"Wala akong masabi," awang ang bibig na bulalas ni Tokning matapos ko ikwento sa kanila ni Menggay ang pagpunta ko kahapon sa bahay nina Rusca.
"Ewan ko kung dapat ba kitang hangaan o dapat ba akong mabahala sa'yong babae ka!"
"Wala ka talagang kabilib-bilib sa'kin," naiiling kong pahayag.
Nakakasakit ng damdamin ang kawalan nito ng tiwala sa kakayahan ko! Kaibigan ko pa naman ito.
"Wala talaga!" pairap niyang tugon.
"Ako, Lucring, bilib ako sa'yo!" nagtaas ng kamay na sabat ni Menggay.
Nakalarawan sa inosente nitong mukha ang pagkamangha dahil sa kwento ko.
Matamis ko itong nginitian at bahagya pang ginulo ang buhok nito.
"Salamat, Menggay. Kapag magiging Mrs. Carson na ako ay irereto rin kita roon sa ibang Carson," nangingislap ang mga matang sabi.
Nanlaki ang mga mata ni Menggay at bigla ay kakitaan nang pagkabalisa ang mukha nito.
"H-huwag na lang, Lucring," tanggi nito sabay ayos ng suot na salamin.
"Tama... huwag mo nang idamay sa ilusyon mo si Menggay," singit ni Tokning.
"Manahimik ka nga!" Nandidilat ko itong pinamaywangan. "Kontrabida ka talaga sa pag-angat ng buhay ko."
"At ikaaangat pa talaga ng buhay mo ang pagliban sa klase para lang lumandi," sarkastiko nitong tugon.
"Oo naman noh!" nakasisiguro kong sagot. "Kung para sa future itong pagpapakahirap para makapagtapos ng pag-aaral ay para din sa future ang ginawa kong iyon! Magiging future misis ako ni Rusca! Itaga mo iyan diyan sa dalawang ngipin mong nangunguna sa pila!"
"Huwag mo ngang idadamay ang ngipin ko dahil hindi ko naman pinakialaman ang buhok mong hindi ko mawari kung kulot ba o lukot na katulad ng utak na meron ka."
"Aray ha!" madrama kong bulalas at napahawak pa sa buhok ko. "Ang sakit mo magsalita... pero mas masakit ka siguro mangagat. Laki ng ngipin mo eh!"
Sa sinabi ko ay si Tokning naman ang madramang napahawak sa sariling dibdib na para bang meron siya niyon.
Sabay kaming nag-irapan.
"Tumigil na kayo," pananaway sa'min ni Menggay. "Baka kung saan pa mapunta iyang asaran ninyo."
"Hindi ako iyong nang-una," paingos kong sabi.
"Pinapayuhan lang kita," nandidilat na sagot ni Tokning.
"Suportahan mo na lang ako... huwag ka nang magpayo dahil buo na ang pasya ko," matatag kong pahayag.
"Ewan ko sa'yo," sumusukong pahayag ni Tokning. "Malaki ka na... nagagawa mo na ngang paasahin sarili mo eh kaya makakaya mo na ring siraing mag-isa iyang buhay mo."
"Hi."
Nabitin ang akma kong pagsagot sana kay Tokning at sabay-sabay kaming napabaling sa bagong dating bumati sa'min.
Tall, dark, and handsome... at hindi nakatira sa puno ng Acacia na nasa likuran namin ang bumungad sa'min dahil nakasuot ito uniform ng school, so estudyante at hindi kapre.
"Good morning, pogi."
Napamaang ako kay Tokning dahil biglang sweet ang boses nito gayong kani-kanina lang ay binubugahan ako ng apoy at nilait-lait pa buhok ko!
Hindi pala loyal sa BSIT boylet niya ang gagang ito!
Manganganib na naman yata ang panabong ng tatay nito!
"Magtatanong sana ako kung nasaan iyong papuntang cafeteria. Transferee student kasi ako rito at medyo hindi ko pa gamay iyong pasikot-sikot sa buong school."
Tahimik ko lang itong pinagmamasdan habang pasimpleng pinag-aaralan ang ayos nito.
Ipinapaubaya ko na kay Tokning iyong pagsagot sa katanungan nito dahil halata namang willing to entertain itong kaibigan ko.
Hindi naman ito iyong unang beses na may nagtanong sa'min ng direksiyon at lahat ng mga iyon ay hindi ko gusto iyong totoong intensiyon. Iyong pinakahuli ay ayon nabigyan ng manok na panabong!
