Six years later…
KAILAN KA BABALIK? Jella and I got back together and we are hosting a dinner party before she goes back to New York.
Nanghihinayang na napatitig lang si Benedict sa natanggap niyang text message mula sa kaibigan niyang si Derek. Ilang linggo na siyang hindi nakakabalik sa Bachelor’s Pad at sa totoo lang kating-kati na siyang umuwi. Gusto na niyang magpahinga sa sarili niyang bahay. Hindi siya komportable na nananatili sa isang hotel room o kahit ano pang matutuluyan na hindi niya pag-aari. Mas lalong hindi siya komportable sa isang Inn kung saan siya tumutuloy sa nakaraang mga linggo. Wala naman kasing ibang malapit na hotel sa lugar kung nasaan siya.
Nasa liblib na bayan sa Rizal si Benedict. Pinuntahan niya ang ekta-ektaryang kabundukan na nabili ng Barcenas Real Estate sa malaking halaga at balak niyang gawing exclusive at high class mountain hotel resort and leisure club. Magaganda ang mga kabundukan doon na siguradong makaka-attract ng hikers. May magagandang falls at ilog na malilinis at maberdeng kapaligiran. Nakikinita na niya na ‘yon ang magiging pinakamalaki niyang proyekto sa buong career niya. It’s going to be his baby.
Isa na lang ang nakaharang para masimulan na ang mga plano niyang development sa malawak na lupaing ‘yon. May isang kabundukan na sakop ng proyekto niya ang pribadong pagmamay-ari ng isang matandang babae na ayaw tanggapin kahit gaano kalaking halaga pa ang ialok nila para bilhin ‘yon. Namana pa raw kasi nito ang bundok sa mga ninuno nito. Sumuko na ang mga tauhan niya kaya nagdesisyon si Benedict na personal nang makipag-usap sa matanda.
Isang maliit na kubo lang ang bahay nito sa tuktok ng bundok at kalahati lang ng pag-aaring lupain ang ginagamit. Tinatamnan ng iba’t ibang uri ng gulay. Sakop din ng lupain ng matanda ang isa sa tatlong waterfalls na balak niyang maging sentro ng atraksiyon ng resort niya. Kaso matigas ang loob ng matandang babae.
Kaya sumubok siya ulit sa araw na ‘yon na kumbinsihin ang matanda na ibenta na sa kaniya ang bundok. “Sabihin niyo sa akin kung ano ang presyo ng lupain. Matanda na kayo. Hindi ba mas maganda kung mananatili kayo sa isang lugar na malapit sa maayos na pasilidad at hindi dito na wala kayong kapitbahay man lang?”
“Bah! Hindi ko kailangan ‘yon. Kung mamamatay ako, mamamatay ako. Hindi ko kailangan ng ospital o kung ano pa.”
Lihim na napabuntong hininga si Benedict at pinatatag ang ekspresyon. “Makukuha ko rin ang lupain na ito sa ayaw ninyo at sa gusto. Marami akong paraan. Nagiging mabait ako sa inyo ngayon kaya tanggapin niyo na.”
Naningkit ang mga mata ng matandang babae. “O siya sige. Ibebenta ko sa iyo ang bundok ko sa halagang nabanggit mo na. Pero may idadagdag akong kondisyon.”
Napaderetso ng upo si Benedict at wala sa loob na inayos ang suot na itim na suit. “Anong kondisyon?”
“Mayroon akong apong babae. Bente tres na siya ngayon. Wala na siyang mga magulang at siya lang ang kasama kong naninirahan sa bahay na ito. Gusto kong pakasalan mo siya. Kapag ginawa mo iyon, ibebenta ko na sa iyo ang bundok ko.”
Natigilan si Benedict, sandaling parang nabingi. “I beg your pardon?”
Umangat ang mga kilay ng matanda. “Hindi kita naiintindihan, hijo. Ipagpaumanhin mo pero hindi ako nakapag-aral.”
Tumikhim siya. “Gusto niyong pakasalan ko ang apo niyo? Biro ba ‘yan? Hamon? O sinasabi niyo ‘yan para sumuko na akong bilhin ang bundok?”
