“Buti nakarating ka, Sis.”
Nagbeso-beso sila ni Flower nang magkita sila sa venue.
“Ako pa ba?” nakangiting nagyayabang na sagot ni JL pagkuwa’y inilibot niyo ang tingin sa paligid ng resto bar.
Patay-sindi ang iba’t ibang kulay ng lugar at madami-dami na ang nagkakasiyahan. At dahil malakas ang tugtog ay nagsisigawan na sila ni Flower para magkarinigan.
“Mukhang ang saya, ah?”
“Oo naman. Saka madaming guwapo kaya sure akong mag-i-enjoy ka, Sis,” proud na ani Flower. Kumuha ito ng isang wine glass nang may dumaan na isang waiter sa banda nila at iniabot iyon sa kanya. “At saka sosyal dito hindi tulad sa trabaho natin doon sa Hong Kong. Puros matitino ang mga tao rito. Lahat professional. Tayo lang ang hindi. Buti na lang hindi halata.”
Ngumiti siya kay Flower. Ang gaga talaga.
“Eh, nasaan na ang boyfriend mo na birthday celebrant? Ipakilala mo na siya sa ‘kin para naman maagaw ko na siya sa ‘yo?” biro niya pagkatapos niyang sumimsim sa mamahaling wine.
“Subukan mo lang nang ipapakulam kita. Paluluwagin ko ulit iyang pinasikip mong ano mo,” biro rin sa kanya ng kaibigan.
Malutong silang nagtawanan. Nag-apiran din.
“So, kamusta naman ang inaakala ng lahat na dakilang domestic helper sa abroad?” tanong ni Flower nang makakuha sila ng table na solo nila. Iyong nakatayo lang sila. Crowded na ang bar kaya mahirap na maghanap ng sariling lugar. Maliban kasi sa bisita ay madami ring walk in customer ang resto bar.
“Gaga ka. Bunganga mo pigilan mo’t baka may makarinig,” saway niya sa kaibigan.
Si Flower lang ang tanging nakakaalam ng kanyang sekreto; ang sekreto na hindi talaga domestic helper ang trabaho niya sa Hong Kong. Sapagkat ang totoo ay entertainer siya ng isang bar doon.
Noong una ay naging domestic helper naman talaga siya pero nahirapan siya. Kaya nang sumunod na contract niya ay entertainer na ang in-apply-an niya. Pinalabas lang niya na domestic helper pa rin siya sa nanay at sa kapatid niya para payagan siya noon na muling mag-abroad.
Sa trabahong iyon sila muling nagkita ni Flower dahil ito mismo ang nag-recruit sa kanya. Nakilala lamang nito si Gomer kaya hindi na bumalik pa sa Hong Kong.
“Wala ka man lang bang nasilo roon na rich na foreigner?”
Umiling siya. “Ayaw kong ibigay ang puso ko sa kanila. Sapat nang natitikman nila ang katawan ko. Huwag na nilang pasukin ang buhay ko?”
“Ay, taray! Pang matalino ang sagot,” biro sa kanya ni Flower. Itinulak pa siya nito sa braso.
Natawa naman siya.
“Nasaan na nga siya? Excited na akong makilala ang boylet mo. Kikilatisin ko kung guwapo nga tulad nang ipinagmamayabang mo sa ‘kin,” pag-iiba niya sa usapan. Ayaw na ayaw niya kasi na pinag-uusapan ang masalimuot niyang buhay sa Hong Kong. Boring ‘yun.
Iginala naman ni Flower ang tingin sa paligid. “Wait. Nandito lang ‘yun kanina, eh.” At mas lumuwang na nga ang pagkakangiti nito nang makita na nito ang business tycoon na nobyo. “Ayun pala siya.”
“Saan do’n?” Halos magkandahaba-haba naman ang leeg ni JL sa pagtanaw sa mga nag-uumpukan at nagkakatuwaang mga kalalakihan.
“Ay naku, halika na nga lang. Lumapit tayo sa kanila.” Hinila siya ni Flower.
Nagkukulitan sila na magkaibigan na palapit sa nobyo raw nito. In fairness, guwapo si Gomer. Hindi pa man ay naiinggit na siya kay Flower.
Hanggang sa napakislot siya nang may mahagip siya sa isa sa mga kasama ni Gomer. Namilog ang kanyang mga mata at umuwang ang kanyang mga labi. Rumegidon din sa kaba ang kanyang didbib.
Is this real? Siya ba ang nakikita ko? sa loob-loob niya. Ang lalaking inaasam niyang makitang muli kasi ang natatanaw niya.
“Bakit?” pansin sa kanya ni Flower.
Hindi siya sumagot, sa halip ay nakatuon pa rin ang tingin niya sa lalaking iyon. Sa lalaking nakakalaglag panty at bra sa kaguwapuhan.
Shit, ang guwapo niya talaga! sa loob-loob niya ulit. Ngiting-ngiti kasi ang lalaki na nakikipagkuwentuhan kina Gomer kaya mas lumulutang pa ang kakisigan nito.
Sinundan ni Flower ang tinitingnan ni JL at pilyang napangiti nang makita kung sino iyon. Si Jonathan Villasera na naman pala.
Hindi na nagtaka si Flower dahil lahat naman ng kababaihang bisita ng nobyo nito ay napapalingon talaga sa napakaguwapong si Mr. Jonathan Villasera. Siya man noon ay nabatombalani rin sa mala-artistang kaguwapuhan ni Jonathan. Pero syempre kay Gomer pa rin siya dahil guwapo rin naman ang boyfriend niya at rich din naman.
