CHAPTER 4
"Ricci, pakiss naman diyan!"
"Di ka pa nga naghihilamos kiss agad? Mamayang hapon na pagdating ko!" nakangiti niyang sagot.
"Babe, pa-hug, pampabwenas!"
Kinasanayan na niya ang mga panghaharot ng mga tambay niyang mga kapitbahay. Ganoon lang sila sa kanya pero harmless naman ang mga ito at nasanay na kasi silang nakipagbarubalan talaga siya.
"E, yung hug ko?" panlalandi ng isa pa.
"Suot mo pa 'yan damit mo kahapon, ulol. Maligo ka muna!"
"Sure ka! Paasa ka rin e! Naluma na nga itong damit ko na ‘to, wala pa ring hug. Bago pa ‘to nang nanghihingi ako ng hug! Ricci, bigyan mo akong anak, please!"
"Magmilyonaryo ka muna o magtrabaho para pag-iisipan ko kuya! Hindi ba kayo nahihiya sa mga asawa ninyo? Umagang umaga ako ang pinagti-tripan ninyo!" Singhal niyang nakangiti.
"Sa akin, binatang-binata ako, puwede ba?" singit ng isang binatilyo.
“Patuli ka muna ‘toy!”
Nagtawanan ang mga kababaihang nagchi-chismisan sa kanto.
"Magsipasok na nga kaya kayo sa trabaho ninyo. Kaya kayo laging nasisante kasi late kayo araw-araw. Ako ang nale-late sa inyo eh!"
"Bye Baby Ricci!"
Napapangiti siya. Kampamte ang loob ng mga kapitbahay nila sa kanya at ganoon rin siya sa kanila. Sila ang mga inaasahan niyang tumitingin-tingin sa Mama niya kapag wala siya. Yung mga biruang iyon, masahod pa minsan kapag nasa mood siya. Pilit lang yung mood niya sa umagang ito dahil sa iniisip niya sa pera. Saan kaya siya hahagilap ngayon? Kung wala siyang maiuuwi hanggang bukas, gutom ang aabutin nilang lahat.
"Sige. Sasabihin ko kay Mommy na magsisimula ka na sa isang araw ha? Ito nga pala yung hinihiram mong limang daan." iyon ang sinabi ni Sackey pagkatapos ng kanilang klase.
"Ang haba na ng listahan ng utang ko sa’yo. Salamat Sack.”
“Huwag kang mag-alala, hindi pa ako naglilista.”
“Bawi na lang ako sa'yo sa assignments mo. Bayaran ko 'tong hiniram ko sa'yo sa susunod na buwan ha?”
"Ilista mo na lang sa tubig tol. Bulong mo sa hangin baka maniwala siya sa'yo." Sabay tawa ni Sackey. Ilang beses na kasi siyang nakautang dito at hindi tinatanggap ang bayad kaya iyon ang dahilan kung bakit nahihiya na sana siyang umulit. Pero wala e. Kailangan dahil magugutom talaga sila kung hindi niya iyon gagawin.
Matalino rin naman si Sackey ngunit tamad lang mag-aral. Siguro dahil may inaasahan siya sa mga mayamang magulang niya. Marami sa mga kaklase niya, may sinasabi sa buhay. Pinalad lang siyang magkaroon ng matalinong utak kaya siya napasama lang sa kanila.
Nag-desisyon siyang pumasok na muna sa library para tapusin ang ilang mga assignments niya at research paper. Kailangan niyang matapos lahat ang mga requirements niya sa school bago siya magsimula sa trabaho nang wala na siyang poproblemahin pa. Gabi na nang matapos niya lahat ng iyon kaya dumiretso na siya sa hintayan niya ng jeep.
Nagsimulang pumatak ang ulan ngunit wala pa ring dumadaang jeep. Punuan na ang mga dumadaan at marami ring katulad niyang naghihintay. Nang mapalingon siya sa kanina pa nakahintong magarang kotse ay agad niyang namataan ang napakaguwapo at mukhang mayamang lalaki.
Napalunok siya.
Hindi niya alam kung bakit biglang bumilis ang t***k ng kaniyang puso. Hindi siya sanay makipagtitigan lalo na sa mga taong alam niyang malayong nakakaangat sa kaniya sa buhay.
Yumuko siya.
Sinikap niyang ibaling sa iba ang kaniyang mga tingin ngunit may kung anong magnetong humihila sa kaniya para muling pasadahan ng tingin ang nakatitig sa kaniyang guwapong lalaki. Dahil nakita niyang nakatitig at nakangiti pa rin ito sa kaniya ay nangatog ang tuhod niya. Mabilis niyang binawi ang tingin saka siya tumalikod.