Itinaas nito ang noo. “Bahala ka kung ano ang gusto mong isipin. Pero kung hindi mo pakakasalan ang apo ko humanap ka ng ibang bundok na bibilhin. Kapag namatay ako, sa kaniya mapupunta ang bundok na ito. Wala akong ibang mapapamana sa kaniya maliban sa lupaing ito. Tatak ito ng aming angkan. Hindi ko hahayaang mawala sa kamay ng apo ko ang lupang ito kahit sa pangalan lang.”
Mariing naglapat ang mga labi ni Benedict dahil nakikita niyang hindi papatinag ang matandang babae. But marriage? To someone he doesn’t know? Never.
Then say goodbye to your dream project, old boy, buska ng isang bahagi ng isip niya. Kumuyom ang mga kamao niya. Damn it. “Fine. Pakakasalan ko ang apo niyo.” Saka na niya iisipin kung paano pepekein ang kasal –
“Huwag mo ako tangkain linlangin. Hangga’t nabubuhay ako, hindi mo siya maaaring hiwalayan. Kung hindi’y babawiin ko ang lupain ko. Gagawa tayo ng kasulatan.”
Umiinit na ang ulo ni Benedict. Ang sabi ng matanda hindi ito nakapag-aral pero nakikita niya ang kislap ng karunungan at talas ng pag-iisip sa mga mata nito. Hindi niya basta maiisahan ang matandang babae. “Fine,” pag-sangayon niya ulit. “Gagawa ako ng kasulatan. Magpapakasal kami ng apo mo at –”
“May isa pa akong kondisyon,” putol nito sa sasabihin niya. Hindi pa man alam na ni Benedict na hindi niya magugustuhan ang sasabihin ng matanda. “Hindi niya maaaring malaman ang kasunduan natin. Gusto kong suyuin mo siya at mapapayag na magpakasal sa iyo. Oras na mapapayag mo siya at makita kong ikinasal kayo kahit sa huwes lamang saka ko ibebenta ang lupain ko.”
“Sumosobra na ang gusto niyo!” manghang bulalas ni Benedict. Hindi na napigilan ang magreklamo.
Umismid lang ang matanda. “Kung hindi mo gusto hindi naman kita pipilitin. Umalis ka sa lupain ko.”
Napikon na talaga si Benedict. Inis na napatayo siya. Isa ‘tong kalokohan. Hindi niya kailangan ang bundok na ‘yon para sa mga plano niya. Tumalikod na siya at palabas na ng bahay nang parang kausapin ng matanda ang sarili pero halata namang pinaparinig sa kaniya.
“May ibang kompanya ang gusto bilhin ang bundok ko. Tiyak na papayag ang may-ari sa kondisyon ko. Douglas Real Estate yata ang pangalan ‘non.”
Napahinto si Benedict at manghang napalingon sa matanda. “What?” Isa sa mga matinding karibal niya sa negosyo ang Douglas Real Estate. Kaedad niya si Dave Douglas at mula pa noong nagsisimula siya sa pamamahala ng kompanya palagi na silang nagkakagirian na dalawa. Yes, if it was Dave, he will marry the old woman’s granddaughter just to get this land. Hindi siya papayag.
Nakatayo pa rin siya roon nang may marinig siyang tunog ng papalapit na motor scooter. Kasunod ang masigla at malakas na, “Lola! Nandito na ho ako.”
“Hayan na ang apo ko.” Saka bumukas ang pinto at napalingon si Benedict sa babaeng gulat na napatingala sa kaniya. Pero wala ‘yon sa pagkagulat na naramdaman niya nang matitigan ito.
She was a mess. Maalikabok ang buong katawan, magulo ang buhok, morena at halatang madalas nakabilad sa araw. Kupas sa kalumaan ang suot nitong damit. Tsinelas na malapit na mapudpod ang sapin nito sa mga paa. May hawak na isang buong pinya na wala ng balat ang babae at walang pagdadalawang isip na kumagat ito roon, ngumuya at walang pakielam kahit tumulo na sa baba ang katas ng pinya.
Benedict was mortified. This is the woman he has to marry for the completion of his dream? No way!