Umagang-umaga ay napadpad kaming tatlong magkakaibigan sa katapat na coffee shop ng university namin.
Hindi para lang magkape nang libre kundi para na rin busugin ang mga mata namin ng kagwapuhang taglay ni Migoh.
Hindi namin matanggihan iyong libreng kape dahil maliban sa kape na iyong dumadaloy sa kaugatan naming tatlo ay wala rin kaming pinapalampas na libre! Idagdag pang marupok kami kapag gwapo iyong mag-aya!
Nilibre na nga kami ng kape ni Migoh ay may makasama pang free viewing sa kung paanong magkape iyong gwapong katulad niya.
Magkakatabi kaming tatlong magkakaibigan at kahit pare-parehong mahihilig sa kape ay lumamig na iyong sa'min dahil mas nakakaengganyong panoorin ang bawat sipsip ni Migoh sa kape nito habang nakaupo katapat namin.
Enjoy na enjoy si Migoh sa kanyang kape habang aliw na aliw din kaming pinapanood siya. Ang sarap talaga magkape kapag ganito!
"Kung ganito araw-araw ay 'di bale nang mag-ilusyon ka buong school year," pabulong anas ni Tokning habang kipkip ang tasa ng sariling kape pero nasa kaharap namin ang buong atensiyon.
"Talaga bang nilibre tayo ngayon ng isang Migoh Carson?" hindi makapaniwalang mahinang tanong ni Menggay. "Pwede kayang i-preserve 'tong kape ko for remembrance?"
Kaya siguro hindi nito iniinom iyong kape ay dahil sa iyon ang binabalak nitong gawin simula pa lang.
Ako naman ay hindi ko ginagalaw iyong kape ko dahil ayokong dagdagan iyong palpitation ng puso ko sa bawat pagpe-flex ng mga muscle ni Migoh tuwing tinataas niya iyong tasa ng iniinom niyang kape papunta sa kissable lips niya.
Ngayon ko lang lubusang napagtuonan ng pansin kung gaano kabagay sa kanya ang nurse uniform na required ng school para sa mga nursing student.
Naalala ko tuloy kung paano ako nagka-crush sa kanya bago ko nasilayan si Rusca.
Magkakasala pa yata ako nito kay Rusca nang slight!
Habang nakatitig ako ngayon kay Migoh ay hindi ko maiwasang manghinayang dahil lalo yata siyang nagiging yummy habang tumatagal.
Ito iyong sinayang ko noon na gusto ko nang lawayan ngayon! Pwede pa naman siguro dahil hindi pa naman kami ni Rusca.
"Anong oras ang pasok ninyo?"
Napakurap-kurap pa ako dahil hindi ko agad naintindihan ang tanong ni Migoh.
Doon kasi ako nakatingin sa labi ng tasa dahil parang nagbabago ang pangarap ko tuwing lumalapat iyon sa mga labi ni Migoh.
"Eight- thirty ang una naming subject," kiming sagot ni Tokning.
Hindi ko maiwasang mapaingos sa direksiyon nito dahil akala ko ba ayaw nito sa katulad ni Migoh na Carson pero nahihimigan ko iyong kalandian sa tono nito ngayon!
Nilibre lang ng kape ay biglang gusto na niya agad itong si Migoh? Kung mamalasin ay magiging magkamag-anak pa kami nito!
Parang gusto ko tuloy bigyan ng anting-anting itong si Migoh, pananggalang sa gayuma at baka kumapit sa patalim itong si Tokning at biglang lumapit sa albularyo!
My gosh! Naisip ko rin naman iyan noong una pero mas madali yata kung mamimikot na lang ako dahil walang halong black magic at pwede pang madaan sa dasal-dasal.
Gusto ko rin namang may kaunting pagsisikap bago ko tuluyang masilo si Rusca at kung papalarin ay tuluyan ko itong mapaibig. Kumpyansa akong doon talaga ang punta namin dahil sadyang kaibig-ibig naman talaga ako.
"Anong oras ang lunch break ninyo mamaya?"
"Bakit? Ililibre mo kami ng lunch?" mabilis kong tanong.
