#BYAHBook2_InHisArms
EPISODE 6
“DADDY!!!” malakas at masayang sigaw ni Yohan na nagtatatakbo palapit kay Howard. Naiwan na nga nito ang kanyang mommy Gale na napapangiti at napapailing na lamang na nakatingin sa anak habang naglalakad rin ito palapit sa amin. May dala itong body bag kung saan doon yata nakalagay ang mga gamit nilang mag-ina. Nasa departure area kami ngayon ng airport ng Davao.
Masaya ring sinalubong ni Howard si Yohan. Nang magkalapit ang dalawa ay kaagad na nagyakapan ang mga ito ng sobrang higpit. Halata mo sa kanila ang pananabik at excitement na makita ang isa’t-isa.
Napapangiti na lamang ako. Ngayon ko na lamang muli nakita si Howard na ganyan kasaya. ‘Yung tipong abot-tenga ang ngiti nito at makikita mo sa pares ng mga mata nito ang sobrang kasiyahan. Iba talaga ang naibibigay na ligaya ng isang anak.
“Parang sampung taon kayong hindi nagkita huh… Eh halos gabi-gabi na nga lang kayo nasa skype at magkausap…” sabi ni Gale na nakalapit na rin sa amin.
Napatingin sa kanya si Howard. Napangiti.
“Iba pa rin kasi ‘yung personal na nakita at nayakap mo iyong taong mahal mo… iyong walang computer monitor na pumapagitna sa inyong dalawa...” nakangiting sabi ni Howard.
“Sus…” nasabi na lamang ni Gale. Nilapitan ako nito at tumabi sa tinatayuan ko. “Oh… Kumusta ang first few months ng pagiging Mr. Vergara mo? Ayos ba?” mahina ang boses na tanong sa akin ni Gale.
Napatingin ako sa kanya. Tipid na napangiti. “Ayos lang naman, masaya...” kasinungalingan kong sagot.
“Weh?” parang hindi naniniwalang sabi ni Gale. “Parang hindi naman eh… Tignan mo ‘yang ngiti mo, tipid na tipid…” sabi pa nito.
“Eh ano bang gusto mong ngiti? Iyong abot hanggang langit?” pabiro kong tanong sa kanya.
Tinaasan ako nito ng kilay. “Ewan ko sayo…” natatawang sabi nito.
“Grabe anak… Ilang buwan pa lang ang nakakalipas mula ng huli tayong magkita pero kaagad ka ng lumaki at tumangkad pa…” sabi ni Howard sa anak na ngayon ay buhat-buhat niya kahit na medyo nabibigatan na siya rito. Iyon kasi ang napansin niya sa anak.
“Siyempre Daddy… Sabi ni Mommy, big boy na raw ako…” sabi ni Yohan sa kanyang daddy. Naririnig lang naming dalawa ni Gale ang usapan ng mag-ama na ikinakangiti na lamang naming dalawa.
“Oo nga pala Khiro… Mukhang namayat ka huh… Ginugutom ka ba ng asawa mo?” tanong ni Gale sa akin.
“Huh? Pati ba naman ang pamamayat ko napansin mo?” tanong ko.
“Natural… may mga mata ako na magaling pumansin sa mga bagay-bagay na nakikita nito…” sabi ni Gale.
“Eh di ikaw na ang may matang ganyan…” natatawa kong biro sa kanya. Natawa rin siya.
“Ikaw talaga… pero ito seryoso… para ka ngang namayat…” sabi muli ni Gale.
“Actually, nagda-diet ako...” pagsisinungaling ko. Totoo naman kasi ang sinasabi ni Gale, medyo namayat nga ang katawan ko pero hindi dahil sa nagdyedyeta ako kundi dahil minsan, hindi na lamang ako kumakain kasi wala akong gana lalo na’t kasama ko pa si Howard na walang ginawa kundi ang pasakitan ako.
Tumaas muli ang kilay ni Gale at namaywang pa.
“Nagda-diet ka pa eh ang ganda na nga ng katawan mo…” sabi ni Gale.
“Ganun talaga…” sagot ko na lamang.
- - - - - - - - - - - - - - - --
“Khiro… Paghanda mo nga sila ng makakain… Mukhang nagugutom na eh lalo na itong si Yohan…” utos ni Howard habang nakatingin sa akin. Narito na kami ngayon sa condo naming dalawa kasama ang mag-ina niya. Dito na kami dumiretso after naming manggaling sa airport.
