Genevieve's POV
"Alam mo na ba ang balita, beshie?" tanong ko kay Tami, ang aking matalik na kaibigan. Sigurado akong magugulat siya kapag nalaman niya kung ano ang nalaman ko.
"Hindi pa, pero kung ikukuwento mo sa akin, syempre malalaman ko." Natawa naman ako sa tinuran ng kaibigan ko. Talagang komedyante itong si Tamiya. Pero ganito talaga kami mag-usap, parang laging naglalaro lang.
"Uuwi na tayo ng Pilipinas sa Biyernes. May ipapakilala daw sa akin si Mommy. Bata pa lang daw ako, nag-usap na sila ng kaibigan niya tungkol dito. Hindi ko alam kung tungkol saan, pero duda ko ay ipapakasal ako sa anak ng kaibigan nila ni Dad. Ganoon naman kasi lagi, hindi ba? Ang mga mayayaman, laging ipinagkakasundo sa anak ng mga kaibigan nila. Hindi man lang nila iniisip ang kaligayahan ng mga anak nila. Ay ewan, naiinis talaga ako! Pero alam mo ba kung ano ang plano ko? Mag-aayos ako katulad noon, 'yung nerd pa tayo tapos nakasalamin ako. 'Yung buhok ko din ay babaguhin ko. Mamaya ay makikita mo ang malaking pagbabago ko, sigurado akong magugulat sila Mommy sa makikita nila sa akin," Nagulat naman si Tami ng marinig ang sinabi ko. Pero mas mukhang interesado siya sa pagpapanggap ko na maging isang nerd.
"OMG, beshie, bet ko 'yan!" Natawa naman ako dahil nag make face pa ito na parang pinapapangit ang kanyang sariling mukha.
"Pwede ba na tayong dalawa? Kasi 'di ba, 'yun ang pagkakakilala ng lahat sa atin sa Pilipinas, lalo na ang kambal na 'yon," dagdag niyang sabi at isang malaking ngiti ang sumilay sa aking labi. Nag-high five kami ng magkasundo kami na pareho kaming magpapanggap na nerd.
Dahil napagkasunduan na namin ang gagawin naming plano, umalis kaming magkaibigan at nagpunta sa mall. Bumili kami ng mga bagong damit na isusuot namin at dadalhin pabalik ng Pilipinas dahil sa pagbabagong gusto naming mangyari. Bumili din kami ng salamin sa mata na gagamitin namin at gel naman para sa buhok. Bumili din kami ng dark brown eyeliner na gagamitin namin para sa pagpapakapal ng kilay namin, marami na ang binili namin para hindi kami maubusan.
Nang makuntento na kami sa mga pinamili namin, umuwi na din agad kami upang masimulan na ang pagbabalik ng nerd na kilala ng lahat. Tignan ko lang kung amo ang sasabihin ng aking mga magulang kapag nakita na nila kami.
Pagkauwi namin, dumiretso agad kami sa aking silid at sinimulan na namin ang pag-aayos bilang mga nerd. Ang tagal din bago kami natapos, syempre kailangan kasi naming siguraduhin na hindi mahahalatang peke lang ang pagiging pangit naming nerd.
"Ayy grabe, beshie! Ang pangit nating dalawa!" Malakas niyang sabi habang nakatitig kami sa salamin. Napatingin kami sa isa't isa at napabunghalit kami ng tawa dahil sa hitsura namin. Tawa kami ng tawa habang pinagmamasdan namin ang aming mga sarili. Pati sa make-up, nagawa naming magpapangit kaya talagang hindi kami makikilala ng kahit na sino. Ang cute pa ng buhok ko, hanggang balikat at makapal. Hindi rin ito mukhang wig, sinigurado namin na magandang klase ng wig ang binili namin.
"Tara, beshie, bumaba tayo at gulatin natin ang mommy at daddy mo. Tignan natin kung makikilala nila tayo." Sabi ni Tami kaya naman napabungisngis kami at sabay kaming lumabas ng aking silid. Lahat ng kasambahay ay gulat na gulat nang makita kami. Lahat ay nakatitig lamang sa amin hanggang sa makarating kami sa silid-tanggapan.
Napatingin sa amin ang aking mga magulang habang ako ay may malaking pagkakangisi. Gusto kong makita kung makikilala ba nila kami.
"Oh my God! Anong nangyari sa inyong dalawa?" Halos lumuwa ang mga mata ng aking mga magulang habang nakatitig sa amin.
Napangiwi ako, kasi akala ko hindi nila kami makikilala dahil sa malaking ipinagbago namin pero nakilala pa rin nila kami. Nakakainis naman! Pero, at least pangit talaga kaming tignan.
"Nakilala ninyo kami? Ay ang daya naman! Akala ko magugulat namin kayo pero hindi yata epektib ang ginawa namin," nakasibangot kong sabi sa kanila. Natawa naman ang aking ina. Pero makikita pa rin sa mukha nila na hindi nila gusto ang nakikita nila sa mukha namin.
