#BYAHBook2_InHisArms
EPISODE 9
“Bibili ka lang ng asukal bakit ang tagal-tagal mo huh? Kanina pa kami naghihintay…” galit na tanong muli ni Howard sa akin. Hawak pa rin niya ng mahigpit ang braso ko habang hinihila ako papasok ng condo building. Napapasunod na nga lamang ako sa kanya at iniinda ang sakit ng paghawak niya sa akin.
“Ah… Ang h-haba kasi ng pila sa cashier…”
“Nagdadahilan ka pa eh…” sabi kaagad nito.
Hindi ko na talaga maintindihan si Howard. Nagtatanong siya tapos kapag sinagot ko naman saka niya babarahin ang sinabi ko. Hindi siya maniniwala. Kunsabagay, hindi naman kasi totoo ang sinasabi ko kaya pakiramdam niya, niloloko ko siya at hindi siya naniniwala sa sinasabi ko.
Nakarating na kami sa tapat ng elevator. Pagkabukas nun ay kaagad niyang binitawan ang braso ko at tinulak ako papasok roon at sumunod rin siyang pumasok. Muntik na nga akong masubsob dahil sa pagtulak niya.
Dalawa lang kaming nasa loob ngayon ng elevator. Magkalayo ang distansya sa pagitan naming dalawa. Nasa kaliwang bahagi siya habang nasa kanan naman ako. Hindi ako makatingin sa kanya. Siya naman, ramdam na ramdam ko ang tagos sa butong galit na tingin niya.
Lihim na napabuntong-hininga ako. Mabuti na lamang at hindi niya kami nakita ni Kameon. Paano ko nasabing hindi niya nakita? Kasi wala naman siyang nabanggit tungkol roon.
“Sa susunod huh… Bilisan mo ang mga kilos mo… Kung bibili ka sa labas, make sure na bilisan mong makauwi kaagad hindi iyong kung saan-saan ka pa yata pumupunta…” galit na sambit ni Howard.
Hindi na lamang muli ako nagsalita. Puro tango ang naging sagot ko sa mga sinasabi niya. Masasabi kong sa mga pinagsasabi niya ngayon sa akin, wala na talaga siyang tiwala. Kunsabagay, kasalanan ko rin naman kung bakit siya nawalan ng tiwala sa akin.
Hanggang sa muling magbukas na muli ang pintuan ng elevator. Nakarating na kami sa 12th floor kung saan doon ang floor kung saan naroon ang condo unit namin. Naunang lumabas si Howard. Sumunod ako.
Napabuntong-hininga at habang naglalakad patungo sa unit namin, tiningnan ko ang braso kong mahigpit niyang hawak kanina, bakat na bakat roon ang kamay nito na dahilan ng masyadong pamumula nun.
- - - - - - - - -
“Bakit ba kasi ang tagal-tagal mong bumili ng asukal? Tignan mo tuloy ‘yung mukha ni Howard, busangot na busangot…” sabi sa akin ni Gale. Nasa kusina na kami ngayon at tinatapos na ang paghahanda sa pagkain na aming ihahain. Si Howard naman ay bumalik na sa pakikipaglaro sa anak sa living room.
Napatingin naman ako kay Gale. Tipid na napangiti.
“Ang haba kasi ng pila sa cashier kanina kaya natagalan ako…” sabi ko ring dahilan kay Gale.
“Ganun…” sabi ni Gale.
“Oo… Saka kilala mo naman si Howard di ba… Minsan pabago-bago ng mood… Minsan kapag hindi ako nakikita, nagiging aburido… Ewan ko ba doon…” sabi ko. Oo, minsan kasi ganun si Howard, nung hindi pa magulo ang relasyon naming dalawa pero ngayon, masasabi kong kaya ganun siya kasi talagang galit siya sa akin at hindi dahil sa nagbabago ang mood niya o hindi niya ako nakikita.
“Kunsabagay… ganun nga siguro… Mahal ka kasi niya…” sabi ni Gale na pataas-baba-taas-baba pa ng magkabilang kilay at nakangiti.
Tipid na napangiti na lang muli ako. Umiwas ako ng tingin. Ako? Mahal niya? Kung dati baka masasabi ko pa na totoong mahal ako nito pero ngayon? Mukhang malabo.
Napatigil na lamang muli ako sa paghahanda ng mga pagkain ng maramdaman kong nag-vibrate ang cp ko na nasa bulsa. Kaagad ko iyong kinuha at tiningnan at nakita kong tumatawag sa akin si Kameon.
Muli akong napatingin kay Gale.
“Ah… Gale, ikaw na muna ang tumapos nitong hinahanda natin, sagutin ko lang itong kaibigan ko na tumatawag sa akin…” paghingi ko ng permiso kay Gale.
“Ok… Take your time…” sabi ni Gale.
Ningitian ko si Gale bago ako nagpasyang lumabas sa kusina at tumungo sa veranda ng condo unit namin ni Howard. Medyo may kalayuan iyon sa living room kaya sigurado akong walang makakarinig sa usapan namin ni Kameon.
“Hello…” sagot ko sa pagtawag ni Kameon.
“Nakita ko ang ginawa sayo ni Howard kanina… Ok ka lang ba?” tanong nito mula sa kabilang linya. Akala ko tuluyan na siyang nakalayo sa amin iyon pala nakita niya pa pala iyon.
Napabuntong-hininga muna ako bago sumagot. “Oo naman, ok lang ako… Parang iyon lang…” sabi ko.
“Anong parang iyon lang? Sinasaktan ka niya tapos sasabihin mo sa aking parang iyon lang? Alam mo ba na nangangati na kanina ang mga paa ko at gustong-gusto ko na kayong lapitan at nangangati rin ang mga kamao ko para isuntok sa Howard na iyan dahil sa ginagawa sa iyo? Ang pinaka-ayoko pa naman sa lahat ay iyong nakikita ko na may nananakit sayo… Mabuti na nga lang at napigilan ko pa ang sarili ko dahil kundi, baka nasa ospital na ‘yang Howard na iyan…” sabi ni Kameon. Bakas sa boses nito ang galit.
Tipid akong napangiti sa sinabi niya.
“Ikaw talaga… Huwag kang mag-alala, ok lang ako… Saka nagalit lang naman siya sa akin kasi ang tagal-tagal ko raw…”
Napatigil na lamang ako sa pagsasalita dahil sa gulat ng may biglang umagaw ng cellphone ko mula sa akin. Nanlalaki ang mga mata ko ng tingnan kung sino ang taong umagaw na iyon, si Howard na galit na galit ang itsura ng mukha. Nagsimulang dumagundong sa kaba ang dibdib ko.
“Hello…” galit na sambit ni Howard habang nakatapat sa tenga ang cp kong inagaw niya. Huwag kang sasagot Kameon, huwag. Piping dasal ko.
“Oh Howard… Ikaw pala, long time no talk… Kumusta ka na?” may halong pang-asar na sabi ni Kameon mula sa kabilang linya. Alam kong nabosesan na ni Howard si Kameon dahil kilala naman niya ito.
Sandali akong napapikit at ng muli kong imulat ang mga mata ko, nakasalubong nito ang galit na galit na tingin ni Howard sa akin. Iyong tipong parang namumula sa galit hindi lamang ang mga mata nito kundi pati ang buong mukha. Kitang-kita ko rin ang sobrang higpit at nanginginig na pagkakahawak ni Howard sa aking cellphone.
At sa tagpong iyon, hindi lamang sobrang takot ang naramdaman ko… Kundi sobrang pag-aalala hindi lamang para sa akin kundi pati na rin kay Kameon.
-END OF EPISODE 9-