CHAPTER 1
“MAY gusto akong ipakilala sa ‘yo.”
Umangat ang mga kilay ni Benedict Barcenas at napahinto sa akmang pag-inom sa laman ng basong hawak niya. Tumingin siya kay Trick Alfonso, isang batang negosyante. Sa dami ng naging partnership nila sa mga subdivision at condominium buildings na naitayo ng Barcenas Real Estate, naging magkaibigan na rin sila. Limang taon ang tanda niya kay Trick.
“Kung babae ang ipakikilala mo sa akin, hindi ako interesado. You have no idea kung gaano karaming businessmen na ang lumapit sa akin para ipakilala ang mga anak nilang dalaga.”
Umangat ang gilid ng mga labi ni Trick. “That’s what you get for being the newly appointed president of Barcenas Real Estate.”
Bumuntong hininga si Benedict at iginala ang tingin sa paligid. Nasa party sila na inorganisa para sa kaniya. After seven years na pagiging vice president ng real estate business ng kanyang ama opisyal na nitong inanunsyo ang pagreretiro at ang pagpalit niya rito sa posisyon bilang presidente.
Pagkatapos ng announcement, dinumog siya ng mga negosyante para batiin siya sa kanyang bagong posisyon. At para ireto siya sa kung sino-sinong babae. It seems the old men think that a president of a company must have a wife. Mas respectable daw ang magiging image niya kung isa siyang family man.
“Wala akong balak mag-asawa. Hindi ngayon at kahit sa malayong hinaharap.”
“I know. Pero hindi babae ang ipapakilala ko sa iyo. They are my friends. Though I just met them recently but they are interesting. May project kaming gustong gawin at alam kong ikaw ang makakatulong sa amin. You can even join us if you end up liking their proposal as much as I liked it.”
Na-curious na si Benedict sa sinasabi ni Trick. Inubos niya ang alak sa basong hawak niya at dumeretso ng tayo. “Okay. Ipakilala mo sila sa akin. Nasaan ba sila?”
Umayos rin ng pagkakatayo ang kaibigan niya at parang may tiningnan lampas sa balikat niya. “Here they come.”
Lumingon siya. Nagulat si Benedict nang makita si Matilda St. Clair, isa sa pinakamayamang babae sa Asya. May kasama itong dalawang lalaki.
“Benedict Barcenas, congratulations,” nakangiting sabi ng may-edad na babae nang makalapit, nakalahad ang isang kamay.
Gumanti siya ng propesyunal na ngiti at tinanggap ang pakikipagkamay ni Matilda. “Thank you. At salamat sa pagdalo sa gabing ‘to. I know you must be very busy.”
“Oh, nonsense. Your father is an old friend of mine. And so is Patrick’s grandfather. Hello, there Patrick.”
Lumapit si Trick sa may-edad na babae at hinalikan ito sa pisngi. Nang lumayo, nakangiwi na ang kaibigan niya. “Stop calling me by my whole name, Matilda. You know I don’t like it.”
Tumawa ang matandang babae. “I know. Kaya kita tinatawag sa buo mong pangalan. Or shall I call you junior then?” biro nito. Ngumiwi si Trick. Kapangalan kasi nito ang ama.
“Matilda, may ipapakilala tayo kay Benedict, hindi ba?”
“Oh, yes. Benedict, I would like you to meet, Keith Rivero. He’s a very special friend of mine.” Itinuro ng may-edad na babae ang lalaki sa kaliwa nito. Mahaba ang alon-along buhok ng lalaki na maayos na nakapusod. May malawak na ngiti sa mukha na inilahad nito ang kamay sa kaniya.
“Kamusta?” kaswal na bati pa nito.
Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito kahit pa medyo nagtataka siya kung paano ito naging kaibigan ni Matilda. Hindi naman mukhang negosyante ang lalaki na katulad ng lahat ng tao sa party na ‘yon. Lumawak ang ngisi ni Keith na para bang nakikita sa mga mata niya na nagtataka siya. At na ikinatutuwa nito ang reaksiyon niya.
Sunod na bumaling si Matilda sa mas nakababatang lalaki sa kanan nito. Hindi napigilan ni Benedict ang pagtaas ng mga kilay nang matitigang maigi ang lalaki. Hindi niya ito masyadong napansin kanina kasi iwas ang tingin nito sa kanila pero ngayon nakita na niya ng maigi ang mukha nito.
Hindi siya ang tipong pumapansin sa hitsura ng kapwa niya lalaki. Pero isang pangungusap lang ang sumagi sa isip niya habang nakatingin sa kasama ni Matilda.
He is beautiful.
How can that be possible?
Tumalim ang tingin ng lalaki at mukhang nainis nang mapansin siguro ang pagtitig ni Benedict. “Huwag mo ‘kong tingnan,” gigil na sabi nito.
Lalo lang tumaas ang mga kilay niya. “Why not?”
Mukhang lalo lang nagalit ang lalaki at parang gusto siyang undayan ng suntok. Na-amused si Benedict at napangiti.
Natawa naman si Keith Rivero. “Mahiyain kasi ‘yan,” sabi pa nito.
“Forgive his rudeness, Benedict. He’s just twenty years old, you see. At sa kasamaang palad, wala siyang social skills. Hindi ko pa naituturo sa kaniya,” sabi naman ni Matilda. “He’s my new son. Siya si Maki.”