"Sorry po, Kuya. Akala ko po kasi talaga ay magigising na si Ate Ashlene.” Sobrang lungkot ng tinig ni Marjorie. Nahihiya kasi siya sa abalang nagawa niya sa amo na lalaki.
Isang tapik naman sa balikat ang itinugon ni Jonathan a dalagang nurse saka nginitian.
Sa isang tawag lang sa kanya ni Marjorie kanina ay dali-dali niyang iniwanan ang birthday party ng kaibigan niyang si Gomer. Wala nang mas hahalaga pa para sa kanya kundi ang asawa niya. Iiwan niya ang lahat para kay Ashlene, pero nakakalungkot lamang dahil nadatnan pa rin niyang tulog ito.
“Sana nagising na lang po siya,” nanlulumo na saad ni Marjorie.
Nasa isang tabi sila ng silid at nakatayo habang pinagmamasdan nila ang ginagawang pagtse-check kay Ashlene ng doktor. Saka lang sila lumapit nang makita nilang inalis na ang stethoscope nito sa tainga.
“Doc, what happened? Bakit gumalaw na ang daliri ng asawa ko pero tulog pa rin naman siya? Hindi ba dapat ay magigising na siya?” tanong agad ni Jonathan.
“She’s fine. ‘Yong nakita niyo na paggalaw niya kanina ay normal lang iyon sa isang pasyenteng comatose. It means her body is still responding, and it is a good sign. So, wala tayong dapat ipag-alala. Sa ngayon ay hintayin pa rin natin kung kailan siya magigising. Let’s not lose hope. Babalik siya. Magtiwala lang tayo,” paliwanag ng doktor.
Nagkatinginan sina Jonathan at Marjorie. Kapwa sila nakahinga nang maluwang.
“I have to go, Mr. Villasera. Just call me again when needed.”
“Thanks, Doc.”
Ngumiti ang doktor at umalis na.
“Buti na lang at okay lang si Ate Ashlene, Kuya. Kinabahan talaga ako kanina nang hindi naman po siya nagmumulat ng mga mata,” nakangiti na na saad ni Marjorie nang sila na lamang.
“Magpasalamat pa rin tayo sa Diyos dahil kahit paano ay nagpakita na ng sign ang Ate Ashlene mo na isang araw ay gigising ulit siya.” Nakangiti na masuyong hinaplos-haplos ni Jonathan ang noo ng kabiyak. Mas nabuhay ang pag-asa niyang babalikan siya ni Ashlene at muli silang magsasama na masaya.
“I will wait for you, Ashlene. Nandito lamang ako. I love you so much, Hon,” pagkuwan ay madamdamin niyang usal para sa asawa. Hinalikan niya nang may buong pagmamahal ang likod ng palad ng asawa.
*******
"Babalik pa kaya siya?” nakakaramdam na ng inip na tanong ni JL kay Flower. Magdadalawang oras na kasi mula nagpaalam sa kanila si Jonathan na uuwi dahil may emergency raw sa bahay nila. But hell, wala pa rin ito.
“Sorry, Sis, but I don’t know,” walang anuman na sagot ni Flower. Sinasabayan ng ulo nito ang indak ng musikang maharot.
“Kainis!” ngitngit ni JL. Itinungga niya ang alak, sagad. Inis na inis siya dahil kung kailan nagsisimula na silang mag-usap ni Jonathan ay saka pa nagka-emergency.
“Chill. Hindi pa naman end of the world na bukas para mainis ka ng ganyan. Marami pang araw na puwede mong makausap si Jonathan kaya relax lang. I-enjoy na lang natin ang party. Come on, let’s dance?”
“Ayoko na. Nawalan na ako ng gana,” matabang niyang pagtanggi. Iniiwas niya ang kamay nang hihilain dapat ni Flower.
“Ay, bahala ka. Basta ako mag-i-enjoy.” Inirapan siya ng kaibigan bago tinungo ang dance floor.
Naiiling na lang si JL habang nakasunod ang tingin sa kaibigan na susuray-suray nang maglakad. Saka naisuklay niya ang isang palad sa buhok niya. Badtrip talaga siya. Sana mamatay na lang kung sino man ‘yung ang tumawag kay Jonathan kanina. Buwisit siya, eh!