"Gusto mo samahan ka na namin?" presenta ni Menggay.
Bigla akong napapreno sa pagkilatis sa hitsura ng bagong dating at hindi makapaniwalang napatingin sa kaibigan kong nagsalita.
Hindi kapani-paniwala na ang tahimik at mahiyaing si Menggay ay naunahan si Tokning na siyang pinaka-outgoing sa aming magkakaibigan sa pag-eestima sa isang bagong salta na estudyante .
Nang sulyapan ko si Tokning ay katulad ko rin itong nababaghan sa inakto nitong kaibigan namin.
Nang magtagpo ang mga mata namin ay iisa lang ang tumatakbo sa utak naming dalawa. Sa pagkakataong ito ay mukhang iyong mga alagang tilapia ng tatay ni Menggay ang magsasakripisyo!
"Ako pala si Geof, business administration iyong course ko."
Sabay na nabaling ulit ang atensiyon namin ni Tokning sa nagpakilalang bagong dating.
"Ako naman si Merlene Gail—"
"Menggay for short," mabilis kong putol sa pagpapakilala ng kaibigan dito.
Kapag ba gwapo ay Merlene Gail agad iyong pakilala? Ayaw niya sa Menggay , ganern?
Inunahan ko na rin si Menggay sa pagtanggap sa nakalahad na kamay ng lalaki.
"Lucring nga pala," seryoso kong pakilala at sinadyang magmukhang nakakaintimida sa paningin nito.
Wala sa hitsura at pormahang pang-f**k boy nito ang basta-basta na lang lumapit sa'min kaya may naaamoy akong malansa.
Hindi lang naman kami iyong mga estudyante na nasa paligid pero sa amin pa talaga ito lumapit at nagtanong gayong hindi naman kami mukhang naglalakad na mapa ng paaralan.
Wala akong tiwala sa hitsura nitong Geof na ito kaya gusto kong proteksiyunan itong kaibigan kong ngayon lang yata nilapitan ng gwapo kaya nagmamarupok.
Ayaw kong isipin ng lalaking ito na dahil ganito ang hitsura namin ay madali lang niya kaming madadala sa patanong-tanong niya ng direksiyon. Hindi siya Carson kaya hindi niya ako madadala sa gandang lalaki niya.
"Hindi ka ba na-orient no'ng unang pasok mo rito?" Pinahalata ko sa tono ng boses ko iyong pagdududang meron ako.
"Nalito ako sa mga palatandaan—"
"Pero hindi ka nalito sa gusto mong pagtanungan?" nakataas ang kilay kong tanong.
"Lucring..." mahinang saway sa'kin ni Menggay.
"May problema ba rito?"
Sapat na ang eksaheradang singhap mula kay Tokning upang makumpirma kong tama ang una kong hula na boses ni Migoh ang narinig kong nagtatanong mula sa'king likuran.
Gano'n pa man ay hindi ko hinihiwalay ang tingin kay Geof.
Hindi nakaligtas sa'kin ang maliit na ngiting gumuhit sa gilid ng labi nito bago muling bumalik sa pagiging pormal ang mukha.
"Nagtatanong lang ako ng direksiyon papuntang cafeteria," baling nito sa bagong dating na si Migoh.
"Bakit parang tensyunado ka?" pabulong na tanong sa'kin ni Migoh mula sa likuran ko sa halip na bigyang pansin ang sumagot sa tanong niya.
Hindi ko alam kung ano iyong una kung pupunain ang pagpatong ng dalawa niyang kamay sa balikat ko o ang mabango niyang amoy na nalalanghap ko dahil sa lapit naming dalawa?
Bakit may pabulong-bulong pa kasi siya? Hindi ko tuloy maintindihan iyong tanong!
Nasa harapan ko si Tokning at Menggay kaya kitang-kita ko ang pag-awang ng mga bibig nila dahil sa ginawa ni Migoh.
Feeling close kasi itong future bayaw ko!
"Mamaya mo na ako kausapin, nade-destruct ako sa'yo," pabulong ko rin siyang sinagot.
Bahagya siyang nakayuko sa'kin kaya nang ibaling ko ang mukha ko upang makaganti ng bulong ay lalo ko siyang naaamoy.
Ang aga-aga pero iyong hininga yata ni Migoh ang naaamoy kong mabango. Ang sarap siguro niyang katabi dahil tiyak na fresh air ang unang bubungad pagkagising mo!