"Of course, makikilala namin kayo. Anak kita at kaibigan mo 'yan na halos dito na nakatira, bakit ganyan ang mga hitsura ninyo?" Muli akong sumibangot. Nakakainis, nakilala pa rin nila kami.
Tinanong nila ulit kung bakit ganito daw ang hitsura naming magkaibigan. Ipinaliwanag ko sa kanila na alam kong kaya kami uuwi ay para ipakilala ako sa lalaking naipagkasundo nila sa akin. Gulat na gulat sila at hindi makapaniwala na alam ko ang tungkol dito. Sinabi ko sa kanila na hindi ko naman talaga alam pero dahil matalino ako, alam kong iyon ang dahilan kaya kami uuwi ng Pilipinas. Pero ang nakakainis kasi, kahit anong tanong at pangungulit ko, hindi nila sinabi sa akin kung sino ba talaga ang ipinagkasundo nila sa akin.
"Pero hija, sigurado ka ba na haharap ka sa kanila ng ganyan ang hitsura mo?" Tanong ng aking ama na hindi mapigilan ang hindi matawa. Ngumuso ako sa kanila. Inayos ko pa ang wig na suot ko na tinadtad ko ng hairspray para tumigas.
"Yes, Dad, kasi kung gusto talaga akong pakasalan ng lalaking ipinagkasundo ninyo sa akin, kailangan niyang tanggapin ang hitsura ko. Ito ang kasunduang hinihiling ko kapalit ng pagpayag ko. Kapag isiniwalat ninyo sa kanila na nagpapanggap lang akong nerd, hindi ko pakakasalan kung sino man ang lalaking 'yon," nagkatinginan naman sila. Napabuntong-hininga naman ang aking ama at wala na din silang nagawa kung hindi ang pumayag. Kasi naman, kung hindi sila papayag ay walang kasalang magaganap. Maghanap sila ng ipapakasal sa lalaking 'yon, kung sino man siya. Basta iyan ang gusto kong mangyari at hindi nila 'yan pwedeng sabihin kahit kanino na nagpapanggap lang kaming nerd.
"Pero anak, ang pangit ninyong dalawa." Sabi ng aking ama. Hindi na rin nakatiis at talagang diretsahan na kaming nilait na magkaibigan, sabay tawa ng malakas. Maging si Mommy ay hindi na rin nakatiis at tumawa na rin ito habang nakatingin sa aming dalawa ni Tami.
"Ayos, beshie! Epektib!" Sabi ng kaibigan ko kaya tuwang-tuwa kami dahil ito talaga ang gusto namin, ang mapansin kaming pangit at nerd.
"Simula ngayon, masanay na kayo na laging ganito ang makikita ninyo. Ang maganda ninyong anak at ang maganda kong best friend ay magiging nerd na ulit katulad nuong mga bata pa kami," sabi ko sa mga magulang ko. Naiiling lang sila pero wala naman silang choice. Kung gusto talaga nila akong ipakasal kung kanino man, kailangan nilang tanggapin ang kondisyon ko. Ito lang ang gusto ko, kapalit ang kalayaan ko.
Magsasalita pa sana ako pero bigla kaming napatingin sa pintuan ng marinig namin ang boses ni Kuya Kayden.
"What the hell! Anong nangyari sa inyo?" Gulat na sabi ni Kuya Kayden habang pumapasok siya sa loob ng bahay. Feeling ko ay parang nag-slow motion sa kanya ang lahat habang pinagmamasdan niya kaming magkaibigan. Para siyang namaligno na nakatitig lang sa amin, ganuon ang hitsura niya.
"See?! That's what I was talking about," sabi ni Daddy. Binelatan ko si kuya, gusto kong makita niya na wala akong pakialam kahit pangit ako sa paningin ng lahat.
"Paano 'yan magugustuhan ng lalaking 'yon kung ganyan ang hitsura niyan? Tignan mong mabuti 'yang kapatid mo, ganyan daw ang ihaharap niya sa mga 'yon." Naiiling na sabi ng aking ama.
"What? Alam na niya kung sino ang lalaking pakakasalan niya? Paano niya nalaman?" Nagulat ako sa sinabi ni Kuya Kayden. Ibig ba sabihin nito ay ako lang ang hindi nakakaalam kung sino ang lalaking napili nila na maging asawa ko?
"Kilala mo ba ang lalaking pakakasalan ko daw?" Nakataas ang kilay ko kay kuya. Pero hindi na niya nasagot dahil nilapitan agad siya nila Daddy at pinatahimik. Nakakainis dahil ako lang yata ang hindi nakakaalam kung kanino ako ikakasal. Ang unfair naman nila. Ano 'yon, parang isang surprise birthday party lang? May pa bulaga sila?
"Pero sis, ang hitsura ninyo para kayong mga manika ng mangkukulam, ang papangit ninyo!" Tumatawang sabi ni Kuya Kayden.
