chapter 1(Lucring)
"Sigurado ka ba rito sa binabalak mo Lucring?" kabadong tanong ng kaibigan kong si Menggay sa'kin.
"Of course! Ilang minuto ko ring pinag-iisipan 'to at never pang-"
"-Nagtagumpay ang alinman sa mga kalokohan mo," sansala ni Tokning sa pagyayabang ko.
Nakasimangot ko itong hinarap at kulang na lang ay kagatin ko siya sa ilong sa lapit ng bibig ko sa mukha niya.
Pareho kaming nakasuot ng salamin sa mata kaya pakapalan ng lens ang labanan namin.
"Noon iyon... ibahin mo ito ngayon," puno nang kumpyansa kong pahayag.
"Magkaibigan na tayong tatlo simula no'ng pinaglihi ka sa sama ng loob ng nanay mo-"
"At ikaw sa tandang panabong ng tatay mo," maagap kong dugtong.
"A-ako?" nauutal na tanong ni Menggay nang sabay na tumuon sa kanya ang makahulugan naming tingin ni Tokning.
Pareho naming hinintay na idagdag niya iyong tungkol sa pinaglihian sa kanya ng nanay niya dahil hindi naman pwedeng kami lang ni Tokning iyong dehado sa lagay na 'to!
"Ah, a-ako sa tilapia... t-tama... Sa tilapia ako pinaglihi," kandautal niyang wika sabay ayos ng suot na salamin sa mata.
Pareho kaming tatlong magkakaibigan na medyo malabo iyong mga mata kaya nakasalamin.
Pero hindi lahat ng mga nakasalamin ay matatalino at mahihilig magbasa dahil sa aming tatlo ay espesyal ako.
HorrorScope lang binabasa ko at sadyang malabo lang talaga ang paningin ko at hindi ako kasing talino nitong dalawa kong kaibigan.
Matapos ma-satisfied sa sinabi ni Menggay ay muling bumalik kami ni Tokning sa tagisan ng tingin.
"Bubwit ka pa lang na parang lagalag na dalag ay kilala na kita kaya duda akong magtatagumpay itong binabalak mo," mapanlait na pahayag ni Tokning.
Madrama akong napasapo sa tapat ng dibdib kong non-existent katulad ng filter ng bunganga nitong kaibigang kaharap ko.
"Isda ang dalag kaya huwag mo silang ikumpara ng bubwit," may kadiinan kong paglilinaw.
Para akong kamag-anak ng dalag na handa silang ipagtanggol sa anumang panghahamak mula sa kaharap ko.
"Ikaw ang common denominator ng dalawang lahing iyon!" pairap nitong sagot.
"Bawal umirap ang mga 'di kagandahan," namaywang kong sabi.
Inikutan lang ako nito ng mga mata bago muling nagsalita,
"Eighteen na tayo, Lucring... pwede na tayong makulong."
"Bakit ka umabot sa kulong-kulong? Wala naman tayong gagawing krimen ah!" Maang akong napatitig sa nakausli niyang dalawang ngipin.
Siya talaga itong mukhang bubwit!
"Si Rusca Carson ang sangkot sa iniisip mong kalokohan! Isang Carson iyon, mahabaging langit!" namomroblemang pahayag ni Tokning. "Bakla lang ako Lucring pero hindi ako delusional na katulad mo na iniisip na kakayanin mong pikutin ang isang Rusca Carson!" nanggagalaiti pa nitong dagdag.
"Sige... pakilakasan pa iyong boses mo kasi hindi pa yata naririnig sa buong university," mataray kong sabi. "Ang hirap sa'yo ay wala kang kabilib-bilib sa'kin eh!"
Nakukunsuming napapadyak na lang si Tokning at halatang gusto akong sabunutan dahil sa gigil.
"B-baka nga ipakulong tayo ng mga Carson," takot na sabat ni Menggay.
Sinamaan ko ng tingin si Tokning bago bumaling kay Menggay.
Sa aming magkakaibigan ay ito iyong pinakamahina ang loob at ginagatungan pa nitong isa.
"Hindi naman gano'n ang mga Carson. Mababait sila... Natandaan mo iyong isang Carson na pinakasalan ang katulong nila?" paalala ko kay Menggay upang mapanatag ang kalooban nito.
"Maganda iyong katulong," paingos na pakikisabat ni Tokning.
"Isang hirit mo pa talaga at isusumbong na kita sa tatay mo na baklita ka," pananakot ko rito.
"Alam na ni Tatay," nakairap niyang sabi.