Napalunok siya.
Bago sa kanya ang ganoon. Marami ang madalas tumititig sa kaniya dahil sa ayon sa kanila, maamo at napakaganda raw niya lalo na kung nakangiti siya at lumalabas ang kaniyang malalalim na dimples. Ngunit iba ang dating ng tingin ng estrangherong iyon sa kaniya. Para talaga siyang kinukuryente.
Dumating ang isang jeep. Inilagay niya sa ulo ang binder panangga sa ambon. Nag-uunahan ang mga pasaherong sumakay at di rin siya nagpahuli ngunit bago siya nakipagsiksikan sa mga sumasakay na pasahero ay nagdesisyon siyang muling mabilisang lingunin ang gwapong estranghero at gantihan din niya ng nakakahumaling niyang ngiti. Lalakasan na lang niya ang loob niyang gawin iyon dahil sasakay naman na siya sa jeep at maaring iyon na ang una at huli nilang pagkikita.
Natigilan siya.
Wala na sa kotse ang pogi.
Kumunot ang noo niya.
Nasaan na siya?
Dahil di na niya mahanap pa ay minabuti niyang ibaling ang atensiyon sa pakikipagsiksikan niya para makasakay. Ngunit biglang tumigil ang inog ng mundo niya. Nasa mismong harap na niya ang kanina lang ay hinahanap niyag lalaki. Nakangiti. Titig na titig sa kaniyang mga mata. Malayong mas guwapo pa ito sa malapitan. Gusto niyang mag-excuse dahil hinaharangan siya sa dadaanan niya ngunit walang kahit anong kataga na namumutawi ng nakabuka na niyang labi.
"Ihatid na kita sa inyo, Miss?" buo ang boses. Lalaking-lalaki.
Gusto niyang tumanggi ngunit wala pa ring lumalabas sa bibig niya.
Lalo lang siyang namula.
Napapitlag siya nang hinawakan siya sa kaniyang braso.
"Huwag ka nang mahiya. Adam nga pala. Just call me Adam." inilahad nito ang kaniyang kamay.
Huminga siya ng malalim. Nababastusan siya sa ginawa ng lalaking iyon na hawakan siya at pasakayin sa kotse nito ng gano’n gano’n na lang. Oo kaya niyang makipagbarubalan sa mga tambay niyang mga kapitbahay ngunit hindi sa mga di niya kakilala.
“Sorry.” binitiwan siya ng nagpakilalang Adam. Ipinaramdam kasi niya na hindi siya komportable sa paghawak-hawak sa kanyang braso.
Kahit mahirap pa siya sa daga, napapansin siya dahil sa angkin niyang kagandahan. Kilala siyang suplada at mataray ngunit bakit sa harap ng estrangherong ito, para siyang basang sisiw? Ni hindi siya nakapagsalita nang hawakan siya nito sa braso.
“I’m Adam and you are?” muling pagpapakilala ng kaharap niya.
"Wala akong…-" kinagat niya ang kaniyang labi. Wala akong pakialam sana ang sasabihin niya ngunit bakit hindi niya kayang isatinig.
Humugot siya muli nang malalim na hininga.
“Pwede bang makilala? Anong pangalan mo, Miss?”
"Ricci. Ricci po." tinanggap niya ang kamay ni Adam.
Ramdam niya ang marahang pagpisil ni Adam sa kaniyang kamay kaya mabilis din niyang hinila ang kaniyang palad. Para siyang tanga na hindi magawang tignan ng diretso ang kaniyang kausap. Bakit gano'n siya? Bakit hindi mapakali ang kaniyang mga mata? Bakit lumalakas ang t***k ng kaniyang puso? Bakit siya natatameme?
Natauhan siya nang nakita niyang paalis na ang jeep. Humakbang siya palayo kay Adam para subukang habulin ang jeep ngunit huli na. Isa pa, nakita niyang puno na din ang jeep nang umalis na ito.
Napailing siya.
Lumingon sa bigla niyang iniwan na kausap. Nakangiti pa rin ito. Hindi alintana ang paglakas ng patak ng ulan. Kabastusan man siguro ang ginawa niyang pag-iwan dito ngunit napakatagal niyang naghintay pero dahil sa pangungulit ng isang ito ay kailangan niyang maghintay pang muli ng susunod na pagdaan ng isang jeep na walang laman. Naglakad siya pabalik sa tinatayuan niya kanina kung saan siya puwedeng sumilong muna. Hindi na niya kayang balikan pa si Adam. Bukod sa ayaw niyang magkasakit dahil sa ulan, nahihiya rin siya rito na hindi niya mawari kung bakit.
