“SINO KA?”
Hindi sumagot ang estranghero sa tanong ni Lyn. Nakatitig lang sa kaniya na parang nakakita ng nakakadiring bagay.
Nandidiri siya sa ‘kin. Sigurado siya ‘don kasi pinapasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa at habang tumatagal lalong sumasama ang hitsura nito. Kulang na lang masuka na ewan.
Uminit ang ulo ni Lyn. Bihira siya mawalan ng gana kumain pero ngayon hindi yata niya kayang sikmurain ituloy ang pagkain sa pinya na ilang araw na niyang kinatatakaman kaya bumili siya ngayon. Parang mas gusto niyang ihampas sa pagmumukha ng lalaki ang pinya na hawak niya.
“Sino ka ba? Nakakaloko ka tumingin ah,” buwisit nang sabi niya. Pagod na nga siya sa kalahating araw na pagtitinda ng gulay sa palengke, ito pa ang madadatnan niya.
“Lyn, apo. Huminahon ka. Bisita natin siya.”
Lumampas ang tingin niya sa lalaki nang marinig ang boses ng kanyang Lola.
“Hindi siya masamang tao,” sabi pa ni Lola.
Napansin ni Lyn na parang natigilan ang lalaki kaya napatingala siya ulit sa mukha nito. Hindi na ito mukhang nandidiri. Seryoso na ang mukha pero pinapasadahan pa rin siya ng tingin. Kumunot na ang noo niya at namaywang. Pinasadahan din niya ito ng tingin. Aba, akala ba ng lalaki ito lang ang may karapatang sumuri sa hitsura ng iba? Kaya rin niya, uy!
Tinitigan niya ang mukha nito. Isang tingin pa lang niya kanina alam na ni Lyn na guwapo ang lalaki. Alam din niya na matangkad at malapad ang katawan nito kasi halos sakop ng estranghero ang pinto ng bahay nila. Pero ngayon lang niya narealize na ubod pala ito ng guwapo kahit na mukhang suplado. Maganda ang mga mata kahit na parang ang sama tumingin palagi. Makakapal ang mga pilikmata sa taas at baba. Matangos ang ilong at makurba ang mga labi. Moreno pero halatang hindi dahil babad ito sa araw na katulad niya. Makinis ang kutis ‘e. At ang suot ng lalaki na long-sleeved polo at itim na slacks, parang walang bahid ng alikabok o lukot man lang.
Kahit anong angulo tingnan ni Lyn halatang mayaman ang lalaki. Paano nila ito naging bisita? Wala naman bumibisita sa kanila ng Lola niya mula pa noong bata siya. Maliban na lang nitong nakaraang mga linggo –
Nanlaki ang mga mata niya at naging alerto ang pagkakatayo. “Isa ka rin ba sa mga tauhan ng kompanyang gustong bumili sa lupain namin? Pwes, nagsasayang ka lang ng oras sa pagpunta rito. Hindi namin ibebenta ang lupain namin! Shoo! shoo!” Iwinasiwas pa ni Lyn ang kamay na para bang langaw ang nasa harap niya.
Sumimangot ang lalaki. Naging isang guhit ang makapal na mga kilay sa sobrang pagkakakunot ng noo. Pagkatapos imbes na sagutin siya lumingon ito kay Lola. “Sa tingin ko nasisiraan na kayo ng bait kung akala niyo mapapapayag niyo ako sa gusto niyo. Aalis na ako.”
Humarap ulit kay Lyn ang lalaki. Sandaling nagtama ang kanilang mga paningin. Matapang siya at walang inaatrasan pero parang may bumara sa lalamunan niya ngayong nakatitig siya sa mga mata nito. Akala niya kanina itim ang mga mata ng estranghero pero ngayon niya narealize na mali siya. Sobrang dark lang kaya mukhang itim pero kapag natitigan maigi gray ang kulay ng mga mata nito. Ngayon lang siya nakakita ng ganoon. Nakakamangha. Kahit tuloy puno pa rin ng inis at disgusto ang mga mata nito nawala na ang inis niya para sa lalaki.
Kumurap lang siya nang ang lalaki na ang magbawi ng tingin. Ilang segundo lang naman kung tutuusin ang tinagal ng eye contact nila. Nilampasan na siya ng estranghero at deretsong naglakad palayo sa bahay nila at pababa ng bundok.
Mangha pa rin na napasunod ng tingin si Lyn hanggang sa hindi na niya matanaw ang lalaki. Saka siya lumingon sa Lola niya. “Ano ‘yong sinasabi niya na gusto niyo Lola? Nakikipagnegosasyon ba kayo sa kaniya? Ibebeta niyo ba ang bundok natin?”
“Pumasok ka na rito sa loob bago ka magtanong ng kung anu-ano.”
Pumasok siya sa bahay pero hindi tumigil sa pagsasalita habang kumukuha ng plato sa paminggalan at inilalagay doon ang hawak na pinya. “Lola, huwag kayo papayag ibenta ang bundok. Gusto ko dito.” Kinuha niya ang tabo, sumalok ng tubig sa balde na nakapatong sa tabi ng lababo. Wala silang gripo kasi hindi naman abot sa bahay nila ang linya ng tubig pero may poso sa likod bahay na iniigiban niya. Naghugas siya ng mga kamay. “Ayokong mapunta sa kung sino ang lupain natin at tayuan ng kung ano man ang gusto nilang itayo. Ayokong umalis dito.”