"Nasa likurang bahagi ng BSHM department iyong cafeteria," pormal na kausap ni Migoh kay Geof.
Habang kinakausap niya ang huli ay hindi pa rin niya binago ang posisyon nang pagkakayuko sa'kin habang nakapatong ang dalawang kamay sa magkabilaan kong balikat.
"Well, thank you," nakangiting pasasalamat ni Geof kay Migoh. "See you around, Lucring."
Ako lang ba o pasimple akong nginisihan nito bago ito tuluyang umalis?
Hindi alam ang cafeteria pero alam kung nasaan ang BSHM department? Ako alam ko kung nasaan ang cafeteria pero hindi ko alam kung nasaan iyong BSHM department.
"Hindi talaga maganda ang kutob ko sa isang iyon," wala sa sarili kong bulalas habang sinusundan ng tingin ang papalayo nitong bulto.
"M-mukha namang mabait iyong tao," pagtatanggol dito ni Menggay.
"Hindi ibig sabihin na may hitsura ay mabait na," nandidilat kong sabi rito. "Napansin kita kanina habang kinakausap ang Geof na iyon! Huwag kang tumulad kay Tokning na madaling nagpapadala basta gwapo!"
"Nakakahiya ka," nandidilat na saway sa'kin ni Tokning.
"Totoo naman ah!" mataray kong sabi.
Makahulugan lang ako nitong pinandilatan ulit sabay pasimpleng nguso sa likuran ko.
Tsaka ko lang naalala ang presensya ni Migoh.
Paano ko ba siya nakalimutan gayong ramdam ko pa rin ang nakapatong niyang mga kamay sa balikat ko?
"Bayaw," nakangisi ko siyang nilingon at kinindatan pa. "Anong sa'tin?"
Iningusan niya ako bago tuluyang binawi ang pagkakahawak sa'kin.
"Basted ka ni Rusca kaya huwag mo akong mabayaw-bayaw," saad niya sabay pitik ng noo ko.
Napahawak ako sa bahaging pinitik niya. Aaray sana ako pero naalala kong matigas ang ulo ko kaya no effect ang mahina niyang pitik.
Nagpapansing tikhim mula kay Tokning ang narinig ko kaya nakangisi akong humarap dito.
"Tokning, ito pala si Migoh... future bayaw ko," may pagyayabang kong pakilala kay Migoh dito.
Gusto kong isungalngal kay Tokning na umuusad na nag plano ko kaya huwag niya akong ismolin!
"Hindi mo nga ako ba—"
Mabilis kong tinakpan ang bibig ni Rusca upang hindi sirain ang moment ko.
"Quite ka lang," matamis ang ngiting utos ko sa kanya. "Ipapakilala lang kita sa mga kaibigan ko kaya ngiti mo lang ang kailangan ko."
Nang matantiyang susunod siya sa gusto ko ay inalis ko na iyong kamay kong pinantakip sa bibig niya at magaang tinapik ang makinis niyang pisngi... good boy eh!
"Bayaw..." Diniinan ko pa ang pagkakabigkas ng tawag ko sa kanya upang malinaw niyang maintindihan na hindi siya dapat kumontra. "Ito pala ang mga kaibigan ko, si Tokning at si Menggay."
Isang mahinang tawa ang narinig ko mula sa kanya na pilit niyang pinipigilan nang nagtataka akong napatitig sa kanyang mukha.
"Anong nakakatawa?" kunot-noo kong tanong.
"Nothing!" mabilis niyang sagot at may kasama pang iling.
Lalo tuloy akong nagduda. Iyong nothing basta masyadong mabilis ay tiyak may something!
"Hello po, Kuya Migoh," panabay na bati ng dalawa kong kaibigan sa kanya.
"Hi, it's nice meeting you two," magiliw na tugon ni Migoh sa kanila.
Halatang kinikilig si Tokning at maging si Menggay ay hindi naitatago ang pamumula ng pisngi kahit malaki iyong suot na salamin.
"Ang ganda ng mga pangalan ninyong tatlo," bulong sa'kin ni Migoh.
Nang mapatingin ako sa mukha niya ay tsaka ko lang lubusang naintindihan kung bakit nagpipigil siya nang tawa.
Ang gago, pinagtatawanan pa yata ang mga pangalan namin ng mga kaibigan ko!