"Pero hindi niya alam na iyong isa niyang panabong ay iniregalo mo roon sa gwapong taga-IT Department."
"Oh my gosh! Paano mo nalaman?" natitilihan nitong tanong.
Halatang natakot dahil hanggang ngayon ay pinapahulaan pa rin ng tatay nito roon sa pekeng manghuhula kung sino ang nagnakaw ng panabong nito para sa darating na fiesta sa karatig bayan.
"IT ako, remember?" nang-uuyam kong tugon. "Naturingang matalino pero nagpapaloko roon sa 'di naman kagwapuhang nilalang. Doon ka kasi magpaloko sa mga kalahi ng Carson para sulit iyong sakit kung sakali."
"I know my worth. Kahit mag-moon walk ako habang tuma-tumbling ay hindi ako pagkainteresan ng kahit na bulag na Carson."
"W-walang bulag na Carson," singit ni Menggay.
"Paano ka pag-intersesan ng bulag kung 'di ka nakikita, nakakabobo talaga ang pag-ibig na pinipilit," pasaring kong wika.
"Ay, nagsalita ang may balak na mamikot ng lalaki," 'di nagpapatalo nitong tugon.
"At least mamikot ng gwapo, hindi roon sa mukhang patay na kuko," mataray kong sabi at may pataas-taas pa ng kilay.
"Tapos ay kinaganda mo na ba iyan?" Inismiran ako ni Tokning at ginaya pa ang pagtaas ng kilay ko.
"Maganda naman talaga ako," nag-flip hair kong pahayag.
Bahagya kong itinaas ang noo at parang Binibining Baranggay na itinodo ang mapustorang pagtayo.
Nang-uuyam na pumalakpak si Tokning na mabilis ding ginaya ni Menggay na duda ako kung may ideya ba ito na nang-aasar lang itong baklita naming kaibigan.
Medyo slow kasi itong si Menggay sa mga ganito... kinain na kasi ng encyclopedia ang utak nito kaya ayan... minsan wala na sa huwisyo!
"Gaano ba kalabo ang mga mata mo at hindi mo nakikita sa salaming halos magkakamukha tayong tatlo-"
"Hindi ah!" mabilis na reklamo ni Menggay na agad ding nagtakip ng bibig nang sibatin ng natalim na tingin ni Tokning.
"Hindi usli ngipin ko," lukot ang mukha kong tugon.
"H-hindi rin kulot ang buhok ko," dagdag ni Menggay.
Wala sa sariling napahawak ako sa buhaghag kong buhok na parang fresh pancit na hindi presko.
"Pero suma total ay hindi tayo kagaya nila."
Napasunod ang tingin namin ni Menggay sa mga tinutukoy ni Tokning.
Isang grupo ng mga senior students mula sa Business Ad Department ang nasa hindi kalayuan mula sa'min.
Laging kasa-kasama ni Rusca ang mga ito. Mga kaibigan din ito ng kapatid ni Rusca na si Migoh.
Totoo nga ang sabi ni Tokning, hindi kami katulad ng sopistikadang mga babae na isang tingin pa lang ay mapapa-second look ka talaga sa kagandahan at ka-sexy-hang taglay.
Sila ang grupo ng mga sikat na estudyante ng university... palibhasa kasali sa grupo nila ang dalawang magkapatid na Carson.
Maswerte ako dahil naabutan ko pa talaga ang mga Carson na nag-aaral dito. Ilang orasyon din at mga anting-anting ang bitbit ko no'ng mag-entrance exam ako sa paaralang ito.
Graduating na si Migoh sa nursing habang kumukuha naman ng master's degree si Rusca sa business.
Mukhang itinadhana talaga kami ni Rusca dahil pwede naman siyang sa ibang bansa kumuha ng master's degree pero pinili niya pa rin dito.
Kaya ang daming nagkakasakit na studyante tuwing nasa school infirmary si Migoh Carson dahil lahat inaatake ng sakit sa kalandian.
Parehong gwapo ang magkapatid at sa totoo niyan ay isa ako sa mga laging nasa infirmary noon at nakipagsikohan sa mga nagkakasakit doon na talo pa pila para sa ayuda dahil sa rami.
Talagang bago mo masilayan iyong gwapong nursing student na nasa loob ay makatotohanan na ang nararamdaman mong panghihina dahil sa kakatayo sa pila pero worth it din naman.
Nawala lang iyong feelings ko kay Migoh, 5 seconds after pumasok si Rusca na pawisan at dumudugo iyong kilay.