"Eh 'di mas okay! Tignan ko lang kung hindi agad umatras kung sino man ang lalaking 'yon!" Sabi ko. Nakatingin lamang sa amin si Kuya Kayden ng hindi tumitigil sa kanyang pagtawa. Kinuha niya ang kanyang telepono at kinuhanan kami ng larawan ng aking kaibigan kaya nag-pose pa kami na ikinatawa nila Mommy at Daddy. Akala naman niya itatago namin ang mga pagmumukha namin. Hindi kaya namin gagawin 'yon. Buti na lang 'yung social media namin ni Tami ay picture naming dalawa nuong fifteen years old pa lang kami at hindi namin ito pinapalitan. Hindi rin kami mahilig mag-post ng aming mga larawan.
Sa totoo lang ay dinadaan ko lang sa tawa ang lahat, pero ang totoo ay hindi ako masaya dahil tama ang hinala ko na ipinagkasundo nga nila ako. Pero tanggap ko naman, wala naman akong kasintahan na maaaring masaktan. Minsan akong nagmahal noon, kay Enzo pero dati 'yon, mga bata pa kami noon. Ang kapatid naman niyang si Ezi ay kinasusuklaman ko ng sagad hanggang buto. Buti na lang talaga at nalayo na ako sa kanila. Napakasama ng ugali ng Ezi na 'yon, at kung may tao man sa mundo na hindi ko hahayaang ikasal sa akin, 'yun ay si Ezi. Akala mo kung sinong gwapo kung makapanglait sa amin noon. Payatot naman at hindi naman kagwapuhan.
"Excited ako, beshie. Gusto kong makita kung ano ang magiging reaksyon ng mga kakilala natin noon na walang tigil na pambubully sa atin. Sa tingin mo ba ay magagawa pa rin nila tayong e-bully katulad ng dati?" Napatingin ako sa kaibigan ko. Napaisip din ako. Ano na kaya ang hitsura ng mga laiterang frog na mga classmates namin dati sa school ng mga Reed?
"Ano na kaya ang hitsura ng mga kambal? Masyadong pribado, kahit mga social media wala sila. Pati sa business world, pangalan lang nila ang nakikita ko pero walang larawan nila. Parang tayo lang, walang mahahanap na larawan natin sa kahit na anong social media or sa business world." Napakibit-balikat lang ako. Hindi ko kasi alam kung ano ang isasagot ko sa kanya. Pero mayamaya lang din ay sumagot ako sa kanya pero halos pabulong lang.
"Baka pumangit na, nakarma na 'yang Ezi na 'yan dahil sa ginawa niyang pambubully sa atin. Hinding-hindi ko makakalimutan ang ginawa niyang pananampal sa akin noon. Hanggang ngayon hindi ko 'yon nakakalimutan," sagot ko. Totoo naman ang sinabi ko. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa niyang pananakit sa akin noon.
"Ah, basta! Bahala na sila sa buhay nila, noh! Pero sino nga kaya ang mapapangasawa mo, noh? Sana gwapo at mabait. Nakaka-excite, gusto ko na tuloy agad makauwi na ng Pilipinas para makilala ko na ang magiging asawa ng best friend ko," sabi niya. Hindi ako kumibo, ako man ay napapaisip kung sino ba talaga ang ipinagkasundo ng mga magulang ko sa akin. Ang sabi nila ay anak ng kaibigan nila, ang dami nilang kaibigan sa Pilipinas kaya kung iisa-isahin ko ay malilito na ako.
"Sa tingin mo may kasintahan na si Enzo?" tanong ng kaibigan ko. Mas lalo akong natahimik nang bumalik sa isipan ko ang seryosong mukha ni Enzo. Sobrang seryoso niya at sa tuwing makikita niya ako ay tahimik lamang ito pero mabait siya, hindi katulad ng kakambal niya. At least si Enzo ay matinong kausap.
"Siguro, sa edad natin ngayon, sigurado akong may kasintahan na siya," pagkasabi ko sa kanya ay naramdaman kong may kalungkutan. Dati ko kasi siyang pinagpapantasyahan at hindi naman 'yon lingid sa kaibigan ko pero hindi naman ako nasasaktan.
"Tinamaan ka doon dati eh! Ngayon ba may pagtingin ka pa rin ba sa kanya?" tanong niya. Nagkibit-balikat lamang ako, hindi ko alam ang isasagot ko sa kanya. Siguro, pero ewan ko din. Hindi naman kasi ako ganoon na kaapektado kung may kasintahan man siya o wala, saka bata pa lang kami noon at maraming maaaring magbago lalo na sa damdamin ng isang tao. Masasabi ko siguro na crush ko nuon si Enzo, or maybe 'yung tinatawag na puppy love. Pero nuong umalis naman ako para dito manirahan sa America, hindi naman ako ganuon kalungkot, kasi iisa lang ang mukha nila ni Ezi, tapos kinabubuwisitan ko pa ang Ezi na 'yon, so hindi talaga ako masyadong apektado.