Hindi tuminag mula sa pagkakaupo sa kahoy na silya ang Lola niya. “Lumapit ka nga sa akin apo.”
Napahinto sa pagsasalita si Lyn, napatitig sa matanda saka bumuntong hininga. Lumapit siya at umupo sa katabi nitong silya. Inabot ng kanyang Lola ang mga kamay niya. Ramdam niya ang panginginig ng payat at kulubot nitong mga kamay. Seventy years old na ito at kahit matalas pa rin ang isip, humihina na ang katawan nito. Alam niya iyon kahit pa madalas itinatago ng matanda sa kaniya ang mga iniinda nitong sakit. Kaya nga todo ang pagbebenta niya ng gulay sa palengke para makaipon ng pampacheck up nito sa doktor. Kaso matindi ang pagtanggi ni Lola na lumapit sa doktor. Pero hindi siya susuko. Makakagawa rin siya ng paraan para mapababa ng bundok si Lola at –
“Talaga bang gusto mo lang dito, apo?” tanong ng matanda kaya naputol ang mabilis na takbo ng isip niya. “Ayaw mong umalis?”
“Ayoko po. Dito na ako lumaki at masaya ako na kasama ko kayo rito.” Kinabahan si Lyn. “G-gusto niyo bang ibenta ang bundok? Huwag Lola - ”
“Matanda na ako, Lyn. Paano kapag nawala ako? Mag-isa ka lang maninirahan dito? Ayokong ganoon ang mangyari sa iyo. Ayokong mapag-isa ka. Gusto ko makakilala ka ng taong makakasama mo sa buhay. Gusto ko magkaroon ka ng maayos na buhay kaysa sa nakaya kong ibigay sa iyo mula noong iwan ka sa akin ng nanay mo hanggang ngayon.”
Kinabahan siya. Humigpit ang hawak niya sa mga kamay ng kanyang Lola. “Ano bang sinasabi mo Lola? Nakakatakot ka ha. Huwag kang ganyan parang namamaalam ka na.”
Pinanlakihan siya ng mga mata ni Lola, binawi ang isang kamay at malakas siyang hinampas sa braso. “Aray!” reklamo ni Lyn.
“Loko ka talagang bata ka! Hindi ‘yan ang ibig kong sabihin. Ang gusto ko lang hindi ka makulong sa maliit mong mundo. Makipagkaibigan ka. Humanap ng makakapareha.”
Sumimangot si Lyn. May naramdamang kirot sa dibdib at pait pero hindi pinahalata sa Lola niya. “Sino namang kakaibiganin ko sa lugar natin? Iyong mga kasama ko sa palengke? Iyong mga tao sa bayan? Huwag na lang kung sila rin lang ang magiging kaibigan ko. At ang makakapareha na sinasabi niyo? Naku, Lola hindi bale na lang kung taga rito lang din sa atin. Hindi ko sila type at alam nating pareho na mas lalong hindi nila ako type.”
“Lyn,” pabuntong hiningang sagot ng matanda. “Matagal na nangyari ang dahilan ng ikinagagalit mo sa kanila. Siguradong nakalimutan na nila ‘yon kaya dapat kalimutan mo na rin.”
Itinikom niya ang mga labi para pigilan ang sariling sumagot. Kasi hindi alam ng Lola niya pero ang mga tao sa lugar nila hindi marunong lumimot. Oo hindi na pinag-uusapan kapag nasa malapit siya pero nakikita pa rin ni Lyn sa tingin at pasimpleng sulyap ng mga tao kapag dumadaan siya na walang nakakalimot sa nangyari walong taon ang nakararaan.
Mas lalong hindi niya nakakalimutan ang nangyari. Wala siyang balak lumimot. Mas lalong wala siyang balak magpatawad. Kasi sinira ng mga tao sa lugar nila ang kinabukasan niya.
Hindi nga lang niya sasabihin sa Lola niya ang totoo kasi ayaw niyang mag-alala ito.
Bumitaw si Lyn mula sa pagkakahawak kamay nila ng kanyang Lola at tumayo. “Basta Lola. Ayos na ako na ikaw ang kasama ko. Huwag mo akong intindihin. Teka nga at magsasaing na ako para makakain na tayo ng tanghalian.”
Tumalikod na siya. Nagpaka-abala na siya para matapos na ang usapan. Nang marinig niya ang parang pagod na buntong hininga ng kanyang Lola medyo nakonsiyensiya si Lyn. Bumuntong hininga rin siya. Sorry, Lola.
Naiintindihan niya na gusto nitong may makatuwang siya sa buhay at makapag-asawa balang araw. Kaso malabo mangyari ang gusto nito. Sinong lalaki ang magkakagusto at tatanggap sa isang tulad niya? Hindi sa minamaliit niya ang sarili. Nagsasabi lang ng totoo.
Mula pa noong fifteen years old siya, inalis na ni Lyn sa isip at puso niya ang ambisyong makakahanap siya ng lalaking magmamahal sa kaniya. Ayos lang naman sa kaniya kasi hindi naman siya ang tipong hindi kaya mabuhay ng walang lalaki. Aba, mula pa noong bata siya nakaya nga nilang mag-Lola mamuhay ng silang dalawa lang. Mas kakayanin nila ngayong matanda na siya.
Hindi niya kailangan ng lalaki sa buhay niya.