Bigla ay timigil ang mundo ko at sumentro sa masungit na mukha ni Rusca habang nilalapatan ito ng paunang lunas ng ex-crush kong nursing student na future bayaw ko na yata dahil gusto ko ang kuya niya.
Aksidente palang nasiko habang naglalaro ng basketball itong si Rusca kaya pumutok ang kilay at dumugo pero ang gwapo pa ring tingnan.
Humulma lahat eh, bakat na bakat iyong mga muscle niya sa braso.
Pati iyong sa baba... ay agaw pansin ang matikas nitong binti.
Nang sumulyap si Rusca sa direksiyon ko at bahagyang ngumiti ay bigla siyang naging akin kaya ngayon ay kinukutsaba ko nga itong mga kaibigan ko sa gagawin kong pamimikot pero panay kontra nitong isa eh!
Hindi naman puspusang pikutan agad ang mangyayari! Dahan-dahanin lang naman namin, from basic muna kami... masyadong advance 'tong si Tokning eh!
Kulong agad? Ano iyon? Speed masyado... 'di pa nga ako natikman ay makukulong na agad!
Sayang naman ang kagandahan ko kung hindi malawayan ni Rusca, gamot pa naman ako sa rabies 100 million years ago!
Pero nakakapanghina talaga ng loob ang tanawing nasa harapan ko ngayon. Ang sakit sa mata ng mga magagandang dilag para sa isang katulad kong masarap na dalag!
Kailan kaya kukunin ng aliens lahat ng mga magaganda- ooops! Huwag na lang pala at baka madamay pa ako.
Pang-out of this world pa naman itong karikitan ko kaya tiyak ito iyong tipo ng taga ibang planeta.
"Hindi ka nga siguro kilala ni Rusca, eh. Mahaba ang pila, Lucring... tiyak matatapakan ka."
"Paano ako matatapakan? Hindi ako gagapang!" Namaywang pa ako sa harapan ng nega kong kaibigan.
Confident with a heart yata ako! To be followed na iyong gandang pangmalakasan... late bloomer kasi ako!
"Kilala mo si Madelle?" tanong sa'kin ni Tokning.
"Iyong Miss University? Ano namang kinalaman niya rito? Wala akong balak na agawin sa kanya ang korona-"
"Gaga! Rumored ex-girlfriend iyon ni Rusca!"
Napamaang ako saglit sa sinabi ni Tokning.
"Anong problema roon?" kunot-noo kong tanong. "Nakikinig ka sa chismis... tapos kung totoo ay ex na iyon! Past is past ika nga, ako iyong future niya, heller!"
Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ni Madelle sa usapan naming plano kong pamimikot kay Rusca.
"Gano'ng ganda ang dapat mong tapatan upang mapansin ng isang Rusca," nandidilat na saad ni Tokning.
Napakamot ako sa ulo habang nahulog sa malalim na pag-iisip... mga dalawang talampakan iyong lalim.
"Maputi lang naman iyon na parang white lady at matangkad na parang basketball player... maganda na ba iyon?"
"Ewan ko sayo!" iritang hiyaw ni Tokning.
Naaaliw kong pinagmasdan ang eksaherada nitong reaksiyon.
"Tokning, malapit na ang oras ng klase natin," mahinhing singit ni Menggay.
"Huwag kang gumawa ng kalokohan," nandidilat na babala sa'kin ni Tokning.
Maarte nitong sinukbit ang dalang bag bago pairap akong tinalikuran.
"Halika na, Menggay! Hayaan mong malinawan ang utak niyang kaibigan mo," naglalakad nitong tawag kay Menggay.
"Lucring, mauuna na kami. Makabubuti siguro kung makinig ka muna ngayon kay Tokning kasi baka mapapahamak ka sa gagawin mo."
Matamis ang ngiting inayos ko ang suot na salamin ni Menggay. Napaka-sweet talaga nitong kaibigan. Hindi katulad no'ng isa na ngayon ay masamang nakatingin sa direksiyon ko habang hinihintay si Menggay.
"Huwag mo akong alalahanin. Dapat mong alalahanin ay iyong si Tokning at baka aatakehin dahil sa konsumisyon, ang bata-bata pa."
Mahinang humagikhik si Menggay bago patakbong nilapitan ang naghihintay na si Tokning.
Pinanood ko muna silang naglakad papunta sa building nila bago ko tinapunan ng tingin ang grupo ng mga senior student.
Talaga bang mahirap iyong gagawin ko? Mamimikot lang naman ako... wala naman akong balak saktan! Gaano ba kahirap iyon?