nag-aagaw buhay na nang mga oras na iyon si Cruzette nang bigla siyang iniharap ng nakamaskarang lalaki sa kanya. Tinitigan siya lamang nito. Hindi niya rin mawari ang ekspresyon ng mukha nito dahil may takip ito. Ilang sandal pa, buong pwersa nitong ibinaon ng ilang beses ang kutsilyong markadong-markado na ng kanyang dugo.
Sa bawat pagbaon ng punyal sa iba't-ibang parte ng katawan ni Cruzette ay kasabay rin ang pagdaloy ng mga luha nito. Upang tapusin ang kanyang buhay, pinuno ng butas ng lalaki ang paligid ng kanyang dibdib kung saan nakatago ang kanyang puso hanggang sa naramdaman na lamang ni Cruzette na dinukot ang kanyang tumitibok pang puso.