Kung ganito ba palagi itong future bayaw ko ay mas maigi! Iyong pambili ko ng lunch ay iipunin ko pambili ng bulaklak sa susunod kong pag-akyat ng ligaw dahil nahahalata na ng kapitbahay namin na ako iyong nangunguha ng mga bulaklak ng gumamela nila.
"Lucring, nakakahiya," mahinang saway sa'kin ni Menggay.
"Ano ka ba? Hindi ka aasenso kung paiiralin mo iyang hiya-hiya mo," pangaral ko rito bago muling bumaling kay Migoh na naaaliw na nakamasid sa'min. "Ililibre mo kami ng lunch?" pag-uulit ko sa naunang tanong.
"Paano ka magugustuhan ni Rusca niyan kung panay ka palibre?" nakataas ang kilay niyang tanong.
"Anong konek?" paingos kong tugon. "Hindi naman kailangan ay magustuhan niya agad ako... mangyari man iyon o hindi, ako pa rin ang end game niya," liyad ang dibdib kong pagbibida.
"Excuse me?"
Napalingon ako sa mataray na nagsalita na nakatayo sa gilid ng mesa namin. Nakatingin sa'kin ang isang pamilyar na mukha ng babae kaya ako yata ang kinakausap nito.
"Dadaan ka?" inosente kong tanong at lumingon-lingon pa sa paligid at baka kasi nakaharang ako sa daraanan nito . "Dumaan ka lang."
Malaki naman iyong espasyo sa gilid ng kinaroroonan namin at ng kabilang table kaya libre siyang makakadaan kahit mag- cartwheel pa siya or gumulong-gulong.
Maganda sana pero mukhang mahina sa ulo!
"Narinig kitang binanggit ang pangalang Rusca," matalim nitong sabi. "Are you referring to Rusca Carson?"
Pinaraanan ko muna siya ng tingin mula sa rebonded niyang buhok papunta sa branded niyang mga kasuotan. Pamilyar talaga eh!
"Ay! Kilala kita!" bigla kong bulalas. "Hindi ba ay ikaw iyong Miss University na napabalitang naghahabol kay Rusca?"
Tumalim bigla ang pagkakatingin nito sa'kin at namula ang mukha sa galit. Hindi pala bagay sa kanya iyong kulay pula... nagmumukha siyang kamatis na nabugbog.
"Maganda ka pala talaga sa malapitan," puri ko sa kanya. "Sayang nga lang at hindi ikaw ang gusto ni Rusca. Mga katulad ko kasi ang type niya."
"You ugly b***h?!" patili nitong bulalas.
"Hoy! Maka-ugly ka sa'kin wagas!" napatayo kong sagot.
Naramdaman ko ang paghawak ni Menggay sa braso ko. Balak siguro nitong awatin ako pero hindi ko mapapalampas na tawagin akong pangit.
Matatanggap ko pa iyong b***h pero iyong pangit ay never! Over my dead skin cells!
"Pangit ka naman talaga!" mapanlait nitong sabi at nakakakinsulto pa akong pinasadahan ng mapanglait na tingin.
"Pangit daw ako oh!" nanlaki ang butas ng ilong na baling ko kay Tokning. "Para na rin niyang sinabing pangit ka rin."
Malakas na suminghap si Tokning at kunwari napahawak pa sa tapat ng kanyang dibdib. Maarte itong tumayo namaywang na hinarap ang mapanlait na babae.
"Kung hindi ka rin naman tanga, pangit na nga sinabi mo pa! Huwag puro ganda, isip-isip din minsan!" palabang pahayag ni Tokning.
Hindi ko masabi kung kinakampihan ba ako ni Tokning o nilalait niya rin ako. Kung kinagat na lang sana niya itong babae ay matutuwa pa ako! Anong silbi ng malalaki niyang ngipin?
Akmang sasagot pa sana iyong babae pero pinutol ito nang may kalakasang pag-usad ng kinauupuan ni Migoh. Sinadya niyang iniatras ang kinauupuan pero nanatiling nakaupo.
Nabaling doon ang atensiyon ng babae at bahagyang umamao ang mukha nito nang makilala si Migoh.
Ang gaga mukhang hindi yata agad napansing kasama namin si Migoh.