Nakita niyang ibinulsa ni Adam ang kaniyang mga kamay sa suot nitong itim na suit. Titig na titig pa rin ito sa kaniya kahit umaagos na ang patak ng ulan sa makinis nitong mukha. Siya naman itong kung saan-saan lumilingon para kunyari ay hindi niya napapansin ang malagkit na tingin ni Adam.
"Ano bang ginagawa ng bastos na’to? Mukha pa namang kagalang-galang. Bakit di na lang lumayo? Wala kang mapapala sa akin. ‘Kala mo kung sinong guwapo," bulong niya sa sarili.
Muli siyang tumalikod at nagkunyariang naiinip sa paghihintay ng masasakyan kaya panay ang tingin niya sa kalsadang puno rin ng dumadaang jeep na iba ang ruta.
"Umalis ka na ba? Bumalik ka na ba sa kotse mo? Nakakainis naman, bakit ka ganyang makatitig? Gusto mo ba ako? Huwag kang umasa, hindi kita papatulan. Mas marami akong dapat pagtuunan ng pansin kaysa sa katulad mo. " Huminga siya nang malalim. Para na siyang tanga. Kinakausap na naman niya ang sarili niya.
"Sige, lilingon ako pero last na 'to. Lingon lang 'to. Walang malisya." Humugot siya muli nang malalim na hininga. "Kung nakatingin ka pa sa akin, ibig sabihin may gusto ka talaga sa akin. Sign na 'yun para sige, pagbigyan kitang kausapin ako."
Ngunit wala na roon ang lalaki.
Nanghinayang siya.
Tumingkayad siya dahil maaring natabunan lang ito ng ibang pasaherong naroon ngunit wala na talaga si Adam. Kumilos ang paa niya. Kailangan niyang silipin ang kotse nito at baka bumalik na ito doon. Kailangan niyang isangga sa ulo ang binder para hindi siya mabasa sa lakas ng patak ng ulan. Kailangan niyang masilip ang kotse nito.
"Ehem! Hinahanap mo ba ako?" boses ni Adam sa kaniyang likod.
Nakasilong na rin pala ito sa waiting shed.
"Ha?" sagot niya. Dinig niya ang sinabing iyon ni Adam ngunit kasama iyon sa pagkagulat niya na nasa tabi niya uli ito ng di niya napapansin.
Dalawang hakbang pa nga lang siya, mukhang natiklo na. Nakangiti siyang bumalik sa tinayuan niya. Pinagpag ang binder dahil sa nabasa ng malakas ng patak ng ulan.
"Hindi ah. Nag-aabang lang ako ng masasakyan. Sinilip ko lang baka may malapit nang dadaan." Nakakainis! Ang tanga lang ng palusot!
"Hinahanap mo ako e. One way 'yan. Walang tangang jeep ang haharang na manggagaling diyan.
"Sabi ko nga." kibit-balikat niyang sagot. “One way nga pala.”
"Ano, payag ka nang ihatid kita sa inyo?"
"Hindi po kita kilala. Malay ko bang masama ka palang tao."
"Sinabi ko na ang pangalan ko, di ba? Ako si Adam, ikaw si Ricci. Magkakilala na tayo. Saka mukha ba akong masamang tao?"
"Hindi naman. Pero hindi na ngayon basehan ang hitsura kung ano ang pagkatao. Isa pa, nakakahiya..."
"Hindi naman pala e. Paanong nakakahiya e ako nga itong nagpupumilit na ihatid ka." Mabilis na sabad ni Adam. Halos maglapat na ang kanilang psingi dahil pabulong iyong sinasabi ni Adam sa kaniya.
Napakamot siya.
"Mahihirapan kang sumakay dahil sa sobrang lakas ng ulan. Mamamaya lang niyan baha na naman. Paniguradong hindi ka makakauwi." Hinubad ni Adam ang kaniyang suit. Puting longsleeve at itim na necktie na lang ang suot nito. Bumakat ang magandang hubog ng katawan ni Adam sa suot niya.
"Tara na. Huwag ka na kasing mahiya." Kinindatan siya ni Adam.
Huminga nang malalim si Ricci. Mukha naman talagang hindi ito masamang tao. Papayag ba siyanng magpahatid na lang sa estrangherong malakas yata ang tama sa kanya at sige, ayaw na niyang magpaka-plastic, siya man ay may naramdaman agad na kakaiba.