“Baka mapigtas ang T-back mo. Hawakan mo, Sis,” tukso na ni Flower sa kaibigan na may kasamang bahagya na siko sa tagiliran.
“Huh?!” Animo’y nagising naman si JL mula sa ilang sandali na pagkakaidlip. Hindi niya namalayan na natulala na pala siya.
“Sabi ko ang T-back mo nalaglag na sa sahig,” pilyang bulong pa ni Flower sa kanya.
Nabahalang napatingin nga si JL sa paanan niya pero wala naman. “Gaga ka talaga!” Natatawang pinagkukurot niya ito.
Tawa nang tawa si Flower na umiwas-iwas.
“Jonathan Villasera ang kanyang pangalan. Ang pinakaguwapong kaibigan ng boyfriend ko,” mayamaya ay seryosong imporma sa kanya ni Flower nang tumigil sila sa harutan.
Ayown! Naalala na niya. Tama. Jonathan nga pala ang sinabi noon ng lalaki na pangalan nito.
“Parang walang asawa, ano?” sabi pa ni Flower.
Nagpakusot iyon sa maganda niyang mukha. Para iyong pasabog sa kanyang pandinig. “Anong sabi mo, Sis?”
“Kako ay parang wala siyang asawa. Daig pa niya mga binata.”
Muntik-muntikan na niyang hindi gustuhin na huminga dahil sa nalaman. She became visibly pale.
“Kakakasal lang daw niyan, eh. Wala pang isang taon daw pero hindi ko pa nakikita ang asawa niya. Basta maganda at mabait daw sabi ni Gomer.”
Ang kasiyahan ni JL ay napalitan ng matinding kalungkutan sa nalaman niyang impormasyon tungkol kay Jonathan. Buong akala niya kasi ay binata ito. Wala naman kasi sa hitsura nito na pamilyado na ito.
Kunsabagay, sa guwapong lalaki nga naman ni Jonathan ay imposible na hindi nga ito itatali agad ng kung sinumang babae.
“Ayan na. Dadalawa na lang sila ni Gomer. Halika ipapakilala kita sa kanila.” Muli ay hinila siya ni Flower.
Nagpatianod ulit siya sa kaibigan kahit na ang pakiramdam niya ay parang nalulusaw na ang puso niya. Nawalan siya ng gana pero hindi naman nabawasan ang paghanga niya para kay Jonathan.
“Hi,” magiliw at pa-cute na papansin ni Flower sa dalawang lalaki.
Agad humalik si Gomer kay Flower. “Do you need something, Sweetheart?”
“Wala, Sweetheart. Gusto ko lang ipakilala sa ‘yo ang kaibigan ko,” ani Flower sa nobyo. “JL, this is Gomer. Gomer this is JL. Siya ang sinasabi ko sa ‘yo na kaibigan ko.”
“Nice to meet you, JL.” Gentleman na inilahad ni Gomer ang kamay.
“Like wise. Ingat ka r’yan sa kaibigan ko,” biro naman ni JL bago niya tinanggap ang pakikipagkamay ng lalaki. Nag-shake hands silang dalawa habang nakangiti sa isa’t isa. May kinakausap pa si Jonathan kaya hindi pa siya nakikita o napapansin.
“Hi, Jonathan,” bati agad ni Flower kay Jonathan nang matapos makipag-usap ang huli.
Ngumiti naman si Jonathan. Kilala na niya noon pa si Flower pero hindi sila gano’n ka close ng nobya ng kasosyoso niya sa negosyo kaya madalas ay ngumingiti lang siya rito.
Hanggang sa napansin ni Jonathan ang kasamang babae ni Flower. Nakangiti ito sa kanya. Saglit lang ay lumaki ang mga mata niya nang makilala na niya ito. Kung hindi siya nagkakamali ay siya ang babaeng bumangga sa kanya sa ospital noon.
“Hi, Jonathan,” bati na sa kanya ng babae.
“You are the woman from the hospital who bumped into me, aren’t you?” bago ang lahat ay naninigurong tanong niya muna.
Kiming tumango ang babae sa kanya.
“Kilala mo siya? Kilala mo na ang aking napakaganda na kaibigan, Jonathan?” nagtakang usisa ni Flower.
“Yeah. Minsan na kaming nagkasalubong. I mean nagkabanggaan kami noon sa isang ospital,” nakangiting tugon ni Jonathan.
Pasimpleng kinurot ni Flower ang puwitan ni JL. Sinabing, “Ikaw, ha? Kilala mo na pala. Bruha ka.”
Inirapan naman ito ni JL.
“Nice to see you again, —?” Inilahad ni Jonathan ang kamay sa harap ng dalaga pero nakalimutan niya ang pangalan nito. Inalala niya muna.
“JL. Ako naman si JL Arizala,” pakilala ulit ni JL sa sarili nang mapansin niya iyon sabay abot sa kamay ni Jonathan.
“Nice meeting you again, JL.”
“Same here, Jonathan. And I’m so glad you still remember me.”
“Of course.” Mas naging matamis ang ngiti sa kanya ni Jonathan. It was the sweetest smile she had ever seen. Ayiee!
*******
Samantala, sa bahay naman nina Jonathan ay anong gitla ni Marjorie dahil biglang gumalaw ang isang daliri ni Ashlene. Kitang-kita niya.
“Ate Ashlene, naririnig mo ba ako?” hindi makapaniwala niyang sambit. Magigising na yata ang kanyang pasyente.