Lakas talaga ng dating ko, natatabunan ko ang isang Migoh Carson!
"That's enough, Madelle... stop insulting my friends," walang kangiti-ngiting pahayag ni Migoh.
Malamig ang mga matang nakatingin ito roon sa babae.
Nakaka-touch talaga itong si Migoh, tinuring kaming friends niya at pinagtatanggol pa niya.
"You're friends with them?" maang na tanong ni Madelle.
Bakit sa paraan nang pagkakatanong nito ay parang imposible ang bagay na iyon? Hindi ba nito pansin na magka-level lang ang appeal namin ni Migoh?
"Yes," matigas na sagot ni Migoh. Kakitaan ng pagbabanta ang mukha niya habang hindi nilulubayan ng tingin si Madelle.
Hindi makapaniwalang lumipat sa'kin ang tingin ni Madelle kaya mayabang ko itong nginitian.
"Friends for now... more than friends later," nang-iinggit kong sabi. "Excuse us, nagkakape kami... nakakaisturbo ka na."
Nag-flip hair pa ako kahit buhaghag ang kulot kong buhok bago umupo pabalik at maarteng ininom ang lumamig ko ng kape.
"Migoh, gusto ko palang kumain ng manok na pinalaki sa stress-free environment bago pinrito kaya doon tayo magla-lunch mamaya... libre mo." Pa-cute kong kinindatan si Migoh sabay dila sa direksiyon ni Madelle para lalo itong inisin.
Mamatay ito sa inggit basta ako ay kakain ng fried chicken mamayang lunch!
Maganda lang naman itong si Madelle pero ako iyong pinagpala kaya wala pa rin siyang panama sa'kin!
Nag-high five kami ni Tokning nang magmartsa paalis si Madelle at hindi natiis ang pang-iinis ko.
Gano'n talaga eh, naiinis sa mas maganda pa sa kanila iyong magaganda!
"Malapit na ang oras ng first subject natin," singit na anunsiyo ni Menggay.
Nang sulyapan ko ang suot na relos ay 10 minutes na lang bago ang time.
Agad akong tumayo at inayos ang mga gamit.
"Migoh, eleven-thirty ang lunch break namin... kita tayo sa labas ng BSIT building," saad ko bago inubos ang malamig kong kape.
Nakahalukipkip lang si Migoh na pinanood ako sa ginagawa ko. Hindi ito kumilos sa kinauupuan... siguro ay wala pa itong pasok nang ganito kaaga.
"Huwag mong kalimutan... eleven -thirty sa harap ng building ko," bilin ko sa kanya.
Nginitian niya lang ako at tinanguan. Hindi ko na hinintay ang sagot niya at mabilis na akong humakbang palabas ng coffee shop.
"Menggay! Tokning! Bilisan ni'yo na! Ang bagal!" tawag ko sa mga kaibigan nang mapansing hindi pa sila nakasunod sakin at kinakausap pa nila si Migoh.
Naiinip ko silang hinintay sa exit ng shop habang panay ang silip ko sa oras.
"Nagpasalamat at nagpaalam pa kami roon sa tao dahil ang kapal ng mukha mong hindi ginawa iyon," nandidilat na sabi ni Tokning nang makalapit silang dalawa ni Menggay sa'kin.
Tinapunan ko ng tingin ang pinag-iwanan namin kay Migoh at sinalubong ako ng pagkaway niya na ginantihan ko rin.
Tumigil lang ako nang tuluyan kaming makalabas ng coffee shop at papatawid na kami sa kalsada.
"Matic na iyon!" baling ko sa mga kaibigan habang sabay-sabay na kaming tumawid papunta sa entrance ng paaralan.
"Ikaw na talaga!" iiling-iling na saad ni Tokning.
Hindi na ako magtataka kung bigla na lang matatanggal ang nito sa kakailing.
"Bilib ka na sa'kin niyan?" nakangisi kong tanong .
"Medyo... bilib ako sa kakapalan ng mukha mo!"
Kahit kailan talaga ay kontrabida itong si Tokning sa buhay ko!
Pero di bale na basta excited ako mamayang lunch kaya palalampasin ko muna siya!