Prologo
Takbo nang takbo ang isang lalaki palayo sa isang madilim at napapaligiran ng mayayabong na mga puno. Hinahabol siya ng anim na kalalakihan. Ang nasa unahan ay may hawak na matulis na punyal at sigaw nang sigaw. "Hindi ka makakatakas sa akin! Kukunin ko ang puso mo!" Habang ang dalawang lalaking sumusunod sa kanya ay may hawak na mga itak. Ang tatlo naman sa likuran ay may dala-dalang sulo na nagsisilbing tanglaw sa kanilang dinaraanan.
Kahit duguan ang ulo at hapong-hapo na ang lalaking kanilang hinahabol, dire-diretso lang ito sa pagtakbo. Hindi na inalintana ang panganib na naghihintay sa kanya. Pinatay na rin lamang ang kanyang pinakamamahal, ano pang silbi niya kung sakaling mahuli siya. Ang mahalaga ay nagtangka siyang makaalis dahil naipangako niya sa kanyang minamahal na maghihiganti siya sa oras na siya ay makatakas. Ngunit malabo na yatang mangyari pa iyon. Hindi na niya matutupad sa kanyang yumaong minamahal na pinaslang ng mga lalaking humahabol ngayon sa kanya ang ninanais niyang Hustisya dahil malapit na siyang mahuli. Hindi siya lumingon. Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa mapansin niyang bangin na pala ang kanyang tatakbuhan. Hindi na rin siya pwedeng umatras dahil nakaabang na ang mga taong papatay sa kanya.
"Hanggang diyan ka na lang! Akin na ang puso mo! Kailangan ko 'yan!" Sigaw nang sigaw at tuturo-turo nito sa lalaking isang atras na lamang ay mahuhulog na sa bangin.
"Hindi mo kailanman makukuha ang puso ko! Nakuha mo man ang puso ng pinakamamahal ko, hindi ako makakapayag na pati ang puso ko ay iaalay mo sa kampon ng demonyo!" Asik naman nito ng lalaking malapit ng mahulog sa bangin.
"Kung ganoon, wala akong choice kung hindi ang hulihin ka! Dakpin niyo siya!" Utos nito sa kanyang mga kasama.
"Bago pa man mangyari ang nais mo, ngayon pa lamang ay binabalaan na kita! Sa ngalan ng mahabaging Diyos sa langit, isinusumpa kong ang magiging anak mo. Siya ay hindi kailanman iibigin ng babaeng kanyang mapupusuan. Sa halip, magiging kampon din siya ng kasamaan. Sisiguraduhin kong ang kanyang puso ang huling iaalay matupad lamang ang kanyang kahilingan at ang iyong inaasam-asam na magsasama kayo ng iyong mahal!"
Nang banggitin ng lalaking iyon ang mga salitang kanyang binitiwan, kumulog at kumidlat. Biglang umiyak ang langit. Lumakas ang ihip ng hangin. Tinamaan ang lalaki ng kidlat at nahulog sa bangin pababa sa isang malalim at napakalawak na karagatan. At sa karagatang iyon, unti-unting lumubog ang kanyang katawan sa pinakailalim na parte ng dagat. Ganoon na lamang ang galit ng isang lalaking hindi nagawang maisakatuparan ang kanyang matagal ng binabalak - ang buhayin at ibigin siya ng pinakamamahal niyang babae.
Kaya naman bumalik sila kagubatan. Humarap sa isang altar na puno ng iba't ibang imahe ng diyablo ang pinuno. Isang balot na balot at nakaitim na nilalang ang nasa kanyang harapan. May baston itong may nakasabit na maliliit na bungo. Maging sa kanyang leeg ay may kwintas na may mga palawit ng iba't ibang hugis ng ngipin at maliliit na bungo. Lumuhod sa kanyang harapan ang lalaki at nag-usal.
"Hindi ko po nakumpleto ang hinihingi ninyo. Hindi ko na rin po mabubuhay ang babaeng pinakamamahal ko. Mas mabuti pang wakasan ko na lamang ang aking buhay kaysa maging malungkot muli. Kunin niyo na po ako." wika niya.
"May pagkakataon ka pang ma-kumpleto at matupad ang kahilingan mo. At iyon ay sa pamamagitan ng iyong magiging binhi. Sa oras na umibig ang iyong anak na lalaki sa isang babaeng hindi siya iibigin, siya ang gagamitin mo. Kung ano man ang kondisyon na iyon, kailangan mong bumalik sa akin pagkatapos ng 20 taong kapanganakan ng iyong anak at sasabihin ko sayo."
Pagkatapos magsalita ng lalaking nasa kanyang harapan ay namatay ang buong liwanag sa loob ng kuwebang iyon at naglaho ring parang bula ang lalaki.