“Daddy naman eh…” batang sabi ni Yohan. Napatingin sa kanya si Howard. Kapwa nakaupo ang dalawa sa sofa habang kami ni Gale ay nakatayo lamang sa hindi kalayuan sa pwesto nila. Nailagay na sa guest room na nasa loob rin ng condo ang mga gamit na dala nila Gale.
“Bakit? Hindi ka pa ba nagugutom?” tanong ni Howard. Umiling si Yohan. Hindi pa kasi yata nga talaga ito nagugutom.
“But you need to eat… Matagal ang biyahe ninyo ni Mommy mo kaya I’m sure na bukod sa pagod kayo… bumaba na rin ang kinain ninyo bago kayo umalis doon…” sabi ni Howard. Napatingin muli ito sa akin. “Sige na… maghanda ka na ng makakain...” utos muli nito.
Napatango na lamang ako.
“Tulungan ko na siyang maghanda…” sabi ni Gale. Napatingin naman sa kanya si Howard. “Huwag na Gale… Alam kong pagod ka rin sa biyahe kaya ang kailangan mong gawin ay maupo na muna at magpahinga… Kaya na ‘yan ni Khiro…” sabi nito.
Biglang napatingin sa akin si Gale. Kakaibang tingin. Parang may gusto itong sabihin dahil sa klase ng tingin nito ngunit hindi masabi ng labi. Nakakahalata na kaya ito?
Muling napatingin si Gale kay Howard. “Tutulungan ko na…” sabi ni Gale at kaagad akong hinawakan nito sa braso at hinila na papuntang kusina. Napasunod na lamang ako.
“May problema ba kayo ni Howard?” tanong sa akin ni Gale na nagpatingin naman sa akin sa kanya. Kasalukuyan naming inihahanda ang pagkain.
Napangiti ako. “Wala naman… Bakit?” tanong ko sabay ngiti pa muli. Mukhang kakailanganin ko ngayon na magpanggap na masaya kaharap sila.
Napailing si Gale. “Wala lang… Ewan ko ba… pero may napapansin kasi akong kakaiba kanina pa lalo na pagdating sa inyong dalawa ni Howard…” sabi nito.
“Lagi ka naman kasing may napapansin...” pabiro kong sabi.
Napangiti na lamang sa akin si Gale at nagpatuloy kami sa paghahanda ng pagkain.
Pamaya-maya ay napatigil ako sa pagtitimpla ng orange juice sa pitsel ng maramdaman ko ang pag-vibrate ng phone ko sa bulsa. Kaagad ko iyong kinuha at tiningnan. Bahagya akong napangiti ng makita ang pangalan ni Kameon na siyang nagtext sa akin.
“Oh? Bakit ka napapangiti diyan?” tanong sa akin ni Gale na nakatingin pala sa akin. Napatingin rin ako sa kanya.
“Ah wala… Wait lang huh… Babasahin ko lang itong text sa akin ng… kaibigan ko...” palusot kong sabi.
“Ok...” sabi na lamang ni Gale.
Bahagya akong lumayo kay Gale. Muli kong tiningnan ang cp ko at binasa na ang text message sa akin Kameon.
“Para tayong araw at buwan… Hindi man nagkakatagpo madalas… pero sa oras na itinakda na tayo’y magtagpo at magsama… walang itong kasingganda…
Hahaha! Ang corny ko noh… Ganun nga talaga siguro… nagiging sobrang corny na ako dahil rin sa sobrang pagmamahal ko sayo… Pero ok lang na maging corny… Dahil kung sa pagiging corny magiging masaya ang puso ko… araw-araw at gabi-gabi na akong magiging corny dahil araw-araw… gabi-gabi ay mahal na mahal kita…
Hay! Namimiss na kita… Parang ang tagal ng nakalipas ‘yung araw na huli nating makita ang isa’t-isa… Sana magkita na muli tayo at magsama…
Mahal na mahal kita Khiro… Mahal na mahal kita…”
Napangiti ako sa nabasa kong text galing sa kanya at the same time, kinilig.
‘Mahal na mahal rin kita… Kameon…’ sabi ko sa aking isipan at napapangiti na parang tanga. Wala na akong pakiealam kung nakikita man ako ngayon ni Gale na hindi naman nalalayo ang kinapepwestuhan sa pwesto ko.
-END OF EPISODE 6-